Quantcast
Channel: Blog, Poetry and Notion
Viewing all 240 articles
Browse latest View live

Dukhang Pasko, Pasko ng Dukha

$
0
0
Sa susunod na linggo, pasko na.

“Ano naman ngayon?” sa isip ko. Ano bang espesyal at ipinagkaiba nito sa mga araw kong lumipas. Ah alam ko na, madadagdagan lang ang inggit na aking nararamdaman. Makakakita na naman ako ng mga magagandang mga damit, mga bagong laruan at masasayang mga bata sa kalsada. Makaririnig ng mga batang nangangaroling, mga awiting pamasko at nagtatawanang mga kabataan dahil sa hawak nilang pera at aginaldo.

Masaya ang pasko pero hindi para sa akin, hindi para sa mga tulad ko. Ano ba ang dapat kong ikasaya? Habang ang maraming mga tao ay nabubundat sa pagkain ng karne, heto kami binubusog ang sarili sa bip pleybor na instant nudols at tig-pipisong pandesal ni Mang Kardo. Habang nag-aabutan kayo ng inyo-inyong regalo, naghahanap naman ako ng kalakal sa basurahan sa kahabaan ng R-10.


Sa araw na ito, may mangingilan-ngilan na mag-aabot sa akin ng barya, ng prutas at ng tira-tira nilang pagkain; mga taong magpapakita ng simpatiya at awa pero lahat nang iyon ay pangsamantala lang. Pakitang tao, kumbaga, para kunwari maipadama sa amin ang diwa kuno ng pasko. Ano ba talaga ang diwa ng pasko? Alam niyo ba ang kahulugan ng diwa? Ano ba talaga ang pasko? Sa pagkakaalam ko ang diwa ng pasko ay pagpapakumbaba, katulad ng pagpapakumbaba ng sanggol na isinilang sa sabsaban. Kung papaanong nakonbert sa komersyalismo ang pagdiriwang nito ay kagagawan ng mga taong gustong makuha ang salaping inyong pinagkakitaan.


Naiisip ko swerte pa ang mga biktima ni Yolanda sa Leyte at Samar. Lahat yata sila dun nakakatanggap ng biyaya; mga pagkain, tsokolate, gatas, damit saka pera, may mga bago at imported pa nga. Buong mundo nagtutulungan para sila makaahon sa kanilang kinasadlakan – parang sila lang ang taong nangangailangan ng tulong.


Kami ditong nakatira sa gilid at sa mismong kalsada, sa kariton, sa ilalim ng tulay kailan kaya makakatanggap ng biyaya? Dati pa naman may naghihirap, dati pa naman may nangangailangan ng kalinga, dati pa may nagugutom pero sa isang iglap ang lahat na yata ng atensyon nakapokus sa iisang lugar lang.


Sana nabiktima na lang ako at ng aking pamilya ng kalamidad baka sakali maambunan kami ng bumubuhos na biyaya. Hindi ko sinasabing hindi nila kailangan ng tulong, ang himutok ko lang kung talagang taos sa mga tao ang pagtulong wala sana silang pinipiling kalagayan. Porke ba ikswater at salot kami sa Maynila wala nang magmamalasakit sa amin. Hindi ako tamad, sa katunayan patuloy akong naghahanap ng trabaho at mapagkakakitaan pero sa tuwing makikita pa lang ang hilatsa ng pagmumukha ko pinalalayas na agad ako sa kompanyang nais kong pagtrabahuhan. Kunsabagay, mababang uri kasi kami ng tao.


Sa tuwing makikita ko ang kumikislap at patay-sinding krismas layt sa bintana ng mayayamang bahay na aking nadadaanan habang tulak-tulak ko ang aking kariton, alam niyo kung ang nararamdaman ko? Pagkaawa. Naaawa ako hindi na lang sa sarili ko kundi sa ibang mga mahihirap na may malalang karamdaman, hindi na nga nila makuhang bumili ng kahit ‘sang pirasong anti-bayotik sa sakit nila lalo pang nadagdagan ang sakit nila sa tuwing sumasapit ang kapaskuhan. ‘Pag pasko raw dapat ay nagbibigayan. Bakit ganun? Hindi ba pwedeng magbigayan ang lahat kahit hindi araw ng kapaskuhan?


‘Tangina tama nang drama. Maghahanap pa ako ng maikakalakal sa basura.

Pasko? Lilipas din ‘yan.


Letrang "R"

$
0
0


Tila nagmumura mula sa kanyang matayog na kinalalagyan ang napakalaking letrang 'R' na logo ng kabubukas lang na mall sa aming lugar. Lalo pang nagmumukha itong maangas tuwing sasapit ang gabi dahil nangingibabaw ang kanyang liwanag sa rami ng kanyang ilaw. Maraming nagsasabi na ang pagkakatayo ng mall na ito ay senyales daw ng pag-unlad ng aming lugar. At sa tulad ng isang 'di kalayuang siyudad sa Bulacan na aking tinitirhan pribilehiyo na maituturing para sa mamamayan nito na mamalas ang pag-asenso at pag-angat (daw) ng aming lungsod.


Noong nakaraang taon lang tanaw ko pa ang lupaing ito na hitik sa mga puno, malawak ang taniman ng gulay, prutas at palay, may malinis na hangin, mga kalabaw na katuwang sa pagsasaka ng mga magsasaka at pawid na kubo na kanilang tahanan at pahingahan. Saksi ako at ng marami sa kanilang pagtatanim sa gitna ng tirik na araw, pag-ani ng gulay, prutas at palay sa panahon ng anihan.


Sa loob ng humigit kumulang limang dekada ay hindi lang nakatulong ang bukid na ito sa mga pamilya ng sumasaka nito kundi malaki rin ang naging pakinabang ng maraming tao dito sa aming lalawigan at sa ilang bahagi ng Kamaynilaan. Ngunit ngayon nga'y iba na ang tanawin dito; sementado na ang dating luntiang palayan na paradahan ng mga parokyano ng mall, ang tahimik na lugar ay naging maingay sa dami ng tao at sasakyang labas-pasok dito at sa isang iglap naglaho ang sariwang simoy ng hangin.


Sa lawak ng dating bukiring ito kaya nito noong makapagproduce ng libo-libong tonelada ng prutas, gulay at bigas. Mga lokal na produkto na pangunahin nating pagkain na sa loob ng maraming mga taon ay nagsalba sa gutom at ekonomiya ng aming bayan pero nakapagtatakang hindi nang pamilya ng mga sumasaka nito. Sa mahal ng halaga ng binhi, abono at idagdag pa ang mapagsamantalang negosyante na bumabarat sa kanilang mga pananim halos wala nang natitira pang kita para sa pamilya ng magsasaka.


Kung sapat lang sana ang ayuda at suporta ng pamahalaan para sa mga magsasaka dito sa Gitnang Luzon hindi na aabot sa puntong ibebenta sa napakamurang halaga ang mga lupain at sakahan ng mga pobreng magsasaka sa mga developer ng subdivision o ng mga higanteng mall katulad ng may-ari ng napakalaking letrang 'R' na mall na aking tanaw-tanaw. Ngayon, saan kaya kukuha ng kapunuan ang gobyerno sa libong tonelada ng palay at gulay na nawala dahil sa pagtatayo ng mall na ito?
Hindi malayong mangyari na sa hinahaharap halos lahat ng ating kakanin ay inaangkat na natin sa bansang Tsina, Vietnam, Malaysia, Indonesia, Amerika at iba pang bahagi ng mundo. May pagpapahalaga kasi ang pamahalaan nila sa usaping agrikultura hindi tulad dito sa atin.


Kunsabagay hindi rin natin masisisi ang mga magsasaka kaysa nga naman magpagod at makinabang lang ang mga ganid na negosyante sa kanilang paghihirap at pagsisikap mas mabuti para sa kanila na maging pera ang kanilang ekta-ektaryang lupain. Naghahanapbuhay at nagpapakapagod sila para kumita hindi para malugi.

Sa unang araw ng pagbubukas ng mall na may malaking logo ng letrang 'R' dagsa ang mga tao, masikip ang trapik - parang piyestang bayan sa buhos ng mga mamimiling sabik sa lamig at laman ng mall na gumagayuma sa lahat ng uri ng mamamayan, ang dating limang segundong paghagibis ng mga jeep ay tila naging habangbuhay dahil sa maraming tumatawid, paghihimpil at paghihintay nila sa mga pasahero, ang pagbubukas nito'y tila pinilit at pinaabot sa nalalapit na kapaskuhan. Inaasahan ko na iyon. Dahil sa panahong ito walang pakundangan ang mga tao sa paggastos hindi alintana sa darating na malaking bills sa kanilang mga credit card - kakamot sa ulo mababaon sa utang.


May pakinabang din naman ang mga tao sa tuwing may nagbubukas na mga malalaking establisimyentong ito tulad ng mall; kapalit nang pagkawalan ng mapagkakakitaan ng mga magsasaka, pagkawala ng matabang lupang sakahan at paglahong parang bula ng tonelada sanang prutas, gulay at bigas ay ang pag-empleyo ng daan-daang tao ng siyudad. Kakayod ng higit sa walong oras para sa humigit kumulang limangdaang piso na pagkatapos ng anim na buwan ay walang kaseguruhan kung sila'y muling kukuning empleyado.


Sa 'di kalayuan tanaw ko naman ang higit na malaking palayan at bukiring hitik sa mga puno, malawak na taniman ng gulay, prutas at palay, may malinis na hangin, mga kalabaw na katuwang sa pagsasaka ng mga magsasaka at pawid na kubo na kanilang tahanan at pahingahan.  Na maaaring sa susunod na mga taon ay pagtatayuan na rin ng isa pang higanteng mall na kanilang kakumpitensya; na sa letrang 'S' naman nag-uumpisa.

Dear 2014

$
0
0





Dear 2014,

Ilang oras na lang nandito ka na kaya naman lahat ng tao'y naghahanda sa pagsalubong sa'yo lalong-lalo na dito sa bansang mayaman sa kalamidad, hitik sa kwentong karahasan at siksik sa kasaysayan. Masaya at walang katulad ang selebrasyon dito sa kahit na anong okasyon lalo na sa tuwing sasapit ang ang bagong taon tulad ngayon;
- may mga bibili ng napakaraming paputok kahit kapos sila sa pambili ng pagkain,
- may magdiriwang at magpapakalango sa pag-inom ng iba't ibang uri ng alak na akala mo'y wala ng bukas,
- may magpapasikat na magpapalipad ng fireworks na pantanggal umano ng malas,
- may maghahain sa mesa ng 'sandosenang bilog na prutas na kanilang bibilhin kahit alam nilang overpriced at medyo bulok na dahil sa pag-aakalang suswertehin sila 'pag meron nito sa pagsapit ng alas-dose ng hatinggabi.
At hindi na yata mawawala ang balita sa mga taong mapuputulan ng kani-kanilang spare parts sa katawan dahil sa katigasan ng ulo at kapabayaan at ang nakakalungkot may ilang magbubuwis ng buhay dahil sa pagiging iresponsable ng iilan na walang habas kung magpaputok ng kanilang kalibre. Tradisyon na raw kasi na dapat i-celebrate o ipagdiwang.


Marami na ang sabik sa'yo kabilang na ang kapitbhay kong tsimosa si Aling Conching dahil sa dala mo raw na bagong pag-asa, ika nga nila bagong taon katumbas ng bagong pag-asa. Sana nga ikaw na ang hinihintay namin sa mahabang panahon, sana nga hindi kami magkamali sa bago naming pag-aakala kahit alam naming napakaliit ng tsansang mababago mo ang nakagawiang sistema dito sa amin at napakaliit rin ng porsyentong mapagniningas mo ang naghihingalo naming ekonomiya na kinagisnan na ng aming mga ninuno sa isang iglap lang ngunit dahil resilient daw ang mga pilipino hindi kami agad susuko. Kahit nga ngayong huling bahagi na ng 2013 hindi pa rin kami bumibitaw at sumusuko, kumapit pa rin kami at sumampalataya na aalwan at giginhawa ang aming pasko at bagong taon.


Aaminin namin medyo bulag at sinungaling kami sa aming negatibong namamasdan sa paligid, alam naming hindi kami umaangat at umaasenso pero in denial pa rin kami dito, alam naming hindi pa hinog sa paghandle ng problema ang pangulo namin pero mataas pa rin ang gradong binibigay namin sa kanya, alam naming higit na marami ang nagugutom sa malaking bahagi ng bansa pero pinaniniwalaan pa rin namin ang isinasagawang huwad na survey - patay-malisya lang kami sa tunay na kalagayan ng bansa at naniniwala kaming lahat sa press release ng NEDA at gobyerno partikular ang Malacañang.


Sana 2014 wag mo kaming biguin 'wag mong gayahin si 2013 at 'yung napakaraming taon bago pa siya sana may dala kang swerte at magandang kapalaran para sa amin sawa na kami sa kamalasan, delubyo at karahasan. Sana kahit hindi mo ganap na mabago ang aming kapalaran 'wag mo kaming paasahin lang. Batid naming hindi ito madali at lahat ng aming inaasahan ay hindi magagawa ng overnight pero sana hindi mo kami mabigo sa ilang mga bagay, kahit kaunti lang please naman makita lang namin na medyo mabawasan ang bilang ng nagugutom na pamilya ay okay na sa amin 'yun. Kung pwede lang 'wag ka nang magsama ng super bagyo, super lindol at super storm surge sa kabuuan ng 12 months na pagstay mo sa amin - hassle kasi 'yun, hindi na nga kami umaasenso nababawasan pa ang production namin ng gulay, prutas at bigas and the worst is bukod sa bilyon-bilyong pisong damage sa amin, libo-libo pa ang namamatay sa tuwing may ganitong natural calamities. Hindi ko ito tatawaging Acts of God dahil 'pag ganun ang term parang biniblame natin si God sa lahat ng 'di magandang nangyayari sa ating bansa.

Very obvious naman na gusto na naming limutin at iwan ang puno ng kamalasan na si 2013, hindi naman kasi maikakaila na ang papalitan mo sa pwesto ay tila may dalang sumpa. Sa loob lang ng tatlong buwan quota na agad kami sa mga delubyo at debastayon nagkaroon ng madugong digmaan, mapangwasak na lindol at walang kasing lupit na super bagyo, idagdag ko pa ang panaka-nakang sakuna sa kakalsadahan tulad ng mga bus, mga asasinasyon at bangayang involved ang magigiting naming pulitko. Okay naman na magkaroon kami ng bagyo given na kasi 'yun sa katulad naming tropical country pero 'wag naman 'yung katulad ni Yolanda na singbilis yata ng F1 na sasakyan ang hangin o lindol na kasing-level ng Hiroshima Bombing during World War 2; makabangon at makabwelo man lang kami mula sa aming pagkakadapa mula sa trahedya at sakuna.

O mahaba na ito, to sum it up simple lang naman ang hiling naman sa'yo, less calamities, less violence, less controversies, less corruption at less mistakes from the government at more blessings.

2014, Welcome to our home.
Goodluck and may the good vibes you carry will stay throughout the whole year!

Hoping and anticipating,

A Filipino citizen


P.S.
Kung hindi man totally mawala, sana man lang ay mabawasan ang mga taong mahilig sa selfie pagdating mo; tama nang naging word of the year ito sa Oxford, tama na ang isang buong taong naflood ang aming Social Networking site nito, itigil na ang walang humpay na GGSS ng marami. Sabi nga ni Chris Tiu, 'The youth should do more than selfie.' at sana maging productive din sila at 'wag tumulad sa aming mga pulitiko.

At Sa Lupa'y Kapayapaan

$
0
0


ang larawan ay galing sa kodakangmaysining.wordpresss.com

At sa lupa'y kapayapaan sa mga taong kanyang kinalulugdan.
Hindi na (gaanong) nasindak ang lahat nang may tumimbuwang na pulitiko at kanyang kabiyak sa pambansang paliparan nadamay at napahamak pa ang isang anghel na sa mundo'y walang muwang. Bintana ng isang bansa ngunit 'di sapat ang nagmamasid na mga mata (CCTV) dinaig pa ng kapitbahay mong umuumit ng oras sa pamilya dahil sa kanilang piso-pisong renta para sa FB, CS at DOTA.


Kabi-kabila ang magsasagawa ng imbestigasyon at pagsusuri sasamantalahin ang pansamantalang festival ng mga media. Pagkalipas ng humigit-kumulang at napakabils na isang buwan malilibing sa limot ang karumal-dumal na pagpaslang kawangis nang paghimlay ng mga biktima ng Ampatuan, ng Tarmac, ng batas-militar, ng Hacienda Luisita at ng libo pang iba. Bukas, sa makalawa o sa isang araw ang kasaysayan ay muling mauulit, walang leksyong natutunan, walang pusakal na mabibilibid.


At sa lupa'y kapayapaan sa mga taong kanyang kinalulugdan.
Disyembre a-sais, Brgy. Bungad, Q.C. Tatlong putok ang pinaulan sa sasakyang sumalubong. Isang musmos ang naging biktima ng pagkapikon. Mapalad umano kung iulat ng media ang batang nakaligtas kahit muntik nang buhay ay mautas. Nakatala sa kuha ng kamera ang karahasan kabilang ang kulay at deskripsyon ng matikas na sasakyan, halos isang buwan na ang nakararaan wala pa ring kriminal na lumutang. Kagyat na natabunan ang trumending na karahasan nang sumulpot ang mas malulusog na mga balita una ang bagsik at lupit ni Yolanda, ikalawa ang bangayan nina Romualdez at ang 'tagapagligtas' na si Roxas, ikatlo ang pag-eksena ng mga kampon ni King Binay II na maangas versus nabullying guard ng Dasmariñas.


Kumalat sa social media ang panawagan para sa mabilisang pagsakote sa pumutok ng kwarenta y singko na kalibre ngunit singbilis din ng kidlat ang paglimot ng lahat sa nasabing insidente. Parang gobyernong bisyo ay ugaling ningas cogon, parang estudyanteng nangangamote sa tuwing may examination. Sa pagkubkob ng amnesia ng mga concerned citizen at ng mga higanteng istasyon ngingiti at bubunghalit ng tawa ang mamang humihiram ng tapang sa pumuputok na iskwala. Habang ang musmos na walang malay ay habangbuhay na may pilat ng karahasan, habangbuhay na biktima ng halos inutil na kapulisan. Biktima ng kahambugan.


At sa lupa'y kapayapaan sa mga taong kanyang kinalulugdan.
Mga kabataang malutong kung pumutangina 'wag lang magkatinginan ay handa kang gripuhan sa magkabilang tagiliran o manggulpi ng walang matinong dahilan o papaslang kahit sinong mapagtitripan. Ani ng dakilang si Gat Rizal kabataan umano ang pag-asa ng bayan ngunit kadalasan sila rin ang pasimuno ng gulo sa bawat kanto. Sumisindak, sumisilakbo ang damdamin sa kaunti lamang udyok. Ayaw magpatalo sa kahit saang rumble, reresbak kasama ang tropa kung sakaling nagipit at nasukol. Kabataang mas maangas pa sa parak, mas astig pa sa siga noong dekada sitenta.


At sa lupa'y kapayapaan sa mga taong kanyang kinalulugdan.
Biglang haharurot mula sa kung saan ang notoryus na riding in tandem kikitilin ang target na kanilang biktima walang sisinuhin maging babae o matanda, mayaman man o maralita, pulitikong matapobre o dukhang patay-gutom. Sa gitna ng tirik na araw o kubli man sa kadiliman 'di nahahabag na pumatay at 'di nababahag na mamatay. Habang mga saksi ay magmamasid lang; mabubulag, mapipipi at maduduwag. Paglisan ng kriminal saka magpapamalas ng tapang; ilalabas ang seleponong may camera, kukunan muna ng video ang naghihingalong biktima bago abutan ng tulong at kalinga saka ihahatid sa pagamutan slash punerarya. Disyembre beinte-sais sa kaharian ng mga Binay, isang Raquel Ricafrente empleyado ng Sanglaang Tambunting ang tumimbuwang sa kalsada ng Baranggay Palanan - ang salaring riding in tandem ay walang mukha, walang pagkakakilanlan. Ang pamilya ng nauulila, titingala sa langit hihiyaw ng katarungan, aasa sa himala.


At sa lupa'y kapayapaan sa mga taong kanyang kinalulugdan.
Digmaang laganap sa kabundukan at kamindanawan. Mga rebeldeng may kanya-kanyang ipinaglalaban, may layuning tunay raw na kasarinlan. Mananawagan ng kapayapaan at kaunlaran habang pinauulanan ng punglo ang kalabang militar. May madadamay na mga taong inosente na tatawagin nating lahat na 'collateral damage' kunwari'y tutugisin ang mga rebeldeng salarin ngunit ilang taon na ang lumipas hindi pa rin masusupil. Muling papatay para sa kanilang ipinaglalaban, muling mananawagan ng kapayapaan habang nakasukbit ang mataas na kalibre sa baywang.
Digmaang walang nagagapi, walang nagwawagi.
Giyerang walang dinedeklarang talo dahil magkabilang panig ay panalo umano.
Kahit higit sa apat na dekada na ang karahasan, kahit libo-libo na ang buhay na inutang.


Sing-ilap ng kapayapaan ang kaunlaran.
Singlupit na ng bagyo ang karamihan sa mga tao.
Simbangis na ng sangkatauhan ang mga hayop sa kagubatan.
Mga simpleng holdaper at kriminal sa kanto na papaslang kapalit ang ilang piraso ng piso. Mga ganid sa pwestong uutas at uutos para sa pagmamahal sa kapangyarihan. Kikitil sakaling pride ay mayurakan, handang pumutok kahit walang matinong dahilan. Lahat (raw) sila'y naniniwalang may Diyos ngunit wala namang puso kung pumaslang, walang awa sa pagkalabit ng gatilyo, walang respeto sa kapwa tao.


Nagkulang ba sa turo ang simbahan o lumabis ang tao sa kalayaan?
Nagkulang ba sa pagmamahal ang magulang o lumabis na ang tao sa pangarap?
Nagkulang ba ang pagpapatupad sa batas o labis na ang tapang ng tao sa katawan?
Nagkulang ba ang paaralan sa pangaral o lumabis na tayo sa kayabangan?


Sa pagsapit ng araw ng Linggo, makikihalubilo at sasama sa atin ang ilan sa mga pusakal, kriminal, suwail at makasalanan sa loob ng sambahan; suot ang maskarang luluhod at hihingi ng kapatawaran sa mga kasalanan sa mga batong dumudouble ring palamuti ng simbahan, labis-labis sa pag-usal ng dasal ngunit kakapusin sa panalangin, pananampalataya at pagpapasalamat sa tunay na may kapangyarihan.  


Samantalang magpupuri ang kumakaunting banal at may dangal, taimtim na mananalangin at hihiling nang lupang puspos ng kapayapaan para sa mga taong kanyang kinalulugdan.

Friend Zone

$
0
0


Noon pa man ay matanong na siya.
Maraming mga tanong ang naglalaro sa kanyang isipan. Mga tanong na kung tutuusin ay madali namang sagutin pero mahirap para sa kanya ang ito'y unawain - (kung sinadya man niya na 'di unawain ang mga 'yun ay siya lang din ang tanging nakakaalam). May mga oras na nakakatuwa ang kanyang mga tanong, mayroon namang 'di mawari kung ang kanyang tanong ay pabiro lang o sadyang panunuya.


Mabuti na lamang sa maraming pagkakataon ay handa ako sa kanyang bawat katanungan; sa mga tanong niya tungkol sa paglubog ng araw, sa pagsikat ng buwan, sa iba't ibang kulay ng bahaghari, sa lagaslas ng tubig sa talon at ang pagpatak ng ulan sa kalagitnaan ng mainit na panahon.


Magkababata kami ni Divina. Dalawang taon ang tanda ko sa kanya ngunit hindi ito naging hadlang upang magkaroon kami ng malalim na samahan at tunay na pagkakaibigan. Kita ko sa kanya ang sobrang kasiyahan nang magkaroon siya ng unang manliligaw na kalaunan ay naging una niya ring boyfriend at saksi rin ako sa kanyang labis na kalungkutan nang mauwi ang kanyang unang relasyon sa hiwalayan.


Bata pa lamang kami'y ako na ang tagapakinig sa kanyang mga masasayang kwento, ako ang saksi sa kanyang mga pagluha, ako ang nagsisilbi niyang gabay sa kanyang mga pagkakadapa. Inaamin ko kakaibang ligaya ang nararamdaman ko sa tuwing pinaglalaanan niya ako ng sandali. May kabuluhan ang aking mga oras sa tuwing kami'y magkasama, may kahulugan para sa akin ang kanyang bawat salita, mahalaga para sa akin ang kanyang bawat paanyaya.
At lahat ng mga ito'y langit para sa akin.


Malalim ang pinaghuhugutan ng kanyang mga buntung-hininga.
Hindi ko masukat.
Iba rin ang kanyang aura ngayon 'di tulad dati na maari akong magsingit ng mga corny kong patawa. Sa pagkakataong ito kakaiba ang kanyang ikinikilos, sa tingin ko'y 'wag lang makanti ay tiyak na mapapasubo siya sa isang basag-ulo.


Tanda ko pa Abril, ng nakaraang taon nang huli ko siyang nakausap nang matagal. Nang masinsinan. Ibinibida niya noon sa akin ang boyfriend niyang si Paul.
Higit na pala 'yun sa walong buwan. Higit sa walong buwan ko na siyang hindi man lang nakausap. Sige aaminin ko, hindi niya ako kinakausap. Hindi binigyang pansin - walang kongkretong dahilan, basta bigla na lang nanlamig siya sa akin. Wari ko'y may mabigat akong pagkakasalang nagawa sa kanya na hindi ko maalala. Bagama't madalas kaming nagkikita sa tuwing nakakasabay ko siya sa sakayan ng tricycle sa kanto, panaka-naka'y tinatanguhan niya ako sa tuwing magtatama ang aming paningin pero mas madalang pa iyon sa patak ng ulan sa panahon ng El Niño.


Kaya may halong pagtataka ang paglapit niya sa akin ngayon.
May kurot sa puso ko. Para akong teenager na biglang kinilig.
Namiss ko siya at ang kanyang kabuuan, ang kanyang pantay na ngipin sa tuwing siya'y ngingiti, ang kanyang malulutong na halakhak sa tuwing ako'y nagpapatawa at ang malambing niyang boses sa tuwing siya'y may ipinapakiusap.


Sa tagal ng walong buwan tila estranghero ako sa kanya. Naninibago. Nakikiramdaman sa kanyang bawat sasabihin, sa kanyang bawat ikikilos. Pero hindi ko na yata kailangan ng mga salita para maunawaan at malaman ang kanyang nais ipahiwatig.
Sinipat ko ang kanyang mabilog na mga mata. Banaag ko rito ang nangingilid na luhang halatang kanyang pinipigilang pumatak.
Sapat na iyon para yakapin ko siya.

Mahigpit.

Parang pagyakap ng ina sa kanyang bagong silang na sanggol. Tuluyan na siyang humagulgol. Ngunit hindi ko siya hinahayaang magsalita mas komportable akong nag-uusap ang aming puso.
May mga bagay na higit pa sa salita. Higit pa sa kayang sabihin ng ating bibig.


Limang minuto ng katahimikan.
Kumalma na ang kanina lang na paghagulgol niya.
Nakangiti na siya sa akin. Muli kong nasilayan ang kanyang pantay na ngipin.
Sa eksaktong sandaling iyon bumuhos ang ulan. 
Katamtaman ang lakas.
Sakto lang na maanggihan kami ng kaunti. Ang kanina lang na basa niyang pisngi dahil sa patak ng luha ay napalitan ng bahagyang tubig-ulan.


Tiyak kong ang nararamdaman niya'y pagkabigo kahit 'di niya sabihin, kahit 'di niya aminin. Bago pa niya ako maunahang magtanong, ako na ang nauna: "Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin ng ulan?"


Umiling lang siya. Napakunot ang noo.


Ako rin ang sumagot sa aking tanong: "Ang ulan ay hindi lang basta namuong tubig sa ulap. Ang ulan ay luha ng kalangitan, ang ulan ay pakikiramay ng langit sa mga taong nabigo sa pag-ibig...tulad mo, tulad ngayon."

Sapat na iyon para siya'y aking mapatawa.
Malakas.
Sa wakas, muli kong narinig ang kanyang malutong na halakhak na halos walong buwan kong hinanap-hanap.


"Dami mong alam!"
lambing niyang sagot sabay batok sa aking ulo.

Deboto

$
0
0


"Hoy, Berong! Bumangon ka na diyan alas-kwatro na malayo pa ang bibyahehin natin!"sigaw ni Zaldy sa kanyang barkada na naghihilik pa habang kanyang ginigising.


Enero 9. Piyesta ng Black Nazarene.
Kahit medyo malayo ang kanilang tirahan sa Quiapo hindi nila iindahin ang pagod, hirap at init sa siksikang kanilang kakaharapin sa selebrasyong ito. Pangwalong taon na nilang ginagawa ito kaya hindi na sila masusurpresa sa anumang senaryong sasalubong sa kanila. Handa sila para rito.


Ilang pag-iinat pa'y bumangon na rin si Berong. Nag-init ng kape. Nagbanyo. Nagsuot ng damit na kulay maroon na may imahe ni Hesus sa harap at may nakasulat sa likod na 'Viva El Señor', pareho sila ng damit ni Zaldy. Kinuha ang knapsack na bag at lumargang paalis.


"Pagdating ng Grandstand pwede na tayong maghiwalay dito na lang tayo sa bahay magkita ng gabi." bilin ni Zaldy kay Berong bago sila lumabas ng bahay.
 

Ilang minuto pa'y bumiyahe na sila. Sakay ng ordinaryong bus na ang mga driver nito kung magpatakbo ay tila laging nakikipagkarerahan kay Kamatayan. Madilim pa sa labas. Kakaunti pa lamang ang mga bumibiyahe, nakatulong ng malaki ang pagsuspindi ng klase ng mga estudyante. Wala silang kasabay na mga nakaunipormeng patungo sa mga unibersidad sa Maynila, kakaunti rin ang mga nag-oopisinang nakapostura, mas maraming pasahero ang tutungo sa pista ng Quiapo kapansin-pansin ito dahil sa suot nilang damit na maroon at karamihan sa mga ito'y nakaapak lang. Tulad nina Zaldy at Berong ang mga ito'y deboto.


Hanggang Blumentritt lang ang kanilang sinakyan. Hindi na makakatuloy ang iba pang sasakyan dahil sa kapal at dagsa ng mga taong patungo sa pista. Lahat ay bumaba ng bus.
Inumpisahan nilang maglakad.
Hindi nakakainip dahil sa dami ng mga taong may pagnanais ring makarating sa pista sa kahit na anong paraan. Mga taong tulad rin nila ay handang-handa sa anumang pagsubok na kanilang kakaharapin sa araw na ito. Ang buhos ng taong nagmamartsa ay parang dagsa ng mga taong naglalakad papuntang Grotto sa panahon ng Semana Santa o marahil ay higit pa.


Karamihan, hindi man lahat ay walang saplot sa paa ngunit hindi sina Zaldy at Berong siguro'y may dahilan sila para rito. Nakamamangha ang pagdami ng tao sa kanilang paglalakad; babae, lalaki, mga kabataan, mga may edad na at kahit mga paslit ay nakikilakad rin, panaka-naka'y may nakikita silang mga may kapansanan; mga nakasaklay.


Hindi matatawaran ang sakripisyo at matinding hirap na kakaharapin ng mga debotong ito pero sa kabila nito'y walang takot nila itong susuungin. Magtitiis. Magpapakapagod. Masasaktan. Magpapasensya. Para sa iba't ibang kahilingan at pagpapasalamat.
Pambihirang selebrasyong ipinagdiriwang ng mga pambihirang nilalang.


Nasa Quirino Grandstand ang poon ngunit pagpasok pa lamang ng Quiapo ay hindi na halos makausad ang mga deboto. Hindi mahulugang karayom sa hindi mabilang na dami ng mga tao ngunit matiyaga nilang sinalubong ito. Sa kapal ng tao kung susuungin mo ito para kang isang bangkang sasagwan sa daluyong ng malawak na karagatan. Ganoon kadelikado, ganoon kapanganib. Ngunit balewala lang ito sa mga deboto dahil mas malaki ang kanilang pananampalataya kumpara sa banta ng panganib.


Pausad-usad.
Dahan-dahan.
Unti-unti. Nakarating rin ang magkaibigan sa Quirino Grandstand kasama ng mga libo-libong debotong tila walang bahid ng kapaguran. Dito mas nakakapangilabot ang eksena.  Ang dami ng mga tao dito'y higit pa sa dami ng mga taong nagpunta sa alinmang pag-aaklas sa EDSA. Bagamat narito rin ang magkaibigan noong nakaraang taon pansin nilang mas masikip at mas makapal ang mga dumalo ngayon siguro'y dahil sa dami ng pagsubok na kinaharap ng bansa sa huling bahagi ng taong 2013. Mga taong puno ng pag-asa, pangarap at panalangin. Ang hindi kagandahang nangyari sa bansa ay lalong nagpaigting sa kanilang pagnanasa at panalanging mabawasan kung hindi man mawala ang trahedya, sakuna at kalamidad sa bansa ngayong 2014.


Sari-sari ang mga tao rito. Bukod sa mga debotong taon-taong naririto, dagsa rin ang mga miyembro ng media; lokal, international, print media, radyo at telebisyon - sa pamamagitan nila masasaksihan ng Pilipinas at ng buong mundo ang pambihirang pagdiriwang na ito. Nagkalat din ang mga vendor, mga self-proclaimed professional photographer, mga nag-uusyoso, mga foreigner na namamangha sa kaganapang ito, visible din ang mga miyembro ng kapulisan at mga volunteer na magbibigay ng paunang lunas sa mga debotong nahihilo o nasasaktan, mga taong kunwa'y deboto ngunit ang totoo'y mga mapagsamantala.

Para sa mga naniniwala, ang pagdiriwang na ito ay banal at sagrado - isang pagpapamalas ng sakripisyo at tunay na pananampalataya sa Panginoong Hesukristo, pananampalatayang daang taon nang isinasabuhay at isinasalin ng ilang henerasyon.
Para sa mga hindi naniniwala, ang senaryong ito ay isang pagano. Isang malaking kalokohan at pagkakamali. Paglapastangan sa pangalan ng tunay na Diyos. Batid na ng lahat na ang pagsamba sa bato ay kasalanan ngunit patuloy umano itong kinukunsinti ng simbahan.


Sakto lang ang dating ng magkaibigan. May misang pinangungunahan ni Cardinal Tagle. Banal ang misa, banal ang okasyon ngunit kapansin-pansin ang mga taong nagtutulakan, nagbabalyahan upang proktektahan ang kani-kanilang mga sarili. May malutong na magmumura kapag naaapakan ang paa o nagigitgit ng husto, may mga walang pakialam kung sila'y nakakapanakit na sa katutulak sa kapwa nila deboto. Nakisiksik na rin sina Zaldy at Berong sa karamihan ng mga tao, walang takot at walang pagdadalawang-isip na humalo sa napakasikip at nakapakainit na kumpol ng mga deboto.


Hindi pa man natatapos ang misa'y tinatangka na ng mga deboto na itulak at ilabas ang banal na poon mula sa kinalalagyan nito. Ang eksenang iyon ay ikinairita ng maraming nagmamasid kabilang na ang mga pari. Lalong nagkagulo ang mga deboto nang muntik nang mabuwal ang poon. Napakiusapan ang mga debotong kumalma muna. Ilang sandali pa natapos rin ang misa lalong umigting ang mga taong nagtutulakan, wala ng blangkong espasyo sa pagitan ng mga debotong nais makalapit kahit man lang sa lubid ng karosa.


"Viva El Senyor! Viva! Viva!" malalakas na sigaw ng mga deboto habang unti-unting inilalabas ang poon. Hindi na magkamayaw ang mga tao. Wari'y mga welgistang tumututol sa pamamalakad ng pamahalaan. Sa gitna ng napakainit na araw inumpisahan ang prusisyon. Habang lumalakas ang sigaw ng mga tao may mga umiimpit sa sigaw dahil sa pagkakaipit, habang nagkakagulo ang mga deboto may mga nagrereklamong nawawala ang kanilang cellphone, habang nagsisiksikan ang lahat may mga taong nagsasamantala upang sila'y makapangdukot. Ngunit hindi ang mga ito ang pipigil sa prusisyon o traslacion ng mahal na poon.


Marami ang sumasabay sa pagparada ng Black Nazarene. Walang eksaktong bilang ngunit sigurado raw ang tagapamahala na aabot sa milyon. May kabagalan ang usad nito subalit kung ikukumpara noong taong 2012 higit itong mas mabagal dahil sa pagkakasira ng mga gulong ng karosa umabot sa dalawamput anim na oras bago muling makapasok sa loob ng simbahan. May bagong ruta ang traslacion dadaan ito sa Kalye Escolta dahil daw sa kahinaan ng Mc Arthur Bridge hindi na nito kakayanin ang bigat ng ganoong buhos at dagsa ng mga tao.


Pasado alas dos ng hapon nakarating ang poon ng Black Nazarene sa Escolta. Unang beses ito kaya ganun na lamang ang tuwa ng karamihan sa mga nag-oopisina rito. Sa ordinaryong araw puno ito ng magagarang sasakyan ngunit sa araw na ito ay wala ni isang nakaparada, sarado ang mga business establishment at ang iba pa nga'y may harang na matibay na kahoy na proteksyon sa kanilang salaming pinto o roll-up door.
Pagkasapit sa lugar na ito magkahiwalay na kumalas ang magkaibigang Zaldy at Berong. 
Hindi na nila tinapos ang prusisyon at tulad ng bilin ni Zaldy sa bahay na lamang sila nagkita.


"O anong nakuha mo?" si Zaldy ang nagtatanong. Nasa bahay na sila.
"Heto..." isa-isang nilalabas ni Berong ang mga nakulimbat na mga gamit sa knapsack bag "isang Xperia, tatlong iPhone, saka apat na wallet. Bilangin ko muna ang laman. 'Tangina mukhang jackpot ako dito sa isa ang kapal ng laman!"



"Ako etong mga nakuha ko!" hinuhugot ni Zaldy mula sa kanyang dalang bag ang apat ring wallet, ilang cellphone kabilang na ang dalawang iPhone, isang netbook at isang iPad.


Gulat na napalingon si Berong. "'Tangina, paano no nakuha 'yan ang lalaki niyan ah!"


"Diskarte lang 'yan Tol! O, sa a-disi-otso naman, fiesta ng Tondo. Agahan natin ah!"pagmamalaki at paalala ni Zaldy kay Berong.

"Sige!" sang-ayon naman ng kausap.

  * * *

Sila sina Zaldy at Berong - mga deboto at ito ang kanilang kwento.

On Heart Versus Brain

$
0
0


Bawat desisyon ay may pros and cons.
Bawat pagpapasya ay may kaakibat na advantage at disadvantage.
Sa maraming bagay dapat (raw) ay utak ang ginagamit sa pagdedesisyon ngunit kung tumututol na ang puso sa ginawang pagpapasya panadaling mag-isip at maghunos-dili, timbangin kung ano ang mga dahilan kung bakit ang puso'y hindi sumasang-ayon. 
* * * * *

Ang bawat bahagi ng katawan ay may kanya-kanyang function kadalasan hindi lang isa ang usage nito; tulad ng tao may multi-tasking din sila.
Ang utak ang isa sa pinakagamit na bahagi ng ating katawan; kasabay ng ating pagtanda ay ang pagmamature ng ating utak - walang silbi ang pagdagdag ng iyong edad kung ikaw ay isip-bata pa rin. Sa pagdagdag ng samut-saring kaalaman sa ating utak tila may mga bagay naman tayong nawawalang-bahala; sadya man o sinadya. Ayon sa kasabihang english "beauty is nothing without  brains" on the contrary, ang labis na pagiging mautak ay conotation na may katumbas na pagiging 'magulang' o 'magpagsamantala'. Halimbawang sabihan ka ng isang tao ng: "'Tangina, ang utak mo pala eh!" hindi ito maganda sa pandinig lalo na sa mga taong may sensitibong damdamin.


Aminin man o hindi, kapag utak ang ginamit natin sa isang desisyon mas malamang na tayo'y naniniguro, mas ayon sa rules o proseso, lesser ang risk o sa mas salbaheng dahilan: may pagkatusong pasya.
Kadalasan, wala namang masama sa desisyong ginagamitan ng utak ngunit kung involve na ang damdamin ng ibang tao, kung nakakaagrabyado na ng iba ang iyong pasya, kung sa tingin mo'y may masasaktan ka o ikaw mismo ang masasaktan dapat na handa kang harapin ang kaakibat na magiging resulta ng gagawing kapasyahan.


Maaring magkahiwalay ang utak at puso sa ilang desisyon natin sa buhay ngunit hindi naman kailangan na lagi silang magkalayo. Kung may pagkakataong pwede silang magsama mas mainam ito. Walang kukurot na konsensya, walang babagabag sa isip. Para sa akin, hindi superior ang utak sa puso dahil nasa itaas na bahagi ito ng ating katawan, nagkataon lang na sa ulo ang angkop na lalagyan ng ating utak kaya siya naroroon, kung ganoon ang thinking natin ipagpalagay na nating LAHAT ng mga matatangkad sa atin ay mas magaling sa ating kakayahan dahil ang pagiging mataas ang basehan natin ng superiority.


Marami ang naging tanyag at popular dahil sa kanilang katalinuhan ngunit higit na tumatatak sa puso at isip ng karamihan ang isang taong may ginintuang puso o labis na pagmamahal sa kapwa tao.
Kung kahanga-hanga si Albert Einstein sa taglay niyang talino at talento hindi ba't mas nakamamangha ang sakripisyo at pagmamahal na nananahan sa puso ni Mother Teresa?
Okay, hindi sila maaring pagkumparahin dahil magkaiba sila. Ang punto? May mga desisyong kailangang utak ang dapat na mangibabaw at may pagpapasyang dapat puso ang nasusunod.


Dalawa lang ang function ng ating puso: tumibok at magmahal.
Kung hindi na titibok ang ating puso wala na ring silbi ang LAHAT ng parte ng ating katawan maaari kang mabuhay ng hindi na nagpafunction ang utak mo (brain dead) ngunit hindi ka maaring mabuhay kung hindi na pumipintig ang iyong puso. Ang anumang desisyong nanggaling sa iyong puso ay may kalakip na pagmamahal. Nakakataba ng puso ang katagang: "may puso ang taong iyan kaya pinagpapala"samantalang nakakaoffend naman kung sasabihan kang: "walanghiya ka, wala kang puso!"Figuratively, ang ibig sabihin kasi nun ay wala kang awa o wala kang malasakit parang "walang kang kaluluwa!" sa iba namang term.


Sa kahit na anong bagay lahat ng sobra ay masama, kabilang na ang pagdedesisyong gamit ang alinman sa utak o puso.
Ang palagiang pagpapasya na gamit ang utak ay posibleng magresulta sa pagkamanhid sa nararamdaman ng ibang tao. Kung iisipin ng malalim at mabuti ang pagdedesisyong gamit ang utak ay may dahilang kadalasang pangsariling kapakanan lang samantalang ang pagpapasyang galing sa puso ay desisyong may kinokonsiderang damdamin ng ibang tao.


Kung madalas ang desisyong nakapattern sa gusto ng ating utak, prone ito sa misunderstanding minsan pa nga'y dahilan ito para i-judge kang isang authoritarian, walang consideration.
Bagama't mas makatao ang pagpapasyang galing sa puso prone naman ito sa pag-abuso ng iba kung palaging iyon ang gagawin mo. Ang bawat desisyong galing sa puso ay mas malamang na may kasiya-siyang resulta (sa umpisa) 'wag lamang maaabuso.


Palagi at parati na mas maraming bagay ang dinedisisyunan natin na gamit ang ating utak simula pagkabata natin hanggang sa ngayon na nagmamature na tayo.
Ngunit may mga bagay na kung ang pagpapasya'y nagmula sa utak malamang na umpisa pa lang komplikado na kaagad.
- mahirap matapos ang isang kurso kung pinilit ka lang na kunin ito
- mahirap makisama ng HABANGBUHAY sa taong pinakasalan mo dahil lang sa pagiging mautak mo
- pahihirapan ka ng iyong konsensya kung may ipinilit kang desisyon sa mahal mo o sa ibang tao dahil lang sa tingin mo ay iyon ang pinakamakatwiran


Hindi porke matalino ang isang pagpapasya palagi na itong tama at hindi porke nagdesisyon ka ng galing sa puso isa na itong desisyong perpekto. You just have to deal with the circumstances that may arise upon making any decisions; puso man 'yan o utak.


Marami ng trabaho ang utak natin, malaking bahagi na ang ginampanan niya sa buhay natin at kung maaari lang sana kung usapin tungkol na sa pag-ibig hayaan na nating puso ang magpasya sa atin. Walang pero, walang subalit ngunit dapat ikonsidera ang tama at ang MALI. Dahil ang pagmamahal naman talaga ay tanging sa puso lang
nanggagaling hindi sa utak o kung saan pa man. Kaya nga may nakakakilig na phrase na: I love you with all my heart (at ang symbol ng love ay heart, hindi brain).
Wala naman kasing declaration of love na: I love you with all my brain o with all my kidney o with all my lungs.
Ang anumang pagmamahal na hindi galing sa puso ay hindi dapat tawaging pagmamahal dahil isa itong huwad at pagpipilit.


Bukod sa pagtibok, pagmamahal na nga lang ang purpose at function ng ating puso, IPAGKAKAIT pa natin.
* * * * *
Ang utak 'pag nagdesisyon madalas walang puso samantalang ang puso 'pag nagpasya madalas hindi nag-iisip. May pagkatanga ang puso pero minsan tumatama rin naman at kapag nangyari 'yun hindi lang ang utak o puso mo ang liligaya kundi pati ang puso, utak at buhay ng iba pa.

Slaughterhouse

$
0
0


Bago mo pa matikman ang malutong na chickenjoy,
bago mo pa malantakan ang linamnam ng tagalog batchoy
bago pa tumulo ang sipon mo sa paghigop ng maanghang na tinola
bago ka pa maglaway sa pagngasab ng nilagang baka.


Doon sa slaughterhouse.
Gigilitan muna ng matador ang leeg ng kaawang-awang manok, kakatayin na muna niya ang umaatungal na baka at kanyang uundayan ng saksak ang walang kalaban-labang baboy. Ilulublob sa kumukulong tubig habang pumapalag-palag. Ang matador ay 'di maawa, 'di matitinag.


Lahat sila'y kikisay sa unang bigwas pa lang, walang makikinig sa kanilang panaghoy at
atungal o 'di papansinin ang kanilang labis na pagmamakaawa. Tutuyuin ang dugo 'pagdaka'y lamang-loob ay ibubukod at ihihiwalay. At ang piraso ng karne nila'y ipanglalaman sa ating mga tiyan na tila sa buong maghapon ay walang kabusugan. 

Bakit wala ni isang tumuligsa sa garapalang pagpaslang?


Galit sa kumakatay ng aso habang nginangasab naman ang fried chicken ni Mang Max's.
May panawagan pang ipagbawal na (raw) sana ang karera sa San Lazaro habang inaabangan niya ang inorder na wagyu doon sa Racks.
Magpoprotesta  ng pagmamalupit sa elepanteng nakakulong sa Manila Zoo'di naman makatiis na lantakan ang lechong baboy na inorder from Cebu.


Nagprotesta pa noong may napanood na minaltratong cute na kuting sa FB, pikit-mata naman sa mga hayop na kinikitil doon sa slaughterhouse na kadiri.
Nais na ipagbawal ang digmaan ng texas at talisain hindi naman umaayaw sa hot and spicy chicken ng KFC.
Kritiko sa panghuhuli ng mga matatapang na pating pero madalas namang umorder ng shark's fin doon sa Henlin.


Nagmamaang-maangan. Nagtatanga-tanghan.
Concerned umano sa kapakanan ng mga hayop.
'Di niya batid na bahagi rin siya ng kahayupan.

Nagmamalinis. Walang kasalanan.
Miyembro pa ng grupong nagmamalasakit umano sa hayop.
'Di niya batid na bahagi rin siya ng kahayupan.


Isang hayop katumbas ay isang buhay que baka, manok, baboy, kabayo, elepante, aso, pating o pusa pa 'yan.
Hangga't lumalamon ka ng anumang uri ng karne, mapangahas kong sasabihin na ako,
ikaw, sila, kayo, tayong lahat kahit papano'y bahagi ng kalupitan.
O animal cruelty para magandang pakinggan. 'Wag mo nang tangkaing ito'y pagtakpan.

Silang vegetarian lang marahil ang tanging may karapatan.


Aking uulitin.
Doon sa slaughterhose. 
Gigilitan muna ng matador ang leeg ng kaawang-awang manok, kakatayin na muna niya ang umaatungal na baka at kanyang uundayan ng saksak ang walang kalaban-labang baboy. Ilulublob sa kumukulong tubig habang pumapalag-palag.
Ang matador ay 'di maawa, 'di matitinag. 


Ikaw, nakaramdam ka ba ng pagkaguilty, pagkahabag at pagkaawa?



* * *

Paborito kong ulamin ang nilagang bulalo na recipe ng aking biyenan saka kare-kare na masustansya sa sebo, isama mo pa ang sizzling sisig na pampulutan.
Kahit may alaga pa akong Rottweiler, Labrador at Siberian 'di ko matatanggi na bahagi rin ako ng kahayupan.




Rickrolling ala Pusong Bato

$
0
0


Rickrolling - To be tricked, through any method, into clicking a link that takes you to the Rick Astley video "Never Gonna Give You Up". (Source: Urban dictionary)

A student managed to rick roll his teacher through an essay on the highly technical subject, by inserting the words of the song 'Never Gonna Give You Up' into each line of his work. And this is his work:


Dahil manggagaya ako at favorite kong kantahin sa videoke ang 'pusong bato'. Sasabihin kong 'Oo' pinagtiyagaan ko ito.

-----------------------

Hindinatin pansin o ayaw nating pansinin na tila hirap na tayo sa maraming bagay. Kaya
mo sa umpisa ngunit kalaunan mapapaisip ka rin kung may kahihinatnan ba ang pagsisikap.
Alamnating marami ng umiiral na batas sa Pilipinas, marami ring tagapagpatupad nito ngunit
dahil sa kawalan ng disiplina ng marami nagreresulta ito sa suliranin. Kabilang man  
sapinakamayaman o pinakamahirap. Pedestrian, pedicab o jeepney driver, na naghahatid sa
iyo patungo sa pinapasukan mong kompanya. Garapalan ang paglabag sa batas-trapiko.
Ako o ikaw ay bahagi ng ganitong sistema mas pansin lang kasi natin ang mali ng iba. Tayo
ay bahagi ng bansa, Mali ng marami ay sumasalamin sa ating pagkatao sa mata ng banyaga.
Hindi ang pag-away sa driver na sumalubong ang lulutas sa sistema naghahanap lang siya ng
makakain iyon ang madalas nilang katwiran. Pero kahit anong isip mo o kahit anong katwiran
hindi dapat gawing alibi ‘ang pagiging mahirap’ para lang makalusot sa batas kung ganoon
rinlang ang katwiran natin disinsana'y may karapatan ang mayorya na lumabag sa batas.
Makatulogka kaya ng mahimbing kung ang ipinapakain mo sa pamilya mo'y galing sa mali?
Buhatng magkamalay ako alam ko na ‘di madaling umasenso bukod sa sipag kailangan din
ng impluwensiya. Maraming kwalipikado pero kung wala kang kapit sa itaas ang lahat ng
iyong pagsisikap at pagpupursigi ay walang silbi. Matapat ka pero 'di ito lisensya para 'di ka
lokohin ng iyong kapwa. Para saan? Sa kapirasong piso? O sa piraso ng pangarap? Tsk. Tsk.
Kung nabubuhay lang siguro ang mga sinaunang bayani natin higit silang manghihinayang.
Akoay bahagi ng sistema ngunit handang magsakripisyo para sa kapakanan ng marami. Ikaw
aymay sariling pagpapasya, maliit na kontribusyon mo'y malaki sana ang maidudulot.
Mulingmakikilala ang Pilipinas hindi dahil sa negatibong konotasyon kundi positibo. Muling
iibigang pilipino sa Pilipinas,‘di na niya itatatwa ang kanyang lahi,‘di na siya magpapaalipin
sana sa ibang lahi. Noong dekada 70 may panawagan si Pangulong Marcos na ang disiplina
aykailangan sa pag-unlad ng isang bayan. Pagkatapos ng ilang dekada, ang disiplinang ito ay
hindi pa rin natin maisakatuparan. Masyado nang garapal ang kanya-kanyang sistema na
maging tayo ay unti-unting nilalamon nito. Hindi ko tuloy maiwasan na maihambing na
katuladna tayo ng mga hayop sa gubat na sasagpangin ang kapwa niya hayop upang tulad
moat ng maraming iba pa ay madugtungan ang buhay. Habang ang iba ay umaasenso na;
tulad ng Singapore, Hong Kong, Korea at iba pa heto pinagtitiyagaan, niyayakap, sinisikmura
mo,  ako, natin ang nakahaing programa ng pamahalaan na “concerned”  sa bawat kapakanan
na may kaugnayan sa pag-asenso at pag-unlad. Ngunit iilan lang ba ang naniniwala sa kanila?
May naniniwala pa ba sa kanila? Relihiyoso tayo pero hinahanap ko ang mapagmahal at
pusong pilipinong handang kumalinga sa kanyang kapwa. ‘Di ko inasam na magkaroon ng
batona monumento tulad ng kay Bonifacio pero umaasam ako ng mabuti at maunlad na Pilipinas.

Tatlong Iglap (mga kwentong isang iglap)

$
0
0



Unang Iglap: Birthday

Tulad ng pangkaraniwang mga party; ang birhday party na ito ni Russel na nagsicelebrate ng kanyang ikapitong-taong kaarawan ay dagsa ng mga panauhin. May mga iba't-ibang palarong inihanda, may sari-saring regalong bitbit ng bawat bisita, may magic acts at siyempre maraming pagkain. 


Nakavideo at photo coverage din ito.


Bukod kay Russel, ang isa pang masaya sa selebrasyong ito ay ang kanyang mommy na si Suzie. Nakatanaw lang ito sa isang tabi, nagmamasid sa napakahalagang araw ng kanyang anak, nangingilid ang luha dahil sa labis na kasiyahan.


Hindi mapagsidlan ang kaligayahan ni Suzie kahit batid niyang medyo malaki ang gastos sa selebrasyong ito 'di niya ito alintana dahil mas nangibabaw sa kanya ang pagnanais na mabigyan ng masayang kaarawan ang anak.


Si Suzie ay isang OFW sa Hong Kong. 
Single parent. 
Kumikita lang ng sapat para sa kanyang solong anak na si Russel at sa inang si Aling Rina na siyang nagpalaki at nag-aaruga dito. Mahigpit ang kanyang among intsik ngunit dahil isa ring ina napakiusapan niyang payagan siya na magbakasyon para sa araw na iyon.


"O, pinapanood mo na naman iyan! Mamaya niyan iiyak ka na naman. Wala na tayong magagawa hindi na natin maibabalik pa ang nakaraan kailangan mo ng lubos na pagtanggap para hindi ka magapos ng kalungkutan at ng nakaraan." si Aling Rina ang nagsasalita, kausap ang anak na si Suzie na paulit-ulit pinanonood ang 7th birthday celebration ni Russel sa video.


"Ma pinapanood ko lang naman, hayaan niyo na muna nga ako. Ito lang ang tanging alaalang naiwan ni Russel sa akin na nararamdaman kong buhay siya at masaya."pakiusap ni Suzie sa ina.


"Hmmp, ikaw na ngang bahala!" tuluyan nang iniwan ni Aling Rina si Suzie sa sala na katulad niya'y 'di napigilan ang pagluha.


Si Russel ay biktima ng ligaw na bala noong nakaraang selebrasyon ng pagsalubong sa bagong taon. Sa darating na Linggo, walong taon na sana ito. 


Hindi na bumalik si Suzie sa Hong Kong wala na umano siyang dahilan pa para magpaalipin sa mga intsik.

- E n d
 * * * * *

Ikalawang Iglap: iPhone

Lunes, alas siyete kinse ng umaga, unang araw ng schoolyear. Hawak ni Kurt ang bagong iPhone na kasama sa balikbayan box na pinadala ng kanyang amang si Karl na nagtatrabaho bilang welder sa Dubai. Binabagtas niya ang kahabaan ng Recto patungo sa UE kung saan freshman student siya sa kursong Marketing.


Nakasuksok sa dalawang tenga niya ang earphone at kasalukuyan niyang pinakikinggan ang kantang 'Blurred Lines', mga sampung metro ang layo mula sa kanyang eskwelahan ay biglang mula sa kung saan ay may lalaking humablot sa kanyang iPhone.

Mabilis itong tumalilis at sumama sa kakapalan ng mga tao, bahagyang nadapa ang lalaki dahil sa naapakang sapatos ng isang estudyante ngunit 'di nabitiwan ang inisnatch na iPhone.


Dito na nagpasyang habulin ni Kurt ang mamang snatcher. Muling tumayo ang snatcher, tumakbo at tumawid sa island ng kalsada. Si Kurt na may kabilisan ring tumakbo ay patawid na rin ng kalsada na sa kasamaang palad ay nadapa dahil sa kumalas na sintas ng kanyang sapatos. Sa eksaktong sandaling iyon ay may humahagibis na bus ng G-Liner na biyaheng Cainta, kahit agad na nakatayo si Russel ay nahagip pa rin ng gulong ng bus ang kanyang isang paa.


Naalerto ang lahat ng tao sa paligid. Kinuyog ng mga estudyante at mga tambay ang mamang nang-snatch ng iPhone ni Russel, pinahinto ng traffic enforcer ang driver ng G-Liner at may mga mabubuting loob na nagdala kay Russel sa pinakamalapit na ospital.


Dalawang araw pagkatapos ng insidente, sa ospital na inabutan ng amang si Karl na kagyat na lumipad galing Dubai, ang anak na si Kurt. Dahil sa malubhang sugat na tinamo ng paa hindi na nakuha pang iligtas ng mga doktor ang kaliwang paa nito. Napaiyak na lang ang ama sa kalungkutan at panghihinayang.


Habang tumatangis sa sama ng loob ang OFW na si Karl sa sinapit ng kanyang anak, ang mamang snatcher ng iPhone ay pansamantalang nakalalaya dahil sa piyansa ganundin ang driver ng bus na nakabundol at nakasagasa kay Kurt.


Ilang oras pa'y nagising at nagkamalay na si Kurt, iniabot ng nurse ang kanyang iPhone na naging dahilan ng pagkaputol ng kanyang isang paa. 


Samantalang nagdarasal ang kanyang ama sa prayer room ng ospital, hawak naman ni Kurt ang kanyang bagong iPhone na kasama noon sa balikbayan box na pinadala ng kanyang amang si Karl na nagtatrabaho bilang welder sa Dubai.

- E n d
* * * * *

Ikatlong Iglap: Superhero (inspired from Sir Eros)

“Ma, ang english pala ng bayani ay hero” si Julia, isang six year old na batang babae kausap ang kanyang ina.


“Oo, anak, bakit?” sagot at balik tanong ng ina.


“Eh ‘di si papa po pala ay isang hero kasi po ang tawag sa kanya ay bagong bayani” 


“Pwede rin. Kasi ang tawag sa mga katulad ni papa mo nagtatrabaho sa ibang bansa ay bagong bayani. Kung ang bayani ay hero sa English – hero na rin si papa mo” mahabang paliwanag ng ina.


“Eh ano naman po ‘yung ‘superhero’?”follow up question ni Julia sa ina na ginaganahang mag-explain.


“'Yung superhero naman fiction lang ‘yan o kathang-isip. Produkto lang ng siya ng imahinasyon ng mga sumusulat ng komiks at gumagawa ng movie. ‘Di tulad ng bayani na totoong tao; ang mga superhero higit pa sila sa tunay na tao, mas MAGALING sila” mas mahabang eksplanasyon ng mama ni Julia.


“Sa tingin ko po hindi kathang-isip lang ang superhero” makahulugang sabi ng anak.


“Ha, bakit mo naman ‘yun nasabi anak?” patakang tanong ng ina. “May kilala ka bang superhero na totoong tao?”
“Opo. Sa tingin ko po si Ninong Julius ko po ay isang superhero.”


Paano mo naman nasabing superhero si Ninong Julius mo?” nakangiting lumapit at umupo sa harapan ng anak ang mama ni Julia.


“Sabi niyo po ang superhero mas MAGALING sila sa mga tao. Narinig ko po kayo kagabi ni Ninong Julius sabi niyo sa kanya, mas magaling siya kesa kay Papa.” 

- E n d

Pagwangis

$
0
0



"Mukhang ang saya-saya niyo ser ah!"paglilibang na sabi ng taxi driver*1sa pasaherong kanyang naisakay sa NAIA Terminal 1*2. Si Philip*3ang kanyang tinutukoy, isang OFW mula Qatar na pagkalipas ng halos labingdalawang taon*4ay ngayon lang muling makakabalik sa bansang kanyang kinalakhan.

Si Philip na isang balikbayan o bagong bayani kung tagurian ng ating pamahalaan; bagong bayaning nagsasakripisyo para sa pamilya at nagpapalakas ng ekonomiya ng bansa ngunit saan man mapadako ay 'di magawang maprotektahan at mabigyan ng tulong kung siya'y nangangailangan.

Pasado alas dose na nghatinggabi*5 nang lumapag ang eroplanong kanyang sinasakyan mula Qatar. Bitbit ang malalaking bagahe laman ang iba't ibang pasalubong sa pamilya; gadget, cellphone, damit, chocolates at lahat ng perang kanyang inipon at kinita sa loob ng labingdalawang taon. Sabik na sabik ang balikbayan, hindi ito maikakaila sa taglay niyang ngiti sa kanyang labi na kita rin sa kanyang mga mata. Kaya ganun na lamang ang pagbati sa kanya ng driver ng taxi na kanyang sinasakyan.

"Opo. Masaya talaga ako kasi pagkatapos ng labingdalawang taon ngayon ko lang muli makikita ang pamilya ko, galing po kasi akong Qatar OFW po ako dun."sagot ni Philip sa driver.

"Ah, ganun ba? Naku eh di tiyak nang matutuwa din sila niyan! Sa tagal mong nawalay sa pamilya kung ano ang pagkasabik mo sa kanila sigurado akong ganun din ang pagkasabik nila sa'yo. Ganyan din ang naramdaman ko noong nagtrabaho ako bilang machine operator sa Saudi kahit higit lang isang taon*6ako doon. Bumalik na agad ako sa 'Pinas kasi hindi ko kaya ang lungkot dun. Kaya heto ako matagal-tagal na ring nagtitiyaga bilang isang taxi driver."kumpisal ng driver sa pasahero.

"Sinabi niyo pa ho, talaga pong nakakalungkot kung hindi nga lang sa kinabukasan ng lima kong anak hindi ako magtitiyaga bilang cook doon. Kahit may diskriminasyon sa mga katulad natin hindi ko na inintindi at pinatulan. Saka iba ho talaga kasi ang salary sa ibang bansa hindi tulad dito sa atin na kahit anong pagsisipag at pagtitiyaga mo sa trabaho parang wala ka namang mahihita."walang bakas sa mukha ni Philip ang pagkaantok at pagkahapo kahit halos isang araw na siyang bumibiyahe, natatalo ng kanyang pananabik ang magkahalong pagod at antok niya.

Patuloy itong nagkwento. "Mabuti na nga lang medyo malaki na ang naipon ko siguro hindi na ako babalik doon magtatayo na lang kami ng misis ko ng karinderya o maliit na restaurant tutal 'yun naman ang trabaho at experience ko. Kahit hindi ganun kalaki ang kita at least wala akong amo, mairaraos naman siguro namin ang aming araw-araw. Malaking bagay din na mabait ang asawa ko, napakasimple niyang babae at hindi maluho napagkakasya niya ang buwan-buwan kong pinapadalang pera at the same time nakakaipon pa rin ako."

"Magandang plano iyan kung meron ka rin lang ipon mas okay na magnegosyo ka na lang dito sa atin. Sa labingdalawang taon mong pagkawalay sa pamilya mo tiyak kong malalaki na ang mga anak mo. Hindi mo na maibabalik 'yung mga panahong nag-uumpisa pa lang silang maglakad o magsalita at ang unti-unti nilang pagiging makulit. Sabi nga sa ingles, priceless 'yun! Pero di bale hindi pa naman huli ang lahat may mga masasayang araw pang darating na kasama ka ng iyong pamilya." tila pagsang-ayon ng driver sa tinuran ng balikbayan.

Kahit nakatira sila sa Meycauayan kung saan sila nakakuha ng lote at bahay, sa Fairview nagpahatid ang balikbayan dahil tiyak niyang naroroon ang kanyang pamilya. Tuwing weekend kasi hindi ito pumapalya na dumalaw at bumisita sa kanyang mga magulang na may sakit at may edad na, bilin niya ito bago pa man siya makalipad papuntang abroad. Isa rin ito sa mga dahilan kung bakit napagpasyahan niyang mangibang bansa kahit nagtatrabaho siya bilang waiter sa isang chinese restaurant.

Lumalaki ang kanyang pamilya kailangan nang mag-aral ng kanyang mga anak sa private school at ang kanyang mga magulang naman ay kailangan ng maintenance medicine. Wala nang ibang maasahan. Dalawa silang magkapatid pero ang kanyang kuya*7 ay matagal nang nawawala sabi ng mga kapitbahay sinalvage daw ng mga pulis dahil sa atraso sa droga pero walang sinumang makapagpatunay nito. Ayaw ni Philip na maghirap at maghikahos ang pamilya kaya labag man sa kanyang kalooban napilitan siyang maging OFW.

Pagkatapos ng maraming gabing hindi siya makatulog sa pag-aalala.
Pagkalipas ang maraming tanghalian at hapunang wala ang kanyang pamilya.
Makaraan ang ilang libong araw ng pagtitiis heto na si Philip kasama ang pag-asa at katuparan ng kanilang mga pangarap sa buhay.
Hindi na siya nagpasundo. Minabuti niyang sorpresahin ang kanyang mag-iina dahil iba ang hatid na kasiyahan nito para sa asawang si Yna at kahit nga noong magnobya pa lang sila ilang surpresa ang kanyang ginawa dito.

Patuloy sa kwentuhan ng kanilang nakaraan at karanasan ang dalawa hanggang makarating sa kahabaan ngCommonwealth Ave*8. Higit sa dalawang daang metro bago dumating sa Ever Gotesco mall ay huminto ang taksing kinasasakyan ni Philip mabuti na lamang at ito'y nasa gilid na bahagi ng kalsada. Makailang beses ini-start ng driver ang sasakyan. Bahagyang nagrebolusyon lang ngunit 'di nagtuloy sa pag-ikot ang makina nito.

"Ser, pumalya po yata ang baterya ko. Pwede bang pakitulak sandali hanggang sa magstart lang itong taxi." pakiusap ng driver sa kanyang pasahero.

Hindi nag-atubili ang balikbayan. Agad itong tumalima, bumaba ng sasakyan upang itulak ang sasakyang tumirik sa kalsada. Siguro'y sa kasabikan at kagustuhan na makauwi sa bahay hindi siya nagdalawang-isip na gawin ito. "Sige po, iwan ko lang itong bag ko para maitulak ko nang maayos." aniya pa.

Buo ang tiwalang bumaba si Philip. Muling hinabilin sa driver ang kanyang bag bago inilapag sa likurang bahagi ng upuan, inilapat ang pintuan.

Nang biglang humarurot ang taxing inakala ni Philip na tumirik.
"Vrooom!"

Hindi pa nakakapwesto sa likurang bahagi ng sasakyan ang bagong bayani'y kumaripas na ito ng takbo. Mabilis itong nawala sa kanyang paningin. Sa kasamaang palad hindi niya man lang nakuha ang pangalan ng taxi at ang plate number nito.

Kung gaano niya katagal pinaghirapan ang kanyang naipon ganun kabilis naman ito nawala. Sa napakahabang kalsada ng Commonwealth Avenue nilamon ng dilim at tuluyang naglaho ang sasakyang naglalaman ng lahat ng kanyang bagahe, kagamitan, pasalubong at mga inipong pera. Kasabay sa paglaho at pagkaripas ng taxi ay ang pagkawala ng kanyang pananabik na makita ang pamilya at ang labis na kaligayahang kanyang nadarama. 

Sa isang iglap ang kanyang pangarap ay ninakaw ng mapagsamantala. 

Ang lahat ng masasayang emosyong kanyang nadarama kanina ay kagyat na napalitan ng magkakahalong luha, galit, pagkadismaya at kawalan ng pag-asa.
* * *


Legend:
1. Kawangis ng mga lider na namumuno sa ating bansa. Lider na mahusay mangusap, lider na dapat ay mahatid tayo sa destinasyong nais natin (ngunit iba ang kanyang mithiin), lider na lubos nating inaasahan at pinagkakatiwalaan. Ngunit sa halip na tumbasan ng matinong pamamalakad ang tiwalang iginawad at pagsusumikap ng lahat ng mga 'Philip' ay magagawa nitong nakawin ng walang awa ang kanilang mga pinagpaguran para sa kanilang sariling kasiyahan.

2. Lugar na sumasalamin sa ating bansa kung saan matagal na siyang dapat sumailalim sa rehabilitasyon at pagbabago ngunit dahil sa labis na korapsyon ay hindi ito magawa at maisakatuparan.

3. Isang balikbayang kawangis ng maraming pilipino. Pilipinong nagsusumikap para sa kinabukasan ng pamilya na handang magtiis, magtiyaga, maghirap, magtiwala at magsakripisyo para sa katuparan ng kanyang mga pangarap sa buhay. Mga Philip na nananatiling nakasalalay ang mga pangarap sa umaandap na pag-asa.

4. Bilang ng taon ng pagsisikap at pagtatrabaho ni Philip na sumisimbolo sa higit isandaang taong paghihintay at pagtiis ng mga pilipino na makatakas sa pagdarahop at paghihirap ng marami sa atin na sa kabila ng haba ng panahong lumipas ay tila walang naging pagbabagong naganap.

5. Kawangis ng kinalalagyan ng ekonomiya ng bansa, kalagitnaan ng gabi.

6. Napakaikling panahong pagsisikap ng mga lider na magpakatino sa tungkulin ngunit dahil sa talamak na katiwalian na kanyang nakikita kalaunan ay nilamon na rin siya ng sistema.

7. Sumisimbolo sa mga pilipinong napariwara ang buhay, kumapit sa patalim, naging masalimuot ang buhay at walang tiyak na kinabukasan.

8. Tiinaguriang isa sa pinakamapanganib na kalsada sa buong mundo, kawangis ng Pilipinas hindi madaling mabuhay rito.

Balikbayan Box

$
0
0


Laman ng kanyang balikbayan box ay tsokolate, mga bagong damit, wristwatch, cellphone, laptop at nabasag na pangarap.
- - - - -

October 2008 nang swertehing matanggap si Danny bilang tile setter sa isang construction company malapit sa kabisera ng Saudi Arabia.
Hindi kalakihan ang kanyang sweldo pero sasapat na sa pangangailangan ng kanyang pamilya; may dalawa silang anak ng kanyang asawang si Josie at kahit papaano'y nakakapagsubi rin ito para sa iba pa nilang pangangailangan at ipon na rin para sa pag-aaral ng anak.


Nagtungo siya sa lugar na iyon na puno ng pangarap. Dala ni Danny ang pag-asang makakaahon sa kahirapan ang kanyang pamilya. Sa edad niyang beinte-tres, unang beses niyang makakarating sa ibang bansa, unang beses niyang magtatrabaho para sa ibang lahi. Isa siyang mason sa kanilang probinsya sa Pampanga paminsan-minsan 'pag may kontrata ang kanyang amo na isang arkitekto ay may trabaho siya ngunit 'pag wala naman ay wala rin siyang kita. Kapag ganun ay aasa na lamang ang kanyang pamilya sa kaunting kikitain sa pagsasaka ng bukid ni Mang Manuel. Ngunit dahil sa abnormal na klima ng panahon nagreresulta ito sa kakarampot at papaunting kita sa pagsasaka. Kalaunan ay nagdesisyon si Mang Manuel na ibenta ang kanyang ekta-ektaryang bukirin sa isang developer ng Subdivision. Dito na kinailangang maghanap ng ibang pagkakakitaan ang pamilya ni Danny.


Nagbukas ang oportunidad ng pagtatrabaho sa ibang bansa nang ang isa sa kasama ni Danny sa construction firm na si George, ay natanggap bilang welder sa Saudi. Hindi madaling desisyon na umalis sa kinagisnang lugar, hindi madaling mawalay sa pamilyang kanyang labis na mahal lalo pa't bago pa lamang silang mag-asawa. Sa kabila ng lahat ng ito, buo ang loob niyang haharapin ang anumang pagsubok na sasalubong sa kanya.


Sa tulong ng lupang pag-aari ng inang si Nanay Mona, naisangla nila ang kapirasong lupang kinatitirikan ng kanilang bahay. Ang lupang iyon ay pamana pa ng nuno ni Nanay Mona sa kanya. Ang perang pinagsanglaan ay hindi pa rin sumapat para sa placement fee ni Danny at kinailangan pa nilang mangutang upang mapunan lang ito.


May isang kapatid si Danny, ito ay si Doris. Scholar ito sa isang pampublikong paaralan at sa susunod na taon ay college na ito. Mabuti na lamang at matalino si Doris dahil kung hindi'y dagdag gastos pa ng pamilya ang matrikula nito. Napagkakasaya ng kanyang ina ang baon nito sa araw-araw dahil sa kanilang maliit na sari-sari store.


Puno ng adjustment ang unang mga buwan ni Danny sa Saudi. Maraming gabing hindi siya dalawin ng antok dahil sa lungkot, maraming mga araw ang tila napakabagal para sa kanya dahil sa sobrang pagkabagot at kahit libre ang pagkain sa kanyang pinagtatrabuhan tila hindi siya nakararamdam ng pagkabusog. Ang gastos lang niya halos ay ang bayad sa renta ng kanyang tinutuluyang kwarto.


Sa ngalan ng pagmamahal sa pamilya gagawin ni Danny ang lahat ng pagtitiis at sakripisyo. Ngayon niya lang nalaman kung bakit ang tawag sa katulad niyang OFW ay bagong bayani. Bayaning isinusugal ang buhay sa ibang bansa, bayaning nagpapaalipin sa ibang lahi. Ngunit paano nga ba tinatawag na bayani ang isang OFW kung wala man lang pagmamalasakit ang pamahalaan sa mga katulad nila? Bakit nga ba sila naging bayani kung walang sapat na respetong iginagawad ang gobyerno sa kanila?


Habang nagpapakahirap ang katulad niya, nababalitaan niya mula sa Maynila ang patuloy, talamak at hindi naaawat na korapsyon sa bayang kanyang pinanggalingan. Ito rin ang isa pang naging dahilan ni Danny kung bakit nabuo ang loob niyang tumulak sa ibang bansa. Walang komprehensibong programang pangtrabaho nakalatag para sa mga mahihirap ngunit masikap na gaya niya. Si Danny at ang labing-isang milyong pilipinong iba pa ay hindi umasa sa gobyernong dapat na kumakalinga sa kanila.


Magpapaalipin para magkalaman ang platong ihahain.
Magpapaalila para makapag-aral ang mga bata.
Magtitiis para sa pinapangarap na malaking bahay.
Magsusumikap para sa magandang kinabukasan.
Magsasakripisyo para sa kasiyahan at kaligayahan ng buong pamilya.


Tatlong taon ang kontrata ni Danny sa Saudi.
Maikli lang ito kung tutuusin ngunit para sa kanya'y tila katumbas ito ng walang hanggang paghihintay. Para sa taong naiinip at sabik sa pamilya lubhang napakabagal ng takbo ng bawat minuto at oras. Kahit nasanay at nagamay na siya sa kanyang trabaho, sa kanyang tinitirhan at pakikisama sa kapwa niya OFW, hindi pa rin mapupunan nito ang lungkot na namamahay sa kanyang puso. Ngunit positibo siyang malalampasan niyang lahat ng paghihirap na ito.


Apat na buwan bago matapos ang kontrata ni Danny sa Saudi, labis na ang pananabik na nararamdaman niyang muling makasama ang pamilya. Wala nang pagsidlan ang kanyang kasiyahan, kung maaari nga lang sana na hatakin ang mga nalalabing araw sa eksaktong araw ng kanyang pag-alis ay ginawa na niya ito. Gamit ang naipong pera ay paisa-isa niyang binibili ang lahat ng bilin at pasalubong para sa pamilya; tsokolate at mga bagong damit para sa dalawang anak, relo para sa inang si Aling Mona, cellphone para sa asawang si Josie at laptop para sa kapatid na si Doris.
Nakalagay ang lahat ng ito sa isang Balikbayan box.


Ngunit 'pag nagbiro ang tadhana tiyak hindi ka matutuwa.
Hindi sinasadyang napatay ni Danny ang landlord niya na isang Pakistani. Napilitan siyang lumaban nang awayin at gulpihin siya dahil sa alitan tungkol sa renta. Self defense ang nangyari, sadya man o hindi ang pagkakapaslang sa Pakistani ay ikukulong pa rin siya ng otoridad ng Saudi. Alam niyang mahigpit ang batas dito kaya't ganun na lamang ang kanyang panghihinayang at pagsisisi nang malaman niyang namatay sa ospital ang kanyang nakaalitan.


Ilang araw makalipas ang krimen, nakarating na sa kaalaman ng embassy at consul ng Pilipinas sa Saudi ang naganap na pagkakapaslang ni Danny sa Pakistani subalit katulad ng iba pang hinaing at problema ng ating mga bagong bayani tila hindi nabigyang pansin ng kinauukulan ang kaso niya.


Dahil sa magulong pag-iisip at pag-aakalang mapapagaan ang parusa sa kanyang kaso, idagdag pa ang kakulangan ng legal assistance ng pamahalaan sa kanya at sa kagustuhang matapos kaagad ang kaso, inamin na lang ni Danny ang pagkakapatay sa Pakistani.

Murder ang krimeng nagawa ni Danny at sa bansang ito may katumbas itong parusang kamatayan. Upang makaligtas sa parusang bitay kailangang makapagbigay ang pamilya ni Danny o ng pamahalaang Pilipinas nang tinatawag na 'blood money' sa pamilya ng nasawi. Ang itinakda ay 6 milyong Riyal ngunit nabawasan ito at naging 4 milyong Riyal katumbas nito'y 44 milyong piso.


Sa loob ng piitan, nakararanas ng panggugulpi ang kaawa-awang si Danny sa kapwa niya preso kahit itanggi pa ito ng pamunuan ng presinto ay hindi naman maitatanggi ang maraming pasa sa katawan ng pilipino.
Kahirapan na nga ang dinanas sa labas ng bansa, kahirapan pa rin ang kanyang kinakaharap sa loob ng bilangguan.
Sa isang iglap, lahat ng kanyang mga pangarap para sa pamilya ay gumuho. Magsisi man siya ay tila huli na ang lahat..


Kabi-kabila ang panawagan at pakiusap ng pamilya ni Danny sa iba't ibang ahensiya, NGO, private companies, social network upang makakalap ng blood money na makapagsasalba sana sa buhay ng bagong bayaning si Danny ngunit tila bingi ang kinauukulan para maaksyunan ang lumalalang problemang ito. Nakarating na rin ang balitang ito sa media sa Pilipinas at sa kaalaman ng mga kababayan.


Makaraan pa ang ilang taon at napakaraming gabing pagtangis, lumalapit na ang deadline ng pagbabayad sa itinakdang blood money sa pamilya ng biktima, halos wala pa sa kalahati ang naipong perang makapagliligtas sa isang sagradong buhay.


Habang lumalapit ang araw ng execution ay unti-unting binabawian ng pag-asang lumawig pa ang buhay ni Danny. Patuloy na nagtatanong kung kakambal niya sa buhay ay kamalasan, patuloy na iniiyak ang lahat ng kanyang sama ng loob sa Pilipinas, sa mundo, sa gobyerno.
Maaaring anumang araw mula ngayon ay isasagawa ng otoridad sa Saudi ang hatol na kamatayan para kay Danny at hindi na tayo magugulat sa balitang ito. Panandaling mapupukaw ang damdamin ng mga Pilipino sa pagbuwis na naman ng buhay ng isang bagong bayaning winalang bahala at hindi nabigyan ng sapat na kalinga at importansya.


Hangga't hindi nababago ang sistema ng pamahalaan, hangga't makasarili ang karamihan sa mga opisyales na nanunungkulan, hangga't walang magandang programa para sa lokal na employment ang gobyerno ng Pilipinas marami pang 'Danny' ang magiging biktima ng ganitong klase ng krimen.


Habang magulo ang isip ni Danny na naghihintay ng kanyang kamatayan nasa sulok naman ng isang malungkot na silid ang isang kahong pasalubong at sorpresa para sa kanyang pamilyang naiwan sa Pilipinas.
 
Laman ng kanyang balikbayan box ay tsokolate, mga bagong damit, wristwatch, cellphone, laptop at nabasag na pangarap.



Letrang "R"

$
0
0


Tila nagmumura mula sa kanyang matayog na kinalalagyan ang napakalaking letrang 'R' na logo ng kabubukas lang na mall sa aming lugar. Lalo pang nagmumukha itong maangas tuwing sasapit ang gabi dahil nangingibabaw ang kanyang liwanag sa rami ng kanyang ilaw. Maraming nagsasabi na ang pagkakatayo ng mall na ito ay senyales daw ng pag-unlad ng aming lugar. At sa tulad ng isang 'di kalayuang siyudad sa Bulacan na aking tinitirhan pribilehiyo na maituturing para sa mamamayan nito na mamalas ang pag-asenso at pag-angat (daw) ng aming lungsod.


Noong nakaraang taon lang tanaw ko pa ang lupaing ito na hitik sa mga puno, malawak ang taniman ng gulay, prutas at palay, may malinis na hangin, mga kalabaw na katuwang sa pagsasaka ng mga magsasaka at pawid na kubo na kanilang tahanan at pahingahan. Saksi ako at ng marami sa kanilang pagtatanim sa gitna ng tirik na araw, pag-ani ng gulay, prutas at palay sa panahon ng anihan.


Sa loob ng humigit kumulang limang dekada ay hindi lang nakatulong ang bukid na ito sa mga pamilya ng sumasaka nito kundi malaki rin ang naging pakinabang ng maraming tao dito sa aming lalawigan at sa ilang bahagi ng Kamaynilaan. Ngunit ngayon nga'y iba na ang tanawin dito; sementado na ang dating luntiang palayan na paradahan ng mga parokyano ng mall, ang tahimik na lugar ay naging maingay sa dami ng tao at sasakyang labas-pasok dito at sa isang iglap naglaho ang sariwang simoy ng hangin.


Sa lawak ng dating bukiring ito kaya nito noong makapagproduce ng libo-libong tonelada ng prutas, gulay at bigas. Mga lokal na produkto na pangunahin nating pagkain na sa loob ng maraming mga taon ay nagsalba sa gutom at ekonomiya ng aming bayan pero nakapagtatakang hindi nang pamilya ng mga sumasaka nito. Sa mahal ng halaga ng binhi, abono at idagdag pa ang mapagsamantalang negosyante na bumabarat sa kanilang mga pananim halos wala nang natitira pang kita para sa pamilya ng magsasaka.


Kung sapat lang sana ang ayuda at suporta ng pamahalaan para sa mga magsasaka dito sa Gitnang Luzon hindi na aabot sa puntong ibebenta sa napakamurang halaga ang mga lupain at sakahan ng mga pobreng magsasaka sa mga developer ng subdivision o ng mga higanteng mall katulad ng may-ari ng napakalaking letrang 'R' na mall na aking tanaw-tanaw. Ngayon, saan kaya kukuha ng kapunuan ang gobyerno sa libong tonelada ng palay at gulay na nawala dahil sa pagtatayo ng mall na ito?
Hindi malayong mangyari na sa hinahaharap halos lahat ng ating kakanin ay inaangkat na natin sa bansang Tsina, Vietnam, Malaysia, Indonesia, Amerika at iba pang bahagi ng mundo. May pagpapahalaga kasi ang pamahalaan nila sa usaping agrikultura hindi tulad dito sa atin.


Kunsabagay hindi rin natin masisisi ang mga magsasaka kaysa nga naman magpagod at makinabang lang ang mga ganid na negosyante sa kanilang paghihirap at pagsisikap mas mabuti para sa kanila na maging pera ang kanilang ekta-ektaryang lupain. Naghahanapbuhay at nagpapakapagod sila para kumita hindi para malugi.

Sa unang araw ng pagbubukas ng mall na may malaking logo ng letrang 'R' dagsa ang mga tao, masikip ang trapik - parang piyestang bayan sa buhos ng mga mamimiling sabik sa lamig at laman ng mall na gumagayuma sa lahat ng uri ng mamamayan, ang dating limang segundong paghagibis ng mga jeep ay tila naging habangbuhay dahil sa maraming tumatawid, paghihimpil at paghihintay nila sa mga pasahero, ang pagbubukas nito'y tila pinilit at pinaabot sa nalalapit na kapaskuhan. Inaasahan ko na iyon. Dahil sa panahong ito walang pakundangan ang mga tao sa paggastos hindi alintana sa darating na malaking bills sa kanilang mga credit card - kakamot sa ulo mababaon sa utang.


May pakinabang din naman ang mga tao sa tuwing may nagbubukas na mga malalaking establisimyentong ito tulad ng mall; kapalit nang pagkawalan ng mapagkakakitaan ng mga magsasaka, pagkawala ng matabang lupang sakahan at paglahong parang bula ng tonelada sanang prutas, gulay at bigas ay ang pag-empleyo ng daan-daang tao ng siyudad. Kakayod ng higit sa walong oras para sa humigit kumulang limangdaang piso na pagkatapos ng anim na buwan ay walang kaseguruhan kung sila'y muling kukuning empleyado.


Sa 'di kalayuan tanaw ko naman ang higit na malaking palayan at bukiring hitik sa mga puno, malawak na taniman ng gulay, prutas at palay, may malinis na hangin, mga kalabaw na katuwang sa pagsasaka ng mga magsasaka at pawid na kubo na kanilang tahanan at pahingahan.  Na maaaring sa susunod na mga taon ay pagtatayuan na rin ng isa pang higanteng mall na kanilang kakumpitensya; na sa letrang 'S' naman nag-uumpisa.

The Toni G. and Papa P. Experience

$
0
0


Madalas nating tanong; Ano ba ang kaya mong ibigay para sa pag-ibig? Ano ba ang kaya mong isakripisyo kapalit ng inaasam na pagmamahal? Hanggang kailan ka maghihintay at magtitiis para sa pag-ibig?

Sa pelikulang 'Starting Over Again' na pinagbibidahan nina Toni Gonzaga at Piolo Pascual mas angkop na mga katanungan dito ay; Ano ang kaya mong ibigay para sa pangarap? Hanggang saan ang iyong pagtitiis para makamit mo ang isang pangarap? Kaya mo bang isugal at isakripisyo ang pag-ibig ng kasalukuyan para sa pangarap na magandang kinabukasan?

Higit isang linggo matapos i-showing ang 'Starting Over Again' saka ko pa lamang napanood ito. Hindi ko inasahan na on its second week marami pa ring tao sa loob ng sinehang pinasukan namin ng wife ko. Kung hindi pa kami maagang pumila malamang ay sa hagdan kami nakasalampak o kaya naman ay nakatayo kami sa kung saang sulok o gilid lang. Siguro tulad ng aking dahilan ang pagkakaroon nila ng interes na panoorin ang movie: interesting. Sa dami ng kaibigan sa FB na nagshare ng kani-kanilang status tungkol sa Toni G. - Papa P. movie na ito, naglaan ako ng oras at pera ito'y panoorin.

Hindi nga ako nagkamali, interesting nga ang movie. Para sa akin ay sulit ang perang iyong ibabayad sa ticket, ang iyong dalawang oras sa loob ng sinehan at isang oras pang preparasyon para magtungo sa iyong paboritong mall upang panoorin ito.
'Starting Over Again' is a movie about dreams, frustrations, failures, false hope, success, triumph and of course love.

Umikot ang istorya sa pag-ibig ni Ginny (portrayed by Toni G.), a young girl who has a big admiration sa young professor of their university na si Marco (Papa P.) na gagawin ang lahat ma-express niya lang ang kanyang nararamdaman dito, Eventually, nagtagumpay naman si Ginny kay Marco at nauwi ito sa isang seryosong relationship na umabot pa nga sa pag-aalok ng kasal ni Marco sa dalaga.

Ngunit gaya ng pangkaraniwang love story mapamovie man o reality kailangang may conflict na magpapatibay o magpapaguho sa isang relasyon.

Sa gitna ng inaakalang masayang pagmamahalan at tumitibay na relasyon ay bigla na lamang iniwan ni Ginny si Marco ng walang kongkretong dahilan. Tumungo ang dalaga sa Espanya upang tuparin ang pangarap at naiwan si Marco na basag ang buong pagkatao. Sino ba naman ang hindi malulunod sa kalungkutan kung ang dahilan ng lahat ng iyong kaligayahan, isang araw ay bigla na lang lilisan? At ang higit na masakit ay ang iwan ka nito ng walang sapat na kapaliwanagan at hindi ka man lang nabigyan ng pagkakataon upang baguhin ang ugaling hindi niya naibigan.

Siguro hindi na tayo dapat (gaanong) maniwala sa english saying na: 'what you don't know won't hurt you'. Masakit ang dulot ng isang paghihiwalay lalo't hindi mo alam kung ano ang tunay na dahilan sa likod nito, masakit ang bigla kang maiwan sa ere ng taong mahal mo kung hindi mo alam ang mga sagot sa marami mong katanungan.

Makalipas ang mabilis na apat na taon, isang postdated email ang gumising sa damdamin ni Ginny na pansamantalang nahimbing. At isang proyekto ang naging dahilan upang muling mag-unay ang dalawang dating nagmamahalan. Sa muling pagtatagpong ito mas maraming tanong ang lumutang kaysa mga kasagutan at mas naging komplikado ang dating payapang isipan. Kung gaano naging mapangahas ang estudyanteng si Ginny noon ay mas lalo pa itong naging mapangahas maibalik lang ang nawala at naudlot na pagmamahalan nila ni Marco. Kahit batid ni Ginny na may pagkakataong pinaglalaruan lang siya ni Marco, wala siyang pakialam dito.

Makakarelate ang (halos) lahat sa ganda ng execution ni Direk Olivia Lamasan sa eksenang nasa kama si Toni G. at sising-sisi sa ginawa niyang pang-iiwan kay Marco, ang urong-sulong na pagdelete sa huling email ni Marco, ang madamdaming paninisi niya sa mga masasakit na ginawa niya noon sa taong labis niyang minahal.

Hindi sa lahat ng oras, tayong lahat ay mabibigyan ng ikalawang pagkakataon. Hangga't kaya mong ingatan, pahalagahan at 'wag iwan ang taong mahal at mahalaga sa ating buhay gawin natin ito dahil posibleng wala na tayong mababalikan pa at ang minsang pagwawalang bahala natin ay maging sanhi ng ating habangbuhay na pagsisisi.

Ipinapakita sa istorya na hindi sa lahat ng sandali ay maari nating muling balikan at mahawakan ang mga bagay na iniwan at binitiwan natin dahil may posibilidad na ang dating iyong-iyo ay maaring pagmamay-ari na ng iba at hindi mo na kailanman mababawi pa, kahit na anong iyong gawin.

Ilang rejection pa ang nangyari sa mga proposal ni Ginny kay Marco sa proyektong kanyang tinanguhan at umabot na sa puntong napikon na si Ginny at binanggit ang katagang: "I deserved an explanation. I deserved an acceptable reason!" katagang tila sumampal sa kanyang pagkatao. Bakit mo nga naman kailangan ng eksplanasyon kung sa umpisa pa lang ay ipinagdamot mo na ito? Bakit mo nga naman hinihingi ang isang bagay na hindi mo naman ibinigay? Ang eksenang iyon ang isa sa pinakahighlight ng movie. Kung gaano kaganda ang line/script na naririnig ng manonood ng movie mula kay Papa P. sobrang sakit naman nito sa dibdib para sa karakter na si Ginny.

Ang pag-asa na kinapitan at sinandalan ni Ginny ang siyang unti-unting nagpapalubog sa kanyang katauhan at dumating pa ang sandaling siya'y naging katawa-tawa sa paningin ng mga kaibigan. Sa pag-aakalang may puwang pa siya sa puso ni Marco at sa pag-asang muling mababalikan ang nawaglit na sandali ng pagmamahalan, pursigido si Ginny na muling mapasakanya si Marco.

Totoo na ang tiwala ay napakahalaga sa isang relasyon. Madalas mas mahalaga pa ito sa mismong pag-ibig dahil ang pag-ibig minsan ay makasarili 'di tulad ng tiwala na sa lahat ng pagkakataon ay may kalakip na respeto at pagmamahal. Sa ginawang pang-iiwan ni Ginny kay Marco tila kawalan ng tiwala rin ang naghihiwalay sa kanila kahit na sila'y magkasama.

Sa napakaraming pinoy made lovestory film na naipalabas na, aakalain nating wala nang movie na makakapagpaexcite at makakapagpahanga sa atin. Tagahanga ka man o hindi ni Toni G., ni Papa P. o ni Direk Olivia Lamasan na siyang may pakana ng istorya at direksyon ng movie malaki ang porsyentong magugustuhan mo ito. Sa aandap-andap na industriya ng pelikulang pilipino kailangan natin ng ganitong movie na pinag-isipan,  hindi minadali at makatotohanan.

Starting Over Again ay isang pelikulang sulit sa halagang Php160 na iyong ibinayad, sulit na dalawang oras kasama ang iyong mahal sa buhay at mga bida ng pelikula, sulit na realizations sa normal na nangyayari sa ating kapaligiran.

Sa movie na ito, ikaw ay mapapangiti, matatawa, matutuwa, makakarelate at magdadagdag sa pagpahalaga ng salitang 'pagmamahal'.

Starting Over Again is a damn good film with a happy ending. In a different way.

Tatlong Iglap (mga kwentong iglap) 2.0

$
0
0


Unang Iglap: Ang Kuya



Tatlong buwang ipon mula sa allowance sa eskwela ang kanyang gagastahin sa pinakahihintay na gabing ito. Sobrang kaba ang nararamdaman ni Paul ngunit kailangan niyang magpakatatag, kailangang hindi maging obvious ang nerbyos na ito kundi ay baka ito ang magpahamak sa kanya.



"Magic Touch" ang pangalan ng Spa na kanyang tinungo. Narinig niya lang ito sa isang parlor, sa usapan ng mga bading na hairdresser nang minsang nagpagupit siya dito. Wala siyang kasamang nagpunta sa Spa dahil hindi alam ng kanyang pamilya o ng mga kaibigan na siya ay isang bading. Matagal na niyang itinatago ang lihim na ito. Akala ni Paul noon ay malilipasan niya ang identity crisis na kanyang pinagdadaanan ngunit makalipas ang graduation ng Highschool, saka niya nakumpirma na may pagnanasa talaga siya sa kapwa niya lalaki.




“Number 12”,sabi niya sa lalaking nagtanong kung sino sa mga masseurs ang kanyang naibigan.



“Room 51A po kayo, susunod na lang si number 12 sa kwarto niyo”, sagot ng lalaki.



Nakatapis na lang ng tuwalya si Paul at nakahiga sa may kaliitang kama nang pumasok ang masseur #12. 
 
Pamilyar kay Paul ang bango ng lalaking pumasok, agad siyang napabalikwas. 

 

Nadagdagan ang kanyang kaba. 

 

Pamilyar kay Paul ang hitsura ng lalaking pumasok na aninag sa malamlam na ilaw ng kwarto.




“Kuya?!” gulat na tanong ni Paul sa lalaki.



Ang kuya ni Paul ang breadwinner ng pamilya, na siya ring nagpapaaral sa kanya at sa isa pa nilang kapatid na nasa elementarya.

 

 * * * * *

 

Ikalawang Iglap: Ang Best Friend

 




Sa Videoke na naman muling nagkita ang magbestfriend since highschool na si John at Lance. Alam na ni Lance ang problema ni John.


“Brokenhearted na naman ito malamang” sabi ni Lance sa sarili.




Lagi namang ganun, sa tuwing may problema sa babae ang best friend na si John siya ang unang-unang taong tatawagan nito. At kahit sobrang busy niya at halos wala pang tulog dahil sa demanding na trabaho bilang call center agent naglalaan siya ng oras para samahan ang best friend.



“Tangina pare ang tagal mo naman, kanina pa ako dito” bungad na bati ni John sa dumating na si Lance.




“Sensya ka na pre, galing pa kasi ako sa trabaho. Alalay ka lang baka marami ka nang naiinom magdadrive ka pa pauwi” paalala ni Lance sa kaibigan.



“Kaunti pa lang, walong bote pa lang. Ha ha ha!” malutong na halakhak ni John.
 

Inabutan ng isang bote ng beer ang best friend.  
 
“Mabuti ka pa pare lagi kang nandiyan sa oras na tawagan kita hindi katulad niyang sina Jenny, Mildred at Siony mga two timer sila!” mga ex ni John ang mga binanggit niya. “Bakit nga pala wala ka pang girlfriend na kinukwento sa akin? Tangina pare baka nililihiman mo ako,ah.”



“Darating tayo diyan balang araw may ipakikilala rin ako sa’yo. Saka bakit ako ang topic ng usapan? ‘Di ba kaya ako nandito dahil sa problema mo?” pilit na iniiba ni Lance ang usapan sabay tungga sa bote ng beer.


Pinindot ni Lance ang isang button na malapit sa switch ng ilaw, hudyat nang pagtawag sa waitress ng videoke.




“Pare order lang ako ng paborito mong calamares at sisig, okay lang ba?” patanong na paalam ni Lance.



“Okay lang pre, basta ikaw" sang-ayon ni John,"O kanta ka muna, kanina pa ko mukhang tanga dito na mag-isang kumakanta.” iniabot nito ang mic kay Lance. 
 
Kinuha ni Lance ang mic, dinampot ang songbook at may hinanap na kanta.



Gamit ang remote ay nagsalang ng kanta si Lance.




Maya-maya pa’y nag-umpisa nang tumugtog ang intro ng kantang isinalang.





Kanta ni Bituin Escalante,“Kung Ako Na Lang Sana”.



 * * * * *

Ikatlong Iglap: Ang Witness



“Sir, siya lang po ang tanging witness na nakakita sa dalawang suspek” sabi ng isang pulis sa imbestigador. Nasa presinto sila. Ang witness na tinutukoy ng pulis ay si Gerardo, isang boy/helper ng pamilya Gonzalo.


Madaling araw nang pasukin ng dalawang miyembro ng Gapos Gang ang bahay ng mga Gonzalo. Kabilang si Gerardo at dalawang kasambahay ang iginapos ng mga suspek. Nagkataon namang wala ang buong pamilya Gonzalo ng mangyari ang krimen, umaga na ito nang dumating galing sa panunundo sa isang anak na mula sa Singapore.




Nasa presinto ang lahat. Ang mag-asawang Gonzalo, ang dalagang anak na nagtatrabaho sa Singapore, ang dalawang kasambahay ng pamilya at si Gerardo na namukhaan daw ang isa sa mga nanloob sa bahay.




“Akala ko ba may takip ng panyo ang mga suspek, pa’no mo sila namukhaan?” kausap ng imbestigador si Gerardo.




“Isa lang po ang namukhaan ko. Nagkataon po kasi na nakatingin ako sa isang suspek nang kumalas mula sa pagkakabuhol ang takip niyang panyo”, sagot ni Gerardo.




“Ah ganun ba? O sige i-describe mo ang suspek para magawan na ng cartographic sketch ni Galvez”si Galvez na tinutukoy ng imbestigador ay isang mahusay na sketch artist ng PNP Crime Lab.




“Ano ba? I-describe mo na!” ulit ng imbestigador.




“Ah eh opo. Bale po ‘yung suspek ay may mapungay na mata, makapal ang kilay, bagsak ang makapal na buhok, matangos ang ilong, manipis po ang bigote niya, malumanay lang po magsalita, pantay ang ngipin, may dimple, makinis ang kutis, magaling po siya magdala ng suot niyang maong, saka sa tingin ko po maganda rin ang abs niya…”





Friend Zone

$
0
0


Noon pa man ay matanong na siya.
Maraming mga tanong ang naglalaro sa kanyang isipan. Mga tanong na kung tutuusin ay madali namang sagutin pero mahirap para sa kanya ang ito'y unawain - (kung sinadya man niya na 'di unawain ang mga 'yun ay siya lang din ang tanging nakakaalam). May mga oras na nakakatuwa ang kanyang mga tanong, mayroon namang 'di mawari kung ang kanyang tanong ay pabiro lang o sadyang panunuya.


Mabuti na lamang sa maraming pagkakataon ay handa ako sa kanyang bawat katanungan; sa mga tanong niya tungkol sa paglubog ng araw, sa pagsikat ng buwan, sa iba't ibang kulay ng bahaghari, sa lagaslas ng tubig sa talon at ang pagpatak ng ulan sa kalagitnaan ng mainit na panahon.


Magkababata kami ni Divina. Dalawang taon ang tanda ko sa kanya ngunit hindi ito naging hadlang upang magkaroon kami ng malalim na samahan at tunay na pagkakaibigan. Kita ko sa kanya ang sobrang kasiyahan nang magkaroon siya ng unang manliligaw na kalaunan ay naging una niya ring boyfriend at saksi rin ako sa kanyang labis na kalungkutan nang mauwi ang kanyang unang relasyon sa hiwalayan.


Bata pa lamang kami'y ako na ang tagapakinig sa kanyang mga masasayang kwento, ako ang saksi sa kanyang mga pagluha, ako ang nagsisilbi niyang gabay sa kanyang mga pagkakadapa. Inaamin ko kakaibang ligaya ang nararamdaman ko sa tuwing pinaglalaanan niya ako ng sandali. May kabuluhan ang aking mga oras sa tuwing kami'y magkasama, may kahulugan para sa akin ang kanyang bawat salita, mahalaga para sa akin ang kanyang bawat paanyaya.
At lahat ng mga ito'y langit para sa akin.


Malalim ang pinaghuhugutan ng kanyang mga buntung-hininga.
Hindi ko masukat.
Iba rin ang kanyang aura ngayon 'di tulad dati na maari akong magsingit ng mga corny kong patawa. Sa pagkakataong ito kakaiba ang kanyang ikinikilos, sa tingin ko'y 'wag lang makanti ay tiyak na mapapasubo siya sa isang basag-ulo.


Tanda ko pa Abril, ng nakaraang taon nang huli ko siyang nakausap nang matagal. Nang masinsinan. Ibinibida niya noon sa akin ang boyfriend niyang si Paul.
Higit na pala 'yun sa walong buwan. Higit sa walong buwan ko na siyang hindi man lang nakausap. Sige aaminin ko, hindi niya ako kinakausap. Hindi binigyang pansin - walang kongkretong dahilan, basta bigla na lang nanlamig siya sa akin. Wari ko'y may mabigat akong pagkakasalang nagawa sa kanya na hindi ko maalala. Bagama't madalas kaming nagkikita sa tuwing nakakasabay ko siya sa sakayan ng tricycle sa kanto, panaka-naka'y tinatanguhan niya ako sa tuwing magtatama ang aming paningin pero mas madalang pa iyon sa patak ng ulan sa panahon ng El Niño.


Kaya may halong pagtataka ang paglapit niya sa akin ngayon.
May kurot sa puso ko. Para akong teenager na biglang kinilig.
Namiss ko siya at ang kanyang kabuuan, ang kanyang pantay na ngipin sa tuwing siya'y ngingiti, ang kanyang malulutong na halakhak sa tuwing ako'y nagpapatawa at ang malambing niyang boses sa tuwing siya'y may ipinapakiusap.


Sa tagal ng walong buwan tila estranghero ako sa kanya. Naninibago. Nakikiramdaman sa kanyang bawat sasabihin, sa kanyang bawat ikikilos. Pero hindi ko na yata kailangan ng mga salita para maunawaan at malaman ang kanyang nais ipahiwatig.
Sinipat ko ang kanyang mabilog na mga mata. Banaag ko rito ang nangingilid na luhang halatang kanyang pinipigilang pumatak.
Sapat na iyon para yakapin ko siya.

Mahigpit.

Parang pagyakap ng ina sa kanyang bagong silang na sanggol. Tuluyan na siyang humagulgol. Ngunit hindi ko siya hinahayaang magsalita mas komportable akong nag-uusap ang aming puso.
May mga bagay na higit pa sa salita. Higit pa sa kayang sabihin ng ating bibig.


Limang minuto ng katahimikan.
Kumalma na ang kanina lang na paghagulgol niya.
Nakangiti na siya sa akin. Muli kong nasilayan ang kanyang pantay na ngipin.
Sa eksaktong sandaling iyon bumuhos ang ulan. 
Katamtaman ang lakas.
Sakto lang na maanggihan kami ng kaunti. Ang kanina lang na basa niyang pisngi dahil sa patak ng luha ay napalitan ng bahagyang tubig-ulan.


Tiyak kong ang nararamdaman niya'y pagkabigo kahit 'di niya sabihin, kahit 'di niya aminin. Bago pa niya ako maunahang magtanong, ako na ang nauna: "Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin ng ulan?"


Umiling lang siya. Napakunot ang noo.


Ako rin ang sumagot sa aking tanong: "Ang ulan ay hindi lang basta namuong tubig sa ulap. Ang ulan ay luha ng kalangitan, ang ulan ay pakikiramay ng langit sa mga taong nabigo sa pag-ibig...tulad mo, tulad ngayon."

Sapat na iyon para siya'y aking mapatawa.
Malakas.
Sa wakas, muli kong narinig ang kanyang malutong na halakhak na halos walong buwan kong hinanap-hanap.


"Dami mong alam!"
lambing niyang sagot sabay batok sa aking ulo.

Small, Media, Large

$
0
0


Hindi ko nakahiligang magsubaybay ng walang kamatayang teleserye, soap opera, telepantasya o telenobela kadalasan cable channel ang palabas sa amin TV kaya't sulit talaga ang bayad namin sa aming Cable provider. Sa local channel, iilan lang ang paborito kong panoorin kabilang na dito ang mga current affairs program ng GMA News TV, news program na SONA, 24 Oras, TV Patrol, Bandila, etc.


Mahalaga ang balita at impormasyon sa ating lahat kaya dapat kahit hindi madalas ay nakikinig, nagbabasa, nanonood at well informed tayo sa mga importanteng bagay na nangyayari sa paligid natin. Kailangan natin ang impormasyong ito dahil posibleng maging bahagi ito ng kasaysayan higit sa paborito ng lahat na teleserye.


Sa kabilang banda, hindi mo rin naman masisisi ang mga pilipinong maging updated sa mga balita dahil mas nakakastress pa ang hatid nito kesa sa trabaho sa opisina. Sa araw-araw na panonood at pakikinig ko ng balita alam ko tila matagal-tagal pa bago muli tayong makarinig at makatanggap ng isang napakagandang balita. Pagbungad pa lang ng mga headlines asahan mo nang bad news ang sasalubong sa iyo; PDAF scam, Malampaya Fund Scam, corrupt government officials, Janet Napoles, fuel price hike, power rate hike, fare hike, kabi-kabilang protesta laban sa maling sistema, mga pulitikong nagpapapogi sa bawat isyu, OFW na nakatakdang bitayin, mga hindi nasosolve na petty crimes at iba pa.


Sa dinami-dami ng mga nagaganap bawat oras sa Pilipinas tila walang nakakaligtas sa mata ng media; mga malalaking balita o malalaking kaganapan. Madalas nga kahit hindi gaanong importanteng isyu o news worthy ay binibigyan ng malaking espasyo at oras sa primetime news. Minsan naman ay sobrang atensyon ang ibinibigay ng media sa isang istorya o kaya naman very predictable ang ulat dahil sa isang okasyon o event.


Hindi naman gaanong mahalagang balita ay nagiging sensational dahil sa over attention at over exposure ng media. Kabaligtaran naman ito kung ang isang importanteng balita ay hindi nabibigyan ng puwang sa balitang programang nabalewala. Kung ang involve sa balita ay galing sa kabilang network lalo't good news, ay hindi iuulat ng kalabang network kahit news worthy ito. Minsan naman mapapansin mong may malisya ang pagbabalita kung hindi kaanib ng network ang tungkol sa balita.


Nakakalungkot malaman o minsan nakakadismaya na rin na ang news program na dapat ay walang pinapanigan o walang kinikilingan maging Kapamilya, Kapuso o Kapatid network man 'yan ay puno ng komersyalismo, pagkukunwari o pagtatakip.
Ano ba ang kredibilidad ng isang news anchor na dapat ay walang pinapanigan sa pulitika kung siya ay asawa ng may mataas na katungkulan sa pamahalaan? O dating kinatawan ng isang distrito sa probinsya? O dating senador at bise-presidente ng republika?


Makapangyarihan ang media na kung ano ang nais nitong ipahayag at ibalita ay marami ang makakapanood at tagapakinig na naniniwala. Kung oobserbahan at aanalisahin mo ang mga pinapalabas ng mga programang ito tiyak mapapansin mo ito.


Sa tuwing may laban si Manny pansin mo ba ang OVER attention na binibigay ng media dito? Halos buong oras ng programa ay nakatuon sa kung ano-anong bagay na may kinalaman sa kanya. Wala namang masamang ibalita ang tagumpay ng ating pambansang kamao pero pwede bang tanggalin o bawasan ang mga walang kakwenta-kwentang bagay na hindi na dapat pang isinasapubliko? Gaya ng pagbabalita sa kung anong ulam ang ihahanda para kay Manny o mga walang sustansyang tanong para sa kanyang mga anak o kay Mommy Dionisia. In the first place, sino ba ang interesadong malaman kung ano ang uulamin ni Manny?


Ang kasalang Prince William at Kate Middleton ng bansang Inglatera ay isa pang over-exposed na balita. Napakaraming media personality ang personal na nagtungo dito upang i-cover ang naturang 'once in a lifetime event' at upang maihatid ang detalyadong ulat para sa mga 'excited' na pilipino. Bawat detalye ng kasal, damit na isusuot, istorya ng pag-iibigan ay ibinabahagi pa kesehodang libo-libong dolyar ang gastusin ng media giant na ito. Sino nga ulit ang excited sa kasalang Prince William at Kate Middleton?


Pati ang murang pag-iibigan ng kung sino-sinong artistang kabataan na nais mabigyan ng exposure ng TV giants ay magkakaroon ng espasyo sa primetime news, mapapailing ka na lang dahil sa kabila ng pagiging kabataan ng mga ito ay exposed na sila sa ganoong bagay. Tapos iko-condemned / uunawain sila ng mga fans kung maaga silang makakabuntis o mabubuntis.


Tuwing panahon ng Semana Santa, kapaskuhan, summer, undas, unang araw ng eskwela, bagong taon at valentines day; asahan mo na na ang pag-istasyon ng media sa NLEX o SLEX, sa sementeryo, sa bilihan ng bulaklak (Dangwa), pier, terminal ng bus, sa Bocaue, sa isang resort o sa isang public school. Uubusin ang oras ng pagbabalita sa mga bagay na hindi naman kabali-balita na akala mo'y isang malaking event ang pagbili ng bulaklak o firecrackers, ang pagpunta ng tao sa sementeryo o swimming pool o terminal, ang exaggerated na pagbabalita sa lagay ng trapiko. Minsan, sa dami ng OBV at service vehicle ng malalaking network na nakahambalang sila ang nagiging dahilan ng mabigat na daloy mg trapiko.
Sa tingin ko, mas marami pang pwedeng iulat kaysa sa presyo ng bulaklak.


Ang mga atletang pinoy na sumasabak sa iba't ibang bansa madalas ay nababalita lang kapag nag-uuwi ng medalya at karangalan pero kapag hindi sila nagwagi hindi rin sila makakatikim ng espayo sa news program, halimbawa na sina Wesley So, Efren Reyes, Django Bustamante, at iba pa. Tila hiyang-hiyang tayo sa pagbabalita 'pag sila'y talo pero once na manalo, atubili naman sa pagbanggit ng 'Proud to be Filipino'.
Big deal din sa atin ang mga half-filipino finalist ng mga international talent search pero sana maibalita rin naman 'yung mga OFW na may karaingan at mabigat na suliranin, 'pag malala na ang problema saka pa lang natin mababalitaan na may nangangailangan pala ng tulong hindi natin napansin agad kasi busy tayo sa ibang mabababaw na isyu. Mabuti na lamang at natutukan ng media ang kahusayan ni Michael Christian Martinez sa figure skating kung hindi'y matutulad din ito sa ibang atleta na hindi nabigyan ng suporta ng mga kinauukulan.


Kung ano ang trending, 'yun ang laman ng balita. Kung ano ang pag-uusapan, 'yun ang mabibigyan ng espasyo ng news program. Ilang linggo na ring laman ng balita ang sensational na isyu nina Vhong Navarro, Deniece Cornejo, Cedric Lee, et al. dahil 'yun ang interes ng mga tao for the moment 'yun din ang ibinibigay din sa atin ng media. Pero sana naman mabigyan din natin ng pansin ang malungkot na kalagayan ng mga kababayan nating nabiktima ng bagyo doon sa Visayas. Wala na ba silang problema? Ayos na ba sila? Sa tingin ko hindi pa.


Galing kay Sir Lourd De Veyra ang larawan
Para lang may mapag-usapan at siguro'y para sa dagdag na rating, isang reporter ng panggabing news program ang nagbalita na mayroon daw misteryosong flesh-eating skin disease na kumakalat sa lalawigan ng Pangasinan at ikinonek ito sa isang prediksyon o hula. Nagdulot ito ng panic, kalituhan at pagkabalisa sa marami dahil 'yung reporter kuntodo suot ng proteksyon sa katawan mula ulo hanggang paa sa pangambang siya ay mahawa. Kahit hindi siya humingi ng opinyon sa mga dalubhasang doktor inulat niyang FLESH-EATING SKIN DISEASE ito na walang kalunasan at walang kapaliwanagan. Ang ending: HOAX ang balita.
Halos wala na nga tayong magandang balita tapos mag-uulat ka pa ng balitang haka-haka lang. Ano ito biruan, lang?


Malaki ang responsibilidad ng media bawat iuulat nila ay tila sandigan ng katotohanan ng marami kaya dapat lang na hindi basta-bastang ilalabas ang isang balitang walang basehan at kuro-kuro lamang ng mga nagdudunong-dunongan.


Kung bakit ang mga maliit na isyu ng lipunan ay nagiging malaki at ang malalaking balitang dapat na nasusubaybayan ay halos hindi na nabibigyang pansin ng media. Hindi ko sinasabing palpak sila pero dapat mas may kabuluhan naman sana ang naririnig natin mula sa kanila. Okay lang na magbalita tungkol sa mga artista pero 'wag naman sanang mawaglit ang isyu tungkol sa kalagayan ng mga biktima ng iba't ibang sakuna o kumusta na ang lagay ng kaban ng bayan o ng mga kababayan nating nahatulan ng kamatayan at ng iba pang balitang may saysay, may laman at higit na mas mahalaga.

Hangganan (Para sa Mga Kaibigang Lilisan)

$
0
0


May mga taong darating na mag-iiwan ng alaala.
Parang pilat na mag-iiwan ng bakas.
May biglang aalis at hindi na makukuhang magpaalam.
May magtatagal, ngunit lilisanin ka pa rin.

Kahit anong pakiusap.


Mga taong dadaan sa 'ting buhay, minsan may layunin maaari ring wala.
Kadalasan may dahilan kung bakit sila naging bahagi ng iyong nakaraan, may dahilan din ang kanilang paglisan pero hindi mo naman talaga alam kung ano, mapipilitang tanggapin na lang.
Ngunit kahit anong gawin maapektuhan ka pa rin.

Kahit magpakatatag.


Para maiwasang masaktan o magkasakitan, hindi na lang papansinin.
Pipilitin ang sarili na iwaksi ang nagbabantang hinagpis na may kalakip na tampo sa daigdig at walang katapusang tanong na ‘bakit’.
Minamanhid ang isip ngunit hindi ang damdamin.

Kahit magbalatkayo.


Kung gaano kalalim ang samahang namagitan at nagbuklod sa sinuman, iyon din ang lalim na maghahatid sa pagkalunod ng pagkasabik at lungkot sa sandaling sumapit ang hiwalayan.

Masakit ang salitang 'Paalam' lalo't galing sa kapilas ng iyong katauhan, nagmula sa ikatlong bahagi ng kabuuan ng isang maghapon at magdamag.
Ngunit higit itong masakit kung patuloy na igagapos ang sarili sa alaala ng mapaglaro at pilyong nakaraan.

Kahit pasubalian.


Mag-iipon ng lakas saka titingin sa Langit.

Babasagin ang katahimikan saka uusal ng dalangin.

Bubuntong-hininga saka muling iiling.


Tatangkaing iwan lahat ng naipong alaala kasama ng gunitang nagpasayaw sa saliw ng palihim na mga ngisi at hagikgik.

Susubuking limutin ang tunog ng malulutong na mga halakhak na minsa'y naging musikang lumikha ng awit sa mga puso at labi.

Pipiliting lumakad nang mag-isa at wawaglitin ang lahat ng natutunang ritmo at indayog ng mga bulong at sikreto na sa mahabang panahon ay matagumpay na naikubli.

Lahat ng mga ito, di maglalaon ay patungo sa pagluluksa gaya ng pagkubli ng araw sa tuwing sasapit ang gabi, gaya ng pagkubkob ng dilim sa tuwing sisikat ang buwan.

Bahagya na lang ang malalabing liwanag.


Sa huling pagtatagpo ng mata...

Sa huling pagbanggit ng korning patawa…

Sa huling paglikha ng alaala...

May mga luhang papatak.

Kahit pa ikubli, kahit pa pigilan.


Bagama’t hindi sasapat ang salitang ‘salamat’ sa lahat ng masasayang sandaling pinagsaluhan, sa higit isang dekadang walang pagkukunwari, sa paggapi at pag-apula sa ningas ng pighati, ‘di pa rin maiiwasang mamutawi ang katagang ‘Salamat’.

Salamat dahil minsan tayo ay naging tunay na magkaibigan.


Paalam, ito na marahil ang hangganan.




Tanong

$
0
0


Dahil ang tao ay maraming katanungan.

Dahil maraming walang sagot sa maraming katanungan.

At dahil ang buhay ay isang malaking tanong.


Minsan ipinipikit natin ang ating mga mata hindi upang ipahinga ito o para itulog ang ating pagod nang katawan kundi para kalimutan panandali ang dinaranas na walang patid na suliranin at problema, ninanamnam ang pait at sakit na nadarama dulot ng biro ng tadhana.
Pigilan mo mang pumatak at dumaloy ang mga luha sa mugto mong mata ay hindi mo ito kayang labanan.
Sugatan ka na'y hindi ka pa rin lubayan ng walang humpay na dagok ng buhay.
Sugat na mas masakit pa sa punyal na itinarak sa iyong laman.


Pilitin mo mang iwaksi ang kalungkutan sa pamamagitan ng tawa, ngiti o anumang pagkukunwari hindi pa rin maitatago ang bigat na nadarama. Marami ng mga tanong ang naglalaro sa'yong ligaw na isipan, mga tanong na walang katapusan at walang tiyak na kasagutan. Naisin mo mang sumigaw o tumakas sa trahedya hindi mo na ito magawa para kang isang presong nakabilanggo at ang nanlilimahid na mga kamay ay may posas.
Ginawa mo na ang lahat ng naisip mong paraan pero lahat ng ito'y walang silbi. Walang gamit. Para itong tubig na nasa iyong palad na nakikita mo nga subalit hindi mahawakan.


Kahit na alam mong walang solusyon sa pagtingin sa kawalan ngunit ginagawa mo pa rin ito, anumang pakunswelo o pampalakas ng loob galing sa ilang kaibigan ay hindi pa rin maibsan ang nadarama.

Hindi na nga maibabalik pa ang panahon at oras, pero ano ba ang silbi nito kung maibalik mo man ito?

Saan na nga ba ako patungo?

Ano pa ba ang dapat kong gawin?

Kailan matatapos ang ganitong pasakit?

Bakit kailangan pa itong danasin?

Sadya bang ako'y makasalanan para anihin ko ang ganitong uri ng bunga?

Kabayaran ko ba ito sa mga nagawa kong pagkakamali?


Ang sinasabing liwanag sa kabila ng dilim ay hindi mo masilayan, ang sikat ng araw na iyong hinahanap ay hindi pa rin sumisilay, ang bahaghari pagkatapos ng ulan ay isa lamang bang kathang-isip?

Lahat ng iyong nakikita ay kadiliman, nakakasawa na, desperado na ang iyong isip sa paghanap at pagtugis ng solusyon. Naiisip mo na para kang isang taong dagliang nawalan ng hininga, walang buhay at walang pakinabang na hindi ikaw ang iniiyakan kundi ikaw ang tumatangis, naghihintay nang suwerte, biyaya, tulong, himala sa kung kanino.


Alam mong bahagi ng buhay ng tao ang masugatan, magkaroon ng suliranin, ang mabigo, makaranas ng kalungkutan, pero sino ba ang gustong masanay sa ganitong negatibong aspekto ng buhay?
Hindi ito maiiwasan ninuman para itong alon na humahampas sa bato ng dalampasigan.

Walang pusong-bato sa delubyo ng buhay.

Walang maton sa hamon ng tadhana.

Walang matipuno ang hindi napapagod.

Walang matalino sa komplikadong sitwasyon.

Walang bakal ang hindi matutunaw.

Walang matatag na hindi nagugupo.


Ilang beses ba tayo dapat na malunod para malaman nating tayo'y nananatili pa rin sa dagat?

Ilang beses ba tayo dapat na masugatan para malaman nating tayo'y hindi pa pala manhid?

Ilang beses ba tayo dapat na madapa para malaman nating tayo'y nasasaktan pa rin?

Ilang beses ba tayo dapat na mamulat sa ingay at gulo para malaman nating tayo'y wala palang katahimikan?

Ilang beses ba tayo dapat na bangungutin para malaman nating hindi pa pala tayo makagising?

Ilang beses ba tayo dapat mamatay para malaman ang kahalagahan at kahulugan ng buhay?


Ang mga dating nagdudulot sa'yo ng saya ngayon ay nag-aayuda sa dinaranas mong lungkot, ang musika na dati mong kaibigan ngayon ay gumagatong sa pagtulo ng iyong luha, ang alaala na noon ay nagpapangiti sa iyo, ngayon ay dumadagdag sa pagiging desperado mo.
Naisip mo na baka mas masayang mabuhay ng mag-isa kaysa mabuhay na may lungkot at trahedya kasama ang mahal mo sa buhay.
Naisip mo na ba mas mabuting habangbuhay nakapinid ang 'yong mga mata kaysa masaksihan ang bawat pagdurusa?
Naisip mo na ba mas mabuting wala kang pandinig para hindi mo maringgan ang nakakatulilig na mga daing at hinanakit?
Naisip mo na ba mas mabuting habang-buhay kang paslit para hindi mo naramdaman ang lupit ng tadhana?


Nasaan na ang inaasahan mong dadamay sa'yo sa ganitong kalagayan? Abala rin ba sila sa pakikipaglaban o gusto lang nila'y puro kasiyahan?


Nasaan na ang mga tapat mong kaibigan? Marami ba silang mahalagang gawain kaya ikaw ngayon ay hindi naalala?


Nasaan na ang dinamayan at natulungan mo noong sila'y nangailangan? Hindi pa ba sila handa para ikaw naman ang damayan?


Nasaan na ang noo'y palalo na mag-aabot ng kalinga sa ganitong sitwasyon? Huwag mo ng itanong sapagkat abala pa rin siya sa pagiging palalo...


Maging ang sarili mo'y hindi mo na pinagkakatiwalaan dahil ang iyong isip ay may ulap ng kalituhan, hindi mo na kayang ipagbukod ang tama sa kamalian. Ang tangi na lamang nalalabi na dapat pagkatiwalaan at asahan, bakit kung kailan lang tayo nagigipit saka lang natin Siya naaalala?

Guni-guni

$
0
0




At ang lahat ay magyayabang na kilala nila ang kanilang sarili.
Sa tuwi-tuwina, bibigkasin ang angking talino at iwawagayway ang kakayahan sa mga bagay-bagay.
Kung papaano umunlad mula sa pagdarahop.
Kung papaano umasenso mula sa kawalan.
Kung papaano naging makapangyarihan mula sa pagiging busabos.
Kung papaano binubusog ang tiyan ng masasarap na pagkain.
At tulad ng dalaga sa kanyang mangingibig paniniwalaan ang katagang 'mahal kita' at 'magpakailanman'

kahit paulit-ulit na lokohin,
kahit paulit-ulit sa pagsisinungaling,
kahit paulit-ulit ang pangako.



Ano't lagi nating niyayabang ang ating yaman?
Ang talino?
Ang karangalan?
Ilang milyong piso na ang mayroon ka?
Summa cum laude ka ba?
Pangarap mo bang maging alkade ng Maynila?
Pera, talino at kapangyarihan. Kombinasyong patungo sa kapalaluan kung walang pagtitimpi, kung hindi ikikimkim.
Hambog ka, hindi mo lang alam o ayaw mo lang tanggapin.
Sinungaling ka, hindi mo lang maamin.
Ipokrito ka, ngunit sino nga ba ang hindi?




Hindi mo kilala ang iyong sarili sa tuwing
may mabigat na suliranin,
may pamilyang nasa bingit ng kamatayan,
dadausdos ang karera sa pulitika,
nabigo sa pangarap ng kanyang paslit,
babagsak ang multi-milyong pisong negosyo,
kumalat ang sex video sa internet,
mabibigo sa pag-ibig,
o kahit may motoristang sumalubong sa one-way na kalsada.
May bubunot ng baril o kikitil sa ngalan ng kahambugan o isusugal ang buhay dahil sa pagkadismaya sa mundo, sa sarili, sa tadhana at doon sa nasa Itaas.
Magpapasya ng may kaakibat na pagsisisi.



Nasubukan na ba nating mamuhay ng may kapayapaan?
Ewan. Malamang hindi.
Wika ng pilosopong matanda; buhay ay nilikha hindi para sa kapayapaan kundi para sa walang hanggang paghagilap sa mailap na tagumpay kesehodang makasagasa ng iba.

Oo. Malupit ang buhay. Malupit ang mundo. Salbahe ang tao.
mabibigo ka kung kailan ka pursigido,
dadalaw ang trahedya sa panahong ayaw mo,
aangat ka kung mang-aapak ka, sinadya mo man o hindi
gagaguhin ka kung kailan nais mong magpakatino,
masasaktan ka kung kailan mo gustong magpakabait.



Nakalimutan na ng tao ang respeto.
Lahat na nga ay walang paggalang sa kapwa.
Ang 'putangina' ang humalili sa 'po' at 'opo' bibitawan ito tulad ng paglura sa kalsada,
magtataksil sa taong ubod mong mahal,
kukupit ng mula sa kaunti patungo sa malaki,
pagtatawanan ang may kapansanan,
kakamkamin ng ganid ang lahat pati na ang langit,
sisiraan ang kaibigan para sa kapirasong tawa,
pupurihin ang mga taong umaaglahi.
Kalilimutan ang nasa Itaas. Saka lamang Siya maaalala tuwing sadsad na ang nguso sa lupa o lupaypay sa tambak na problema o nakikita na sa guni-guni ang anghel ng kamatayan.
Minsan. Minsan lang. Sasamba (kunwari) naman sa bahay dalanginan
tuwing Pasko,
tuwing Bagong taon,
tuwing kaarawan,
tuwing Pasko ng pagkabuhay o
tuwing Miyerkules ng abo para magpakuha ng litrato at ipaskil sa librong hindi naman libro.
Dadalangin ng biyaya, hihingi ng kapatawaran o katuparan sa pangarap o magandang kalusugan.
Makalipas na mapagbigyan.
Wawaglitin ang lahat. Kahit ang pasasalamat.




Paano kung ang rapture ay sa isang linggo? O bukas? O mamaya?
Paano tayo haharap sa Lumikha?
Kung right minus wrong ang batayan patungo sa dambana ng kalangitan, papasa ka kaya?
Paano kung hindi?
Mainit daw doon.
Ewan. Bahala na.
Inisa-isa kong bilangin ang aking mga kasalanan...
Madami. Hindi na ako nagulat.
Tama ba na isipin nating higit na marami ang mas makasalanan kaysa sa atin?
Kakatawa. Pare-pareho ang katwiran ng mga taong makasalanan.
Tulad ko. Ikaw rin. At sa iba pang babasa nito.
Aasang tutungo sa Langit kahit ang ginagawa'y pulos kagaguhan.

Ah, siguro malapit na nga ang katapusan.
May delubyo na sa lahat ng dako ng daigidig.
mapaminsalang lindol,
nagngangalit na alon,
naghuhuramentadong bulkan,
bagyong kumikitil ng buhay at kabuhayan,
digmaan ng tao sa tao, ng masama at mabuti, ng relihiyon at paniniwala,
pagbaha ng literal, ng pagmamagaling at ng kasakiman,
karamdamang walang lunas, walang medisina.


May mga propeta na magdedeklara ng katapusan, may lider ng relihiyon na walang takot na aariin ang kaligtasan.
At may makukumbinsi.
Na tanga o takot lang.
Na kulang ang tiwala pero (umano') naniniwala.
Na walang alam ngunit nagdudunong-dunongan.
Ikakalat ang kabobohan sa madla, magpapaskil sa librong hindi naman libro.
Pupulutin ng media ang isa pang kabobohan, ang prediksyong bulaan, parang maligno na maghahasik ng lagim, ng sindak, ng takot. Sa lahat.

Kahit ang demonyo'y kanyang tatakutin, susubuking mag-ulat ng nakakasindak; suot ang costume nang parang sa astronaut. Hindi niya batid na ang kanyang hinahasik ay ang mismong kanyang katangahan.



At nabuhay ang alamat ng mahusay na pulitiko sa pamamagitan ng 'hoax', ng panggagago, ng pang-uuto sa mga tao. Hindi sinunod ang protocol sa kagustuhang maging trending, sa ngalan ng rating. Kung pinaniwalaan ang isang kalokohan, lalo na ang boladas ng mga nanunungkulan, lalo't may kasamang pangsuhol na bigas o de-lata o noodles o tatlong daang piso. Makakakuha ng isang boto ang nagmamalasakit kuno.
'Wag mo nang pagtakhan kung bakit patuloy ang pagwawagi ng kawangis nina Pogi, Sexy, Tanda, Komedyanteng Plagiarist, Apo Makoy, Gloring, Binoy, Abnoy at iba pang panginoon ng iba't ibang lalawigan.
Marami pa sila. Na hindi naniniwala sa political dynasty ngunit magmula sa apo sa tuhod hanggang sa kanilang yaya ay may katungkulan.
Marami pa sila. Hindi na mabilang dahil nagkukubli sa ganda ng ngiti, sa mabuting salita, sa talumpati, sa pagkalinga, sa huwad na surbey, sa pagiging makatao, sa pagiging maka-Diyos.


Tayo'y paurong. Hindi pasulong.
Tayo'y paatras. Hindi paabante.
Tayo'y palubog. Hindi paahon.
Parang ang lahat ng nagaganap ay guni-guni o bangungot. Guni-guning totoo ngunit ayaw paniwalaan, bangungot na dati'y sa pagtulog lang nangyayari. Ngayon na ang panahon na ang isang sandali'y mas pinapangarap ang mahimbing kaysa ang gumising.


Tayong nabuhay sa maling henerasyon, sa maling pagkakataon.
Kabahagi ka o tayo ng lipunang kumokonsumo ng magastos na teknolohiya sa halip na mag-ipon ng kaalaman. 
Uubos ng oras sa android sa halip na sa pamilya,
uubos ng salapi sa alak sa halip na pagkain,
isusugal ang barya sa halip na ipunin,
interesado sa bugbugan ng palikerong artista kaysa kasaysayan,
magbubukas ng porno sa halip na libro o kwaderno.
Binobobo ng saritical na balita, magkokomento at ibabalagbag ang kamangmangan. Dose oras sa harap ng kwadradong monitor ngunit walang natutunan, walang nadagdag na kaalaman kundi 
scandal, 
tsimis sa idolo, 
kalibugan 
at kahalayan. 
Tanungin mo kung ano nang balita sa kababayan (bagong bayani raw) na hahatulan ng kamatayan sa gitnang silangan, walang pakialam. 
Ngunit saulado ang mga awiting pinasikat ng amerikanong teenager na lunod sa kasikatan ngunit lulong sa alak, sa droga din, sa kontrobersiya at sa kababuyan. Dadakilain at sasambahin ang (mga) idolo, ituturing na parang diyos; iiyakan, ipaglalaban, hahagilapin, tutunguhin, sasambahin.


Lipas na nga ang panahong ang bayani ay tunay na dinadakila at ang mga dakila ay tinatanghal na bayani. May respeto. May dangal. May karangalan.


Isa na lamang itong guni-guni. Isang panaginip
Viewing all 240 articles
Browse latest View live