Quantcast
Channel: Blog, Poetry and Notion
Viewing all 240 articles
Browse latest View live

Ang Pedicab Driver (part 2)

$
0
0


"Napakabihira dumating ng ganitong oportunidad kaya dapat lang na samantalahin ko ito." sabi niya sa sarili.


Pagkababang-pagkababa pa lang ng unang pasahero ni Junjun ay mayroon na agad na tumatawag sa kanyang serbisyo.


"Kuya, pwedeng pakihatid mo ako sa may bandang Intramuros?" sabi ng isang babaeng may kapayatan ngunit maraming dala-dalahing malalaking plastik na supot na halatang paninda sa sari-sari store.


"Medyo malayo po iyon eh saka malalim po ang baha doon", pagtanggi niya sa babae.


"Sige na, kanina pa ako dito eh wala akong makitang tricycle o kuliglig na maghahatid sa'kin. Ang dami ko pa namang mga dala-dala."

"Saka alam ko po mataas ang baha papunta doon mahihirapan po ako wala naman pong motor itong pedicab ko, de-padyak lang ito."alam niya ito dahil minsan na rin siyang nakapaghatid dito nang maulan.
"Sa pagkakaalam ko po bawal na kami sa Intramuros ngayon dahil may mga prangkisa lang po ang mga pumapasada doon."


"Kahit na magbayad ako ng 150 pesos hanggang dun, baka kasi tuluyan nang mabasa itong mga paninda ko mas malaki ang malulugi ko."


Sa narinig na ibabayad ng babae sa kanya naisip niya kaagad na malaking tulong ito sa kanyang pamilya maaga pa'y may pang-boundary na siya at kaunti na lang ay sambot na agad ang maghapong target niya sa pagpasada.
Wala rin siyang nagawa kundi isakay ang babae, tinulungan at iniayos ng mabuti ang mga paninda para hindi ito mabasa bago muling ipinadyak ang kanyang pedicab.


Hindi nga siya nagkamali, kahit saan nga siya lumusot ay puro baha ang kanyang dinadaanan. Hindi madali ang magpedal sa gitna ng baha, ibayong lakas ang kailangan para makausad dahil sa dagdag na pwersa ng tubig na pumipigil sa bawat pag-ikot ng gulong. Ang dating mga hindi binabahang kalsada ay may baha na ngayon kahit ang Plaza Lorenzo Ruiz sa tapat ng Binondo Church ay mataas na rin ang tubig.


Kumanan na siya rito patungong Jones Bridge. Dahil sa kataasan ng tubig na halos aabot na sa kalahati ng gulong ng isang sedan kakaunti lamang ang nakikita niyang mga maliliit na kotse na karamihan naman'y nasa gilid lang, pulos mga AUV at SUV ang matatapang na sinasalubong ang ragasa ng tubig, may mangilan-ngilan din namang pedicab, tricycle at kuliglig pero lubos na kakaunti ito kumpara sa mga bumibyahe tuwing ganitong maulan.

Nasa kalahati pa lang siya ng Jones Bridge ay tanaw na niya ang dilaw na uniporme ng mga traffic enforcer ng MTPB na hindi pangkaraniwan ang bilang.


"Patay, may operasyon yata sila meyor! Sana hindi ako sitahin.", bulong niya sa sarili.


Wala siyang pagpipilian kundi ideretso ang kanyang pedicab, hindi siya pwedeng mag-u-turn dahil baka lalo siyang paghinalaan at habulin ng yellow boys. Patay-malisya siyang gumilid sa isang jeep sa pagbabaka-sakaling hindi siya mapansin ng mga enforcer. Ngunit sa harap mismo ng mga traffic enforcer ay huminto ang jeep na ginawa niyang pananggalang at sa dami ng mga enforcer ay nakita rin siya nito.


"Prrt...pakigild na lang 'yung pedicab mo!"utos ng enforcer kay Junjun habang nakasuksok ang silbato sa bibig nito.
"Ah miss, kung pwede bumaba na lang po muna kayo."patungkol naman ito sa pasahero ng pedicab driver. Walang nagawa ang babae kundi bumaba at maglakad ngunit bago bumaba ay iniabot muna nito ang 150 pesos na bayad kay Junjun.

"Boss, bakit po?"

"Matagal na kayong sinabihan na bawal kayo sa malalaking kalsada pero  matitigas talaga ang ulo niyo, pasensya na pero utos ni meyor na ipa-impound ang mga pedicab at kuliglig na sagabal sa kalye saka isa pa wala naman kayong prangkisa." mahabang paliwanag ng enforcer.


Binigyan muna siya ng tiket at instruction kung saan, magkano at papaano matutubos sa compound ng MTPB ang pedicab na naimpound na pinagkukunan ng kabuhayan ng kanyang pamilya sa araw-araw.


Maluha-luhang minamasdan ni Junjun ang kanyang pedicab habang hinihila ng mga bata ni meyor at isinama sa iba pang mga pedicab na kanilang kinumpiska na nakabalagbag sa harap ng malapit sa opisina ng Immigration. Ngayon niya lang napagtanto na kaya pala kakaunti ang mga pumapasadang tricycle, kuliglig at pedicab dahil may operation pala ang city hall na sitahin at iimpound ang mga katulad nila. Sino ba naman ang mag-aakala na sa ganitong maulan ay matiyagang nag-aabang at manghuhuli ang mga taga MTPB?


Ang kanina lang na kasiyahang kanyang naramdaman ay napalitan ng pagkalungkot at pagkadismaya.
"Bwisit na araw 'to!" aniya pa.


Napaaga ang kanyang uwi, wala pang alas diyes ay pabalik na siya sa kanyang barong-barong. Lulugo-lugong nilalakad ni Junjun ang eskinita na halos walang pinagbago ang senaryo nang kanya itong iwan kaninang maaga pa. Nakatambay pa rin ang kapitbahay na si Bong habang nagyoyosi, masasayang naghaharutan at naglalaro ang mga bata sa kalsada at sa gitna ng baha, mga misis ng tahanan na naghihigikgikan sa maliit na tindahan. Dumaan muna siya kay Aling Salyang upang iabot ang tiket na inisyu ng MTPB at ipaalam na in-impound ng city hall ang pedicab na kanyang ipinasada.


"Eh ano pa nga bang magagawa ko?!? Siguro bumiyahe ka ng papuntang Intramuros, sinabi na kasing bawal kayo dun eh, pa'no 'yan eh 'di gastos na naman 'yan!" paninita ni Aling Salyang.


Hindi na siya kumibo at sumagot sa tinurang 'yon ni Aling Salyang para hindi na humaba ang usapan. Hindi rin niya binigyang pansin ang pagkumusta ni Bong sa kanyang napurnadang biyahe.

"Tara"

$
0
0


Inabutan kita ng 'sandaang piso, ngunit sa halip na bumili ka ng ating makakain, ibinili mo ito ng isang bote ng alak na may kasamang ilang piraso ng tsitsirya at apat na stick ng sigarilyo.
Nakasalampak ka sa malamig na sementadong sahig habang ako'y nakaupo sa bangkitong iniabot mo sa akin.


Banaag pa rin sa tindig at kilos mo ang katalinuhang hinangaan ko sa iyo noong nag-aaral pa tayo sa highschool. Sinindihan mo ang unang yosi at paitaas na ibinuga ang usok nito,  wari’y sinusulit ang pisong halaga sa iyong bawat paghitit at buga. Sinabayan mo ito ng isang buntong hininga na singhaba nang ngiyaw ng isang pusang gutom sa pagkain at kalinga.


Iniabot mo sa akin ang isang baso tila imbitasyon na sabayan kitang uminom.
"Tara!" maiksi ngunit makahulugan mong paanyaya.

Hindi ako tumanggi. Kinuha ko ang baso at sinalinan mo ito ng alak na hindi nalalayo ang kulay sa bakal na puno ng kalawang. Sabay nating nilagok ito. Bagama't naduduwal ako sa tapang ng lasa nito hindi ko ito ipinahalata sa iyo, ayaw ko kasing iparamdam sa iyo na malaki na ang ipinagbago ko simula nang lisanin ko ang probinsya nating ito.


Bilanggo ka pa rin ng karukhaan samantalang ako'y nakahanap na ng susi upang takasan ang kahirapan, hindi ko man nakamit ang lahat ng mga pangarap ko sa buhay masasabing matagumpay na rin ako sa sarili kong kahulugan at pamantayan. Ganunpaman, hindi pa rin nabawasan ang respeto at pagtingin ko sa iyo, ikaw pa rin ang dati kong kaibigang tumulong at gumabay sa akin sa mga panahong nangangamote ako sa ating mga aralin.


Aaminin ko, naninibago ako sa iyo. Hindi ko inasahang aabutan kita sa ganyang kalunos-lunos na kalagayan, ikaw na noo’y puspos ng pangarap – may pangarap na magarang bahay, masayang pamilya at maalwan na buhay.
Bagama't 'di hamak na malayo ang itsura mo sa mga nakikita kong taong-grasa sa Maynila, ngunit sa tingin ko hindi naman nagkakalayo ang inyong kalooban. Kahit hindi mo sabihin batid ko ito. Kahit mayroon kang kakarampot na pinagkakakitaan ngayon bilang taga-saka ng bukid ni Tatang Igme, batid kong hindi madali ang iyong pinagdadaanan, kulang na nga lang siguro ay sisihin mo ang Diyos sa iyong dinaranas na paghihirap.


Inumpisahan mong magkwento. Habang hawak ang baso ng alak sa kanang kamay sa kabila naman’y ang iyong sigarilyo.
Nalaman kong naging guro ka pala ng eskwelahang pinasukan natin noong tayo'y nasa elementarya. Kunsabagay, bata pa lang tayo noon ay ito na ang ambisyon mo - ang maging isang guro. Sa katunayan, ang ating paaralan na nga ang itinuring mong iyong ikalawang tahanan dahil paslit ka pa lang nang ikaw ay maulila sa iyong mga magulang. Tanging ang iyong tiyahin lang ang siyang nagpalaki at nagtiyagang nagpaaral sa iyo.


Matagal bago mo ulit sinundan ng pangungusap ang pauna mong kwento. Inabangan ko ito. Bahagyang nanabik.
Ngunit muli mong kinuha ang iyong baso, sinalinan ng alak. Mabilis mo itong nilagok. Halos pagsabayin mo ang pagtungga, pagnguya ng tsitsirya at pagsubo ng yosi sa iyong bibig. Siguro'y iyon ang paraan mo upang pigilan ang kanina pang nais na kumawalang mga luha, luhang hindi galing sa iyong mga mata kundi galing sa iyong tumatangis na puso.


Binaling ko ang aking mga mata sa apat na sulok ng tinatawag mong tahanan. Pumukaw sa aking pansin ang mga nakasabit na diploma at iba't ibang sertipikong nakakwadro sa isang bahagi ng dingding. Halos katabi nito ang mga medalya at tropeyong may iba’t ibang hugis at laki na tila napabayaan; sama-sama ito sa isang may kahabaang istanteng gawa mula sa kahoy na tulad ng iyong pagkatao - inaagiw.


Bukod sa maliit na mesa at dalawang plastik na silya na marahil ay iyong ginagamit sa tuwing ikaw ay kumakain, makikita rin ang lumang sofa na gula-gulanit, isang sirang durabox na lalagyan ng mga damit. Walang salamin, walang banyo. Kung gaano kahumpak ang iyong mukha ganundin ang laman ng iyong tahanang pawid.


Ayaw kong mag-usisa dahil baka lalo lang magpalala ito sa pakiramdam mong ikaw ay isang api.
Gusto kong malaman ang lahat ng tungkol sa iyo pero nais kong kusang-loob mo itong ilahad sa akin.
Sa tagal ng aking pagkawala tila naliligaw ako sa aking kinalakhan, estranghero ako sa aking dating kaibigan.


Ang sumunod mong paglagok ay nagbigay ng lakas ng loob sa iyo upang ituloy ang paglalahad ng iyong kwento.

Ikatlong taon mo noon bilang guro nang makaalitan mo ang punong-guro ng eskwelahang iyong pinapasukan. Kahit walang malisya ang iyong pag-uusisa tungkol sa kung paano ang sistema ng paggastos ng eskwelahan sa pasahod, pondo at donasyon ng mga mayayamang negosyante at pulitiko ng bayan, minasama niya ito. Simula noon, naging matabang na ang pagtrato niya sa iyo at pati ang halos lahat ng miyembro ng faculty na iyong kinabibilangan.


At isang umaga, nagulat ka na lamang sa paratang ng punong-guro sa pagkawala ng kanyang pitakang may laman na higit daw sa pitong libong piso, na natagpuan sa iyo kasama ng mga blangkong test paper ng iba't ibang mga subjects para sa susunod na periodical exam.


Halos tatlumpung taon na ang lumipas pero hindi mo pa rin ito makalimutan, detalyado mo itong ibinahagi sa akin. Tila naging isang multo sa iyong isipan ang iyong nakaraan na pabalik-balik at paulit-ulit na gumugulo sa iyong kasalukuyan.

“Ang paaralang aking itinuring na ikalawang tahanan – ang siyang nagkanulo at sumira sa aking mga pangarap at ambisyon.” Paulit-ulit mo itong binibigkas.

Hindi ko alam kung pagkaawa o simpatiya ng panghihinayang ang nararamdaman ko para sa iyo habang ako’y nakikinig sa mga kwento mo.


Naaalala ko pa noon kung papaano ka hangaan ng ating mga guro at mga kaklase ang iyong galing at talino sa recitation at sa anumang pagsusulit na binibigay sa atin.


Maraming mga pagkakataon ngang naging tanyag ang ating paaralan dahil sa inihatid mong tagumpay sa mga kompetisyon at patimpalak na iyong sinalihan. Kapalit ng karangalang ito ang pagka-inggit ng ilan nating kaklase at kamag-aral ngunit bilang matalik na kaibigan palagi kitang ipinagtatanggol sa kanila, batid kong hindi iyon lingid sa iyong kaalaman.


Ilang buwan kang hindi nakapasok dahil sa ipinataw na suspensyon sa iyo ng pamunuan ng paaralan. Dinamdam mo ito nang husto ngunit hindi ka basta nagpatalo, sa halip, idinulog mo ito sa opisyal ng Deped ng rehiyon na kalaunan'y nagpalala ng sitwasyon. Nagresulta ito sa tuluyang pagbawi ng iyong lisensya sa pagtuturo ng Komisyon sa Regulasyon ng mga Propesyonal sa rekomendasyon ng Deped.


Tila doon na huminto ang iyong mundo. 
Isinuko mo na ang iyong kinabukasan dahil sa desisyong iyon lalo na nang malaman mong kaanak pala ng punong-guro ang opisyal ng Deped na humawak ng iyong kaso.


Isa pang kwento ang nagpaantig sa akin bago mo nilagok ang huling patak ng alak sa iyong baso, sariling desisyon mong hindi magkaroon ng pamilya sa pangambang hindi mo sila mabigyan ng magandang tahanan at matinong kinabukasan.


Muli akong nanglumo, napailing. Kung may taong dapat na manghinayang sa iyo ngayong kinahitnan ay ako iyon. Kilala kita simula pagkabata, alam kong higit na may talino ka kaysa sa’kin, marami kang nakamit na mga karangalan, may angking galing ka kumpara sa akin, ngunit nasaan ka ngayon? Ang mismong sarili mo’y ‘di mo mahanap at ‘di mo maharap.


Nakapanghihinayang na ang tulad mong may eksepsyonal na kaalaman ay iginupo ng isang pagsubok lamang, nakalulungkot na ang tulad mong may talino at pinag-aralan sa isang iglap lamang ay sumuko at mistulang naging mangmang.
Isa kang taong may karunungan at karangalan ngunit hindi mo natutunan kung papaano bumangon mula sa pagkakadapa.


Ngunit maaring mali ako.
Sino nga naman ako para ikaw ay husgahan?
Sino nga naman ako para ipamukha sa iyo kung ano ang tama?
Kaibigan nga ako pero nasaan ako nang panahong higit mo akong kailangan?


Nilisan ko ang ating lalawigan upang makipagsapalaran sa Maynila at kabilang sa aking iniwan ay ang lahat ng hirap at alaala ng aking kabataan at pagkatapos ng napakahabang tatlumpu't limang taon, ito ako bumibisita, nangungumusta.
Pinilit kita noong sumama ngunit pinili mong magpakupkop at maghanap ng kalinga sa itinuring mong ikalawang tahanan, pinili mong manatili dahil nais mong maglingkod sa pamamagitan ng pagtuturo sa ating kababayan ngunit ikaw pala ang dapat na mag-aral pa tungkol sa tunay na kahulugan ng buhay.


Alam kong mabigat ang iyong dinadala at ayaw ko nang dumagdag pa sa iyong mga suliranin ngunit hindi ko napigilan ang aking sarili na sabihing:
“Hindi sagot ang pagsuko sa isang problema lamang, maaring naging hindi maganda ang karanasan mo sa una mong tahanan ngunit maari ka namang humanap ng iba pang tahanang mag-aaruga, lilingap at tatanggap sa kung ano ka at kung sino ka.”


Mahabang katahimikan ang naghari.
Sa unang pagkakataon, nagkrus ang ating mga tingin. Kita ko sa iyong mata ang lungkot at labis na pagkadismaya pero hindi mo pa rin nakuhang lumuha. Matapang mong pinipigilan ang kanina pang gustong kumawala na pagtangis subalit nabahag kang harapin ang isang pagsubok ng buhay.


Gusto kong sabihin sa iyo na: “Sige, lumuha ka lang dahil ang pagluha ay hindi isang karuwagan, mas karuwagan pa ang talikdan ang isang paghamong itinakda para sa atin.” Ngunit mas minabuti kong sarilinin na lang ito.


Ubos na ang alak sa bote ngunit hindi ang iyong kwento ng nakaraan.
Upos na ang iyong sigarilyo katulad ng pangarap mong tila patungo sa kawalan.
Palubog na ang araw katulad ng pag-asa mong unti-unting nililisan ang kaliwanagan.

Tatlong oras mong isinalaysay ang nakaraang tatlumpu’t limang taon ng iyong buhay na punong-puno ng magkakahalong lungkot, pagkabigo, takot, pangamba at pagsuko. Lahat ito’y masusi kong napakinggan hindi lang ng aking tainga kundi pati ng aking pusong nakikidalmahati rin sa iyong kapalaran.


Bukas, babalik na ako ng Maynila upang harapin ang panibagong hamong sasalubong sa akin. Ikaw naman’y maiiwan sa pawid na tahanang ito na katulad mo’y tila lumilimos ng kaligayahan.


Inabutan kita ng sampung libong piso hindi bilang limos kundi tulong at kahit ito’y iyong tinangggihan, ako na ang nagpumilit na ito'y iyong tanggapin. Sa halip na alak at sigarilyo ang iyong bilhin, ang halagang iyan sana ay mailaan para sa iyong pagtatanim, pagtatanim ng bagong pag-asa na iyong ipupunla sa paghahanap mo ng masaya at bagong tahanan, dahil naniniwala akong hindi pa ganap na huli ang lahat.


Bago kita iwan at ang iyong tahanan, isang mahabang paalala mula sa akin bilang kaibigan ang lakas-loob kong ipinarating sa iyo:


“Malungkot ang buhay kung ito ang iyong gugustuhin, masaya rin ito kung iyong nanaisin. Walang nagsabing madali ang mabuhay ngunit hindi ito dahilan para malugmok sa kalungkutan.

Hindi kailanman mawawala ang mga pagsubok ngunit hindi ito dapat tumbasan ng pagsuko. Lahat tayo ay may kanya-kanyang pangarap, simple man o imposible, maliit man o malaki at kabilang sa pangarap nating ito ang magkaroon ng sariling tahanan; hindi mahalaga kung yari man ito sa pawid o bato, sa kahoy man o sa barong-barong - ang mahalaga ay kaligayahan ang naghahari dito at kapayapaan sa isip sa bawat miyembrong dito’y nananahan dahil ang tahanan ay hindi likha ng anumang materyal sa mundo kundi ito’y likha ng pagmamahal na galing sa puso.

Hindi man naging maganda ang kapalaran sa itinuring mong una o ikalawang tahanan paka-isiping palaging may bukas na pagkakataon na makahanap ng tahanang magiging bagong kanlungan na tatanggap at uunawa sa lahat ng iyong kamalian at kahinaan, maglilinang ng iyong galing at katalinuhan.

Maaaring magkaroon ka ng magandang bahay ngunit hindi ibig sabihin nito na mayroon ka rin ng masayang tahanan, maaaring mabigo ka sa iyong pangarap na magarang bahay ngunit hindi dahilan ito para hindi ka na mangarap ng maganda at payapang tahanan dahil ang tahanan ay hindi tungkol sa dami ng biyaya kundi tungkol ito sa kung papaano ka mabubuhay ng payapa.”


Napansin kong bahagyang nangilid ang luha sa iyong mga mata.
Tinangka mo pang ikubli ito sa akin, pinilit mo pa itong pigilan, ngunit maya-maya pa’y tuluyan na ngang tumulo ang luhang galing sa iyong pusong matagal nang puno ng hapis at labis na paghihinagpis.

- E N D -
--------------------------------------------------------
Ang akdang ito ay ang aking lahok at pakikiisa sa taunang Saranggola Blog Awards.

Sa pakikipagtulungan ng:




Ang Pedicab Driver (part 3)

$
0
0


"O kumusta pasada mo, pa? Bakit ang aga mong gumarahe?" si Mylene.

"Malas! Inimpound ng city hall 'yung pedicab ko sa may bandang Immigration. Kumusta si Maymay, Ma? Bumaba na bang lagnat?"

"Medyo bumaba ngayon ang lagnat pero pabalik-balik eh, ewan ko ba kung bakit, paubos na nga itong gamot niya eh."

"Pag bukas bumalik ulit 'yung lagnat niya dalhin na natin sa Boni." Gat Bonifacio Hospital ang tinutukoy ni Junjun, isang pampublikong ospital sa may Delpan.


Halos lahat ng mga pedicab at kuliglig ng kapitbahay ni Junjun na pumasada ng umagang iyon ay kasamang naimpound ng kanyang pedicab. Ngunit ang mga tricycle ni Mang Louie ay kumpletong nakaparada sa harap ng bahay niya, lima lahat ang bilang nito; kaibigan kasi ni Mang Louie ang kasalukuyang Baranggay Chairman kaya kung sitahin man ito ng mga taga City Hall tiyak na hindi ito maiimpound.


Mula sa kanilang bintana ay tanaw ito ni Junjun. Magkakahalong inggit, agam-agam at pag-aalala ang nararamdam niya; Paano siya ngayon makakaipon kung wala na ang kanyang pedicab? Matutupad pa kaya ang kanyang pangarap? Sana bumuti na ang kalagayan ni Maymay...


"Papa, Papa! Gising!"
Agad na napabalikwas mula sa pagkakatulog si Junjun."Bakit?!"pagtatakang tanong nito sa asawa.
"Si Maymay kasi...ang taas na naman ng lagnat, nagkukumbulsyon na 'yung bata kawawa naman".

"Ha? Napainom mo na ba ng gamot?"

"Oo, pero hindi pa rin bumaba ang lagnat niya. Dalhin na kaya natin siya sa ospital?!"


Kalagitnaan ng hatinggabi'y bumibyahe ang mag-anak patungo sa Gat A. Bonifacio Hospital halos isang kilometro mula sa kanilang barong sa Isla Puting Bato. Agad na sinuri ang bata ng mga nars, dahil sa nakababahalang kalagayan ay in-admit ito at isinama sa maraming pasyenteng nakaconfine, nakasuwero.


"Tatapatin ko na kayo Mister, Misis, sa sinabi ninyong mga senyales ng bata bago siya magkumbulsyon malamang ay may dengue ang anak niyo pero hintayin muna natin ang resulta ng test para makasigurado, for the meantime, binigyan muna namin siya ng pampababa ng lagnat." pagtatapat ng doktor sa mag-asawang Junjun at Mylene.


Balisa at tuliro si Junjun sa tinurang iyon ng doktor, ni wala nga siyang naging reaksyon sa labis niyang pag-aalala; pag-aalala sa kalagayan ng anak at pag-aalala sa siguradong malaking gastos na kanyang kakaharapin.


"I am sorry to say, positibo po na na may dengue ang anak niyo, mas makabubuti sa bata at para na rin sa mabilis na recovery niya na itransfer ninyo siya sa San Lazaro Hospital dahil mas dalubhasa silang maghandle ng dengue cases at saka may sapat silang pasilidad para itreat siya ng husto." payo ng doktor kay Junjun at Mylene, ilang minuto makalipas lumabas ang test na isinagawa sa bata.


Walang nagawa ang mag-asawa kundi sumunod sa payo ng doktor.
Pasado alas-singko na ng umaga ng marating nila ang San Lazaro Hospital tulad ng sinabi ng naunang doktor may dengue nga si Maymay at patuloy na bumababa ang platelet nito na kung hindi kaagad ma-aagapang masalinan ng dugo ay lulubha ang kalagayan nito.


Napayakap na lang sa isa't isa ang mag-asawa. Umiiyak si Mylene samantalang si Junjun ay nakatingin sa kawalan, iniisip kung paano at saan didiskarte ng pambayad sa dugong isasalin. Handa niyang gawin ang lahat, handa siyang magsakripisyo, handa niyang itaya ang kanyang buhay para lang mabuhay ang anak na isa sa dahilan niya upang buhayin ang kanyang aandap-andap na pangarap.


Pansamantalang umuwi si Junjun sa bahay upang kumuha ng ilang gamit na kakailanganin sa ospital. Ilang damit na pamalit sa kanyang mag-ina, termos, bimpo at iba pa. Kinuha na rin niya ang kahuli-hulihang pera sa kanyang ipon na nakaipit sa lalagyan ng kanilang underwear, tatlong daang at limampung piso. 
Kasalukuyan pa lang niyang kinakandado ang pinto ng kanyang barong labas nang lumapit sa kanya ang tambay na si Bong.


"Pare, nabalitaan ko ang nangyari sa anak mo. Alam ko kailangan mo ngayon ng pera wala akong maipapahiram sa'yo pero kung gusto mo may lakad kami mamayang hapon, didiskarte tayo ng pera."

"Salamat, pre." ang maiksi niyang tugon. Hindi batid kung iyon ay isang pagsang-ayon.


Sinalubong siya ng asawang si Mylene na umiiyak.
Hindi na bumubuti ang lagay ni Maymay at kailangan na itong masalinan ng dugo sa lalong madaling panahon. Ngunit para mangyari ito ay kakailangin niya ng kagyat na pera, hindi sasapat ang tatlong daan at limampung pisong nasa kanyang bulsa ngayon.

"Hayaan mo gagawan ko ng paraan!" paniniyak ni Junjun sa asawa.

"Ngunit paano?" si Mylene.

"Basta."

Sa canteen na ng ospital nagpalipas ng tanghalian ang mag-asawa. Makalipas kumain ay nagpaalam na si Junjun sa asawa.

"Alis na muna ko didilihensya lang ako ng pambayad sa ospital." Huling salitang binitiwan niya bago siya umalis.

"Pre, sige sama ako! Wala bang sabit 'yan?" kausap ni Junjun si Bong.

"Wag kang mag-alala pre, wala itong kasabit-sabit tatlong linggo namin itong pinag-aralan!" ang tinutukoy na 'namin' ni Bong ay ang makakasama nila sa pagdedelihensya, ang notoryus na si Diego.


Habang binabagtas nina Junjun ang lugar na 'di niya batid kung saan patungo, umaalingawngaw naman sa kanyang tainga ang tunog ng makina ng mga motor ni Mang Louie para itong mitsa ng dinamita na muling nagsindi ng kanyang naudlot na pangarap.

"Pagkatapos na pagkatapos na mailabas namin si Maymay sa ospital ay mabibili ko na sa wakas ang motorsiklong gusto ko." sa isip ni Junjun.


Dahil sa kagustuhang bumuti ang kalagayan ng anak, ginatungan pa ng kanyang pangarap na magkaroon ng sariling motorsiklo, wala sa hinagap ni Junjun na may kakambal na kapahamakan ang gagawin niyang kapangahasang ito. Mas nanaig ang desperasyon. Mas nagwagi ang tukso at tudyo ng tadhana.


Sa isang Money Changer sa Malate huminto ang owner type jeep na sinasakyan nina Bong, Diego at Junjun.

"Tangina ka 'wag kang kikilos ng masama kundi tutuluyan kita!" si Junjun na nakasuot ng bonnet habang nakatutok ang hawak na paltik na baril sa cashier ng Money Changer.
 
- E N D -

Warat

$
0
0

i.
Nakalisik. Mga pares ng matang nasa loob
ng warat na tahanan, kapwa diwa at sikmura
ay kumakalam. Kumikislap ang bumbilya
sa tuwing nalalanghap ang aroma
ng kumukulong nudols, parang adik
na nagigiyang, nalilibang sa pagsinghot
ng puting usok. Haligi ng tahanang hilahod
sa pagkayod, ilaw na nag-aabang
sa grasyang kung dumalaw ay dinaig
pa ang siyam-siyam, mga supling
na sagana sa kuyumad,
nakahubad, nakatanghod.


Sa ilalim ng multi-milyong pisong halaga
ng overpriced na flyover, ang tahanan
ng maraming gutom sa pagkain at
pang-unawa. Na aasa at tsatsamba 
sa swerteng wala naman. At papalahaw 
ang sanggol na bubusugin ng 
hugas-bigas o ng kapeng 3 in 1, 
sasabay sa dagundong
ng dambuhalang tunog ng trak
na magpapaindayog sa atip ng 
mga pobreng maralita.


Bukas o sa makalawa, ang tahanan
ng mga timawa sa paningin
ng mga imbi at tampalasan
ay itutumba gamit ang koersyon
at kalupitan. May sisigaw ng
"Nais nami'y tahanan hindi karahasan!" o
"Ipaglaban ang karapatan sa tahanan!"
habang tumatanaw sa aleng
nanaog mula sa Benz na sedan.


ii.
Nakaismid. Sa beranda ng palasyong 
tahanang nababalutan ng pag-iimbot, 
ang limbas na mambabatas, sa 
palaboy na umaamot ng kapiranggot 
na awa, bubuntong-hiningang aabot 
sa kalangitan, hindi nilimusan.
Habang ang balakyot ay nakangising
tulad nang sa diyablo, maya-maya
pa'y hihilata, hihimlay sa 'di mabilang
na yamang nagmula lang naman
sa nahilaglag na buwis ni Juan.


Bundat na sa pagkain ngunit
'di makuhang mabusog, 'di makuhang
mamahagi. Humahalimuyak sa artipisyal 
na bango ang mabantot na pagkatao, 
humahalaw ng galak sa materyal na 
mga bisyo. Kasike na 'di na sisiya sa
anumang patawa o sasayaw sa
anumang musika o sasalamat sa
laksang mga biyaya.


Sa lilim ng tahanang may koleksyon
ng adornong ginto at rangyang kumakalso
sa matinong kamalayan, nagkukubli
ang kuting na takot sa alulong ng
karmang nagmumulto sa kanyang
panaginip, may malay man siya o
himbing. Ngunit tutuloy pa rin sa
pagsiphayo ang ulol na haring huwad
na naluklok sa kastilyong tahanan na
binasbasan ng (huwad ring) kapangyarihan.


iii.
Warat na tahanang lubos nang
napag-iwanan makalipas ang higit
sa 'sandaang taong kasarinlan. 
Winawagayway ang kalayaang palso 
at pilit. Yumayabong. Yumayabang. 
Ang katotohanan? Ang aking tahanan'y 
naliligaw, nakatengga sa karimlan at
naghananap ng kalinga, kaytagal nang 
dumaranas ng dalita at dusa.
Ngunit, aasa pa rin sa pagbabagong wala naman.


Sa bawat tilamsik ng laway mula sa lingkod-
bayang mandurugas ay parang asidong lalapnos
sa balat ng kanyang patay-gutom na biktima.
Sa bawat pilantik at kumpas ng kanyang
daliri at kamay, katumbas ay pagkalagas
ng sagradong buhay. Sa bawat bulong at
sipol ng makapangyarihang media
pagkasuklam ng banyaga sa mahal kong
tahanan ang tiyak na resulta.


Sa likod ng (inaabusong) luntiang halaman,
ginintuang pilapil at bughaw na karagatan,
ang malubhang halas na 'di maaninag
sa kanyang balat. At ang salarin?
Ang sa kanya'y nananahang palalong
ayaw magpaawat. Kahambugang
pumapaimbulog, pumapailanlang.
Hindi nahahabag kahit talos ng
kaawa-awa ang warat na tahanang
siglo nang lumuluha, sumasabay sa
pagtanguyngoy ng mga dakila at dukha.




Muli, aasa sa pangako ng pagbabagong wala naman.

 --------------------------------------------------------
Ang akdang ito ay ang aking lahok at pakikiisa sa taunang Saranggola Blog Awards.



Sa pakikipagtulungan ng:




It's Over Now

$
0
0


Clueless ako sa nangyari.
Nabigla. Nagulumihanan.
Blangkong napatingin sa kawalan.
Nagtataka. Nagtatanong.

Hindi ko ito inaasahan mula sa iyo.
Ikaw na nangako ng magpakailanman, ikaw na itinuring kong aking langit,  ikaw na aking daigdig at dahilan ng maraming bagay para sa akin. Ang akala kong sagot sa aking mga katanungan.
'Di ko alam kung ano ang nagawa kong pagkakamali at isinadlak mo ako sa ganitong kalagayan, 'di ko alam kung ano ang naging aking kasalanan para ma-deserve ko ang ganitong pagtrato mula sa iyo. Siguro nga'y bigla na lang nawala ang pagmamahal mo sa akin, mabilis. Napakabilis. Kung papaano mo ako noon ituring na pinakamahalagang nangyari sa buhay mo, ngayon'y tila balewala na ako sa'yo.

Pilit ko pang itinatanggi na hindi mo kayang gawin sa akin ito ngunit ang anumang dagdag na pagtanggi'y lalo lang nagpapahirap sa nararamdaman kong pagmamahal sa'yo. Nilibang ko pa ang aking sarili na ang lahat ng ito'y produkto lang ng aking akala at imahinasyon at umaasang muling aalab ang pagmamahal mo sa akin katulad ng pagmamahal na inialay mo noong una mo akong nakilala.
Pinasinungalingan kong lahat ng iyong pagbabago at inilagay sa isip na ito'y isa lamang dagok ng pagsubok. Ngunit kailangan ko nang tanggapin na nagkamali ako.

Patuloy akong nagtiis, nagkunwari, nagsumamo, nagpakumbaba, nanglimos at umasa.
Gabi-gabi. Araw-araw. Hinihintay ko ang sandaling muling manunumbalik ang ubod-tamis na ating pag-iibigan ngunit habang tumatagal lalo pa itong lumalamlam. Hindi ko na maramdaman mula sa'yo ang ningas ng iyong halik at kasabay nito ang paglaho rin ng alab ng iyong mga yakap na aking kinagisnan sa tuwing lumalalim ang gabi. Kahit hindi mo sabihin, alam kong iba na ang nagmamay-ari nito.

Masakit para sa akin na mawawala ka ngunit higit na masakit ang hayaan ko ang aking sarili na patuloy mo lang na paglaruan at lokohin.
Malungkot na mawawala ka ngunit higit pa sa kalungkutan ang nararamdaman ko sa tuwing nakikita kang walang kasiyahang nadarama sa tuwing tayo'y magkasama.
...Kailangan kong tanggapin na lilisanin mo na ako at hindi ikaw ang iginuhit para sa akin.
...Kailangan kong tanggapin na ikaw at ang mga araw na tayo'y naging masaya ay magiging bahagi na lang ng isang alaala.
Tulad ng pulubing walang sariling tahanan, tulad ng ulilang kulang sa kalinga

Mahal kita ngunit hindi ko nakikitang maligaya tayong dalawa sa piling ng isa't isa sa darating na mga bukas.
Mahal kita at handa kong gawin ang lahat para tumagal ang ating pagsasama ngunit katulad ng lahat ng bagay, lahat nga ay may hangganan at siguro ito na ang katapusan ng ating pagmamahalan.

Hindi ko na kayang panghawakan ang mga pangako mong tayo pa rin hanggang sa dulo, kailangan ko nang pigtasin ang anumang hiblang nagdudugtong sa ugnayan nating dalawa dahil patuloy lang nating pahihirapan ang ating mga sarili kung mabubuhay tayo sa likod ng isang pagkukunwari.

Ngunit pagkatapos ng lahat ng ito hindi ko pa rin pinagsisisihang minahal kita dahil maraming bagay ang natutunan ko sa'yo, ipinaranas mo sa akin kung paano ang magmahal na kay tagal ko noong pinangarap at hinintay, itinuro mo sa akin ang kahalagahan ng pag-ibig na kay tagal kong hinanapan ng kahulugan.


Sa pag-agaw ng dilim sa kaliwanagan, lalong sisidhi ang pagkasabik ko sa'yo, ang kaya ko lang gawin'y ipikit ang aking mga mata hindi para maidlip kundi para ikubli ang lahat ng nararamdaman kong sakit at pagdurusa at patuloy na magtatanong kung bakit ang ating pagmamahalan ay humulagpos at tumungo sa kawalan.

At bukas sa muling pagsikat ng liwanag isasabay kong imulat ang aking mga mata. Hindi ko man lubos na maunawaan ang dahilan at kahalagahan ng pagkawalay mo sa akin - babangon ako't pilit na kalilimutan ang lahat ng malulungkot na alaalang idinulot mo sa akin.

Message Sent 1/5: prequel

$
0
0

May kwento sa likod ng isang kwento, kung may ending dapat may simula, hindi ba't mas okay kung may prequel at closure ang relasyong walang label nina Christy at Geoff?
Nag-umpisa ang kanilang istorya sa simpleng "Hi!" na nauwi sa matatamis na tawagan sa telepono at komunikasyon sa text messages at palitan ng mga mensahe sa email. 
Saan kaya hahantong ang "walang label" na relasyon ng dalawa?



Halika basahin natin ang palitan ng kanilang mga sulat sa isa't isa, halika subaybayin natin ang serye ng kanilang relasyong... "Walang label".

----------------------------------------------------------------------------------------

Dear Christy,

Masaya ako nang nakilala kita pero higit pa sa saya ang aking naramdaman nang makausap ka at makilala ang pilas ng iyong pagkatao. Alam kong marami pa akong hindi alam tungkol sa iyo ngunit sapat na para sa akin na nabahagi mo ang ilan mong saloobin sa kabila ng aking pagiging estranghero. Ang pagkakataong ibinigay mo ay walang katumbas na anumang paliwanag.


Suntok sa buwan ang unang mensahe ko sa iyo, hindi ko batid kung makakatanggap ito ng sagot o babalewalain mo lang tulad ng sa isang basura. Ngunit hindi mo binigo ang aking simpleng pagbati at sa napakaiksing panahon, ito ang nagbukas sa isang malawak at interesanteng pag-uusap.

Hindi ko man marinig ang iyong tinig, narinig at naunawaan ko naman ng buo ang gusto mong sabihin.
Hindi man kita personal na makita, nakita ko naman kung ano ka at sino ka sa likod ng napakaganda mong ngiti. 
Hindi man kita mahawakan, napanghawakan at naintindihan ko naman ang iyong mga salita at ilang paninidigan.


Hindi ko alam kung ano ang mali sa iyo at hindi nila nagawang ikaw ay higit pang kilalanin. Hindi ko alam kung bakit sa kabila ng iyong pagiging mabini ay negatibo ang nakikita nila sa iyo. Sila ang may problema at hindi ikaw at hindi mo kinakailangang mapagbigyan sila sa gusto nilang isipin. Nakakatuwa na hindi ka nagpaapekto sa kanila sa kabila nang lahat ng ito; dahil higit mong kilala ang iyong sarili kaysa sa kanila, ang iyong kakayanan laban sa mapanuri nilang mata, ang iyong kapasidad laban sa kanilang napakababaw na pananaw, ang iyong galing laban sa kanilang pasaring.


Alam kong panandaliang kang nagtaka nang ako'y nag-alok ng isang bukas na komunikasyon at isa sa mga dahilan dito ay ang pagnanais kong makilala ka ayon sa sarili kong pag-analisa at hindi dahil sa dikta ng kanilang mapanghusgang mata at matabil na dila. Hindi ako komportable na makarinig ng isang negatibong puna maging sa iba at lalo't sa iyo na itinuring kong espesyal na kaibigan kahit hindi naman ganun kalalim ang ating samahan; hindi nga ako nagkamali, tama nga ako dahil sa ipinakita mong kababaang loob at positibong pananaw sa buhay sila ang nagmukhang kaawa-awa.

Kung bakit ang tao ay mapanghusga at mapaghinala ay hindi ko kayang ipaliwanag ang dahilan.
Ayoko rin namang palawigin pa ang ganitong paksa at usapin dahil kung gagawin natin ito parang wala na ring tayong ipinagkaiba sa kanila tama nang nalaman mo ang ilang mahalagang impormasyon at nagsilbi itong babala upang may pag-ingat ang iyong bawat pagkilos.


Sa positibong punto, nais ko rin silang bigyan ng pasasalamat dahil isa sila sa mga dahilan upang itulak ako na malaman ang higit ng lahat sa iyo, upang malaman ang misteryo sa likod ng iyong ngiti, upang magkaroon ng kaibigang walang pretensyon at walang alinlangan. Salamat dahil sa kabila ng iyong pagiging abala ay nagagawa mong sagutin ang aking tanong at nagagawa mong pagpasensyahan lahat ng aking kakulitan. Salamat dahil nakilala ko ang isang tulad mo. :)
Isang malaking sayang na hindi ko ito ginawa noong abot-kamay ko pa lang ang iyong presensiya hindi tulad ngayon na malapit ka nang mawala at tanging ang virtual na mundo na lang ang mag-uugnay sa akin patungo sa iyo pero alam ko rin baka patungo na rin ito sa kawalan (huwag naman sana o huwag muna ngayon). Ayokong guluhin ang daigdig mo, ayokong dumagdag pa sa ilan mong alalahanin, ayokong makisiksik pa sa marami mong iniisip. Ang bagong landasin na iyong tatahakin ay alam kong hindi madali ngunit katulad ng sinabi ko sa'yo noon paano natin malalaman kung higit na maganda sa iba kung hindi natin susubukan?


Muli, sana maging aral sa iyo ang anumang iyong naranasan at gawin mo itong gabay sa bago mong paglalakbay. Hindi porke nakangiti sa atin kaibigan na natin, hindi porke tumatawa na kasama mo pwede mo nang pagkatiwalaan at hindi porke mabait kung kaharap mo, mabait pa rin siya pag talikod mo. Hindi madali ang humanap ng tunay na kaibigan at alam ko sa taglay mong magandang ngiti marami ang magpapanggap na sila'y tunay na kaibigan sana alam mo rin kung paano sila uriin.


Ayokong ituring mong ako'y iba sa kanila dahil baka hindi ko mapunan ang expectations mo sa akin. Tulad din ako ng marami; mapagbalat-kayo kung kinakailangan, nakangiti kahit nahihirapan, malakas ang tawa kahit galing sa pag-iyak basta...kung ano ako ngayon, 'yun ako. Mahirap gumalaw ayon sa expectations ng ibang tao at mahirap magpa-asa kung nagkukunwari lang pala at ayaw kong mabigo ka kung sakaling makita mo ang negatibo sa akin.


Isang malaking panghihinayang ang posibilidad na baka hindi na tayong magkitang muli dahil sa nalalapit mong pag-alis ganunpaman, natumbasan na rin naman ito ng kasiyahan nang minsang pumayag kang pakinggan ang aking tinig kahit alam nating wala namang saysay at importansya ang ilang aking pinagsasabi at doon ko nalaman na may kakulitan ka rin pala. :)


Sana matagpuan mo na ang hinahanap mong peace of mind sa bago mong tahanan. Nandito ako at bukas-palad akong mag-aalok ng tulong kung anuman ang iyong saloobin o kailangan (basta kaya ko rin lang).


Kung isang araw ay bigla na lang maputol ang ating komunikasyon dahil sa pagiging abala mo o dahil sa iba pang kadahilanan hindi ako magsasawa na magpasalamat dahil nakilala ko ang isang gaya mo (paulit-ulit). Pero hindi ako nawawalan ng pag-asa na isang araw ay makasama at makausap ka hindi sa virtual na mundo ng Social Network kundi kaharap ka at kasama ang pinagsasaluhan nating masasarap na pagkaing nasa hapag kainan.
 Good luck.



-Geoff

Message Sent 2/5: Thanks

$
0
0
Dear Geoff,

Thank you for letting into my life.
Thank you for your lending ears who is more than willing to listen to every words that I say.
Thank you for the time you spent with me during the estranged moments.

I may have failed on some but I gained you, I gained you as my friend. An awkward situation brought us into this, whichever way I don't even care 'coz I care more for our friendship to lasts longer. 
It's a big question for me that we are hiding our friendship.

Are we that on a forbidden friendship or malicious thoughts are winning against us?
Are we that bad to conceal our friendship or are we just protecting each other?
Actually, I don't even know, all I know is I am very grateful that I have you here with me.

I'd like to break the wall that is dividing us but I don't have that enough strength to do it, all I can do is to stare at you on the other side of this damned wall.
I'd like to unchained myself and let go of my willingness to be with you but it is not the way it should be.
You know, I'd always like to share my time with you and turn every second into special moments but we both know it won't happen. Not now, not on this lifetime.

Ah, I should be contented with what the Heaven's blessings gave us. I should feel glee with what I have. And I will just accept and do it.

Much has been said and I don't have to burn bridges that is already collapsing, all I want right now is to find peace in our innermost hearts.

Much has been said and I don't want to rub a salt on an aching wound, all I want right now is to reach out hands of reconciliation.

Much has been said and I don't want to add any insult to the injury that is getting worse, all I want right now is for us to have sweet memories and unending happiness.

Is it beyond forgiveness that our heart has been longing or the trust that have lost and missing?
I have done my part and I offer kindness to complete the missing piece of a puzzle but destiny won't allow me to do so.

We just let it be. 
We will just embrace with what tomorrow would bring and the only thing we can do is to stare blankly. Clueless, speechless, strength-less.

I never thought that you are so kind that you are treating me nice with all your heart and I really appreciate it.
I am amazed that you are a good person and how I wish I should have known you earlier.

Yes, I am stunned by your sweet thoughts but the more stunning is your great personality and positive outlook towards every single thing.

For now, I will just enjoy the time that you are sharing with me, I will just smile for every words that you will say, laugh for every joke you deliver and I will just savor the opportunity of being with you.

Take care, always.

-Christy

Message Sent 3/5: Reason

$
0
0
Dear Christy,

Hi!

Hindi ko na itatanong kung okay ka dahil alam ko naman na lagi kang okay at dahil isa ito sa sobrang daming magandang ugaling taglay mo na aking hinahangaan; ang maging positive sa halos lahat ng bagay, ang makasilip ng liwanag sa kabila ng pagiging madilim ng nasa paligid, ang makita ang kagandahan ng isang bagay sa kabila ng pagiging hindi maganda nito.

Sobrang saya nang pakiramdam na nagri-response sa iyo palagi 'yung taong gustong- gusto mong makausap (psst, oo ikaw 'yun) na sa sobrang gusto mo siyang laging makausap ay ingat na ingat kang magbitaw ng salitang makakapagpababago ng mood niya o anumang negative na magre-result sa hindi niya na muling pag-reply sa iyo parang lyrics sa kanta na "Afraid for love to fade"...I would rather say an awkward words than lose you. Kaya if you ever feel than I am offending you in some way that I didn't notice sabihin mo naman, sabihin mo rin kung ano 'yung mga hindi okay sa'yo kasi wala akong kakayahang basahin ang isip mo dahil ayaw kong mamiss ang mga "good morning" mo tuwing umaga at ang mga replies mo sa email or FB.

I am happy for you and I just don't know kung paano mo naappreciate or should I say napagtitiyagaan yung mga kakulitan at kalokohan ko. Ilang beses na ba akong nag-thank you sa'yo? Sige sabihin ko ulit: Salamat talaga :). Ang inaalala ko lang parang nasanay na ko na lagi kang nandiyan, paano kung bukas o sa isang araw hindi mo na makuhang makapag-reply? Iniisip ko pa nga lang yung dumarating na mga araw na tuluyan ka nang mawawala nalulungkot na ko (totoo 'yun). Wala naman akong kapasidad na pigilan 'yung dapat na mangyari, the only thing I can do is to accept. As you leave, maiiwan mo sa akin yung positivity mo siguro kung nabigyan lang ako ng opportunity to know you personally mas marami ka pang mapapamana sa akin.

Sabi nga 'di ba, "everything happens for a reason"; may malalim na dahilan kung bakit kailangan mong makahanap ng bagong career, may magandang dahilan kung bakit kailangan mong mag-abroad, may reason kung bakit tayo nagkakausap ngayon at gusto kong ipilit at isingit; may reason kung bakit nakilala mo ang isang tulad ko. 
Hindi man natin maintindihan at malaman sa ngayon kung ano ang mga reasons behind our questions someday, somehow we'll realize it. Hindi man natin alam kung bakit may mga nakahambalang minsan sa ating dinaraanan 'pag nalampasan natin ito dun pa lang natin malalaman ang kahalagahan nito.

Alam mo kung ano pa yung maaalala ko sa'yo? Siyempre yung magandang smile mo. :). Kung 
ide-describe ko 'yung smile mo...para itong sinag ng araw na perpektong inukitan ng pagkaganda-gandang ngiti na bawat makakakita nito ay magkakaroon ng masaya at magandang araw sa buong maghapon. Kaya sa tuwing tinitingnan ko yung mga pictures mo sa FB pakiramdam ko para akong Ice cream na Rocky Road na binilad sa sinag mo na unti-unting nalulusaw, natutunaw at nagkakalat. Bakit Rocky Road? 'Yun kasi ang kulay ng skin ko, haha. Since then, hindi na talaga ako tumitingin sa mga pictures mo kinu-consider kong pahirap 'yun para sa akin (totoo ulit yun).

Dati inaabangan at sobrang nag-ienjoy ako tuwing weekend; ang mag-movie marathon at manood ng 2-3 dvd's on two separate days at ang mga activities ko sa free time ko na 'yun... pero ngayon nabawasan na. Hindi na effective ang anumang ganda ng Hollywood Movies sa ganda ng ating mga conversations (ngiti ka naman). Ang pagkasabik ko sa weekend ay gradually napalitan ng pagkasabik kong makausap ka on weekdays; it's an ironic na kung ano 'yung tagal ng pagkainip ko on weekends ay ganundin naman kabilis ang pag-uusap natin sa phone (wala pa yatang 5 mins 'yun). Pero siyempre dapat maintindihan ko 'yun, ako na nga lang ang nakikilimos ng oras ako pa ang demanding. Haha.

Naalala ko yung reply mo na "not now, not on this lifetime" sa isang email mo, alam mo para akong baliw nang nabasa ko yun bigla akong tumawa kahit mag-isa lang ako, naramdaman ko yung kulit mo kahit malayo ka. Haha. 'Yung kakulitan kaya nating dalawa ay mailabas natin kung sakaling matuloy 'yung dinner or lunch natin? May mapagkwentuhan pa kaya tayo sa dami na ng topic na napag-usapan natin? O baka naman mag-tinginan at maubos lang ang oras natin sa kakalamon. Sauce, asa pa din ako!

Saka 'yung message mo na "I always love talking with you", first time ko 'yun marinig and I want you to know that it is indeed music to my ears! Salamat sa appreciation kahit papaano pala may nag-aacknowledged ng kadaldalan ko. Ako, I love everything about you! I am not trying to compete but I love your smile, your simplicity, your personality, the way you wear your clothes, the way you treat me, your character...basta, I love the way you are.

Again, stay happy. Keep your smiles intact 'coz they will never know what are the reasons behind your smile and it is our greatest weapon to hide our fears and loneliness.

-Geoff

Message Sent 4/5: Fear

$
0
0
Dear Geoff,

Your last letter was so emotional that you got me teary eyed. Thanks a lot.

I don't fear the day that one day I might run of out of words to tell things about you but what I fear most is, one day I might not see your name in my FB list of friends and your greetings in my mailbox 'coz I don't wanna miss your sweet thoughts, encouraging advise and reminders. *:) happy

I said it all & I think I don't have anything to say anymore.
I just want you to keep your calm and patience, be happy in everything that you will do. I won't be there with you but I am always willing to.

Words are not enough to say how much I appreciate your kindness.

Yes, I am longing but I am not searching 'coz I win you & I have you. Your presence is enough to make me feel invincible throughout the day.

You, who have taught me how to stay positive in every aspects of of life.

You, who didn't me turned down.

You, who always willing to understand even in the most difficult & unimaginable situation.

I am lucky enough to have you.

As long as you're there, I don't want to waste the time you are spending with me.

I will stop everything just to read your message.

I will respond as swiftly as I can.

I will cheer you up whenever you feel low.

I won't say a word that make you feel disappointed.

I don't make promises but I don't wanna lose you & I will do everything to make you stay with me, as long as you want, as long as the destiny permits, even when we're miles apart.


- Christy

Message Sent 5/5: Closure

$
0
0
Dear Christy,

It was out of the blue when I first sent you a message and out of curiosity, you replied. And it was the start of something that I never expected to have, indescribable feeling, incomparable happiness, a friendship within a friendship.

It was out of confusion when I seek your friendship and out of kindness you didn't turned me down.

I admired your being you that I won't attempt to do things that'll make your day ruined throughout the day. I don’t want to lose your trust and let that friendship turn into mess.
When you leave, I just told you: "You are now living your dreams", but you know what? You're not the only one living your dreams...I am too. :)

Then, you are just a picture that I keep on staring whenever I have the chance but on six occasions, you have given me an opportunity to meet the person that I've been dreaming of to meet for the longest time. 'Yun na yata ang pinakamasasarap na dinner ko. :)

Then, a fear of rejection forbids me to say a simple greeting of "Hi!" to you but you replied on every message that I sent whenever you have the time.
Then, I only see your wondrous smile on my monitor but I have seen and experienced that wonderful grin up close and personal.


You never failed to make me smile on every message you sent and I hope I also made you smile too in my own little ways.
You let go of the boredom that lives upon me and I wish I've done that to you in my own little deeds.
It's a different feeling of happiness whenever you talk to me, whenever I am with you, whenever I heard you comforting me; I hope you have felt what I'm feeling.

And it's ironic that It's me who laugh the most whenever I heard you laughing on every corny joke that I delivered.

I know sooner or later, the time will come that you can hardly send a Hi! to me but that will not prevent me to stop from praying your safety. It will be selfish of me that I only think of my own happiness than thinking of your plans and dreams to come true.

I know, that time won't easily allow us to meet again but that doesn't stop us to pursue and treasured this friendship.

I know that this moment will come but I never prepared for it. 

I know that all of this has to end but I want you to know that I never regret the day the first time I said "Hi" to you. How can I even regret the day that started it all?

You are more than meets the eye and I'm surely will miss you 'coz you are worth missing than anyone else but instead of spending worthless sour-graping, I will wish that all the best be upon you to be able to performed your work at your greatest.

Thanks for being around. Thanks for the memories. Thanks for everything. :(
I know that goodbye is farewell but it does not mean forever, I'm still hoping that someday, somewhere, somehow our paths will cross again. 
It hurts but I have to accept it.

Gusto kong malaman mo na: "Isa kang panaginip na naging totoo na bumalik muli sa pagiging panaginip."

Good luck & have a safe journey.

-Geoff

Ang Hired Killer

$
0
0



"Sino ka?!? Paano kang nakapasok dito?"Napabalikwas mula sa pagkakatulog sa kanyang kama ang nagtatakang si Congressman Revillame sa lalaking nasa loob ng kanyang kwarto, nakatutok sa kanya ang hawak na baril - isang kalibre .45.

Nakaposisyon ang mama sa madilim na bahagi ng kwarto, malapit sa bintanang nakatindig sa gawing gilid ng malaking kurtina na kung hindi pumasok ang bahagyang liwanag galing sa labas ay hindi ito maaaninag ni Congressman.

"Marami akong pera! Kung sino man ang nag-utos sa'yo na ipapatay ako'y wala na kong pakialam pero kung magkano man ang ibinayad niya sa'yo handa akong magbayad ng doble o triple 'wag mo lang akong patayin!"Tila pautos na susog ng Congressman sa hired killer. Ngunit paano niyang nalaman na bayarin ang taong nasa kanyang harapan gayong ngayon niya lang ito nakaharap?

Paanong hindi niya malalaman na hired killer ang nasa kanyang harap ngayon e ilang beses na ba siyang nakipagtransaksyon sa mga tulad nito? Ilan na nga ba ang kanyang ipinapatay? Ilang pamilya na nga kaya ang binawian niya ng haligi ng tahanan? Ilang pangarap na nga kaya ang kanyang sapilitang ninakaw?
At ang huli nga ay isang whistleblower sa kinasasangkutan niyang scam.

Si Congressman Revillame kung ilalarawan ay isang tipikal na pulitiko. Sa simula'y mabuti ang hangarin, punong-puno ng pangarap para sa bayan, pagbabago ang adhikain, kaunlaran sa ekonomiya, trabaho para sa nakararami, edukasyon para sa lahat, matinong tahanan para sa nagdarahop at gawing kasaysayan na lang ang kahirapan. Isa rin siyang aktibong artista na sa tuwing kapaskuhan ay humahakot ng pera ang kanyang pelikulang may temang kabayanihan - ililigtas niya ang isang bayan sa tulong ng kanyang angking galing, katapangan at anting-anting.

"Magkanong kailangan mo? Kalahating milyon? Isang milyon? Dalawang milyon? Mayroon ako niyan 'wag mo lang akong patayin! May pamilya ako, may mga nagmamahal sa akin, kailangan nila ako!"  Parang sirang plaka ang Congressman, paulit-ulit niyang sinasabi ang kanyang yaman sa hired killer na hindi naman malaman kung siya'y naririnig o hindi. Kumbinsido siya sa kanyang sarili na maaakit niya ng kanyang pera ang taong gustong pumatay sa kanya at tuluyan na siyang iiwan nito. Nasa isip niya: Sino ba naman ang tatanggi sa dalawang milyon? Hindi niya ito kikitain sa buong buhay niya kahit ilang ulo pa ang kanyang itumba, kahit ilang punglo pa ang kanyang maiputok, kahit hanggang sa pagtanda niya.

Mukhang mabait ang Congressman. Gwapo. May lingguhang programa sa telebisyon at may sariling produksyon ng pelikula. Galing sa mayamang angkan ng mga Revillame sa siyudad ng Dumaguete dahil ang kanyang ama ay dati ring sikat na artista at pulitiko. Kaya nakapagtatakang sa dami ng kanyang pera, sa taas ng posisyon niya sa gobyerno at sa ganda ng kanyang trabaho, ilang beses na siyang nasangkot sa iba't ibang krimen at katiwalian. Sa dumi ng pulitika, ang sinumang yumapak dito'y tiyak na marurungisan ngunit sa kaso ni Congressman Revillame hindi lang siya basta naputikan kundi tuluyan niya pang inilublob ang sarili sa putikan mula talampakan hanggang ulo at isinama niya pa sa putikang ito ang halos lahat ng kanyang angkan - na pawang mga pulitiko na rin.

Nakalalasing nga siguro sa itaas, nakalulula nga siguro ang tagumpay, nakakabaliw nga siguro ang kapangyarihan kundi ba naman, ang dating kanyang matinong hangarin para sa bayan ay tuluyan nang nagapi ng kanyang pagkagahaman at katulad ng lahat ng sumabak at nakipagsapalaran sa larangan ng pulitika lahat sila'y nilamon ng buo ng nakasusukang sistema.

Patungo sa kanyang malaking vault ang conressman. Binuksan muna ang switch ng ilaw.  Inikot ang combination. Tumambad sa mata ng hired killer ang napakaraming bungkos ng pera halos hindi ito magkasya sa loob ng vault at halatang isiniksik lang ang ilang mga bugkos para maisara ang pinto. Bumilang ng pera, mabilis na ibinukod ang dalawampung bungkos ng tig-isandaang libong piso. Dalawang milyon! Ngunit tila hindi man lang naantig ang hired killer, tila walang reaksyon sa nakitang napakaraming pera.

Sa dami ng perang iniaalok sa hired killer iisipin mong kukunin na niya ito. Malaking tulong na ito sa kanyang pamilya. Makakapagbago na siya at tuluyan nang makakaalis sa kanyang maruming trabaho. Ngunit mas nanaig sa kanya ang kagustuhang mapatay ang congressman. Sa di matapos-matapos na krimeng kinasasangkutan ng congressman ituturing niyang hustisya at katarungan para sa bayan ang kamatayan nito. At ang dalawang milyong nasa kanyang harapan ngayon ay bahagi ng bilyon-bilyong pisong ninakaw sa mamamayang pilipinong karamihan ay nagdidildil ng asin at nagpapaalipin sa mga katulad ni congressman na mapaniil. Ang dalawang milyong pisong ito ay maliit na porsyento lamang sa nakulimbat na salapi ni congressman kasabwat ang ilan pang mambabatas at ang napakapopular na si Mrs. Napoleon.

Nasa isip ng hired killer kung kukunin at tatanggapin niya ang dalawang milyong pisong ito naging bahagi na rin siya ng pandarambong at pagtataksil sa bayan. Ganito nga ang kanyang trabaho pero ang kanya namang pinapatay ay mga taong nagpapahirap sa nga taong katulad niyang walang kakayanang lumaban sa mga matataas at mga gahamang kapitalista at ganid na makapangyarihan. At ang katulad ni Congressman Revillame ay dapat nang tapusin ang kabuktutan.

Hindi maikakaila sa likod ng napakaamong mukha ng congressman, sa kinis at puti ng kanyang kutis, sa tamis at ganda ng mga ngiti nito nagkukubli ang isang pusakal na ang binibiktima ay ang nagdarahop na taumbayan. Kung hindi niya gagawin ang dapat niyang gawin ay baka mawalan na siya nang pagkakataon na maisakatuparan ito.

"Ito na ang dalawang milyon, sa iyo na lahat ito!" Alok ng Congressman sa hired killer habang itinutulak sa lamesitang palayo sa kanya ang perang makapagsasalba ng kanyang buhay. Napatingin ang congressman sa hired killer.

"I-iikaw?"lumaki ang matang nagtatanong.

"Oo ako nga."sagot ng hired killer, sa wakas nagsalita na ito.

"Papaanong..?!? Hindi maari ito binayaran kita para pumatay pero hindi ko iniutos sa'yong ako ang patayin mo!"

"Tingnan mo ang larawang ito!"inihagis ng hired killer ang isang envelope na may nakapaloob na larawan.

Binuksan ng congressman ang envelope at tiningnan ang larawang nasa loob. Larawan niya nga ang nasa loob! Dagli niyang kinuha ang iba pang mga envelope na nasa drawer ng kanyang sidetable. Nandoon nga ang litrato ng kanyang nais na ipatumba, ang larawan ni Mrs. Napoleon!

Dalawang linggo na ang nakalilipas, sa isang bakanteng lote sa bayan ng Imus kausap niya ang lalakeng ito sa loob ng kanyang magarang sasakyang Brentley kasama ng limampung libong piso at isang kalibre .45 na baril ay iniabot niya ang isang envelope na naglalaman ng larawan ng kanyang nais ipapatay. Ngunit sa halip na files ni Mrs. Napoleon ang kanyang naibigay, ang kanyang larawan ang kanyang naiabot sa hired killer. Larawan na gagamitin sana sa promo at stills ng bago niyang pelikula sa Filmfest.

Samakatuwid, siya mismo ang umupa ng taong papatay sa kanya! At sa napakaliit na halagang limampung libong piso! Halagang halos katumbas lang ng kanyang ibabayad sa isang gabing pananatili sa hotel na kanyang pabortong tuluyan sa tuwing mayroon siyang inuupahang bayaring modelo at artista.

"Hindi maari ito! Nagkamali lang ako, hindi maaring ako mismo ang magpapatay sa aking sarili. Hindi ba't limampung libong piso ang ibinigay ko sa'yo? Tanggapin mo na ang iniaalok kong dalawang milyon at pareho tayong lalabas sa kwartong ito nang masaya."wala pa rin sa tono ng kongresista ang pakiusap dahil tiwala siyang tatanggapin ng kanyang kausap ang pera.
"Ilang doble ng limampung libo 'yan, hindi mo na 'yan kikitain sa buong buhay mo" dagdag pa nito.

"Baka nakakalimutan mo Congressman kaya mo ako kinuha sa trabahong ito dahil ako ang taong hindi tumatalikod sa isang usapan. At alam mong ikakasira ko ang hindi ko pagtupad sa isang napagkasunduang trabaho. Hindi ako katulad mo Congressman na walang dignidad, walang bayag at walang paninindigan!"

Kung tutuusin maaari na niyang kunin ang napakalaking perang nasa kanyang harapan ngunit mas nanaig sa kanya ang pagpatay sa kongresistang nagpapahirap sa bayan, ang isa sa mga dahilan kung bakit dumadami ang kriminal. Para sa kanya hindi lang ito basta trabaho ito ay pagtatanggol, ito ay pagkamit ng hustisya, ito ay katarungan para sa mga posible pang maging biktima ng kanyang kabuktutan at pagmamalabis.

Katulad ng napagkasunduan, ubusin ang lahat ng bala sa bibiktimahin.

At walong magkakasunod na putok ang umalingawngaw sa gitna ng gabi.

Natagpuang bangkay ang isang kongresista, nakasubsob sa nagkalat na perang may bahid ng dugo at katiwalian.


Hindi nasalba ang buhay ng congressman nang pangsuhol na pera at ng kanya umanong taglay na anting-anting.

Afterlife

$
0
0


Mula sa malalim na pagtulog ay napamulagat at kumaripas ng bangon si Congressman Revillame. Nilibot ng kanyang mga mata ang lugar. Makipot ito at may kadiliman. Hindi pamilyar sa kanya.
Nagsisilibing liwanag ng paligid ay ang malamlam na apoy ng sulo na nakapalamuti sa mga sulok. Mula sa 'di tiyak na pinanggalingan ay may nauulinigan siyang sari-saring mga tinig na umaalingawngaw, na bumabasag sa katahimikan ng kapaligiran; tinig ng mga dumadaing, nakikiusap, umiiyak, nagsusumamo, natatakot, humihiyaw. Kung susumahin at ilalarawan sa isang salita ang kanyang naririnig na tinig masasabing ang mga ito'y NAGDURUSA.


Kinalakhan na ng kongresista ang pagiging matikas, matapang at maging astig sa mundong kanyang kinabilangan ngunit ngayon'y tila kinakabahan siya ng husto. Kakaiba ang kanyang nararamdaman. Labis ang kanyang pangamba bagamat walang tibok ang kanyang puso. Pagkahilakbot ang katumbas ng mga nagsusumamong tinig na nagmumula sa kung saan. Ang bawat daing nila ay nakakakilabot, sumusuot ito sa diwa at isip nang bawat nakaririnig nito na kahit iwaksi ay pilit pa ring tutugisin at gagapiin ang lahat ng natitirang tapang mo sa katawan.

"Tao po!" sinubukan niyang sumigaw nagbabakaling may makarinig sa kanya ngunit bumalik lamang sa hangin ang salitang kanyang binitiwan. Sa lakas ng kanyang boses imposibleng walang makarinig dito, sa kanyang isip.


Nagpatuloy siya sa paglakad ngunit kalaunan napansin niyang tila siya'y 'di lumalayo sa ilang na lugar na ito. Datapwat naririnig pa rin niya ang mga nagdurusang tinig saan man siya mapadpad hindi naman niya ito matiyak at matunton.
Ilang oras pa ang lumipas, nababalot na ng lubos na pagkatakot ang Congressman. Hindi na niya batid kung ano ang susunod niyang hakbang at gagawin. Labis ang kanyang pagtangis ngunit walang luhang lumalabas sa kanyang mata. Hinahanap niya ang kalsadang patungo sa kanyang tahanan, ang kanyang pamilya, ngunit tinatanong niya rin ang kanyang sarili kung 'paano?'
Pakiramdam niya'y siya na lang ang nag-iisang tao sa daigdig na ito.


Napasalampak siya sa lapag, senyales ng kawalan ng pag-asa. Said ang kanyang luha ngunit hindi ang kanyang takot bagkus lalo pa itong nadagdagan. Hindi siya sanay sa ganito, sa tila miserableng lugar na kanya ngayong kinasadlakan. Sanay siya sa marangyang buhay; magagarang mga bahay, maraming pagkain, maraming pera, maraming kaibigan, magagandang mga lugar, maliliwanag na mga ilaw at may kapangyarihang utusan ang kung sinuman.
Lubos na kabaligtaran sa lugar kung saan siya ngayon naroroon.


Pilit niyang inaalala ang huling pangyayaring naganap sa kanya.
"Ah, nasa kwarto ako nang barilin ako ng pobreng hired killer!", naalala na niya.
"Hindi maari! Isa lang itong panaginip! Hindi maaring ito ay impiyerno. Hindi ako nararapat dito!"


"Ang mga katulad mo ang kailangan ko dito!" nanggaling sa kanyang likuran ang may kalakihang boses. Boses ng lalaki. Datapwat may bahid ng takot at sindak, dahan-dahan niyang nilingon  ang pinanggalingan ng tinig. Hinanda niya ang kanyang sarili sa kanyang anumang makikita. Kailangan niya itong makausap, kailangang may makatugon sa kanyang mga katanungan, kailangang may makapagpaliwanag sa kanya kung bakit siya naroroon.

Taliwas sa kanyang inaasahan ang kanyang namalas.

Ang lalaking kanyang nasa harapan ay may magandang mukha, makinis ang morenong kutis, mapungay ang katamtamang laki ng mga mata, maliit ang mapulang labi, matangos na ilong, sa tantiya niya'y matangkad ito sa kanya ng mga pitong pulgada, may perpektong pangangatawan at katamtaman ang haba ng buhok. Kung pagmamasdan mo ang lalaki para lang itong obra-maestrang imahinasyong iginuhit ng isang mahusay na artist.


"Tama ka, ikaw nga ay nasa Impiyerno! At ang mga katulad mong sagad sa buto ang kawalanghiyaan ang dahilan kung bakit patuloy na nagniningas ang apoy ng lugar na ito. Habang patuloy na dumadami ang mga katulad mong walang habag at walang tunay na pagmamahal sa kapwa, palawak ng palawak ang masasakop kong kaharian at teritoryo!"

"Hindi maari ito! Isa lang itong masamang panaginip at ikaw ay produkto lang ng aking imahinasyon."tila hindi pa rin makapaniwala ang Congressman. "Marami akong natulungan, marami akong pinagtapos sa pag-aaral, mabuti akong tao at mahal na mahal ako ng aking mga kababayan. Kung ako'y totoong patay na hindi ako dapat naririto!"

"Ang lahat ng iyong pagtulong at paglingap sa mga kapuspalad ay pawang pagtatakip lang sa mga kasamaan at kawalanghiyaang iyong ginagawa, habang ipinagyayabang mong ikaw ay matulungin ninakaw mo naman ang salaping nakalaan para sa iyong mga kababayan na sinasabi mong mahal na mahal ka! Hindi kayang hugasan ng sinasabi mong kabutihan ang lahat ng iyong kasalanan at kung tutuusin kulang pa ang isang kaluluwa mo kumpara sa maraming buhay na iyong sapilitang binawi!"mapanumbat na ang boses ng lalaki.

"Ngunit ako'y madasaling tao, nagsisimba ako kasama ng aking pamilya tuwing Linggo, malaking bahagi ng aking yaman ay ibinibigay ko sa charity at simbahan. May takot ako sa Diyos at simula pagkabata ay adbokasiya ko na ang tulungan ang mahihirap na mga tao, sa taimtim kong pagdarsal sa Kanyang ngalan ay nararamdaman kong ako'y Kanyang pinatatawad."hindi pa rin sumuko sa pangangatwiran ang Congressman, ginagamit niya ang kanyang pagkabihasa sa pag-aargumento.

"PUTANGINA KA! HUWAG MONG GAMITIN ANG PANGALAN NG DIYOS SA LUGAR NA ITO! WALA KANG KARAPATANG SABIHIN AT GAMITIN ANG KANYANG NGALAN SA TAGLAY MONG KAWALANGHIYAAN AT PAG-IISIP NA SAGAD ANG KALASWAAN, PAGKAGAHAMAN AT KAHALAYAN! HINDI MO NA SIGURO BATID KUNG ILANG BUHAY ANG IYONG PINAPATAY DIREKTA MAN O HINDI! HINDI MO NA SIGURO ALAM KUNG GAANO KARAMING PERA ANG IYONG NINAKAW! ILANG KALULUWA ANG ISINADLAK AT ITINULAK MO SA LUGAR NA ITO? ILAN ANG NAGING BIKTIMA MO NG IYONG KAHALAYAN? ILANG LIBONG KASINUNGALINGAN ANG IYONG GINAWA NANG IKAW AY NABUBUHAY?"galit na ang lalaki.

"Nais kong makausap ang Diyos, maari ba? Gusto kong humingi ng kapatawaran sa Kanya. Nais kong pagsisihan ang mga nagawa kong kasalanan at pagkakamali." pakiusap ng Congressman sa lalaki.

"HULI NA ANG LAHAT! HINDI ITO ANG LUGAR PARA HUMINGI KA NG KAPATAWARAN. MASYADONG MAHABA ANG PANAHONG INILAGI MO SA MUNDO PARA PAGSISIHAN ANG LAHAT NG IYONG KASALANAN NGUNIT HINDI MO GINAWA DAHIL ABALA KA SA PAGKAMKAM NG YAMAN, PAG-UTAS SA BUHAY NG MGA TAONG SAGABAL SA IYO, PAGTAHI NG MGA KASINUNGALINGAN UPANG MAPANATILI ANG KALINISAN NG NAKAKASULASOK MONG PAGKATAO! AT SINO ANG TINUTUKOY MONG DIYOS? HINDI BA'T ANG DINIYOS MO'Y PERA?!? MULA NANG MAMULAT AT MAGKAISIP KA AY WALA KANG INATUPAG AT GINAWA KUNDI ANG PAGPAPALAKI NG IYONG YAMAN! AT ANG LAHAT NG SINASABI MONG PAGTULONG AY BAHAGI LANG NG IYONG PAGBABALATKAYO AT PAGKUKUNWARI! HINDI ITO ANG LUGAR NG PAGSISISI DAHIL ITO ANG LUGAR PARA PARUSAHAN ANG KALULUWA MONG KINUBKOB NG KASALANAN!" mahabang sagot ng lalaki.

Sa haba ng kanilang diskusyon at pag-uusap kumbinsido na ang kongresista na siya nga'y nasa kabilang buhay na. Gusto niyang mangatwiran at ipaliwanag ang kanyang panig ngunit bawat salitang kanyang sinasabi'y tila sumasampal sa kanyang katauhan. Hindi na siya makagagawa pa ng kasinungalingan dahil may detalyadong sagot ang lalaki sa kanyang bawat alibi at katwiran. Wala na siyang ibang maisip na gagawin at sasabihin na makapagkukumbinsi na siya'y patawarin sa kanyang mga nagawang kasalanan.

"Naniniwala akong may Diyos. Kung maari lang sanang mabigyan pa ako ng isang pagkakataon, pagkakataong mabuhay ng tama at matuwid." bumaba pang lalo ang kanyang boses at may kasama ng pag-iyak ang kanyang pakiusap. Walang lumabas na luha.

"NANINIWALA KANG MAY DIYOS PERO KAHIT KAILAN HINDI MO IPINAGKATIWALA ANG BUHAY MO SA KANYA. NANINIWALA KANG MAY LANGIT AT UMAASA KANG DOON KA MAPUPUNTA PERO KABALIGTARAN ANG LAHAT NG IYONG GINAWA. HINDI KA PA MAN NAKAKATUNTONG SA PINTUAN NG LANGIT ITINATAKWIL KA NA NITO! AT HINDI AKO DIYOS PARA BIGYAN KA NG ISA PANG PAGKAKATAON! AT KUNG MAY KAPANGYARIHAN MAN AKONG GAWIN IYON HINDI KO IYON IPAGKAKALOOB SA'YO DAHIL HINDI KA KARAPATDAPAT NA MAGKAROON NG PANIBAGONG BUHAY! SA TAGLAY MONG KASALANAN MALAKING APOY ANG MAGAGAWA MO DITO SA IMPYERNO! AYOKO NANG MAKIPAGTALO SA IYO SAPAT NA ANG IBINIGAY KO SA'YONG PALIWANAG!"

"Ngunit..."magtatangka pa sanang sumagot ang kongresista ngunit unti-unti nang nagbago ang kanyang anyo. Naging blangko ang kanyang maamo at gwapong mukha. At sa pagitan ng pagpikit ng kanyang mga mata ay nasa lugar siya sa kung saan niya nauulinigan kanina ang sari-saring mga tinig. Mga tinig na umaalingawngaw na bumabasag sa katahimikan ng kapaligiran; tinig ng mga dumadaing, nakikiusap, umiiyak, nagsusumamo, natatakot, humihiyaw. Kung susumahin at ilalarawan sa isang salita ang mga tinig na naririnig masasabing ang mga ito'y NAGDURUSA. At kabilang na ang tinig dito ng matikas na kongresista.

Nagngangalit ang apoy para itong karagatan na walang tiyak na sukat, walang tiyak na lalim sa lawak. Ramdam ang labis-labis na hapdi ngunit ang balat naman ay 'di nalalapnos. Walang senyales na mababawasan ang init at alab nito dahil maya't maya ay may inihahagis dito na nagiging dahilan ng patuloy na paglaki at pagningas ng apoy!

Kasama ng kongresista sa dagat ng apoy ang maraming kaluluwang katulad niya na walang mukha, walang pagkakakilanlan. Sa lugar na ito pantay-pantay ang lahat, walang mahirap walang mayaman, walang alipin at hindi kikilalanin kung ikaw man ay 'matulunging' congressman.

Sabay sa pagiging blangko ng mukha ng kongresista ay ang pagbabagong anyo ng katauhan ng lalaking kanyang kausap. Ang magandang mukha ng lalaki ay naging nakakatakot. Malalim ang nakalisik at mapupulang mga mata, naging buto't balat ang kanina lang na perpektong katawan, may kulot ang mahabang sungay, matutulis ang mahahabang kuko gayundin ang buntot nito, maputla ang balat, mahaba ang tainga katulad ng kanyang dilang maaring maihambing sa dila ng ahas, naging makaliskis ang kutis nito at mayroong halakhak na ubod ng lakas at masakit sa pandinig.

Kung pagmamasdan mo ang lalaki para lang itong obra-maestrang imahinasyong iginuhit ng isang mahusay na artist.

Close Encounter with Wickedmouth's Unang Putok

$
0
0




Isang achievement at accomplishment na maituturing ang magkaroon ng sariling libro na iyong pangalan or pseudonym mo ang nakalimbag na may akda nito o kung hindi man, achievement na ring mako-consider kung ang sumulat ng libro hindi mo man personal na kilala ay parang kakilala mo na rin dahil sa madalas na pagbisita at pagbabasa mo ng mga sinusulat niya (thru blog). Achievement ito hindi lang sa mismong sumulat na blogger kundi sa buong community ng blogosperyo. 'Yung support na kailangan niya ibigay natin dahil 'yung success niya parang success mo na rin at kahit mas mataas ang level ng kasiyahan niya dapat masaya ka rin para sa kanya. 


Hindi lahat ng magaling sumulat ay nabibigyan ng pagkakataong maging author ng sariling libro ganundin naman na hindi lahat ng nabigyan ng pagkakataong magkaroon ng libro ay magaling sumulat. Sabi nga ni Eros Atalia sa libro niyang 'Wag Lang Di Makaraos', ang manunulat daw na binabasa ng mas nakararami, hindi raw talaga writer kundi popular writer lang at kapag ang isinusulat mo raw ay binabasa ng mas nakararami, hindi raw yun literature kundi popular literature lang. Para sa akin si Sir Glen ng Wickedmouth.com ay hindi lang basta popular writer kundi legit siyang manunulat at ang kanyang mga sinusulat ay hindi lang basta popular literature.


Marami ang tumutuligsa sa mga bold movies noong dekada 80 hindi raw kasi ito art kundi porno lang pero paano ba nating mauuri ang isang art?
May nabasa akong article dati na kung naantig o nadala ka, o sige...nalibugan ka sa mga eksena ng isang bold movie, art daw ito. Bakit? Iyon daw kasi ang purpose o layunin ng movie, ang kilitiin ang iyong imahinasyon. Walang art sa isang comedy film kung hindi ka nito napatawa, walang art sa isang drama o teleserye kung hindi ka nito napapaiyak, hindi art ang isang abstract painting kung hindi ka maweiweirdohan dito. At walang art sa 'Unang Putok' kung hindi ka nito kayang i-entertain at pangitiin pero higit pa rito ang kayang gawin ng libro ni Sir Glen. Maniwala ka.


Hindi ko alam kung may karapatang akong i-review ang mga sinulat ni Sir Glen, okay ipagpalagay na nating...WALA. Kaya ang isusulat ko na lang ay ang reaction, experience at impression ko (at ni Anna) sa kabuuan ng nakapaloob sa librong 'Unang Putok'.

Nang magkaroon ng announcement sa paglabas ng advanced copy ng 'Unang Putok' naisip ko na agad si Sir Joey Velunta ng Hiram na Kaligayahan, siya ang access ko para sa aking kopya ng libro at nirequest ko pa na dapat ay may autograph dedication (demanding) at hindi naman ako nabigo (salamat Sir Joey! I owe you one) Ang ganda ng dedication at sana nga magkatotoo ang kanyang sinabi.


Tuesday, October 29. Dumating ang libro. Inintroduce ko ang libro kay Anna na aming Accounting Staff sabi ko sa kanya maganda at nakakatuwa ang librong ito. Iniabot ko sa kanya, unang pasada pa lang ng kanyang pagbabasa humagikgik na siya sa pagtawa. At dahil doon nakiusap siya na hiramin niya na lang daw muna ang libro at pipilitin niyang tapusin ito ng overnight. Hindi na ako tumanggi dahil kasalukuyang pinagsasalit-salit ko sa pagbabasa ang dalawang libro ni Eros Atalia, Kislap ni Abdon Balde Jr., Top 10 vol. 2 nina Chico at Dela Mar at ang PDF version ng One Morning of July (E-book) ni Sir Amphie ng Modernong Pluma.


Wednesday morning. Pagkakita pa lang sa akin ni Anna nakangiti na siya. May ibig ipahiwatig pero dahil masyadong maaga pa para sa isang kwentuhan pinalipas na muna niya ang higit sa dalawang oras. Past 10 AM nakita ko siya mistulang isang baliw na tumatawa at ang dahilan: Ang Unang Putok.
Nag-umpisa siyang magkwento...kanina raw sa LRT kung pwede lang tumawa ng malakas ginawa na niya, so pinigilan niya ang kanyang halakhak para hindi siya mapagkamalang baliw ng mga kapwa niya commuter. Imaginine mo kung gaano kacurious ang ibang commuter na nakakita kay Anna na hawak ang libro habang nakangisi, malamang after nilang mag-opisina o pumasok sa eskwela hahanapin nila ito sa favorite nilang book store. At sila'y mabibigo.


Tuwang-tuwa siya sa character na Khikhi at ipinagpalagay niyang isa lang daw itong kathang-isip ng author. Kung bakit daw pumapayag itong walanghiyain at babuyin ni Glen, kung bakit daw hindi ito nadadalang sumali sa contest gayung lagi naman daw itong talo, kung bakit daw hindi tinulungan ni Glen ang batang tumatae sa likod ng puno. Malay ko, hindi ko rin alam.


Dahil hindi niya natapos ang pagbabasa ng libro overnight humingi siya ng one day extension. Since mahaba ang weekend sinabi ko sa kanyang dapat ay maibalik niya sa akin ang libro the following day. Pero in between her paperworks at pagpifacebook hindi niya mapigilan ang sarili na magbasa ng ilang page ng libro at sa tuwing ginagawa niya ito hindi na siya nagpipretend na tumawa tutal wala naman siya sa loob ng LRT. Hindi na ko nasurpresa pa dahil alam kong 'yun ang forte ng sumulat, ang ikaw ay patawanin.

Thursday. Tinupad naman niya ang request ko na tapusin ang pagbabasa. Salamat naman. Ngayon lang daw siya nakabasa ng ganung libro, walang pretention, walang preno, walang respeto, walang HIYA. Kailangan niya daw magkaroon ng libro for herself at isa pa na kanyang ipangreregalo for her friend. Sabi ko magiging available ito sa National Book Store on Nov. 12. But she insisted na dapat daw ay mayroon ding dedication tulad ng sa akin. Teka, paano ba?


The same night inumpisahan kong basahin ang libro. Walang palabok sa introduction basta kwento agad, 'yung tipong parang barkada mo lang ang kausap mong nagkukwento ng mga karanasan niya sa buhay. Sa tingin ko'y sinadya ring hindi ilagay ang biography and achievements of the author. And since hindi naman kasi ito resumé na kailangang malaman ng posibleng employer mo kung sino ka or ano ang mga experience at napagtagumpayan mo sa buhay. Katulad ng sa Coke, ang ibinibentaisini-share dito ay happiness. So, 'yung kasabihang 'hindi nabibili ng pera ang kasiyahan' pwede na nating isantabi dahil 'yung php200 mo pwedeng sumakit ang tiyan mo sa labis na pagtawa. On a serious note, sasabihin kong tumawid ang sumulat ng librong 'Unang Putok' sa isang kalsadang kakaunti lang ang nagtangka.

Napagdesisyunan kong iwan ang ibang aking mga binabasa para makapag-concentrate sa 'Unang Putok'. Hindi dahil ayoko nang basahin ang akda ni Eros Atalia o Abdon Balde Jr. o ni Sir Amphie kundi dahil mas naging interesting sa akin ang dahilan ng paghagikgik ni Anna sa kanyang upuan, ang pasimple niyang pagngiti sa loob ng LRT at ang 'pagwalanghiya' ni Sir Glen kay Khikhi. (Kahit na medyo pamilyar na rin ako sa character na ito again, thru the author's blog)


Sa loob ng dalawa't kalahating araw natapos kong basahin ang libro. For the record, ito na so far ang librong pinakamabilis kong binasa. Sa dami ng mga pinagkakaabalahan (naks!) ko sa buhay (responsableng ama / mapagmahal na asawa / masipag na empleyado / trying hard na blogger) hindi madali para sa akin ang bumasa at matapos ang isang libro ng wala pang isang linggo. Mayroon nga akong binabasa higit na isang taon hindi ko pa rin natatapos at walang halong biro iyon.


Naniniwala ako na bawat indibidwal ay may angking talino, galing at talento. 'Yung iba kinatamaran ng tuklasing ito at marami naman ang patuloy itong pinagyayaman at ang talentong pagsusulat na mayroon si Sir Glen ay namaximize ng husto, 'though sabi nga "there is always a room for improvement" pwede na ring i-conclude na he is good and destined to be great, mahusay na at may ihuhusay pa. At sa kanyang husay hindi naman natin siya pwedeng ikumpara sa iba pang established na manunulat dahil ang kanyang mga putahe ay may kakaibang hatid na sarap na inihanda at niluto ng isang chef na hindi nakasanayan ng marami. 
Isa itong cake sa hilera ng mga ice cream.


Ngayong kapaskuhan sa halip na sayangin niyo ang inyong pera sa pagbili ng tiket ng recycle na pelikula sa MMFF, bumili at magregalo na lang kayo ng 'Unang Putok' sa inyong kapamilya at kapuso. At sa halip na maubos ang oras niyo sa panonood ng paulit-ulit na tema ng isang teleserye mas okay na maglaan ng oras na basahin from cover to cover ang kabuuan ng libro.


Somewhere there mayroon din namang aral na makukuha pero kung gusto niyo talaga ng full pledged na leksyon mas mabuting magbasa ng mga librong sinulat ng mag-amang Zayde o i-click at i-search ang nais na malaman sa Wikipedia.

- - - - - - - - -

P. S.

1. Hindi applicable sa librong ito ang saying na “don’t judge the book by its cover” dahil sa pabalat na drowing ni Sir Mots, alam mo na agad na ang laman ng libro ay ‘kalokohan' humor.

2. Sinubukan ko ang prank (as instruced on page 126) na 'Tsoknat' slash Knorr Cube sa biktimang malapit sa aking puso pero nabigo ako dahil sa liwanag ng ilaw napansin niyang mas maputla ang kulay ng Knorr Cube kumpara sa matingkad na brownish color ng 'Tsoknat’ Tsk tsk. Sayang.

Incest

$
0
0


Inspirasyon ng akdang ito ang “Minsan May Isang Puta” ni Ms. Mike Portes (na aking kaibigan sa Facebook at isa sa nagbigay daan sa akin para mabigyan ng pagkakataong magkaroon ng sariling libro at ang akdang inyong mababasa (Incest) ay nakapaloob sa librong iyon). Mayroong Facebook page ang MMIP na ang layunin ay katulad din ng layunin ng marami sa atin: matinong pagbabago sa bansang Pilipinas.

Excerpts from the page: “Minsan may isang Puta”
was originally published in April 30, 2004 @ Peyups.com and has taken a life of its own. From blogsites, email messages to a film adaptation in the locally and internationally awarded "Ganap na Babae" (International title: Garden of Eve) and on print at the author's first sole authored book "The Dove Files". It's first international printing is in "Writings 8" available at amazon.com and at UAE's Mismo Magazine.

Sa Definitely Filipino,  ang akdang Minsan may Isang Puta ay ang "Most Read article" sa blogsite nila na as of this writing ay mayroon nang 173,342 reads,  higit 40,000 likes at higit sa 30,000 ang pag-share.
 
- - - - - - - -
galing sa google ang larawan

Hndi ko naman itinatanggi na naging prosti ako.

Marami ang nagpakasasa at nagpakasawa sa aking katawan mga iba't ibang lahi pa nga; Kastila, Amerikano, Hapon at iba pa. Hindi ko sila lubos na natanggihan at kung tatanggi man ako'y hindi rin sapat ang aking paghindi. Anong magagawa ko eh mahina lang ako? Isang kayan-kayanan at api-apihan. Hindi naman ako likas na malandi pero sa katagalan nang paggamit nila sa akin nakasanayan ko na rin, kailangan eh. Marami ang umaasa sa akin at dapat lang akong kumayod ng husto. Kaya't kahit hindi na kaya ng katawan ko pinipilit ko pa rin mapunan lang ang pangangailangan ng marami kong anak.
Mahirap talaga ang maging mahirap mistula kang alipin ng mga may salapi at makapangyarihan. Walang boses ang bawat sasabihin, walang nakikinig sa bawat hinaing, walang lakas ang bawat pagtutol.


Tanggap ko na ang kapalaran kong ito at kahit na anong gawin ko'y hindi na rin maibabalik pa ang nakalipas at nakaraan. At kung maibabalik man ito may kakayahan ba ako na ito'y baguhin?
Tanggap ko na, na ganito ang naging kapalaran ng aking buhay.
Tanggap ko na, na madrama at malungkot ang aking kasaysayan.
Ngunit ang hindi ko lubusang matanggap ay ang patuloy na pangyuyurak at panghahalay sa akin ng mismong mga anak ko! Hanggang kasalukuyan.


Batid nilang higit kong kailangan ang pag-aaruga at pagkalinga dahil sa kalunos-lunos kong kalagayan pero mga wala silang pakialam. Medyo may katandaan na ako't gusto ko na ring magpahinga at maranasang may nagmamalasakit at nag-aalaga sa akin. Ngunit sa halip ay hindi pa rin sila tumitigil sa pagluray sa aking kapurian. Parang mga demonyong humahalay sa aking kalamnan. Mga hayok na nilulustay ang natitira ko pang kaunting kayamanan.


Awang-awa na ko sa aking sarili.
Tingin ko'y sobra na 'kong namaltrato at naabuso. Nais kong sumigaw at iiyak ang poot na namamahay sa aking puso. Ngunit gusto ko ring kamuhian ang aking sarili dahil sa hindi yatang magandang pagpapalaki ko sa kanila. Ako ba ang dahilan kung bakit naging ganyan sila kasama? Kung ganoon nga isa pala akong walang kwentang Ina!


Ginawa ko naman ang lahat ng alam ko upang maging mabuting Ina sa kanila at sila nama'y maging mabuting mga anak sa akin, tinuruan sila kung papaano maging responsableng mamamayan at maging mapagkalinga sa kanyang mga kapatid pero ako'y nabigo. Nagpakaputa ako upang matustusan lang ang kanilang pangangailangan halos pati kaluluwa ko'y ibinigay ko na sa mga oportunistang naghahangad sa akin noon, noong ako'y sariwa at higit na maganda kaysa ngayon. Sinikap ko ring makaipon para sa magandang kinabukasan ng aking ibang mga anak pero kahit na hindi ganoon karami ang mga suwail at walanghiya kong mga anak sila pa rin ang nananaig at nangingibabaw parati. Sila kasi ang mas malakas at mas makapangyarihan kumpara sa nakararaming mahihina na mapagkakatiwalaan at responsable pero tahimik lang at tila walang pakialam.


Pero hindi lahat ng anak ko'y puro sakit ng ulo at kademonyohan ang nasa pag-uutak marami sa kanila ang talagang may pagmamahal at pagmamalasakit sa akin. Handang ibuwis ang kanilang buhay makalaya lang ako sa pagiging alipin at puta. May pagmamahal na kahit dumanak ng dugo ay hindi alintana at nababahala maipagtanggol lang ako sa mga putanginang dayuhang humahalay sa akin. Kahit alam nilang walang panalo ang kanilang mga tabak laban sa malalakas na armas sila'y hindi nagpadaig at natakot. 'Yung isa ngang anak ko bolpen lang ang sandata pero parang kanyon sa lakas ang naging pagsabog. Sa kasamaang palad ang lahat ng mga anak kong ito'y maagang binawian ng buhay. Kung sino pa ang matino 'yun pa ang maagang namatay. Sayang.
Siguro kung nabuhay sila ng matagal-tagal iba ang naging kapalaran ko ngayon. Hindi sana ako nasadlak sa ganitong kahirapan. Hindi sana ako ikinahihiya ng ibang anak ko. Hindi tulad ng isa kong anak na sa pagnanais na mapanatili ang bansag na bayani kinamatayan na ang pagtatakip sa totoong kasaysayan.


Kay sarap balikan ang alaala ng aking mga anak na tunay na nagmahal sa akin literal nilang inialay ang kanilang buhay sa pagnanais na maitakas ako sa kamay ng mga dayuhang nanamantala sa akin. Mayroon akong isang anak na namumukod-tangi ang tapang at may ibinulong siya sa akin noon na hanggang ngayon ay tumatak sa puso't isip ko. Wala na raw hihigit pa sa pagkadalisay at pagkadakila ng pag-ibig niya sa akin! Napakaganda ng sinabi niyang iyon masarap sa tainga at lubos talaga itong nagpataba ng aking puso. Kaya ganoon na lang ang lungkot at hinagpis ko nang mabalitaan kong pinaslang siya ng kanya mismong mga kapatid!


Sa sunod-sunod na pagkasawi ng magigiting kong mga anak akala ko'y lubusan na akong mamahalin ng mga naiwang iba pa dahil sa habiling pangaral at magandang aral sa kanila. At muli akong nagkamali. Nakalulungkot isipin na marami na ang hindi ganap na dumadalisay at dumadakila sa akin mayroon siyempreng mangilan-ngilan na nagmamalasakit pero ang iba'y unti-unti na ring nilalalamon ng bulok na sistema at nagiging gahaman na rin kalaunan hanggang sa mawalan na rin ng pagmamalasakit. Ang iba naman'y nagpasyang mang-ibang bansa hindi lang dahil sa pagnanasang kumita ng mas malaki kundi dahil sa kagustuhang magpakalayo-layo at tuluyan nang ikinahihiya ang pangalan kong nakakabit sa kanila. Nasaan na ang sinasabi nilang pagmamahal? Nasaan na ang dalisay na Pag-ibig?


'Di ko maintindihan kung bakit sa tuwing nasa ibang bansa ang mga anak kong ito'y napakabubuti, masisipag at walang reklamong sumusunod sa mga batas na doo'y umiiral na halos wala namang ipinagkaiba sa mga batas natin dito. Pero pagdating dito hirap na hirap sumunod sa itinakdang batas na kahit simpleng pagtawid sa tamang tawiran ay hindi ginagawa 'yun na kasi ang nakagisnan at nakasanayan kaya hayun halos lahat na sila pasaway. Mabait kasi akong Ina, kung noon pa man ay pinagsabihan at pinaalalahanan ko na sila sa mga bawal nilang gawain siguro ngayon lahat sila ay matitino at may disiplina. Eh ngayon matitigas na ang mga ulo, maraming tarantado at ayaw nang nasasabihan sa mga pagkakamali nila. Kaunting puna lang sobrang pikon na pero kung sila naman ang mamumuna napakagagaling at hindi lang mga walang pinag-aralan ang may ganitong ugali kahit nga mga edukado pa. Magulo na nga yata talaga ang mundo.


Tulad ng mga anak kong mga "edukado at mararangal" na may magugulong pag-uutak. Hindi ko alam kung bakit sino pa ang anak kong may magandang edukasyon o may mataas na karangalan sila pa ang halinhinang nagmamaltrato sa akin. At paulit-ulit pa. Mga may dignidad kung ituring pero palihim na ang kanilang Ina'y ginagawan ng kawalanghiyaan. Ang kakapal ng mukha! Silang mga abogado, heneral, ekonomista, elitista, makamasa, militar, artista, propesor at iba pang propesyonal raw pero halos pare-pareho lang ang uri. Kay yayabang at taas-noong sasabihing taos ang pag-ibig para sa akin ngunit hinahalay naman ako sa tuwing nagkakaroon ng pagkakataon.


Ang ibang mga anak ko naman na hindi nakapagtapos ng pag-aaral na nasa akin pang poder ay 'di nga nakikisawsaw sa panghahalay pero kinukupitan ang kani-kanilang ate at kuya o umaasa sa mga padala ng mga nasa abroad. Sila-sila ang nag-oonsehan. Gusto ko mang ikahiya na sila'y aking mga anak ay 'di ko magawa bagkus umiisip pa rin ako ng paraan upang magkasundo-sundo lahat sila. Oo lahat sila. Pero alam kong imposible itong mangyari ngayon.


Kung maari lang sigurong pumili ng magiging anak baka magdalawang-isip ako kung sila pa rin ang pipiliin ko. Pasensya na. Ganun na talaga kasama ang loob ko ngayon. Napakaraming pagkakataon ang ibinigay ko sa kanila para magbago pero lahat iyon ay nasayang lang. Habang nakikita nila akong may sugat at gumagapang sa hirap hindi man lang ako alalayan o alagaan mayroon pa ngang kumukulimbat sa kakaunting pera ko na dapat sana'y pambili ko ng aking medisina. Ang iba namang naaawa sa akin ay wala namang aksyong ginagawa. 'Wag na kayong magtaka kung isang araw ay bigla na lang akong mabaliw o atakehin sa puso sa sobrang depresyon at sama ng loob.


Dumating din naman sa punto na akala ko'y tuluyan nang magkakaisa ang mga anak ko nang minsa'y silang magtipon-tipon at madramang naghawak-kamay at winawagayway ang dilaw na laso na simbolo raw ng pagkakaisa nila pero muli akong nagkamali. Naging daan lang pala ito upang muli akong abusuhin! At hindi lang 'yun dumami pa silang nagpakasasa sa katawan ko. Kaliwa't kanan ang kahalayan at kababuyan. Halos wala ring pinag-iba noong halayin ako ng mga lintek na mga dayuhang humimod sa katawan ko. Simula noon ipinagpasa-Diyos ko na lang ang kapalaran ko sa kamay ng mga anak ko.


Sa positibong banda marami akong anak na madiskarte at maabilidad na kayang mag-adjust at mamuhay sa kahit saang lupalop ng mundo; sa disyerto, sa malamig na snow, sa bansang komunismo, sa bansang diktaturya, kahit sa bansang may digmaan naroroon sila, nagtatrabaho at nagtitiis. Ang mga dolyares na pinapadala nila ay malaking tulong sa akin dito ko kinukuha ang mga biglaan kong pangangailangan at 'yung iba pambawas sa mga utang siyempre 'yung iba kinukupit (hindi na yata maiiwasan 'yun). Hindi naman kami mayaman pero balita ko ipapautang ng anak ko ang kaunting naipon kong dolyares.


Siguro kung napangalagaan lang ng husto ang kayamanan ko hindi na kinakailangang mag-abroad ng marami kong anak. Hindi na sila nagpapaalipin sa Hongkong, Saudi, Canada, Amerika, Europa at iba pa. Dito sana sila nagtatrabaho kasama ako at ang kani-kanilang pamilya. Pero wala akong magawa waldas at barubal ang mga anak kong may hawak ng aming budget kaya hayun! Iba ang naapektuhan.


Ang ikinababahala at ikinakakaba ko ngayon ay ang aksyong gagawin ng isa kong anak sa pambu-bully ng isa kong kapitbahay. Balak kasing kunin ng kapitbahay kong ito ang aking nasasakupan, gagong iyon porke't alam na mahirap at mahina lang kami kinakayan-kayanan ako! Bumabalik tuloy sa aking alaala ang hindi magandang nangyari sa akin dati nang sinalbahe ako ng mga dayuhan. Marami ang nasawi noon at pinapanalangin kong 'wag naman sana 'yung maulit.
Saka akin naman talaga ang lupang iyon eh! Kahit sino pang itanong na ibang kapitbahay ko lahat sila'y magsasabing akin 'yun. Ninanakaw na nga ng mga anak ko 'yung kaunting kayamanan ko pati ba naman itong letseng kapitbahay ko balak din akong nakawan. Ayoko namang mang-away o awayin sila dahil sigurado wala akong laban du'n lampa kasi ako. Hangga't maari gusto kong matapos at maresolba ito sa isang matino at payapang pag-uusap. Isa pa baka mapahamak lang ang mga anak ko. Ayokong isiping makabubuti na ipamigay ko na lang ang lupaing iyon para sa ikabubuti ng marami kahit na alam kong wala ring mangyayari kung ipapamahala ko 'yun sa anak ko. Sayang na lamang ang ipinaglaban ng mga namatay kong anak kung basta na lang itong ipamigay sa mga naghahari-harian.


Minsan nagtataka ako kasi matataas naman ang pinag-aralan ng marami kong mga anak na napagtapos ko sa aking pagpuputa pero ewan ko ba kung bakit hindi ginagamit ang pinag-aralan sa tamang paraan. Mabuti pa ang mga anak ko sa labas na may dugong banyaga paminsan-minsan ay nagbibigay sa'kin ng kasiyahan at karangalan pang world class ang ipinapakitang talento; mahuhusay sa kantahan, sa larangan ng sining, sa moda at maraming pang iba. Ang iba namang mga kapatid niya sinasakyan ang bawat karangalan na nakakamit ng mga anak kong ito samantalang ang iba namang mga insecure kong anak pilit na sinisiraan at hinahanapan ng kapintasahan ang kanilang half-brother o half-sister kahit wala naman itong ginagawang masama sa kanila.


Sadyang noon pa yata ay naghihilahan na ang aking mga anak. Batuhan ng batuhan ng mga putik sa halip na linisin nila ang sarili nila. Hindi pa nakontento at pati ako na sarili nilang ina'y hindi mapakali na gawan ako ng kahalayan! Nakakahiya. Kung sukang-suka ako sa mga dayuhang nagpakasasa sa aking katawan sa tuwing ito'y aking naalala parang higit pa roon ang pagkasuklam na nadarama ko sa kanila dahil dugo sa dugo at laman sa laman ang kanilang nilalapastangan. Pero wala akong magawa.

Iniluluha ko na lang ang bawat hinanakit ko sa buhay. Ang sama-sama na nga ng nakaraan ko pati ba naman ang buhay ko sa kasalukuyan ay ganoon pa rin?
Hanggang kailan ba ako magtitiis? Kailan ko ba mararanasan ang kaginhawaan? Kailan ba ako maituturing at maigagalang na ina?


Kung ang tawag sa panghahalay at pang-aabuso ng mga anak sa isang Inang tulad ko ay Incest isa pala itong karumal-dumal na krimen na araw-araw kong nararanasan. Krimen na dapat sanang mabigyan ng hustisya't katarungan pero kanino ako lalapit at dudulog? Sino ang aking lalapitan?
'Di bale na. Ayaw ko rin naman silang mapahamak mas gugustuhin kong sila'y magbago at magbalik-loob na lang sila sa'kin kaysa mapiit sila sa bilangguan. Saka hindi pa naman siguro huli ang lahat...may pag-asa pa alam ko. Sabi nga sa isang kasabihan habang may buhay pag-asa pero sana hindi lang laging pag-asa ang tangi kong maging sandigan at sandalan.


Hanggang dito na lang. Maraming salamat sa pakikinig sa mga litanya ko. Pasensya ka na rin at napahaba itong aking mga sintimyento. Hindi naman ako humihingi ng payo gusto ko lang mapakinggan mo ang mga hinaing ko sa buhay wala naman kasi akong ibang mapagsasabihan. Alam ko masyado na naman akong naging madrama kaya ayan tuloy 'di ko napansin ang oras at nakalimutan ko na marami pa pala akong gagawin. Aalis na muna ko ha? Magpapakain pa kasi ako ng mga alaga kong baboy.


Hindi ko na siguro kailangang magpakilala pa sa'yo dahil sigurado naman akong kilala mo na ako mula ulo hanggang paa. Minsan mo na ring nabasa ang aking mga drama at daing heto na naman ako muling dumadrama, muling umeeksena. Sana hindi lang pakikinig ang kaya mong gawin sana umaksyon ka rin. Sana hindi ka isa sa mga anak kong ikinahihiya ang pangalan ko pero kung ganoon ka man bukas-palad pa rin kitang tatanggapin. Sana hindi ka isa sa mga anak kong gumagawa ng kahalayan sa akin pero kung ganoon ka man gusto kong sabihin sa'yong mahal ko pa rin kayong lahat at hindi ko pa rin kayo itinatatuwa sa kabila ng lahat ng 'yan.
Ako pa rin ang inyong Ina.
Ako pa rin ang Ina ninyong hindi mauubusan ng kuwento. Ina ninyong mareklamo at madaing pero mapagmahal. Ina ninyong martir at mapagbigay. Inang malaya raw pero mistulang inaalila at inaalipin.

Siguro batid mo na kung sino ako at kung hindi mo pa rin ako kilala siguro mas nakakaawa ang kalagayan mo kaysa sa'kin. Makabubuting tulungan at kilalanin mo munang maigi ang sarili mo bago mo ako abutan ng tulong. 
larawan ng ating ina

Saglit lang, basahin mo naman ito...

$
0
0


Ang kalamidad daw ay walang pinipili; mayaman o mahirap, naghihikahos na bansa o progresibo basta kapag hinagupit ka nito walang sasantuhing kahit na sino. Walang kuwestiyon na wala ngang pinipili ang kalamidad pero tila naka-bookmarked or naka-marked as favorite ang Pilipinas sa bansang laging tinatamaan ng kalamidad o delubyo. Hindi pa nga tayo ganap na nakakarecover sa PDAF issue, sa giyera sa Mindanao, sa napakalakas na lindol at halos isang buwan pa lang ang nakalilipas ay mayroon na namang dumagok sa atin: ang bagyong si Yolanda na ayon sa NASA, PAGASA, etc. ay isa sa pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ng mundo.

Katulad ng mga world record na pinanghahawakan ng Pilipinas na worst sea disaster in the world, one of the most corrupt country, most corrupt official at iba pa, kailanman ay hindi natin dapat itong ikatuwa.
Ano bang meron sa Pilipinas at lagi tayong may disaster (man made man o nature)?
Ano bang meron sa Pilipinas at paborito tayong dalawin ng kalamidad?
Ano bang meron sa Pilipinas at inaabot tayo ng iba't ibang klase ng delubyo?

Ang Pilipinas ay earthquake / landslide / storm / flood prone country. Sa katunayan, ayon kay Mang Tani na beteranong meteorologist ang average na bagyo natin sa isang taon ay aabot sa dalawampu at ngayong 2013 ay lampas na tayo sa quota. Hindi sa nagmamagaling ako, kung lagi tayong dinadaanan ng mga malalakas na bagyo at matataas na baha hindi ba dapat ay mayroong isang MATINONG EVACUATION CENTER sa bawat bayan o siyudad na ipinagawa ng local government? Para sa mga panahong may sakuna o kalamidad ay iyon na agad ang takbuhan ng mga biktima o nasalanta at hindi ang eswelahan ng mga mag-aaral sa elementarya ang nagiging pansamantagal na evacuation center. Pasensya na, nagtatanong lang.

Oo, nagkalat ang mga corrupt at ganid na pulitiko at government officials sa bansang ito pero 'wag naman sana nating isipin na 'karma' sa bansang Pilipinas ang mga nangyayaring lindol, digmaan, bagyo, landslide, baha at mga sakuna. Ang mga biktima ng kalamidad ay walang kinalaman sa pagiging walanghiya ng mga namumuno at kung maari nga na kung sino lang ang labis na nagpapahirap sa bansa 'yun lang ang maging biktima ng kalamidad.

Nakakalungkot na sa kabila ng kakapusan natin sa pera nangyayari pa sa atin ang mga ganito katinding kalamidad. Ninanakaw na nga ang malaking bahagi ng ating pondo mapupunta pa ang ilang bahagi nito sa mga nasalanta at sa halip na magagamit sa pagpapaunlad(?) ng bansa, daang milyong piso tuloy ang mailalaan para matulungan ang marami nating kababayan. At sa kasaysayan ng pulitika sa Pilipinas hindi ka ba nag-iisip na may mag-iinteres pa rin na opisyal sa donasyon at tulong para sa mga biktima? Dahil hindi lingid sa atin na maraming bansa sa mundo ang nagpahiwatig ng tulong pinansyal sa mga nabiktima ng bagyo.

Partikular sa Visayas.
Aabot sa libo ang nasawi. 'Di mabilang na bahay ang nawasak. Libong ektarya ng pananim ang nasira. Milyong tao ang apektado. Bilyong piso ang damages. Libong kaluluwa ang naliligaw. Magsingdami ang baha at ang luha. At kung nababasa mo ang akdang ito mas maswerte ka sa kanila dahil may oras ka pang makapag-internet samantalang ang problema ng mga biktima ng bagyong Yolanda ay buhay at kabuhayan.  Walang puso lang ang hindi maaantig sa eksenang iniwan ng bagyo at kung sa mga bahay natin dumaan ang higit sa 200kph na lakas ng bagyong ito malamang wala na tayong mauuwiang tahanan.

Kalunos-lunos ang kanilang kalagayan katunayan sa sobrang hirap na kanilang dinaranas ngayon ay nagkaroon ng malawakang looting sa maraming establisimyento. Nakawan ng iba't ibang mga bagay tulad ng mga pagkain, damit, tubig at nakakadismaya na pati mga electrical appliances ay ninanakaw na rin. Sino ba tayo para manghusga? Pero noong kasagsagan ng tsunami sa Japan noong taong 2011 nakita ko ang mga hapong biktima nito disiplinado at matiyagang nakapila para sa rasyon ng pagkain sa kanilang evacuation center. Marahil sa kawalan ng sistema ng mga namumuno desperadong nagawa nila ang looting ng mga appliances.

Nasaan na kaya ang mga magigiting na pulitikong naghahangad ng pagbabago sa bansa sa panahon ng kalamidad? Ewan natin. Nakakadismaya lang na masyadong iniasa ng mga namumuno sa malalaking TV Network ang pagkalinga sa mga nasalanta ng bagyo. Sa halip na magpapogi sila sa harap ng telebisyon o ipangalandakan ang accomplishment/kagalingan nila sa print media ito ang tamang panahon para kumilos, magkaisa at tumulong hindi lang sa pagngawa kundi sa mismong paggawa. Sana kahit minsan magamit man lang ang kanilang pera at impluwensiya sa mabuting kaparaanan.

At sa kabila ng mga unlimited na trahedyang ito at katulad ng iba pang kalamidad na naranasan ng Pilipinas, sigurado bukas o sa makalawa ay makakabangon tayo mula sa muling pagkakadapang ito. Sana sa pagbangon nating ito ay matauhan na rin ang mga namumuno sa atin at maisip nilang itigil ang kanilang pangungulimbat sa bayan. Sana maisip nila na may mga taong higit na nangangailangan ng pondo ng bayan. Sana mahabag na sila sa kaawa-awang kalagayan nang nakabagsak na Pilipinas.

Hindi sapat ang awang ating inuusal sa tuwing sila'y napapanood natin sa balita.
Hindi sapat ang simpatiyang ating pinupukol sa kanila sa tuwing nakikita mo ang bakas ng trahedya sa internet.
Hindi sapat ang atensyon na makukuha nila sa atin sa tuwing may iniiyakang bangkay na biktima ng pagkalunod.
Hindi sapat ang dasal at panalangin na iyong sasambitin para sa mga naiwang biktima ng trahedya.
Hindi lang awa, simpatiya, atensyon at dasal ang kanilang kailangan. Kailangan nila ay damit, pagkain, medisina, pera at higit sa lahat pang-unawa. Sana kung may maitatabi kang pera o anumang pwedeng maitulong sa kanila makapagbigay ka naman kahit na kaunti lang. Maari kang magbigay o magdonate sa pinagkakatiwalaan mong NGO pwede rin sa KAPAMILYA o KAPUSO o KAPATID Foundation.

Hindi mo alam na ang kaunting halagang iyong naibigay ay makapaglalagay ng kakaibang ngiti sa kanilang labi o makakapagdugtong ng isang araw sa kanilang buhay o panibagong pag-asang kanilang babaunin sa pagmulat ng kanilang mata kinabukasan.

Pilipinismo 2.0

$
0
0


Kuntento ka na ba sa katayuan ng bansa mo ngayon? 
Kuntento ka na ba sa estado ng buhay na iyo ngayong kinalalagyan?
Kung 'oo' ang sagot mo mabuti pero batid mo bang mayroon pang igaganda at ibubuti iyan kung naging tapat at progresibo lang sana ang puso at mentalidad ng mga namumuno sa atin? Ngunit kung 'hindi' naman 'wag kang mag-alala dahil kabilang ka sa napakalaking porsyento ng mga pilipino na umaasa na aangat at aasenso ang kanilang pamumuhay sa 'itinakdang' panahon.

Silang mga pilipinong nabubuhay at kinakamatayan na ang pag-asang siglo na nilang kinakapitan at inaasahan.

Hindi lingid sa atin na ang Pilipinas ay tanyag sa maraming bansa hindi lang dahil sa husay, determinasyon at galing ng mga pilipino sa maraming bagay o sa ganda ng ating mga karagatan o yaman ng ating kabundukan kundi dahil sa malawakang katiwalian at korapsyong nagaganap sa ating pamahalaan at kahit tayong pilipino nga mismo ay hindi buo ang ibinibigay na tiwala sa mga opisyal na namumuno sa atin. Kasaysayan ang nagmulat sa atin kung gaano kalala ang katiwalian sa ating gobyerno kaya't hindi natin masisisi ang sinuman (pilipino man o dayuhan) na magduda sa anumang pondong kanilang hinahawakan. Kung gaano kaliit ang ibinibigay nating tiwala sa mga opisyal na namamahala sa atin halos ganun din ang respetong iginagawad natin sa kanila ngunit kahit anong gawin nating protesta o pagpapahayag mistula silang mga manhid at walang pakialam sa ating mga pakiusap at hinaing.

Silang hindi natitinag sa kanilang kinatatayuan, silang hindi naaantig ang mga kalooban.

Biyernes, Nobyembre 8, 2013.
Habang may isang Napoles na lantaran ang pagsisinungaling sa hearing ng senado, sa mismong sandali namang iyon ay binabayo nang napakalakas na pwersa ng bagyo ang malaking bahagi ng Pilipinas. Habang ginagago at niloloko niya ang buong sambayanang pilipino tila nagpupuyos naman sa galit at lupit ang kalangitan. Maaring ito'y isang aksidente o nagkataon lang ngunit ito'y kakatwa kung ating iisipin at tila may ibig itong ipahiwatig at ipakahulugan.

Bumubuhos ng mga tulong, ayuda, suporta, donasyon at pera ng iba't ibang nasyon sa mga biktima ng super bagyong Yolanda at habang isinusulat ang akdang ito aabot daw ang halaga nito ng mahigit sa tatlong bilyong piso! Nakakalula ang halaga, nakakasilaw ang pigura. At dahil dito kabi-kabila ang panawagan at panalangin ng buong mundo na huwag naman sanang kulimbatin, nakawin o kupitan kahit na katiting na bahagi ng mga donasyong nakalap.
May mga radikal na panawagan, may mga lantaran ang pagtuligsa, may naghayag ng sama ng loob at sintimyento sa mga social network ngunit mas marami ang piniling manahimik ngunit hindi kahulugan nito na buo ang kanilang tiwala sa mga taong hahawak ng napakalaking suportang patuloy na dumarating at dumarami.

May kasabihan tayo noon na madaling maging tao pero mahirap magpakatao maari na nating idagdag ngayon na: 'hindi madali ang buhay lalo't nabubuhay kang isang pobreng pilipino'. Hindi madali dahil tila para tayong mga sugatang kuting na hinayaan ng ating iresponsableng ina na mamuhay sa madilim at masukal na kagubatan. Nagtatanong kung hanggang kailan ba tayo mananatili sa kagubatang ating kinasadlakan? Hanggang kailan ba tayo kayang tikisin at tiisin ng ating inang namumuhay sa kaginhawaan?

Mababait sana ang pilipino kaya nga mayroong tinatawag na 'filipino hospitality' ngunit dahil sa labis na kahirapan at kawalan ng oportunidad para sa matinong hanapbuhay marami ang napipilitang kumapit sa patalim. Ngunit naniniwala pa rin ako na kahit kailan 'the end does not justify the means' ang kasalanan ay kasalanan kahit para sa kabutihan pa ang layunin ng ginawang kasalanan. Unti-unti, naglalaho ang ating pagiging filipino hospitality at napapalitan ito ng takot at pangamba. Takot at pangamba na mamuhay ng payapa sa sarili niyang bansa.
Ikaw ba'y hindi nangangamba sa iyong kaligtasan sa tuwing ikaw ay naglalakad sa alinmang kalsada sa Pilipinas lalo na sa Kamaynilaan?
Ikaw ba'y hindi nangangamba sa kinabukasan ng iyong mga anak at magiging apo sa mahal nating Pilipinas?

Sa kabila ng kayamanan at kagandahan ng ating likas-yaman, sa napakaraming buwis na pumapasok sa kaban ng bayan, aabot sa bilyong dolyar na remittances ng mga masisipag na bagong bayani daw ng ating bansa - heto tayo kaawa-awa sa paningin ng mga banyaga.

Noong panahong hindi pa talamak ang kahirapan kapansin-pansing higit na mababa ang naitatalang kriminalidad dito sa atin ngunit kalaunan habang padausdos ang ekonomiya ng Pilipinas at nang mag-umpisang makaranas ng gutom, paghihirap at kawalan ng pagkakataong magkatrabaho ang maraming pilipino tila sumabay na rin sila sa pagiging malupit ng mundo, gradually nagiging malupit na rin sila.
Sa kagustuhang malamanan ang sikmura ng bawat miyembro ng kanyang pamilya at tila nawalan ng kapag-asahang matutulungan silang maiahon ng gobyerno mula sa pagkakalubog sa kumunoy ng kahirapan nagiging mapangahas ang marami nating hikahos na kababayan.

Ngayon, mapangahas ko ring ipapahayag na sa kasalukuyan nating kalagayan walang sinuman ang may KATIYAKANG makapagsasabing may magandang kinabukasang naghihintay ang susunod na henerasyong pilipino. Kaya nga marami ang nagpapasyang maghanapbuhay sa ibang bansa dahil napakaliit ng tsansa na ikaw ay umasenso dito sa Pilipinas liban na lang kung ang iyong pamilya ay may labis na kayamanan o may matatag kang negosyo at palarin na magkaroon ng napakagandang oportunidad (ngunit kung susuriing mabuti ang liit ng odds para dito). Ang ordinaryong empleyado dito sa atin ay HALOS walang pagkakataong umunlad at umasenso.

Ang ating mga lider at pinuno ay ating mga magulang na sana'y gagabay at magpapalaki sa atin ng may respeto at pagmamahal sa kapwa subalit ang mga magulang nating ito, sa halip na maging magandang halimbawa sa atin sila pa ang nagtuturo at nagtutulak sa mga mahihina para makagawa ng mga bagay hindi kanais-nais. Walang nagnanais na mangholdap kung mayroon itong matinong pagkakakitaan, walang nagnanais na maghalungkat ng napakabahong basura kung may sapat na kalinga at programa ng edukasyon para sa mga kabataan, walang nagnanais na magpakaputa kung mayroong matino at magandang mga hanapbuhay na nakalatag. Bakit hinahayaan natin ang lantarang diskriminasyon sa lahat ng requirements ng mapapasukang trabaho? Bakit dapat may pleasing personality ang halos lahat ng available na trabaho? Bakit may age limit, paano na ang may edad na ngunit may kakayahan pang magtrabaho?
Isang katotohanan na kapag walang permanenteng trabaho tumataas ang bilang ng krimen.

Maraming krimen ang hinayaan na lang nating hindi maresolba, maraming krimen ang hindi na lang nirireport ng mga biktima, maraming krimeng pagnanakaw ang winawalang bahala at itinuring na lang na ordinaryong kaganapan sa Pilipinas, maraming krimen ang hindi talaga ginawan ng paraang malutas lalo't kung ang taong sangkot ay mayaman, maimpluwensya o makapangyarihan.
Lahat ng krimen ay kailangan ng hustisya ngunit iilan lang ang kayang lutasin ng ating batas at pulisya?

Kaya ba hinahayaan at pinababayaan na lang natin ang mga tsuper na lantaran kung walanghiyain ang batas trapiko?
Kaya ba handa nating tiisin ang mga minor o petty crime tulad ng snatching o holdapan?
Kaya ba okay lang sa atin ang magtapon ng basura kahit saan natin gustuhin?
Kaya ba ang prostitusyon ay tila tanggap na ng lipunan?
Kaya ba patuloy na lumalala sa bansa natin ang drug trafficking?
Siguro nga...dahil kung ano ang nakikita nating madalas 'yun ang ating nakakasanayan at ang mga kinasanayan nating ito habang tumatagal ay mahirap nang pigilan at supilin.

Pilipino sa pilipino walang tiwala at respeto. Banyaga sa pilipino ang tingin ay biktima ng sarili nilang pamahalaan. Nakakahiya pero iyan ang nagdudumilat na katotohanang sumasampal sa bawat isa sa atin at kahit anong pagsusumikap ng pinakamataas na namumuno sa atin o ilang may tunay na pagmamalasakit sa bansa na maging matapat at matino maramihigit na marami pa ring gahaman at ganid sa pera at kapangyarihan kumpara sa matino at maaasahang pinuno.

Habang milyong tao ang labis na naapektuhan at ngayo'y nahihirapan ang kalagayan dahil sa nakalipas na kalamidad, ang mga nahalal ng tao na nangako noong nakaraang eleksyon ng pagbabago at pagmamahal sa bayan ay hindi makita at hindi mahagilap. Tila iniasa na ng mga pulitiko sa mga higanteng network sa bansa ang pagtulong at pagkalinga sa mga sinawing-palad na biktima ng sunog, lindol, sakuna, baha, landslide, storm surge at ang huli nga ay ang mapaminsalang bagyong si Yolanda. Ang nakakalungkot, sa susunod na eleksyon sila ang ulit ang mahahalal.

Napakahusay nating mambara at mambatikos sa sinumang nagbibigay puna sa ating lahi o sa ating mga ginagawi pero hindi naman tayo sensitibo sa nararamdaman ng iba. Bakit hindi natin maamin na ubod nang bagal ng ating pamahalaan sa pagresponde sa lahat ng klase ng kriminalidad, sakuna at kalamidad? Tanggapin sana natin ang ating kahinaan at magmula rito ay pagbutihin ang mga puna at kritisismong hindi naman kasinungalingan ngunit bilang ganti may magtatangka pang batikusin ang taong naghatid ng isang balidong ulat. Hindi sapat ang pagmamalasakit lang dahil mas mahalaga ang kagyat na pagkilos sa panahong ito. Hindi sapat ang nakatingin ka lang o nakikinig ka lang sa mga ulat dapat ay magtulungan tayo sa anumang paraang alam mo.

Napakabilis din nating sumigaw ng "Proud to be Filipino!" sa tagumpay ng iilang piraso nating kababayan pero itinatakwil at ipinagkakanulo naman natin ang ating kabuuan. Ang tagumpay ng ilang pilipinong indibidwal ay hindi sumasalamin sa kabuuan ng ating lahi dahil ang nakikita at namamalas sa atin ng mundo ay negatibo. Lantaran man o hindi, marami sa ating 'bagong bayani' ay nakararanas ng diskriminasyon dahil ayon sa kasaysayan tayo ay alipin ng mga dayuhan at hanggang sa kasalukuyan hindi pa natin nababago ang kasaysayang ito. Hanggang kailan tayo makakahulagpos sa konotasyong ito? Kung maaari lang, ngayon na sana. Hindi sa susunod na henerasyon, hindi sa susunod na salinglahi.

Bakit ba hindi tayo makahanap o makapaghalal ng matino at matalinong pinuno? O merong nagtatangka ngunit mas nais nating mamuno sa atin ay mga taong sikat at popular kahit salat sa sinseridad at kaalaman. Kung maari lang sanang i-clone ang mga katulad na pamumuno, tikas, astig, diskarte at abilidad nina Miriam, Duterte, Gordon, Robredo, Bayani, Hagedorn, Bonifacio, Rizal at iba pa. Marami pa ang tulad nila na handang umaksyon, tumugon at magmalasakit sa bayan pero madalas hindi natin nakikita o ayaw nating pansinin siguro'y hindi tayo sanay o ayaw nating magpasaway dahil mas nananaig ang katigasan ng ulo ng marami sa atin. Ang popular na pulitiko ay hindi katumbas na magiging magaling din siyang manungkulan, ang popular na magdeliver ng kanyang bawat speech ay hindi kahulugan na natutumbasan niya ng aksyon ang kanyang bawat sinasabi. Hanggang sa siya'y bumaba sa panunugkulan mananatiling siya'y Popular President lang kung mas marami pa ang kanyang paninisi kaysa karampatang aksyon.

Sana sapat na ang mga tulad nina Pablo, Pedring, Ondoy, Sendong, Habagat, Yolanda, Marcos, Revilla, Enrile at Napoles para matuto at magbago na, hindi lang ang mga lider natin kundi tayo mismong mga pangkaraniwang tao. Sana hangga't hindi pa huli ang lahat at may pagkakataon pa tayong baguhin ang mga mali sa ating kasaysayan. Sana hangga't hindi pa lubos na nasasaid ang papaunti na nating kabundukan, kabukiran at likas na yaman. Sana hangga't may mga nagtitiwala at tumutulong pa sa ating kasalukuyang kalagayan.

Madali ang manisi, madali ang mag-akusa ngunit pagkatapos ng napakahabang panahon ito pa rin ang ating mga katanungan.
Ano na ba ang napala natin?
Ano pa ba ang aasahan natin?
Ilang kalamidad pa ba ang kailangan natin para lang tayo maging matino at matutong magmalasakit at magmahal sa kapwa? O kahit siguro judgment day na ay hindi pa rin matitinag sa pagkamanhid ang mga suwail sa ating bayan. Kaawa-awang Pilipinas.

Sa kabila ng matinding kalamidad na ating kinakaharap nakakatuwa at nakakataba ng pusong malaman na ang kapwa Pilipino sa ganitong sitwasyon at kahit na ang buong mundo ay nagdadamayan, nagtutulungan at handa pang tumulong sa mga biktima at naapektuhan ng 'di pangkaraniwang bagyo. Hindi lang basta pinansiyal kundi personal na aalalay at nakikiisa sa mabilis na recovery ng bansa.
Sinasantabi pansamantala ang kulay, relihiyon, interes, lenggwahe, antas o estado ng buhay makapagbigay lang ng ayuda at pag-asa sa mga lubos na nasalanta.

Sana kahit walang emergency, krisis o kalamidad ang isang bansa magawa nating mahalin at tulungan ang bawat isa sa atin.
Sana kahit walang panawagan na tayo'y tumulong kusang loob nating ibigay ang nararapat na kalinga at pag-aaruga sa mga tunay na nangangailangan.
Sana kahit walang batikos at pumupuna magampanan natin ang ating tungkulin at obligasyon ng buong puso para sa bansa at sa mga tao.
Sana.

'Pag nangyari ito sigurado lahat tayo ay may kakayahang sabihin na: PHILIPPINES would be a betterperfect place to live in.


Kung bakit yumayabang ang maraming pilipino sa tuwing nananalo si Manny Pacquiao

$
0
0


Likas na sa mga pilipino na lumabas ang itinatagong yabang o angas sa tuwing mayroon silang kababayan na nagtatagumpay o nag-uuwi ng karangalan para sa bayan sa kahit anong contest o larangan. Proud na proud ang marami sa tuwing may artistang pinoy na extra sa isang Hollywood movie o sa tuwing may pumapasok na pinoy contestant sa mga reality show na tulad ng American Idol, America's Got Talent, X-Factor, etc. at mga bansang may franchise nito o sa tuwing may mga pinay na nakokoronahan sa mga international beauty pageant o sa  tuwing may mga kababayan tayong nagwawagi sa iba't ibang competition tulad ng WCOPA o Brussels/Brisbane/Venice Film Festival. At kahit na kakaunti lang ang dugong nananalaytay sa taong nakapagkamit ng tagumpay o may makatawag pansing talento buong pagmamalaki nating ipinangangalandakan na kalahi natin ito sabay sigaw o share ng status sa Facebook na: "Proud to be Filipino!" with exclamation point.


Dalawang talo ang pinanggalingan ni Manny Pacquiao at sa panahong iyon tila tumamlay, tumahimik at natameme panandali ang mga netizens na mapride, tila namaos ang kanilang boses at nabawasan ang kanilang kaangasan. Ngunit hindi doon natatapos ang lahat dahil kahit lehitimo ang pagkapanalo ni Marquez sa huli nilang laban pasaring at labis na pambubully naman ang ganti nila dito. Senyales ito na hindi handa ang marami sa atin na tanggapin nang maluwag ang pagkatalo ni Manny samantalang ang mismong bumagsak at natulog sa ring ay buong pusong tinanggap ang kabiguan nang walang dahilan, walang alibi, walang katwiran.


Proud ang marami kay Ms. World Maegan Young
Sa nakaraang laban ni Manny Pacquiao versus Brandon Rios walang dudang si Manny ang nagwagi dito dahil mula umpisa hanggang huling round ay nadomina nito ang laro. At dahil dito muling nagising at bumalik ang yabang (na pansamantalang naidlip) ng maraming pilipino at nakadagdag pa rito ang magkakasunod na pagpwesto ng ating mga pambato sa pandaigdigang beauty pageant. Bumungad sa iba't ibang fan page ng Facebook ang paghanga, pagbati at pagyayabang ng mga admin nito na proud silang naging pilipino sila at siyempre kabilang rin sa sumisigaw nito ang maraming proud pinoy netizens.


Ito 'yung moment na hinihintay nang lahat pagkatapos ng debastasyon at bayolenteng pananalanta ng bagyong Yolanda. Ang pagkaawa ng mga foreign nation sa Pilipinas ay kagyat na napalitan ng paghanga. Ito ang tamang pagkakataon para muling pumailanlang ang 'Pinoy Pride'. Ang comeback ni Manny ay parang comeback na din ng buong sambayanan.
Ang panalo ni Manny ay inspirasyon para sa marami, kasiyahan para sa milyon-milyong katao hindi lang ng mga pilipino, karangalan sa bansang dumaranas ng pagdurusa, pag-asa para sa mga patuloy na nangangarap at kayabangan para sa mga gutom sa pagkilala at magandang balita.


ang superhero ng pilipinas
Halos lahat ay nagnanais na manalo si Manny sa bawat kanyang laban ngunit okay lang sa akin ang anumang magiging resulta o kalalabasan ng kanyang bawat laban; manalo man o matalo. Kung hindi man magwagi hindi na kailangan nang katwiran, pambubully, pangangantiyaw, palusot, bayolenteng reaksyon, pang-aasar o pagcurse sa nakalabang boksingero tanging kailangan lang ay ang pagtanggap na hindi sa lahat ng panahon at pagkakataon ay mananatili kang nasa ibabaw at pagpapaalala din ito na walang sinuman ang nananatiling nasa rurok ng tagumpay kailanman. Sa taglay na husay at lakas ni Manny sa boxing halos nalilimutan nating mortal din lang siya na nagkakamali, na mayroon ding kahinaan; hindi siya imortal, invincible o superhero at anumang sandali pwede siyang magapi.


Bilang pilipino nakakatuwa na mayroong isang pilipino na angat sa napili niyang larangan ngunit ang hindi nakakatuwa ay ang ugali ng karaniwang pinoy sa tuwing makakatikim ng panalo si Manny. Given na ang paghanga at pagiging masaya ngunit ang labis na pagmamayabang ay hindi na nakakatuwa at kaaya-aya sabi nga ng misis ko pagkatapos ng laban ni Pacquiao kay Rios: "Kaya ayokong nananalo si Manny kasi sa tuwing mananalo siya dumadami ang yumayabang na Pilipino!"patungkol ito sa announcer ng radyo na nagcover ng laro. Kung ano ang kababaang loob ni Manny sa tuwing siya'y nananalo siya namang pagiging mayabang ng maraming pilipino.  Kunsabagay hindi natin sila masisisi dahil napakabihira ng pagkakataong ganito: ang maging eksepsyonal ang isang pilipino sa ibang mga lahi!


Likas na may yabang ang pilipino hindi ba't sa tuwing may bago silang gamit, bag, damit na mamahalin, sapatos, iPhone, gadget at iba pa ay ipinangangalandakan nila ito sa mga kaibigan o sa kanilang Social  Networking account. Hindi ba't sa tuwing kumakain tayo sa medyo mamahalin/sosyal na restaurant o humihigop ng mamahaling kape o nakabili ng overpriced na donut ay agad natin itong pinopromote sa FB o Instagram? Hindi ba't sobrang ipinagmamalaki ng mga magulang ang matataas na grado sa eskwelahan ng kanyang anak?
Pero iba ang yabang at angas ng mga pinoy sa tuwing magwawagi at paparangalan ang isang Manny Pacquiao. Ang yabang natin ay nangingibabaw! At may dahilan kung bakit tayo ganito; may malalim na rason kung bakit yumayabang ang maraming pilipino sa tuwing nananalo si Manny Pacquiao.
Galing sa kayabangan google ang larawan
Simula nang tayo ay magkaisip tila namulat tayo na ang ibang lahi partikular na ang mga kanluraning nasyon ay angat sa atin, automatic na ang paghanga natin sa kanila.
Hindi ba't 'nakajackpot' ang tingin natin sa isang ordinaryong pinay na may boyfriend/asawa na ingles o amerikano?
Hindi ba't ang tingin natin sa HALOS LAHAT ng mga puti/amerikanong bumibisita sa ating bansa ay mayaman kahit hindi naman?
Hindi ba't labis-labis ang paghanga natin sa mga koponan ng NBA, sa mga Hollywood movies kasama na ang kanilang actors and actresses?
Hindi ba't kinoconsider natin na mataas ang quality ng isang produktong may tatak na 'Made in USA' o 'Made in Japan'?
Hindi ba't mas masarap sa panglasa natin ang mga imported chocolates kaysa lokal na mga tsokolate natin?
At kahit magaling o may ibubuga tayo at mga gawa natin sa kanila mas kahanga-hanga pa rin para sa atin ang mga imported products at hindi ito maikakaila lalo't obvious na hindi bumebenta ang mga lokal nating produktong gadget kumpara sa Korean, Japan at American brands.


Manny Pacquiao - National Treasure. The Filipino Pride.
Nakatala na sa kasaysayan na ang isang purong dugong pinoy na si Manny ay umangat, namukadkad at ginapi ang mga banyagang (boksingero) kanyang nasagupa nang hindi lang ilang beses, purong talento ito na hindi tsamba kaya natural lang na reaksyon ang paghanga at pag-idolo natin sa kakaibang galing at talinong ito ni Manny at ang labis na paghanga at pag-iidolong ito ang nagtutulak sa maraming pilipino para magmalaki at magmayabang.


Isang uri ng cyberbullying kay Rios
Sa sobrang dami ng HINDI MAGAGANDANG BALITA na sumasalubong sa atin sa bawat araw tila nakasanayan at namanhid na tayo dito. Pangkaraniwan na sa mga pilipino ang headline ng iba't ibang krimen, mga kontrobersiyang kinasasangkutan ng ating mga tiwaling pulitiko at mga natural disaster na ayaw tayong lubayan. Ang anumang good news na magpaparelax sa nakakasawa at nakakapagod na nakasanayan nating balita ay makakakuha ng atensyon ng mga pilipino lalo't involve ang galing at husay ng isang pinoy o personalidad na may dugong pinoy. Kaya isang BIG DEAL para sa marami ang tagumpay ni Manny Pacquiao. Para bang ang tagumpay ni Manny ay tagumpay na rin ng sambayanang pilipino at ang kanyang bawat pagtumba at daing ay tila dama rin ng milyon-milyon niyang fans.


Ang bawat panalo o pagwawagi ni Pacquiao ay pambasag sa nakakairitang balita ng katiwalian, pulitika at trahedya sa ating bansa.

Gutom ang mga pilipino sa magaganda at kaaya-ayang balita, success at inspirational story at napakakaunti o limitado ang mga personalidad na naghahatid sa atin nito hindi tulad sa mga mga mauunlad na bansa o kanluraning nasyon na maraming kababayan nila ang nagdadala ng tagumpay at karangalan para sa bansa nila. Ika nga siksik, liglig at nag-uumapaw ang personalidad na nagiging matagumpay sa iba't ibang uri ng larangan; sports, singing, acting, business, science, technology o art. Hindi matatapos ang listahan kung ito'y iisa-isahin at hindi ito gaanong big deal sa kanila.


Ang sinumang pilipino na nag-uuwi ng karangalan sa kanyang bansa ay kinikilala natin ng sobra-sobra dahil bibihira dumating ang ganitong pagkakataon. Tila nagkakasya na lang tayo sa kung anong success ng iba, success din natin at nakikisakay na lang tayo dito. Ang nakakalungkot pinipili lang natin ang dapat nating ikaproud kahit nagdudumilat ang napakaraming bagay at ugali na dapat nating baguhin at iimprove. Mga pilipinong proud sa tuwing nananalo ang isang pilipino pero patay-malisya naman sa hindi kagandahang ugali ng marami sa ating kababayan at wala ring pakialam kung nasasangkot ang pilipino sa mga kabalastugan, kulang na lamang ay itakwil nila ang kanilang pagiging pinoy.


Paano na lang kung magretiro na si Manny, wala na bang dahilan para tayo maging proud? Paano na lang ang Filipino Pride?
Mayroon pa, dahil may mga pilipino pang magiging tanyag at uusbong sa iba namang katauhan pero 'wag sana nating iwaglit na ang husay at talento ng sisikat na ito ay hindi repleksyon sa buong lahing pilipino. Marami pa tayong dapat patunayan at baguhin para hangaan hindi lang isang indibidwal na pilipino kundi ang buong bansa natin. Sa ngayon, sa halip na maging hambog at mayabang tayo sa tagumpay ng iba mas maganda na maging humble muna sa kabila ng tinatamasang karangalan at pagkilala ng mundo sa ating kababayan, si Manny Paquiao man ito o ibang pangalan.

* * *
Ang KAPALALUAN, kasama ng kasakiman, kahalayan, galit, katakawan, inggit at katamaran ay kabilang sa pitong kapital na kasalanan. Hindi madaling gawin ang lahat nang ito pero kung kaya naman nating mapigilan pilitin sana nating ito'y maiwasan.

Paskong OFW

$
0
0
Ang akdang ito ay isang pagpupugay sa ating mga Bagong Bayani

Galing sa Google Images ang larawan

Disyembre na. Ilang araw na lang pasko na.
Habang abala ang marami sa paglalagay ng mga ilaw at dekorasyon sa kani-kanilang bahay heto ako pilit na nililibang ang sarili sa mga bagay na lahat ay pansamantala lang. Habang abala ang marami sa pagbili ng mga gamit at damit na gagamitin at isusuot sa espesyal na araw ng pasko heto ako kinukuntento ang sarili sa kung ano ang mayroon lang. Habang abala ang lahat sa pamimili ng aginaldo sa pamilya, kaibigan at kaanak heto ako pinanghihinayangan ang bawat dolyar na gagastusin para sa aking mismong sarili.


Gamit ang aking ipinadalang pera alam ko makakatulong ito upang makapaglagay ng ngiti sa mga labi nila, alam ko dahil dito mabibigyan ko sila ng kakaibang sigla at saya. Samantalang ako'y mag-aabang na lang ng kanilang ipo-post o ipadadalang masasayang larawan para kahit papaano'y maibsan ang lumbay na aking nararanasan, maghihintay ng lima hanggang sampung minutong tawag mula sa pamilya na kadalasan ay ipinagkakait pa.


Sa kabila ng aking mga ngiti sa mga kaibigan at kasama nagkukubli ang mga luhang may pagnanais na kumawala, sa kabila ng malulutong kong mga halakhak ay nagbabadya ang pagsambulat ng tinatago kong kalungkutan. Sa kabila ng pinapakita kong katatagan ay laging nakaamba ang pagkaguho ng aking lakas ng loob, sa kabila ng pinapamalas kong pagkamanhid ay maaninag sa aking mga mata ang pagkasabik na muling makabalik at makapiling ang mga mahal sa buhay.


Sa araw ng pasko isusuot nila ang magagara nilang mga kasuotan habang magtitiyaga naman ako sa luma at mumurahing damit. Masaya silang mamamasyal sa mall at sinehan habang aking nilalampaso ang sahig nang aking tinitirhan. Kasama nila ang kanilang mga barkada at kaibigan ako naman'y kapiling ang cellphone at unan pinalilipas ang lungkot ng maghapon at magdamag. Masasarap na pagkain ang kanilang nasa hapag-kainan habang pinagkakaitan ko ang aking sarili na bilhin ang nais kong burger, pizza at lasagna.


Ngunit handa akong magtiis para sa kanila hindi ko man nais at kagustuhan ang malayo sa pamilya ito lang ang tanging paraang alam ko upang magkaroon sila ng masaganang pasko. Kahit wala ako sa kanilang mga bisig gusto ko pa ring maipadama ang pagmamahal ko sa kanila; kapalit ng aking halik ay pera, kapalit ng yakap ko'y padala. Sapagkat ang lahat ng mga pagsisikap at sakripisyo ko ang unti-unting bubuo sa pangarap ko sampu ng aking pamilya, pangarap na tila mailap at mahirap kamitin.


Pinipilit kong iwasang makinig sa mga awiting pamasko dahil alam kong makakapagdagdag lang ito ng aking pagkalumbay pero minsan hindi ko rin magawa tila ba may halina at gayuma ang himig pamasko na kukurot sa aking puso. Ibinabalik ako nito sa aking pagiging musmos, ibinabalik nito ang lahat ng alaala na kapiling ang aking mga mahal sa buhay. Kung mayroong araw na higit ko silang mamimiss, kung mayroong araw na nais ko silang makasama, kung mayroong araw na mahalaga para sa pamilya, pasko ang araw na iyon.


Nakakasawa na ang mga tanong na: "Magkano ang iyong pinadala?" o "Nabili mo na ba ang gusto kong cellphone/gadget?" o "May tsokolate at branded na damit ba sa pinadala mong balikbayan box?" o "Baka kalimutan mo ang bilin ko sa'yo ha?" Sana kahit isang araw man lang marinig ko mula sa puso nila ang mga katagang: "Kumusta ka na? Namimiss ka na namin" o "Mahal na mahal kita, sana dito ka na lang palagi". Sana kahit isang araw man lang hindi tungkol sa pera ang paksa ng usapan. Sana madama at maunawaan nila kung gaano katindi ang lungkot na aking nadarama sa araw na ito, kung gaano kalungkot ang mawalay sa mga taong mahal mo.


Ilang pasko na nga ba akong ganito?
Ilang pasko ko nang sinasanay ang aking sarili sa ganitong kalagayan?
Hindi ko na mabilang. Ayaw ko nang bilangin. Ngunit alam ko darating ang panahon na lahat ng aking pagtitiis ay mapapalitan ng tagumpay, higit pa sa kaligayahan ang sa akin ay naghihintay at ang mga paskong aking namiss sa piling ng mga mahal sa buhay ay 'di ko na ulit papayagang mangyari.


Ah, sa ngayon magtitiis muna ako dito malayo sa pamilya na aking pinagmumulan ng aking lakas at kahinaan. Kailangang magtiis para sa mga magulang na nangangailangan ng atensyong medikal at medisina, kailangang magtiis para sa magandang kinabukasan ng mga anak, kailangang magtiis para sa mga kaanak na tila walang hanggan kung ikaw ay asahan. Malayo sa bayang tila walang kongkretong plano at walang handog na matinong buhay at kinabukasan para sa kapwa ko pilipino.


Disyembre na. Ilang araw na lang bagong taon na.
Ilang araw na lang matatapos na ang pasko pero tiyak hindi ang kalungkutan ko. Kailangan kong tanggapin na kailangan kong magsakripisyo para sa aking pamilya. 
Patuloy na mangangarap at aasa na sa susunod na mga pasko habangbuhay ko na silang makakasama.

"Kagalang-galang"

$
0
0


Sa plate number pa lang ng sasakyan malaki na ang pagkakaiba natin, siyete o otso ang sa akin, ang sa inyo naman ay ewan ko, wala akong pakialam at 'di ko gustong malaman. Kaya 'wag na ninyong ipilit ang pagkakapantay-pantay ng bawat isa dahil simula pa lang na maisulat ang kasaysayan ng tao ay nakatakda nang may maghirap at maging alipin at may mayamang makapangyarihan na tulad ko ang mananatili at maghahari dito sa daigdig na iyong kinabibilangan.
Ang gaya ko ang bumabalanse sa pag-inog ng mundo.


'Wag kang magtaka kung ang lahat ay hinahawi sa tuwing sasakyan ko'y dumadaan o mabigyan ako ng special treatment saan mang kalsada ako mapadpad o VIP kung ako'y ituring anumang okasyon ang aking mapuntahan. Hindi ko rin kailangang huminto sa pulang ilaw ng trapiko para na rin sa aking kaligtasan dahil ang buhay ko'y mahalaga kumpara sa kung kanino lang.
Ang pangalan ko ay simbolo at sagisag ng tagumpay, pulitika, pera at kapangyarihan.


Anong magagawa ko kung halos lahat ng aking angkan at ninunong may kapareho kong pangalan ay mamahalin ng mga gunggong na dumidiyos sa akin? Marahil ay dahil sa napakahusay na serbisyong aking ipinapakita sa kanilang lahat, na aking mga kababayan.
Anong magagawa ko kung ang mga katulad ko ang takbuhan sa oras ng pangangailangan ng mga timawa, pobre at hampas-lupa? Siguro'y alam nilang likas akong matulungin sa aking kapwa.
Anong magagawa ko kung patuloy nila akong hinahalal kahit na iilan lamang ang naipasa kong batas at iilang beses lang din akong nakaattend ng session? Sa mga panahong iyon malamang nag-iisip ako ng pagkakakitaan ikakaasenso ng ating bayan.


Hindi ko kasalanan kung sa halagang tatlong daang piso o isang supot ng bigas na may kasamang groceries ay ipagpapalit nila ang kanilang boto. Sa mga taong kumakalam ang sikmura mahalaga na madugtungan ang kanilang buhay kahit dalawa o tatlong araw lang. Kaya 'wag na kayong lubusang umasa ng matinong pagbabago dahil sa simula pa lang hindi na maganda ang ating pagtitinginan; tingin ko sa inyo'y mapagsamantala samantalang tingin niyo sa akin'y gahaman. 'Wag na tayong magplastikan pa.


Tuwing ikatlong taon, maraming talumpati na nang pagbabago ang aking nabigkas, ilang pag-unlad at kapayapaan na rin ang aking naipangako at kahit ilang libong ulit ko pa itong hindi tuparin sigurado maiintindihan at mauunawaan pa rin ako ng mga kababayan kong may mataas na pagtitiwala at pagmamahal sa aking talino at kakayahan.
Batid din naman kasi nila na tulad ng pangarap, hindi lahat ng pangako ay natutupad. Tulad ko, sila rin ay maunawain.


Marami ang may ayaw sa akin, marami ang nasusuklam sa aking pagkatao, marami ang tumutuligsa sa aking mga ginagawa pero higit na marami ang nagmamahal sa akin! Dapat ay wala nang kumuwestiyon pa nito dahil ang paglilingkod ko at ng aking angkan ay aabot na sa pitumpung taon iyon din ang dahilan kung bakit nakadikit na ang pangalan namin sa lungsod at bayan ng lalawigang ito. Kung walang nagmamahal sa amin hindi kami magtatagal ng maraming dekada sa puwesto at nais kong ipaalala sa lahat na hindi political dynasty ang tinataguyod namin kundi ang serbisyong may dedikasyon at de-kalidad .


Wala akong pakialam kung ang ibigay niyo sa akin ay takot o huwad na respeto dahil ang mahalaga sa akin ay makakuha ng simpatiya, ang hindi mapahiya sa mata ng madla, at maiangat mula sa paghihirap ang bayang aking sinasakupan. Kung "kailan?" ang tanong niyo, 'wag kayong mainip darating tayo diyan. Ika nga, patience is a virtue. Samantala, makontento muna kayo sa serbisyong inihahatid at ipinagkakaloob sa inyo. Huwag niyo muna akong gambalain dahil abala ako sa pagpapatakbo ng aking mga negosyo.


Hindi madaling itanggi ang masangkot sa multi-milyong pisong pork barrel scam o Malampaya fund scam o fertilizer fund scam kahit na sumasampal sa pagmumukha ko ang napakaraming papeles, ebidensiya at testigo hindi pa rin ako kayang makasuhan, maihabla, maipakulong at mapatunayang may pagkakasala. Dahil ang katotohanan, inosente talaga ako sa lahat ng kanilang akusasyon hindi ko kayang gawin iyon sapagkat kung may taong nagmamalasakit sa bayang ito, ako lang iyon!


Walang sinuman ang may karapatang i-freeze ang lahat ng aking kayamanan at ari-arian dahil lahat nang aking yaman at salapi ay mula sa lehitimo kong negosyo. May permit ng DENR ang aking trosohan at mining business, wala akong kinalaman sa gambling activities dito sa aking nasasakupan at mariin kong pinabubulaanan na nagkakamal ako ng isang milyong piso kada linggo bilang proteksyon sa gambling lord, pamumulitika lamang ang nakikita kong dahilan nang panggigipit nila sa akin dahil ako'y nasa kabilang partido.


Ngayong pinagtibay na ng Supreme Court na ang pork barrel fund naming kongresista at senador ay ilegal, paano ko na ngayon matutulungan ang aking mga constituent?
Saan ako kukuha ngayon ng pondo para sa kanilang medisina at pagpapaospital?
Saan ako maghahagilap ng pondo para sa pagpapalibing ng mga namatay kong kababayan?
Saan ako didiskarte ng pondo para sa pagpapaaral ng mga iskolar ng aking nasasakupan?
Paano na ngayon maipagpapatuloy ang magandang adhikain at simulain ng foundation na aking sinusuportohan?
Tuwing summer, saang bulsa ako dudukot para sa pondo ng bola, tropeyo at uniporme ng mga kabataang mahihilig sa away sports?
Kung walang magagawang alternatibong pondo para sa mga nabanggit kong proyekto 'wag niyo nang asahan na makakatulong ako sa mga mapagsamantalang aking constituent, uulitin ko wala na kaming Countrywide Development Fund.


Magpapasko pa naman at tulad ng nakaraang mga pasko sigurado dadagsa at magkukumahog na naman sa aking opisina ang mga timawa, pobre at hampaslupa na aking mga kababayan na hihingi ng mga aginaldo at tulong pinansyal upang may maihain na masarap na putahe sa kanilang hapag-kainan kahit man lang daw 'sang beses isang taon, parang ninong na kasi kung ako'y kanilang ituring. Sa pagkakataong ito mas malamang na mabigo sila dahil wala na akong mapagkukunan ng kanilang bisyo at luho sa ikatlong beses aking uulitin WALA NA KASING COUNTRYWIDE DEVELOPMENT FUND at hindi ko kayang ipamahagi nang basta na lamang ang aking yaman at pera dahil para iyon sa akin, sa aking pamilya at sa kanilang kinabukasan.


Sa kabila ng mga kalokohan, kabalastugan, katiwalian, pagkasuwail at pagtataksil ko sa bayan mananatili at mananatiling nakakabit sa aking pangalan ang salitang KAGALANG-GALANG. 
 
Gradong makukuha ng pulitikong kagalang-galang

Ang Hired Killer

$
0
0



"Sino ka?!? Paano kang nakapasok dito?"Napabalikwas mula sa pagkakatulog sa kanyang kama ang nagtatakang si Congressman Revillame sa lalaking nasa loob ng kanyang kwarto, nakatutok sa kanya ang hawak na baril - isang kalibre .45.

Nakaposisyon ang mama sa madilim na bahagi ng kwarto, malapit sa bintanang nakatindig sa gawing gilid ng malaking kurtina na kung hindi pumasok ang bahagyang liwanag galing sa labas ay hindi ito maaaninag ni Congressman.

"Marami akong pera! Kung sino man ang nag-utos sa'yo na ipapatay ako'y wala na kong pakialam pero kung magkano man ang ibinayad niya sa'yo handa akong magbayad ng doble o triple 'wag mo lang akong patayin!"Tila pautos na susog ng Congressman sa hired killer. Ngunit paano niyang nalaman na bayarin ang taong nasa kanyang harapan gayong ngayon niya lang ito nakaharap?

Paanong hindi niya malalaman na hired killer ang nasa kanyang harap ngayon e ilang beses na ba siyang nakipagtransaksyon sa mga tulad nito? Ilan na nga ba ang kanyang ipinapatay? Ilang pamilya na nga kaya ang binawian niya ng haligi ng tahanan? Ilang pangarap na nga kaya ang kanyang sapilitang ninakaw?
At ang huli nga ay isang whistleblower sa kinasasangkutan niyang scam.

Si Congressman Revillame kung ilalarawan ay isang tipikal na pulitiko. Sa simula'y mabuti ang hangarin, punong-puno ng pangarap para sa bayan, pagbabago ang adhikain, kaunlaran sa ekonomiya, trabaho para sa nakararami, edukasyon para sa lahat, matinong tahanan para sa nagdarahop at gawing kasaysayan na lang ang kahirapan. Isa rin siyang aktibong artista na sa tuwing kapaskuhan ay humahakot ng pera ang kanyang pelikulang may temang kabayanihan - ililigtas niya ang isang bayan sa tulong ng kanyang angking galing, katapangan at anting-anting.

"Magkanong kailangan mo? Kalahating milyon? Isang milyon? Dalawang milyon? Mayroon ako niyan 'wag mo lang akong patayin! May pamilya ako, may mga nagmamahal sa akin, kailangan nila ako!"  Parang sirang plaka ang Congressman, paulit-ulit niyang sinasabi ang kanyang yaman sa hired killer na hindi naman malaman kung siya'y naririnig o hindi. Kumbinsido siya sa kanyang sarili na maaakit niya ng kanyang pera ang taong gustong pumatay sa kanya at tuluyan na siyang iiwan nito. Nasa isip niya: Sino ba naman ang tatanggi sa dalawang milyon? Hindi niya ito kikitain sa buong buhay niya kahit ilang ulo pa ang kanyang itumba, kahit ilang punglo pa ang kanyang maiputok, kahit hanggang sa pagtanda niya.

Mukhang mabait ang Congressman. Gwapo. May lingguhang programa sa telebisyon at may sariling produksyon ng pelikula. Galing sa mayamang angkan ng mga Revillame sa siyudad ng Dumaguete dahil ang kanyang ama ay dati ring sikat na artista at pulitiko. Kaya nakapagtatakang sa dami ng kanyang pera, sa taas ng posisyon niya sa gobyerno at sa ganda ng kanyang trabaho, ilang beses na siyang nasangkot sa iba't ibang krimen at katiwalian. Sa dumi ng pulitika, ang sinumang yumapak dito'y tiyak na marurungisan ngunit sa kaso ni Congressman Revillame hindi lang siya basta naputikan kundi tuluyan niya pang inilublob ang sarili sa putikan mula talampakan hanggang ulo at isinama niya pa sa putikang ito ang halos lahat ng kanyang angkan - na pawang mga pulitiko na rin.

Nakalalasing nga siguro sa itaas, nakalulula nga siguro ang tagumpay, nakakabaliw nga siguro ang kapangyarihan kundi ba naman, ang dating kanyang matinong hangarin para sa bayan ay tuluyan nang nagapi ng kanyang pagkagahaman at katulad ng lahat ng sumabak at nakipagsapalaran sa larangan ng pulitika lahat sila'y nilamon ng buo ng nakasusukang sistema.

Patungo sa kanyang malaking vault ang conressman. Binuksan muna ang switch ng ilaw.  Inikot ang combination. Tumambad sa mata ng hired killer ang napakaraming bungkos ng pera halos hindi ito magkasya sa loob ng vault at halatang isiniksik lang ang ilang mga bugkos para maisara ang pinto. Bumilang ng pera, mabilis na ibinukod ang dalawampung bungkos ng tig-isandaang libong piso. Dalawang milyon! Ngunit tila hindi man lang naantig ang hired killer, tila walang reaksyon sa nakitang napakaraming pera.

Sa dami ng perang iniaalok sa hired killer iisipin mong kukunin na niya ito. Malaking tulong na ito sa kanyang pamilya. Makakapagbago na siya at tuluyan nang makakaalis sa kanyang maruming trabaho. Ngunit mas nanaig sa kanya ang kagustuhang mapatay ang congressman. Sa di matapos-matapos na krimeng kinasasangkutan ng congressman ituturing niyang hustisya at katarungan para sa bayan ang kamatayan nito. At ang dalawang milyong nasa kanyang harapan ngayon ay bahagi ng bilyon-bilyong pisong ninakaw sa mamamayang pilipinong karamihan ay nagdidildil ng asin at nagpapaalipin sa mga katulad ni congressman na mapaniil. Ang dalawang milyong pisong ito ay maliit na porsyento lamang sa nakulimbat na salapi ni congressman kasabwat ang ilan pang mambabatas at ang napakapopular na si Mrs. Napoleon.

Nasa isip ng hired killer kung kukunin at tatanggapin niya ang dalawang milyong pisong ito naging bahagi na rin siya ng pandarambong at pagtataksil sa bayan. Ganito nga ang kanyang trabaho pero ang kanya namang pinapatay ay mga taong nagpapahirap sa nga taong katulad niyang walang kakayanang lumaban sa mga matataas at mga gahamang kapitalista at ganid na makapangyarihan. At ang katulad ni Congressman Revillame ay dapat nang tapusin ang kabuktutan.

Hindi maikakaila sa likod ng napakaamong mukha ng congressman, sa kinis at puti ng kanyang kutis, sa tamis at ganda ng mga ngiti nito nagkukubli ang isang pusakal na ang binibiktima ay ang nagdarahop na taumbayan. Kung hindi niya gagawin ang dapat niyang gawin ay baka mawalan na siya nang pagkakataon na maisakatuparan ito.

"Ito na ang dalawang milyon, sa iyo na lahat ito!" Alok ng Congressman sa hired killer habang itinutulak sa lamesitang palayo sa kanya ang perang makapagsasalba ng kanyang buhay. Napatingin ang congressman sa hired killer.

"I-iikaw?"lumaki ang matang nagtatanong.

"Oo ako nga."sagot ng hired killer, sa wakas nagsalita na ito.

"Papaanong..?!? Hindi maari ito binayaran kita para pumatay pero hindi ko iniutos sa'yong ako ang patayin mo!"

"Tingnan mo ang larawang ito!"inihagis ng hired killer ang isang envelope na may nakapaloob na larawan.

Binuksan ng congressman ang envelope at tiningnan ang larawang nasa loob. Larawan niya nga ang nasa loob! Dagli niyang kinuha ang iba pang mga envelope na nasa drawer ng kanyang sidetable. Nandoon nga ang litrato ng kanyang nais na ipatumba, ang larawan ni Mrs. Napoleon!

Dalawang linggo na ang nakalilipas, sa isang bakanteng lote sa bayan ng Imus kausap niya ang lalakeng ito sa loob ng kanyang magarang sasakyang Brentley kasama ng limampung libong piso at isang kalibre .45 na baril ay iniabot niya ang isang envelope na naglalaman ng larawan ng kanyang nais ipapatay. Ngunit sa halip na files ni Mrs. Napoleon ang kanyang naibigay, ang kanyang larawan ang kanyang naiabot sa hired killer. Larawan na gagamitin sana sa promo at stills ng bago niyang pelikula sa Filmfest.

Samakatuwid, siya mismo ang umupa ng taong papatay sa kanya! At sa napakaliit na halagang limampung libong piso! Halagang halos katumbas lang ng kanyang ibabayad sa isang gabing pananatili sa hotel na kanyang pabortong tuluyan sa tuwing mayroon siyang inuupahang bayaring modelo at artista.

"Hindi maari ito! Nagkamali lang ako, hindi maaring ako mismo ang magpapatay sa aking sarili. Hindi ba't limampung libong piso ang ibinigay ko sa'yo? Tanggapin mo na ang iniaalok kong dalawang milyon at pareho tayong lalabas sa kwartong ito nang masaya."wala pa rin sa tono ng kongresista ang pakiusap dahil tiwala siyang tatanggapin ng kanyang kausap ang pera.
"Ilang doble ng limampung libo 'yan, hindi mo na 'yan kikitain sa buong buhay mo" dagdag pa nito.

"Baka nakakalimutan mo Congressman kaya mo ako kinuha sa trabahong ito dahil ako ang taong hindi tumatalikod sa isang usapan. At alam mong ikakasira ko ang hindi ko pagtupad sa isang napagkasunduang trabaho. Hindi ako katulad mo Congressman na walang dignidad, walang bayag at walang paninindigan!"

Kung tutuusin maaari na niyang kunin ang napakalaking perang nasa kanyang harapan ngunit mas nanaig sa kanya ang pagpatay sa kongresistang nagpapahirap sa bayan, ang isa sa mga dahilan kung bakit dumadami ang kriminal. Para sa kanya hindi lang ito basta trabaho ito ay pagtatanggol, ito ay pagkamit ng hustisya, ito ay katarungan para sa mga posible pang maging biktima ng kanyang kabuktutan at pagmamalabis.

Katulad ng napagkasunduan, ubusin ang lahat ng bala sa bibiktimahin.

At walong magkakasunod na putok ang umalingawngaw sa gitna ng gabi.

Natagpuang bangkay ang isang kongresista, nakasubsob sa nagkalat na perang may bahid ng dugo at katiwalian.


Hindi nasalba ang buhay ng congressman nang pangsuhol na pera at ng kanya umanong taglay na anting-anting.
Viewing all 240 articles
Browse latest View live


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>