Quantcast
Channel: Blog, Poetry and Notion
Viewing all 240 articles
Browse latest View live

Love, Sex, Magic & Mistress 1/2

$
0
0



Love. Para itong magic na everytime na nai-experience mo ay magkakaroon ka ng kakaibang feeling of amazement and excitement na bawat susunod na mangyayari ay iyong aabangan at posible mong hangaan; parang magic na kahit na alam mong hindi totoo ang iyong  nakikita ay nag-ienjoy ka pa rin; parang magic na nabibighani ka at kinukuhang pilit ang iyong atensyon. Katulad ng magic punong-puno ito ng sorpresa at misteryo. Ito rin marahil ang dahilan kung bakit maraming lovesongs ang inspired ng salitang "magic" gaya ng 'Got to believe in Magic', 'Suddenly, it's magic', 'You can do magic' at sangkatutak pang iba.

Love. Isang makapangyarihang pwersa na magtutulak sa isang tao na gumawa ng mga bagay na hindi niya pangkaraniwang ginagawa. Handa kang pumatay, mamatay o maging alipin nito, pwede kang gawing maging matino mawala sa katinuan o maging makasarili maipaglaban mo lang ito, pwede kang sumaya, lumungkot, matuwa, maiyak, matakot, mag-alala at magkaroon ng iba't ibang emosyon dahil dito, maari kang baguhin nito sa isang iglap kung sinaniban ka ng kapangyarihan nito. Daig pa nito ang anumang superpowers na taglay ng sinumang superhero.

And speaking of superpowers,  I have learned that 'though you have a superpowers within you it's not quite enough to be called a real superhero (wow, english agad ang banat!). Bakit? Kailangan mo muna kasing tulungan ang mga taong inaapi, patunayan sa buong mundo na karapat-dapat ka talagang maging superhero at parangnaging obligasyon mo nang ipagtanggol ang mundo laban sa lahat ng uri ng kasamaan. Kaakibat na rin nito ang malaking responsibilidad at bigat ng commitment na maging matino, magtaglay ng flawless na ugali (pwera na lang kung ikaw si Ironman) dahil sa sandaling magkaroon ka ng kahit na isang maliit na pagkakamali lang lahat ng nagawa mo noong tumutulong ka ay biglang makakalimutan. Parang wala kang puwang sa anumang kasalanan dahil ang tingin sa'yo ng maraming tao lalo't ang mga bata ay isang god/goddess at tila responsibildad mo na ang tumulong sa lahat ng oras at hindi lang nang isang beses kundi ng forever.

At dahil sa salitang Forever na 'yan parang ayaw ko nang maging "superhero" (pero kung tutuusin hindi mo naman talaga kailangang maging superhero para makatulong, 'di ba?). Iniiisip ko pa lang ang bigat ng commitment at malaking responsibilidad na nakaatang para gampanan ito ay parang napapagod na ako. Paano kung hindi ko matupad ito? Paano kung magsawa ako?  Paano kung gusto ko nang maggive-up at gusto kong gawin ang mga bagay na walang kaugnayan sa pagiging "superhero"? Paano na lang ang mga umaasa at nasasanay sa iyong kapangyarihan mawawalan na rin ba sila ng pag-asa? Negatibo ang epekto nito kung maraming tao ang naging dependent sa ipinangako mong "forever". 

Parang pag-ibig at pagmamahal lang 'yan eh (nai-segue din) mas dapat siguro walang promises, walang commitment, walang forever, basta gawin mo lang ang the best mo at lahat ng iyong makakaya para sa ikasasaya ng inyong pagsasama. Sabi nga sa kasabihang ingles: "Don't keep promises that you can't keep". Akala ko dati sa script ng Hollywood movies lang ito applicable pero totoo pala ito, hindi pala madali ang tumupad sa pangako dahil walang tigil ang pagbabago. Pagbabago sa pisikal, sa sikilohikal at sa mismong nararamdaman na dulot ngpagcha-chat environment at ng mga taong dumadating sa ating buhay. Uulitin ko, basta gawin mo lang ang lahat ng makakaya mo; walang pangako walang palabok. At kung hindi mag-work? Walang sumbatan. Walang magsasabi nang: "Tangna ka pagkatapos ng mga sakripisyo ko sa'yo eto pa ang gagawin mo sa'kin!"O kaya naman: "Binigay ko naman ang lahat ng gusto mo tapos iiwan mo lang pala akong hayop ka! Pu7@#61#@8/4@! Mabuti pa magsama-sama na tayo sa IMPYERNO!" Sabay baril sa asawa/nobya sunod ay ang sariling sentido (parang eksena sa teleserye na adultery ang tema).
* * *
"It's not you, it's me!"
Ito ang klasikong linyang parating sinasabi kung nais ng isang taong makipahiwalay sa kanyang kasintahan (jologs!) at kung minsan sa mismong asawa nito. Bakit ba naman hindi eh ito lang yata ang salitang pwedeng makapagpabawas ng kahit na kaunti sa masakit na salitang iyong bibitiwan, mga salitang makapagbabagong bigla ng inyong mundo at desisyong parang punyal na itatarak mo sa laman ng iyong sasabihan (pangkontes na banat). Pero ganunpaman ika nga sa kanta,there's no easy way to break somebody's heart kahit na ano pang dahilan at katwiran mo kung ang purpose mo naman ay basagin at durugin ang pusong nasanay sa iyong "wagas" na pagmamahal masasaktan at masasaktan pa rin ito.

Kung there's no easy way to break somebody's heart bakit kailangan pa nating magpaka-ipokrito o magkunwari at sabihing it's not you it's me bakit hindi na lang sabihin nang harapan sa kanya na ayaw mo na ang karakas ng pagmumukha niya o kung hindi mo naman kaya dahil mayroon pang kaunting konsiyensiyang natitira sa puso mong bato gayahin mo na lang ang istilo ni Paolo Contis nang siya'y makipahiwalay kay dating EB Babe Lian, bigla na lang itong hindi umuwi sa kanyang kinakasama (very creative 'di ba?). Pwede ring itext mo na lang at sabihin sa kanya na ayaw mo na dahil hindi ka na nag-eenjoy sa inyong mga pulot-gata at ginagawa mo lang ang mga iyon dahil kailangang mailabas mo ang init ng iyong naglalagablab na katawan o kahit walang kongkretong dahilan basta lang nagising ka nang isang umaga na hindi mo na siya gusto at wala ka ngliboglove (sus!) na nararamdaman sa kanya katulad nang ginawa ni Ariel Villasanta (sino 'yun?) sa kanyang asawang negosyante na si Cristina Decena (sino rin siya?).

Nakakainis lang kung iisipin, dahil pagkatapos ng masasaya at malalanding sandali nang kayo'y magkasama bigla na lang ayaw mo na at parang diring-diri ka kung maaalala mo ang mga pagniniig sa gabing pinuno ninyo ng maiingay na romansa. Bakit sa isang iglap nagsisisi ka na nakilala siya? At nagwiwish-wish ka pa at kinakanta ang theme song ng Kahit Puso'y Masugatan,na 'Sayang' ready, sing...:"Sana'y maaring ibalik ang kahapon at doo'y magisnan na ang pag-ibig mo, sa dalangin ay hinihiling kong lumakad sanang pabalik ang panahon..."

Kung tutuosin hindi naman talaga dapat na pagsisihan ang LAHAT ng nangyari sa iyong buhay dahil at some point nag-enjoy at sumaya ka naman dito pero nang nakatagpo ka ng mas maganda/gwapo o ng masmaharotmasaya kausap o nang muli mong maka-meet ang dati mong kaeskwela dahil sa letseng reunion-reunion na'yan muling umalab ang naudlot na pag-iibigan ninyo noon, o nang may nakatagpo kang ligaw na kaluluwa na umano'y ulila sa pagmamahal at romansa bigla na lang hindi mo na mahal ang partner mo, ano 'yan laro lang?!? Paano kung makatagpo ka ulit ng mas bago, mas bata at mas nakakaaliw kausap eh di iiwan mo ulit yung kinahumalingan mo? Para kang isang kumpol ng Trapo na may paulit-ulit na pangako sa maganda at mabuting Pilipinas.

Love, Sex, Magic & Mistress 2/2

$
0
0


* * *
"It's sad to belong to someone else when the right one comes along".
Linya ito sa napakagandang kantang 'Sad to Belong' ng duo ni England Dan at John Ford Coley actually sa sobrang ganda nito gusto namin gawing itong themesong mag-asawa at halos makalimutan namin ang madugo at masalimuot na mensahe ng kanta. Ngunit paano nga ba kung nadiscover mong "you are sad to belong to someone else then you realize that somebody someone should be right in your loving arms?"(insert applause for the english thay you have read). Magulo ito.
Iiwan mo ba ang asawa mo o magtitiis ka sa magaspang niyang ugali na late mo nang nadiscover? Paano mo matitiis ang mga susunod pang gabi na katabi mo sa pagtulog ang isa na ngayong estranghero sa buhay mo? Paano ka uuwi ng bahay kung hindi naman tunay na pag-ibig ang nananahan dito at parati lang kayong nagpapakiramdaman at nangangamba kung ano ang susunod na mangyayari?

Para lang itong kanta ni Ogie Alcasid na 'Bakit Ngayon Ka Lang?' Isang sitwasyon kung saan nakatagpo ka ng sa tingin mo'y isang perpektong tao para sa buhay mo sa hindi perpektong panahon at pagkakataon. On a serious note (naks!), komplikado ito dahil marami ang taong maapektuhan dito, marami ang ma-iinvolve na tao (konektado man o hindi sa'yo) at siguradong ito'y pagtsi-tsimisan pag-uusapan ng mga tsismosang kapitbahay at sa lahat ng kanto ng inyong opisinang pinapasukan at kahit sa SUSUNOOOD! na edisyon ng The Buzz ni Boy Abunda. Sa isang taong sarado na ang isip sa lahat ng paliwanag dahil sa malungkot, nakakabagot at parang away-fraternity na relasyon malamang na patungo talaga ito sa hiwalayan kung walang pagbabagong magaganap sa magkabilang panig.

Hangga't maaari, hangga't pwede pang isalba mas maganda sana, mas gusto ng mga anak na mayroon silang buong pamilya kaysa broken family. Mas higit na lungkot ang mararamdaman ng mga bata pagdating ng araw kaysa sa mga magulang na naghiwalay dahil lang sa wrong send na text message tawag ng laman. Ngunit bakit nga ba may mga taong biglang nagtransform ang ugali mula sa pagiging malambing papunta sa pagiging masungit, mula sa pagiging masiyahin patungo sa pagiging bugnotin, mula sa pagiging palakwento pero ngayo'y halos hindi mo na makausap ng matino?

Ano ba ang nagtrigger para maging ganoon siya? Baka naman ang lahat ng kanyang pagbabago'y nanggaling din sa'yo? Baka natuklasan niyang lumalandi ka lang sa iba at ginagawa mo lang dahilan ang pagbabago ng attitude niya. Baka kaya nabawasan ang pagmamahal mo sa kanya dahil may kinakalantare kang iba o kaya naman ay na-taken for granted mo lang ang lahat ng mga naging sakripisyo at pagmamahal niya sa'yo. Kung mahal mo ang isang tao hindi mo hahanapin ang kamalian at kapintasan nito pero kung may naii-spotan ka na, na perpekto (weh, 'di nga?) para sa'yo at sa ugali mo kahit kaunting kamalian lang ng kapartner mo gagawin mong big deal.

* * *
At pagkatapos nang balitaktakan at matinding sumbatang inyong binitawan sa isa't isa, marami ang magtatanong: "Where do broken hearts go?" Saan nga ba? Mayroon ba silang regular assembly meeting every month tulad nang mga sa higanteng negosyo o korporasyon? Kung sakaling kakandidato silang party list representative na nire-represent ang mga marginalized sector ng mga bigo sa pag-ibig, mananalo kaya sila? Maaari siguro, pero malamang hindi nila kayang gampanan ang kanilang obligasyon at tungkulin dahil ang mga broken hearted ay mas gustong ina-isolate ang sarili, mas gusto nilang magmukmok sa isang madilim na kwarto kaysa i-open up ang kanilang saloobin, mayroon namang nilulunod ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pag-inom ng Red Horse o kaya naman ay mas ginugustong mapag-isa habang nakikinig sa mga malulungkot na immortal lovesongs & ballads habang sinasariwa ang mga pangako't alaala nila sa isa't-isa at ang iba naman ay nakatutok tuwing gabi sa Love Radio at pilit na inire-relate ang kanyang sitwasyon sa mga listener ni Papa Jack na humihingi ng mga quotes & love advise. So, paano pa sila makikipagdebate sa Congress kung basag ang kanilang puso at lito ang kanilang diwa.

Kung party list rin lang ang pag-uusapan higit na may karapatan din ang mga mistress o mas kilala sa tawag na "kabit" sa Kongreso. Sa dumadaming bilang nila sa ngayon malaki ang tsansa nilang manalo, hindi na rin kailangang hanapan pa ng ipapangalan sa grupo nila dahil mas madali ang recall ng "THIRD PARTY" na pangalan, akmang-akma, swak na swak! Sa tumi-trending na bilang ng matatapang na kabit sa Pilipinas napakaganda sigurong senaryo sa Kongreso na ipinagsisigawan at ipinaglalaban ang umano'y kanilang karapatan. Teka, ano nga ba kung sakali ang kanilang karapatan? Ano-ano kaya ang mga posibleng ihahain nilang mga panukalang-batas? Siguro'y ang mga ito:

1. Ang makapiling ang kanilang kalaguyo isang araw matapos ang isang mahalagang okasyon; i.e. December 26, January 2, February 15, May 2, June 13, the day after the birthday of the husband, etc. (dahil ang mismong araw ng okasyon ay dapat nasa legal na pamilya siya).

2. Dahil third party nga sila pwede rin nilang ipaglaban at isabatas na at least third part o 1/3 na sweldo ng kanilang karelasyon ay otomatikong mapupunta sa kanila, ganundin ang ikatlong bahagi ng lahat ng property ng lalaki just in case na madedo ito.

3. Kung ang tawag sa mga legal na asawa ay "may bahay" dapat mayroon din silang titulo at pwede silang tawaging "may condo" o "may apartment" ibig sabihin dapat meron din silang tirahan na pinrovide ng kanilang kalaguyo. Hindi 'yung kung saan-saan lang sila nagniniig at nagpaparaos ng kanilang init. Ang kondisyon: Kung ang lalaki ay walang matinong trabaho o palamunin lang din ng kanyang asawa dapat wala siyang karapatang mangabit dahil hindi niya kakayanin ang monthly amortization ng Avida Towers o ang diyes mil na bayad na buwanang upa sa isang medyo matinong Apartment.

4. Isalegal ang diborsiyo. Para mabigyan naman sila ng pagkakataon kung paaano maging legal wife. Pero kung sila'y ligal nang napakasalan at hindi na sila officialy 'kabit' na matatawag dapat ay magresign na sila sa Congress for delicadeza. Ang kapal naman ng pagmumukha nila hindi na nga sila representative ng Third Party, congressman pa rin sila nito, si Mikey Arroyo lang ang may karapatan na maging representative ng mga gwardiya at pedicab driver - wala nang iba.

5. Sigurado tatangkain din nilang i-abolish ang lahat ng batas na may kinalaman sa pangangaliwa tulad ng concubinage, adultery, etc. para safe sila at para din sa pantay-pantay na karapatan ng lahat ng kababaihan (pero tiyak kalaban nila dito ang Simbahang Katoliko).
Ayos! Mabuhay ang Third Party! Ang party na dalawang tao lang ang imbitado at masaya. Ang party na ayaw ng mga legal na asawa.
* * *
Hindi na lingid sa atin na garapal na sa panahong ito ang hiwalayan, ang pangangalunya at kataksilan. Bakit kaya? Dahil kaya nawala na ang 'spark' ng kanilang tinatawag na 'magic'? O mas gusto nilang ibang magician naman ang gumagawa nito sa kanya ? Dahil nagsasawa na ba siya sa paulit-ulit na tricks na kanyang nakikita? O dahil accepted na ng mga tao ang ganitong kalagayan at kahit tayo ay kinukunsinti ito? Pangkaraniwang kwento na lang kasi ito sa ating kapaligiran, sa showbiz, sa teleserye, sa ating iilang pelikula, sa ating kapitbahay at sa ating kaopisina at tayo naman nae-excite pa sa tuwing makakarinig ng mga ganitong balita.
I think therefore that love is not just a magic it is also an illusion done by the illusionist who's only purpose is to deceive your eye.

Perpekto

$
0
0



Walang perpekto.
Kahit ang literal na mundong ating ginagalawan ay hindi perpektong bilog. At kung tinatangka mong maging perpekto ay tinatangka mong maging diyos. Lahat tayo ay may limitasyon, lahat tayo ay may hangganan. Kung may nakikita kang magagandang katangian sa ibang tao na wala sa iyo mayroon ka namang ibang katangian na hindi taglay ng iba. Hindi porke ang isang tao ay may magandang mukha wala na itong kapintasan at kahit may taglay pa itong hindi mabilang na kayamanan may pagkakataon na malulungkot pa rin ito. Maaring mas madali ang buhay ng iba kumpara sa iyo pero hindi ibig sabihin nito na masalimuot na ang buhay mo. Lahat tayo ay may kanya-kanyang katangian, kagandahan, biyaya, talento at kakayahan pero kung masyado mong itinutuon ang magagandang katangian, kagandahan, biyaya, talento at kakayahan ng ibang tao at hindi mo pinagyayaman, pinahahalagahan o nililinang ang mga ipinagkaloob sa'yo higit na malaki ang mawawala sa'yo. Papasukan ka ng inggit at hindi mo na mapapansin ang lahat nang biyayang nasa sa iyo dahil abala ka sa pagbibilang nang biyaya ng ibang tao.

Walang perpekto.
Ngunit hindi ito dahilan para gumawa ng paulit-ulit na kasalanan. Katwirang walang katuturan. Dahilang higit pa sa kamangmangan. Kailan pa dapat naging dahilan ang "hindi perpekto" para gumawa ng kagaguhan?
Kahit ipamukha mo sa mga tao kung gaano ka kakinis, kaganda, kalinis o kayaman alam mo sa sarili mong ikinukubli mo lang ang iyong kapintasan. Lahat ay may kanya-kanyang kadiliman kung sinuman ang wala nito siya lang ang taas-noong magmalaki sa taglay niyang kagandahan.
Lahat ay may kahinaan, lahat ay may kakulangan. Ang iba ay may kapansanan, marami ang may insecurities, marami ang mahina sa ingles, marami ang palpak sa grammar, ang iba naman'y hindi maperpekto ang paggamit ng salitang "ng" at "nang". Kung palagi mong hahanapan ng kapintasan ang bawat tao o kukutyain ang bawat ginagawa ng indibidwal at hindi mo man lang nakikita ang merito ng kanyang mabuting nagawa o layon, ikaw na ang perpekto at magbunyi. Teka, ano ba ang napala mo dito?

Walang perpekto.
Kahit na halos isampal mo sa mga tao ang taglay mong katalinuhan; ang mga napagtagumpayan sa pinasukang unibersidad, mga pagsusulit na hindi malampasan o lisensyang iginawad para ikaw ay maging propesyonal hindi nito maitatago ang iyong kamangmangan sa ibang bagay. Minsan ka ring naging tanga bago ka naging dalubhasa kaya't wala kang karapatang husgahan ang mga taong nag-uumpisa pa lang aralin ang iyong napag-aralan at kung hindi man nila makamit o makalahati man lang iyong naabot hindi pa rin katumbas nito ang kaperpektuhan. Hindi mo kailangang maging henyo para maging matalino pero hindi mo kailangang matalino para maging matinong tao at hindi mo kailangang maging perpekto para gawin ito.
Kahit gaano pa kataas ang posisyon mo sa trabaho hindi ito karapatan para maliitin ang nakabababa sa'yo. Batid mo ngang hindi ka perperkto pero umaakto kang isang perpekto na para kang hindi nagkakamali. At ang mga taong nakapailalim sa iyo ay halos tumiklop sa kahihiyan sa tuwing sila'y ipinapahiya sa nagawang pagkakamali.

Ang katotohanan, hindi naman natin kailangang maging perpekto para tanggapin ka ng mga tao, hindi natin kailangang maging perpekto para ikaw ay respeto o hangaan at hindi natin kailangang maging perpekto para pahalagahan ka ng mga tao. Sasapat na ang magandang pakikisama, ang mahusay na pakikitungo at hindi pagpapanggap na kung sino ka. Kung ano ang trato mo sa mga tao 'yun din ang ibabalik nila sa'yo. Aminin ang pagkakamali at 'wag ikahiya ang pagkakadapa; ang pagkakadapa ay bahagi ng buhay at ito ang magpapatatag sa mga paa nating minsang naging lampa. Ang pagkakamali ay minsang hindi maiiwasan at ito ang ating magiging gabay sa paggawa ng nararapat. Ang hindi natin pagiging perpekto ang nagpapaalala sa atin na mayroong nakahihigit kaysa sa atin.

Sa kabilang banda hindi naman masama ang pagiging perfectionist ngunit ito'y hindi aplikable sa ating mismong buhay dahil kahit na anong gawin mong pag-iingat hindi mo kailanman maiiwasan ang pagkakamali. Kadalasan ang mga perfectionist na ito ang higit na may kakulangan sa buhay at dahil sa pagiging perfectionist nila mas nadadagdagan ang kanilang pagkainis at pagkabagot kung hindi nasusunod o natutupad ang nais nilang gawin at mangyari. Kung ikaw ay perfectionist at gusto mong i-apply ito sa ibang tao 'wag mong asahang lahat ay kayang sumunod dito dahil lahat nga tayo ay may hangganan at kapasidad kahit perpekto pa ang iyong motibasyon. Hindi rin masama ang kritisismo kung ang obhektibo mo'y positibo at layon mong itama ang ilang detalye ng pagkakamali, ang masama ay kung ang kritisismo mo'y may bahid ng pang-aalipusta at pati ang katauhan ng iyong pinuna ay iyo nang hinusgahan nang parang isang kriminal.

Anuman ang napagtagumpayan mong karangalan hindi katumbas nito ang pagiging perpekto mo sa buhay hangga't maari panatiliing nakaapak ang paa mo sa lupa, kung 'di maiiwasan tumingkayad ka para malaman nilang may angas ka rin pero dapat hindi ka na lalampas doon dahil walang pumaimbulog na hindi nahulog. Sinumang tao na labis ang pagpupursigi na maging perpekto ay mas lalong nagiging katawa-tawa dahil mas lalo lang napapansin ang kanyang mga kahinaan at kakulangan na pilit niyang pinagtatakpan. Tayo ay nabubuhay hindi upang maging perpekto kundi upang matuto sa bawat kamalian, hindi mo kailangang laging makipagkumpetensiya dahil mas madali ang buhay kung walang magdidikta sa bawat gagawin mo. Piliting maging payak, maging ikaw at huwag magbalat-kayo sa palamuting binili ng kung ilang libo o sa posisyong ipinahiram lang sa'yo.

Huwag matakot magkamali dahil hindi mo mailalagay sa tama ang lahat kung hindi mangyayari sa'yo ito, hindi ka lubos na makakausad kung minsan kang nagkamali at ayaw mo nang lumaban at magpatuloy. Mabilis lang ang oras, kung kaperpektuhan ng buhay at ng mundo ang iyong hinahanap hindi mo ito makikita dahil lahat ay may bahid, walang hindi. Nagkamali at pumalpak ang lahat ng matatagumpay bago nila narating kung ano ang kinahinatnan nila ngayon kabilang na diyan ang pinakamayayamang negosyante at mga tao sa mundo.

Walang perpekto. 
Katulad ng ating buhay hindi araw-araw pasko, hindi araw-araw piyesta mayroon ding pagtitika at minsan kailangan nating magpunta sa pagamutan para gamutin ang ating karamdaman. Kung hindi mo kaya ang isang problema, okay lang na umiyak humingi ka ng tulong at kung wala naman ‘wag pigilan ang sariling tumawa at humalakhak. Bakit kinakailangang magmukmok kung hindi naman kailangan? Bakit kinakailangang magpasikat para lang papurihan? Bakit kinakailangang magmagaling kung pakitang tao lang?
Minsan babaan mo ang standard mo sa buhay dahil ito ang nagpapakomplikado ng iyong mundo, tanggapin mo lang na maluwag na ang buhay ay talagang may kulang at gawing simple ang ibang hindi naman ganoon kakomplikado. Walang perpektong tao pero may perpektong pang-unawa tanggapin ang mo ang nakaraan, ang kamalian at kakulangan. Magpatawad sa mga taong humihingi nito, unawain ang mundo, unawain ang tao kasama nang lahat ng kanyang kamalian. 'Pag nagawa mo ito, ang mundo ay nginigiting kasama mo.

Manny Pacquiao and the Filipino Pride

$
0
0


At lahat ng pagbubunyi'y naglaho.
Natahimik ang lahat. Hindi makapaniwala. Nawindang nang sa bihirang pagkakataon si Manny Pacquiao ay humalik sa lona. Walang sumisigaw at nagshout-out ng "I'm Proud to be Filipino!". Kung bakit ba naman kasi nakadepende ang Filipino Pride sa iilang tao lang, katulad ni Manny Pacquiao. Paano kung dumating ang sandaling hindi na niya makuhang maipagtanggol ang Filipino Pride? Paano kung kabiguan ang kanyang maihatid sa kanyang kababayan sa halip na katagumpayan? Paano kung lahat nang inasaahan sa kanya ay 'di na niya matupad? Tila dumating na nga ang araw na iyon, gabi ng Disyembre 8, 2012 nang malasap ni Manny ang sinasabing pinakamalalang talo niya sa kasaysayan ng Boksing.

Nasaan na ang dati'y nagbubunyi at nang-aalipusta sa lahi ng Mexicano noong sunod-sunod ang tagumpay ni Manny? Dahil ba sa pagkakataong ito na nabigo si Manny ay aalipustahan na rin nila ang dating idolo? Anong lohika ba meron ang mga Pilipino at dapat nating ipangalandakan at ipagyabang sa mundo ang ating lahi sa tuwing mayroong isang ating kababayan na pumapaimbulog sa kanyang larangan? Sila na mas mayabang at mas maangas pa kaysa sa nag-uwi ng tagumpay at karangalan. Paano kung sila'y matalo at mabigo...ibig bang sabihin nun na wala na tayong dapat na ikarangal? In the first place, dapat bang tayo'y magmayabang? Hindi ba't mas kapuri-puri ang may mababang kalooban at mapagkumbaba? Sino ba kasi ang nag-imbento ng slogan na "I'm proud to be Filipino!"? Uulitin ko, ang karangalan ng lahi ay hindi dapat nakasalalay sa iilang taong matagumpay dapat ito'y pinagsama-samang mabuting asal, talino, talento o tagumpay ng isang lahi katulad ng tagumpay ng mga Hapon sa larangan ng teknolohiya, ang tunay na pagmamahal at pagtangkilik ng mga Koreano sa kanilang bansa, ang progresibong mentalidad ng mga Briton at solidong pagpoprotekta ng batas ng mga Amerikano, at marami pang iba. May naisip ka bang pwedeng ipangtapat dito?

Si Manny Pacquiao ay itinuring ng marami nating kababayan na Superhero. Superhero na hindi nadadaig at hindi nagagapi ng mga kalaban, handang tumulong anumang oras, hinahangaan at tinitingala ng ninoman. Subalit nakalimutan natin na siya'y tulad din natin, mortal; na anumang oras ay maaring magapi at masawi. Ang sinumang nasa itaas na nasa kalagitanaan ng rurok ng tagumpay ay nakatakda at wala nang ibang pupuntahan kundi ang bumaba at iba pa nga'y malakas ang pagbasak. Katulad ng paglagapak ng napakaraming tao na inakalang habangbuhay ang tinatamasang tagumpay. Lahat ng bagay na nasa atin ay hiram lamang magmula sa anumang suot mo hanggang sa mga ari-arian mo hanggang sa posisyong kinalalagyan mo ngayon. Darating ang panahon na tayo'y kukupas at lilipas kasama rin dapat ito sa ating inaasahan at pinaghahandaan.

"Sometimes we win, sometimes we lose".
Ito ang pahayag ni Manny pagkatapos ng kanyang nakadidismayang laban. Mabuti pa ang taong ito na itinaya ang buhay at karangalan ay marunong tumanggap ng pagkatalo hindi tulad ng napakaraming mga tao na palaging nagrereklamo at nag-aalibi sa tuwing mabibigo. Maaring sa umpisa'y hindi muna lubos na matanggap ang kasawian pero hindi dahilan ito para mapako at malubog kung saan ka sumubasob. Ngunit ang higit na nakakadismaya ay ang biglaang pagkambyo ng dating masugid na taga-suporta ni Manny; sila na ubod-yabang sa tuwing mananalo si Manny pero ngayo'y puro pintas ang lumalabas sa bibig patungkol sa lifestyle ng asawang si Jinkee hanggang sa kanyang ina na si Mommy D. Palagi na lang tayong may dahilan, palagi na lang tayong naghahanap ng escape goat, palagi na lang tayong naghahanap ng pagkakatuwaan.

Tunay ngang ang tadhana'y merong trip na makapangyarihan. Sino bang mag-aakala na pagkatapos pasukuin at gibain ni Manny ang higit na malalaking kinalaban niya na tulad nina Dela Hoya, Cotto, Hatton at iba pa, isang hindi kalakihang si Marquez ang magpapabagsak at literal na magpapalugmok sa kanya. Sa panahong mayroon tayong inaasahan pag pinagtripan ka ng tadhana wala kang magagawa. Sa panahong labis ang iyong excitement biglang may sasalubong na masamang balita. Sa panahong labis ang iyong tiwala sa sarili mong kakayahan doon ka pa mabibigo at iyan nga ang nangyari kay Manny.

Maaring nakatakdang matalo si Manny para ipaalala sa atin na parati at palaging may nakahihigit sa taglay nating lakas, talino at talento. Habang tinitingnan o binabasa ko noon kung paano laiitin, murahin at alipustahin ang mga tinalo noon ni Manny, napapailing ako. Paano kung sa atin ito gawin? Higit na bayolenteng reaksyon ang ating igaganti dahil ang mga Pilipino ay balat-sibuyas; na kaunting puna lang ng mga kritiko ay agad tayong nag-aalburuto, kaunting pintas lang sa ating magaspang na ugali agad tayong magrereklamo samantalang ang hilig din nating mamintas, kaunting paglalahad lang ng kalagayan ng ating bansa o krimeng nagaganap pabubulaanan natin ito sa halip na aksyonan at solusyunan.

You can not serve two masters at the same time.
Kung hindi ka naniniwala dito, maniwala ka na. Isang malaking halimbawa dito si Manny Pacquiao. Simula nang siya'y mag multi-tasking bumababa ang kalidad ng kanyang paglalaro ng boksing dahil nga sa dami ng kanyang pinagkakaabalahan. Ninais niyang maging artista, recording artist, producer, host, all-around athlete, pastor, congressman o lingkod-bayan, pilantropo, negosyante, commercial endorser bukod pa sa pagmamahal niya sa pagbo-boksing. Sadya ngang ang tao'y walang kakuntetuhan. Kung ano ang hawak o taglay mo ngayon darating ang panahon na mag-aasam ka ng higit pa dito. Kung ano ang posisyon mo ngayon asahan mong aambisyonin mong higitan ito. Kung paano mo hawakan ang tagumpay na hawak mo ngayon ay mahirap panatilihin ngunit hindi naman talaga kailangang hawakan ng habangbuhay ang katagumpayan ang dapat lang ay maluwag sa dibdib nating ito'y bitawan at ipasa ito sa ibang may karapatan din. Walang panghabangbuhay lahat ay nakatakdang magwakas katulad ng posibleng pagwawakas ng karera sa boksing ni Manny Pacquiao. Ngunit sa pagtatapos na ito tiyak na may magbubukas ng isang bagong hamon at isang magandang simula.

Buksan ang bagong pahina ng libro mayroon ding iba pang ibang gumagawa ng bagong istorya at kasaysayan. Isantabi muna ang Filipino Pride na maangas. Moved on na Pilipinas.

Kathang-isip

$
0
0


 
"Sa kathang-isip ikaw ay aking katotohanan, sa katotohanan ikaw ay aking kathang-isip."

Sana maibalik ko ang panahong hindi kita nakilala.
Mali. Sana maibalik ko ang panahong hindi ka lubos na nakilala ~ hindi na lumalim pa ang ating samahan. Sana nanatili lang tayong magkakilala ~ alam mo ang pangalan ko at ganun din ako sa'yo. Hindi na sana tayo naging magkaibigan ~ hindi sana nagising at nagulo ang damdamin na ngayo'y lito. Sana nanatili na lang ako kung saan ako naroon at hindi ka na rin lumapit kung saan ako nagtungo.
Hindi ko alam kung dapat akong magpasalamat nang makasalubong ka sa landas na tinatahak pero ang iyong mabining ngiti ay lihim kong kinagagalak.

Mainam ang daloy ng aking mundo bago mo pa ko datnan; sumasabay sa agos, nililipad ng hangin; nalulubog ngunit umaahon, nadadapa ngunit bumabangon.
Isang maling akala na isipin kong ako'y lubos na matatag; na pinatatag ng iba't ibang unos na dumaluyong at matapang na sinalubong ngunit wala rin pala akong ipinagkaiba sa iba, isa rin pala akong marupok na hikahos paglabanan ang nararamdaman. Ngunit kailangang ito'y ikubli at ipinid dahil 'di ko nais ang pagkakaibigan ay magkalamat.

Matatawag bang kasinungalingan kung hindi sasabihin ang buong katotohanan?
Paano kung ang katotohanang ito ang siyang maghahatid sa tiyak na kapahamakan?
Matatawag bang kasalanan kung pananatilihing lihim ang nararamdaman? O ang suwail na damdamin ang siya mismong kasalanan?
Itatakwil ba ako ng langit kung ilalahad ang saloobin ng puso? O itatanggi ako ng impiyerno kung itatakwil ko ang iyong pagkatao?

Ikaw ang dikta ng puso, ikaw ang naglalaro sa isip. Hindi ko ito gusto pero hindi madali na ito'y sagupain. Iniisip pa lang kita nasasabik na ako. Naaalala ko pa lang ang tinig mo ay naririnig ko agad ang mumunting tinig na saki'y umuusig. Tumatangis ako kasama ng aking mga gabi ngunit sumasaya habang naaalala ang iyong ngiti. Sumisigaw ang aking diwa at alingawngaw lang ng iyong ngalan ang siyang naghahari. Naliligaw ang kaluluwa, hinahagilap ka at ang iyong alaala.
Panaginip ko'y ikaw, pangarap ko'y kasalanan.

Gusto kong samahan ka sa isang paglalakbay ngunit nakagapos ang aking mga paa, 'di makalapit, 'di makahakbang.
Gusto kong hawakan ang iyong mga kamay ngunit ako ay mahigpit na nakaposas, walang susi, 'di makatakas.
Nais kang bulungan ng nangungulila kong tinig sasambitin ang mga salitang mula sa aking dibdib ngunit ako'y isang pipi na nais lang ay nakamasid.
Gusto kong kulungin ka sa aking mga bisig yayapusin at sasamantalahin ang bawat sandaling ikaw'y kapiling ngunit ang maling panahon ang siyang ating balakid.
Nais kong gawin ang mga bagay na magpapaligaya sa'yo ngunit anong aking gagawin hindi ako itinakda para sa'yo.
Alam kong dumating ka hindi para sa akin ngunit labis ko nang ikinasiya na minsan sa aking panahon ikaw ay nakapiling.

Higit na mapalad nga ang ating paningin dahil maari nitong piliin ang nais nitong mamasid ngunit hindi ang ating puso dahil ang nararamdaman niya'y hindi niya kayang uriin at piliin. Isa lang akong anino sa kadiliman na kasiping ang kalungkutan.
Naiisip ko pa lang ang iyong ngiti nadadagdagan na ang aking kasalanan. Ngunit higit naman ang saya sa tuwing nakikita kitang nakatawa. May magagawa ba ako kung hindi ako inilaan para sa'yo? May magagawa ka ba kung mas pipiliin ko ang lumayo?

Para kang kriminal na ginagahasa ang aking pag-uutak.
Para kang pusakal na tinutugis ang aking mga gabi.
Ako nama'y pulubi na nag-aalangang lumimos ng iyong pagtingin.
Mahal kita pero hindi kita kailangan. Umalis ka na dahil hindi ako handa sa isa pang kasalanan.

Brutal

$
0
0


"Honesty is such a lonely word, everyone is so untrue".
Linya ito sa isang kanta ni Billy Joel na may titulong "Honesty".
Isang napakalungkot at brutal na deklarasyon na ang lahat ng tao'y hindi matapat.
Nasaan na nga ba ang honesty?
Sino ba ang maaring sabihing matapat? Sino ang may lakas ng loob na sabihing siya'y matapat? Ako? Ikaw? Sila? Guro? Ang ating mga Pari o Pastor? May natitira pa bang matapat sa panahon ng mapagkunwaring mundong ito?
Huwag magmalinis. Dahil lahat tayo hindi man madalas ay minsang hindi naging tapat; matino man o hindi ang katwiran at mabigyang katarungan ang anumang dahilan ng hindi pagiging tapat, ang punto rito: walang nabuhay na matapat kahit gaano ka pa katalino, kahit gaano ka pa kagaling, kahit gaano pa kabanal ang tingin sa'yo ng mga tao, kahit gaano pa kataas ang posisyon mo at kahit gaano ka pa kabait.

Hindi ako malinis at mapagkumbaba kong aaminin at sasabihing sumuway din ako sa katapatan dahil katulad ng halos lahat minsan sa kasaysayan ng aking buhay ako ay naging suwail at hindi naging matapat. Kailanman ay hindi ito dapat ikarangal at ipagmalaki ngunit ang pinakamahalagang nadulot nito ay ang natutunang leksyon sa pagkakamali at ang pagsusumikap na huwag na muling maulit pa ang kamaliang ito kaakibat nang pagtanggap at pag-amin ng kasalanan.

Ang anumang nangyari sa ating buhay noon ay may koneksyon sa ating buhay ngayon maging maganda man ito o kasawian, maging kabutihan man ito o kasalanan dahil ito ang nagbibigay kahulugan kung sino tayo ngayon. Ito ang huhubog sa ating ganap na pagkatao ngunit masasayang ang lahat ng ito kung wala kang pinagsisihan sa mga kasalanan,  kung wala kang itinama sa mga kamalian at kung hindi mo isinapuso ang mga ibinigay na leksyon at aral.

Datapwat may mga bagay na hindi madaling sundin ang katapatan mas marami pa ring pagkakataon na kaya nating maging tapat. Nakakadismaya lang malaman na sa lahat ng antas ng buhay ay talamak na ang pagiging suwail at hindi tapat. At alam nating marami nito sa pulitika, sa pamahalaan, sa opisina, sa gobyerno at saan mang antas ng lipunan.

Bakit marami ang suklam na suklam sa nanunungkulan ngunit ni hindi man lang nila nakikita ang kalokohang ginagawa nila?
Bakit sa taas ng posisyong nakaatang sa balikat tinutumbasan naman ito nang mababang uri ng pag-aasal?
Sa kabila ng ganda ng trabaho, posisyon at sweldo, nakakadismaya na hindi pa rin napuputol ang paghahangad ng kalabisan.
Sadya bang nakalulula sa itaas o wala lang talagang kakuntentuhan ang paghahangad na mapunan ang pagkagahaman?

Bukod sa pera, ang dishonesty ang mortal na kalaban ng mundo. Napakaraming uri ng dishonesty ang kayang gawin ng mga tao na kahit simpleng bagay na lang ay sinusuway pa. Sana kung hindi rin lang ganoon kahirap na tupdin maging tapat tayo kahit walang nakamasid at kahit walang parusang nakaamba. Kung sakali mang dumating sa puntong sinusubok ang iyong katapatan piliting ito'y paglabanan 'wag masilaw sa sandaling kasiyahan hindi mo man lubos itong pagsisihan may katumbas itong kaparusahan nang hindi mo namamalayan.

Kung ang lahat ay hindi na matapat dapat bang tayo'y magbigay ng tiwala?
Kung ang lahat ay may kakayahang basagin ang tiwala dapat ba ang isang pagpapatawad?
Kung ikaw ay minsan nang nagpatawad dapat bang magbigay ng ikalawa at isa pang pagkakataon?
Oo nga na ang lahat ay hindi tapat, maaring ang iyong mga ginawang kamalian ay hindi na nalaman at nasiwalat pa ng iba, ngunit naitanong mo ba sa sarili mo kung dapat ka rin bang pagkatiwalaan? Marami ang humihingi ng kapatawaran ngunit ang masaklap ang mismong may gawa ng sala ay 'di mapatawad ang sarili.
Ang hindi raw maasahan sa maliit na bagay ay hindi rin maasahan sa malaking bagay. Kung ang simpleng bagay lang ay 'di mo matupad paano ka pa mabibigyan ng isang malaking responsibilidad?

Madalas na hindi buo ang tiwala natin sa mga tao, madalas na kahit nagbigay tayo ng tiwala ay may kalahok pa rin itong pagdududa pero minsan nakakalimutan natin kahit ang sarili natin ay hindi natin kayang pagkatiwalaan. Kaya tayong ipagkanulo ng ating sarili anumang oras, anumang pagkakataon. Sa panahong akala natin ay kaya nating paglabanan at mapagwagian ang lahat ng uri ng temptasyon doon ka pa susubukin at saka mo malalaman na marupok ka pa rin at hindi sasapat ang lahat ng iyong nakaraan at karanasan, lahat ay mababale-wala sa isang kisapmata lang.

Kung sa tingin mo'y naging tapat ka sa buong panahon ng iyong buhay 'wag kang magpatawad pero kung hindi ka rin naging tapat, sino ka para hindi maggawad ng kapatawaran?
Ngunit hindi ibig sabihin nito na dapat kang alipinin at abusuhin nang paulit-ulit at gawing lisensiya at karapatan ang iyong pagpapatawad para ikaw ay maging katawa-tawa at maging tanga sa patuloy niyang hindi pagiging tapat.

Higit na masakit ang sugat na wala sa balat.
Kahit bukal sa loob mo ang pagpapatawad hindi maiwawaglit sa isip mo ang sugat na nalikha nito sa iyong damdamin. Kahit bukas sa puso mo na ibigay ang kapatawaran hindi kailanman malilimot ang sakit na dinulot nito. Ang alaala ng kasalanan ang magiging sanhi ng hindi lubos na pagtitiwala; ito ang pilat na magpapaalala sa sugat na minsang naging makirot na nanunuot hanggang sa iyong panaginip. Kahit napakaraming taon na ang lumipas hindi tuluyang maglalaho ang gunita ng nakaraan na mumulto sa nagpupumilit na tumiwasay na damdamin at kaisipan.

Wala ngang nabuhay na matapat ngunit...
Pagsumikapang maging tapat kahit na marami ang hindi ito ginagawa.
Piliting magpakatatag kahit walang nakakakita.
Pag-isipan nang maigi bago magdesisyon dahil kaakibat nito ang paglala o pagbuti ng sitwasyon.

Ang pagsusumikap na maging tapat ay parang pagsuong sa isang malakas na buhos ng ulan hindi ka man lubusang mabasa dahil sa dala mong pananggalang, kaya ka pa rin niyang basain sa taglay niyang hanging brutal at walang pakudangan.

Blind Items

$
0
0



Kung may mga bagay na kaya mong sabihin nang harapan sa mga taong malapit sa'yo may mga bagay din namang hindi mo kayang sabihin o ayaw mong sabihin nang harapan sa mga taong kinaiinisan mo o sa mga taong sadyang 'di mo gusto ang asal at pag-uugali.  May kasabihan tayong mga Pilipino kung wala ka rin lang sasabihing maganda sa isang tao mas mabuting tumahimik ka na lang at sarilinin na lang ito. Pero kung hindi mo mapigilan ang sarili mo na gawin ito idaan mo sa ganitong pamamaraan at 'wag mong pangalanan. Hindi mo man lubos na nakontrol ang sarili mo hindi ka naman nakapanakit ng tao.

Ang post na ito ay halo-halong emosyon na naglalaman ng rant, papuri, pacute, pagmamahal, pagkainis, pasasalamat at iba pa na magpapakilig o makakasira ng iyong mood kung ikaw ang pinatamaan.

Paunawa: Hindi ko kailangan nang anumang disclaimer para sa mga taong na-offend ng post na ito. Gagawin ko ito ng bukal sa loob at walang halong pagsisisi at kung sa pakiramdaman mo ikaw ang tinutukoy sa isa sa mga item na ito sinadya ko talaga iyon.

Umpisahan na natin. Ready, set, go!

    1. Sa edad mong lampas kwarenta dapat may pinagkatandaan ka na. Huwag mong isisi sa ibang tao ang lahat ng kamalasan ng buhay mo. Kung dati kang nakakatulong sa mga kamag-anak mo hindi ito dahilan para isumbat ito sa kanila nang paulit-ulit. Wala akong atraso sa'yo, wala akong utang sa'yo at sa tingin ko wala rin akong naging utang na loob sa'yo, kung hindi kita kinakausap at pinapansin choice ko 'yun at simple lang ang dahilan ko: Hindi ko kaya sikmurain ang ugali mo. Isang tip lang sa'yo: Don't burn bridges. 'Wag mong siraan ang mga taong nakakaaway mo (nang walang dahilan) dahil posible pa ring makabati mo ito sa darating na panahon. Isa kang forty years old something na may pag-uutak ng isang teenager na walang pokus sa buhay. You are growing old but not growing up, sa tagalog nag-matured ang edad mo pero hindi ang utak mo.
    2. 'Wag mo kong yabangan ng mamahalin mong damit, pantalon, relo o gadget dahil alam ko, kung gaano kamahal ang mga gamit mo ganoon din kalaki ang pagkakautang mo sa opisina mo. Kahit Bench lang ang pantalon at damit ko o Timex lang ang relo ko o tatlong libong piso lang ang halaga ng celphone ko (ayoko mang sabihin pero sasabihin ko na rin) may sarili akong Bahay at Lupa (nakikitira ka lang di ba?), may dalawa akong sasakyang binili ko ng brand new ('yung sa'yo second hand 'di ba?). Ikaw ang isang magandang halimbawa na living beyond the means. Wala ako sa posisyon para pagsabihan ka pero minsan nakakairita na ang mga banat mo dahil alam ko namang hikahos ka rin. Sa susunod na yabangan mo ako isasampal ko sa'yo ang titulo ng bagong bili kong lote na 192 sqm na patatayuan ko ng malapalasyong bahay sa taong 2015 para kumalma at tumahimik yang pagkamaangas mo. Umayos ka kasi.
    3. Oo, crush kita pero hanggang doon lang 'yun dahil alam nating nakagapos na ang puso ko at mahal ko ang asawa ko at pamilya ko at hindi ko iyon maipagpapalit sa isang maganda at matamis na ngiti lang. Pakiusap, 'wag ka lang tumawa baka ikatunaw ko iyon. Sus, ang arte. :-)
    4. Isa ka sa iilan kong kaibigan, kaya nating magmurahan ng harapan pero kaya rin nating maunawaan ang isa't isa pagkatapos ng isang alitan. Alam kong may reserbasyon ka sa pagkakaibigan natin pero ganun talaga kasi ganoon din ako sa'yo. Kung nagkaroon man tayo ng hindi pagkakaunawaan dati hindi ito naging hadlang para muling bumalik ang ating friendship (naks!). 'Pag may sinasabi ako sa'yo sigurado para sa ikabubuti yun ng ating kompanya; pagtulungan at pag-usapan natin ang mga bagay na pwedeng ikaunlad at ikaasenso pa ng ating opisina. Gusto kong sabihin sa'yo: Pre, I value our friendship 'though sometimes it just doesn't show.
    5. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang piktyuran mo ang lahat ng aktibidades mo sa buhay, oo wala akong pakialam doon pero pare minsan ipakita mo namang lalake ka at nakakapagdesisyon ka rin ng hindi kailangan ng consent ng asawa mo (may konek?). Maaring ang asawa mo ang nagpro-provide ng maraming needs sa bahay ninyo pero nagiging katawa-tawa ka na sa paningin ng iyong mga kaibigan. Nahihiya akong sabihin sa'yo ito ng harapan pero dahil blog ko 'to gusto kong itanong sa'yo: Sa'n na napunta ang b*y@g mo?
    6. Masaya ako na nakilala kita at sobrang nag-enjoy ako sa pag-alaga mo sa amin noong pumasyal kami sa Bicol. Simula sa araw na iyon itinuring na kitang kaibigan sa ayaw mo man o sa gusto. Kung marunong magbiro ang tadhana ako rin marunong hintayin mo lang at may darating sa'yo. Surprisa na lang,
    7. Pasensya ka na sa mga biro kong sagad sa buto, pasensya ka na dahil natrauma ka sa mga kalokohan ko pero alam mo...sa mga kalokohan kong ito parang ako rin ang naging biktima nito sa bandang huli. Tunay ngang ang karma ay mabilis at digital. Pero hindi ko hinayaan ang sarili ko na patuloy na maging biktima ng sarili kong kagaguhan ginamit ko ang  natitira kong superpowers at nanaig naman ang aking pagiging Superhero. :-) Sa iksi ng panahong tayo'y naging magkakilala katulad ng lumubog at sumikat na buwan manatili sana tayong magkaibigan.
    8. Nag-iba ang landas na iyong tinahak at simula noon hindi na kita nasundan. Maaring nag-bago ka na ng tuluyan pero sa sandaling kailanganin mo ako iaabot ko ang kaliwang kamay ko sa'yo habang ang kanang kamay ko naman'y nakapulupot sa lubid na nakakapit sa puno; handa kitang tulungan at alalayan kung sa tingin mo'y hindi mo kayang sagupain ang mga balakid na nakahambalang sa harapan mo dahil ginawa mo sa akin 'yun noong ako'y gusgusin pa lang.
    9. Huwag mong ipamukha sa mga kasama mo sa trabaho ang pagiging propesyonal mo dahil hindi lang ikaw ang matalino sa mundo at kahit ikaw pa ang pinakamatalinong tao hindi pa rin ito karapatan para ipagyabang kung ano ka. Hindi ka naman dating ganyan pero sa hindi malamang kadahilanan biglang-bigla nagkaroon ka ng malalang Meningitis kung idi-describe kita naiisip ko ang babaeng tinutukoy ni Chito sa kantang Silvertoes. Wala namang masama kung hindi kagandahan ang itsura eh, ang masama ay ang pag-uugali mong sagad sa pagkamaangas. Kung iba ang relihiyon mo igalang mo naman sana ang ibang relihiyon, kung may nagbibigay papuri o nagdarasal 'wag ka nang mag-ingay o gumawa ng eksena BASTOS ka eh nakakaisip ng hindi maganda ang dapat sanang nagsisisi at taitimtin na nanalangin. Isang PAALALA: maging natural at simple ka lang sigurado marami ang kagigiliwan ka, hindi mo kailangan ng braces, ng makulay na dress at blouse na sleeveless. Makinig ka minsan sa mga taong nagbibigay sa'yo ng magandang advise dahil higit pa ang ating leksyong matutunan sa labas ng eskwelahan. Kung hindi ka pa magtino...mag-ingat ingat ka baka ikaw ay sagasaan ko.
    10. Nag-uumpisa lang magkaroon ng balahibo ang aking mga pakpak nandiyan ka na, ngayong sabay tayong sumasahimpapawid nandiyan ka pa rin at hindi nag-iba ng landas 'di tulad nang iba na halos nakalimutan na pati ang pangalan ko. May pagkakataong naitabla kita dahil sa letseng conflict of interest pero kailanman hindi ko tinabla ang pagkakaibigan natin. Kayong mag-asawa ang aking naging sandigan nang kailangang lunasan ang lumundo kong bagwis, kayo ang aking naging tainga sa panahong kailangang marinig ang aking alingawngaw.
    11. Eh ano ngayon kung mataas ang posisyon mo sa trabaho? Katwiran na ba iyon para gipitin at diskriminahin ang ibang mga empleyado? Maliit pa ba ang sweldo mo para pagdamutan ng mga pribelehiyo ang ibang mga empleyado? Huwag mong ipagkait sa kanila ang nararapat na sa kanila at 'wag mong itago ang dapat na ipinamamahagi sa maliliit na kawani. Marami ang kinakaibigan ka lang dahil sa impluwensiyang taglay mo, sana mauri mo kung sino-sino ito. May mga ibang taong karapatdapat-dapat na makatanggap ng benepisyo hindi 'yung parang mata ng kabayong may piring ang iyong paningin na may limitasyon ang nakikita, lawakan mo ang iyong paningin kasama ng iyong pag-iisip. Kung sa tingin mong hindi alam ng mga empleyado ang mga kalokohan diskriminsayong ginagawa mo nagkakamali ka dahil hanggang sa Canada nabalita na ito. Pero hindi pa huli ang lahat may pagkakataon pa para baguhin ang kamaliang ito.
    12. Hindi ko kayo (dalawa sila) lubos na kilala pero isa kayo sa mga unang nag-appreciate ng ginagawa ko. Isa akong tao na bihira magpakita ng emosyon pero walang halong biro itinuring ko kayong kaibigan kahit anonymous ang isa sa inyo, kahit hindi ko alam ang background niyo, kahit wala akong sapat na detalye at impormasyon sa buhay niyo. Teka kailangan ba iyon para makapag-establish ng isang Friendship?
    13. Hindi ko mararating ang kinalalagyan ko ngayon kung hindi dahil sa'yo. Awkward mang sabihin dahil pareho tayong lalake pero sasabihin ko pa rin: Mahal kita. Lahat ng success at achievement ko sa buhay ay kaagapay at kasama kita at tinatanaw ko itong utang na loob na hindi mababayaran ng anumang materyal na bagay. Maaring hindi tayo nagkakasundo sa ibang bagay pero ang mahalaga nareresolve natin ang problema ng smooth at walang kontrabida. Muli maraming salamat at sana patuloy tayong maging successful sa pagpapatakbo ng opisina.
    14. Ang pagpi-Facebook sa loob ng opisina at sa oras ng trabaho ay isang pribelihiyo lang at hindi natin karapatan. Kaya magpasalamat ka dahil kahit papaano'y nakakasilip ka sa account mo at nakikicomment sa mga walang kakwenta-kwentang post na puro pagmamayabang. Ngayong inabuso mo ito at nakarating sa kinauukulan marami ang naapektuhan at hindi na nila masilip ang FB nila kahit lampas na ng alas-singko. Magpokus ka sa trabaho mo at bawasan ang pangtsitsimis sa ka-officemate mong hindi mo makasundo. Pag umaapoy na ang isang bagay 'wag mo na lagyan ng gaas, pasaway ka din eh!
    15. May iba kang adhikain at pananaw na taliwas sa akin ngunit hindi kahulugan nun na hindi kita igalang at irespeto. Taas ang kamay ko sa'yo at nakayukod ang ulo kong nagbibigay galang sa ugali at polisiya mo sa buhay. Hindi ko man makayang abutin ang mga success mo sa buhay ikaw naman ang inspirasyon at modelo ko ng salitang TAGUMPAY. Alam kong isa ka sa dagliang aalalay sa sandaling mabali ang bagwis ng aking mga pakpak o sa panahong lumipas ang panahon ng aking Tag-Libog.
    16. Sa kabila ng iyong pagiging friendly alam kong may sarili kang agenda at bago pa magningas ang kumakalam mong pagnanasa kailangan na itong apulahin at buhusan ng malamig na tubig. Sa kabila ng iyong pagiging mabait alam kong may kakaiba kang motibo, hindi ko kailangan ng mga regalo mo kung sa likod nito ay ang ngiti na galing sa isang mapagkunwari. Isawsaw mo ang ulam mo sa sarili mong sawsawan at 'wag ka nang magbaka-sakali dahil bistado ko na ang diskarte mong bait-baitan. 
    17. Kung ipapa-define sa'kin ang salitang Tunay na Kaibigan ikaw ang pumapasok sa isip ko. Alam mo ang likaw ng bituka ko mula small intestine hanggang large intestine, ganun tayo ka-close. Milya man ang distansiya natin sa isa't-isa hindi pa rin nagbabago ang pagtingin ko sa'yo. Kahit hindi ka nakikinig sa mga positibo kong payo okay lang 'yun ang importante napapangatawanan mo kung ano ang naging desisyon mo. 'Wag mo akong tingalain dahil nakaapak pa rin akong nakatuntong sa lupa; hanggang ngayon tulad ng dati. Ang angas ay inilalabas lamang sa panahon ng kagipitan. Gusto kong bumalik sa pagkabata na kasama kita hawak mo ang alak na lapad habang ako ay sumusuka.
    18. Kinilabutan at kinilig ako ng sabihan mo ako ng: "Idol mo Ako!" Hindi sa ayaw kong ako'y hangaan pero mas natatakot ako sa responsibilidad na nakakabit dito, paano kung hindi ko magampanan ang inaasahan mo? Kidding aside, okay ka sa akin mula noon hanggang ngayon; isa't kalahating dekada na tayong magkaibigan pero ganun ka pa rin LOW PROFILE. May talento ka ayaw mo lang lubos na ipakita at ipagmalaki at 'yun ang kinabibiliban ko sa'yo. Pre, ngayong ilang kwarto na ang layo mo sa akin, naaalala ko ang masasayang sandali nating tayo'y "nagniniig". Sana ay muli itong maulit.
    19. Minahal kita hindi lang dahil maganda ka, minahal kita hindi rin dahil mayaman ka, minahal kita lalong hindi dahil mahinhin ka minahal kita sa taglay mong pambihira. Sa maniwala ka't sa hindi mahal kita. Walang pangako, walang palabok. Hindi kita kayang mahalin ng forever dahil habang sinusulat ko ito hindi pa ako imortal pero kaya kitang mahalin hanggang sa makakaya ko. Kung minahal kita noon higit pa ang pagmamahal na nararamdaman ko sa'yo ngayon; madalas mang may magulo akong pag-iisip, may weird na pag-uugali at may paranoid na kadiwaan mas nananaig pa rin ang pagmamahal kong singtibay ng bato at singtatag ng isang bloke ng semento. Isa kang ordinaryong babae na may pambihirang kakayahang magpa-ibig ng isang lalake sa walang kaeffort-effort na paraan. Hindi ako santo na sa tingin ng mga tao'y mabait ngunit hindi rin naman ako demonyo na pumapaslang sa ngalan ng pag-ibig, isa akong mortal na tao na pagsusumikapang mahalin ka hanggang sa huling hibla ng aking hininga, hangga't nariyan ka.

      Paano maging Imortal?

      $
      0
      0



      Habang sinusulat ko ito ay hindi pa nadidiskubre ang fountain of youth o anumang bagay na makakapagpalawig ng husto ng buhay ng tao. Mayroon akong Gerontophobia at katulad ng marami, nais ko ring mamuhay na taglay ang kutis at balat na hindi nakaluyloy, walang pileges ang noo, hindi paika-ika ang lakad, walang makapal na antipara at may alistong kilos na pisikal at pag-uutak. Alam kong malayo ito sa katotohanan at malabong mangyari at maganap sa hinahaharap tulad nang pagkalabo ng tubig na nasa masukal na kanal dahil lahat tayo ay nakatakdang humina at tumanda. Gusto kong isipin na ang katandaan ay parusa ng langit sa lahat ng kasalanang ating nagawa noon ating kabataan.

      Gusto kong maging imortal (hindi imoral) hindi dahil takot ako sa kamatayan kundi dahil gusto kong malasap pa ang sarap ng buhay. Sa average life pan ng tao na 70-75 years old naiiklian ako dun, gusto kong mamuhay ng higit sa isang-daan taon pero hindi uugod-ugod; sa ganoong edad sana’y hindi pa lipas ang aking pagiging matikas, hindi pa laos at paos at hindi pa tinatalo ng antok ang libog. Ngunit paano ba maging imortal? May paraan ba para maging tayo’y mamuhay nang pagkatagal-tagal kung hindi man imortal?

      Ito ang ilan sa mga tip na aking nakalap para tayong lahat ay maging "Imortal".

      1. Kailangang makita mo ang iyong crush sa loob ng isang araw. May nabasa ako sa internet; sabi daw sa Reader’s Digest sa tuwing makikita mo ang crush mo ay nai-extend ang ating buhay ng apat na oras; alam naman natin hindi ito totoo pero for the sake of humor paniwalaan natin ito. Halimbawang consistent natin itong ginawa sa loob ng isang taon; nadagdagan ang buhay natin ng 60 days. Heto ang formula: 4 hours@365 days = 1,460 hours divided by 24 = 60.833 days. Kung may katotohanan ito, marami-raming araw/taon ding karagdagan sa buhay natin ‘yan.
      2. Huwag Magsigarilyo.  Hangga’t may panahon itigil ang paninigarilyo dahil ang hindi raw paninigarilyo ay nakapagdadagdag ng ating buhay ng humigit kumulang sampung taon! Kung ang average life span ay  70 years old magiging 80 years old na ito dahil hindi ka naninigarilyo. Dito galing ang source. CLICK.
      3. MAGKONTROL sa pag-inom ng anumang uri ng alak. Ang mga taong talamak sa pag-inom ng alak ay bawas ang haba ng buhay ng higit sa labing-limang taon at kung minsan ay aabot pa ito sa dalawampu depende sa pagka-adik. Ngunit ang pag-inom naman nang katamtaman ay nakakatulong daw sa ating kalusugan. Kung nais mong mabuhay ng mas matagal dapat hinay-hinay lang sa paglaklak dahil imbes na 70 years old ang itagal mo sa earth baka hindi ka pa umabot ng limampu. May karagdagang impormasyon dito:  CLICK.
      4. Magkaroon ng regular na exercise nang at least 150 minutes every week. (+7.2 years). CLICK. 
      5. Limang paraan pa para magdagdag ng 22 years sa buhay mo:  
        • Kung alukin ka ng “soup o salad”? Salad ang piliin mo. (+2 years)
        • Ang labis na tabang nasa katawan mo ngayon ay maaring kumitil ng buhay mo bukas (+3 years) 
        • Ngumuya at kumain ng nuts (walnuts, almonds, peanuts, etc.) limang beses isang linggo (+3 years)
        • Magkaroon ng marami at matinong kaibigan (+ 7 ½ years) 
        • “May buhay pa pagkatapos ng Retirement” – mentalidad na dapat isaisip makalipas mag-retire (+7 ½ years)  
      • Ni-research ko 'yan dito. CLICK. 
    • Maging vegetarian. Ang pagkain daw ng literal na karne ay risk sa iba’t ibang sakit samantalang ang pagiging vegetarian (isama na natin ang prutas) naman ay nakakapagdagdag ng halos sampung taon sa iyong buhay! Ang dami nun. Basahin mo ito:  CLICK.
    • Ilan pang simple at di-simpleng tips/pag-aaral na makakapagdagdag taon di-umano sa ating buhay.
        • Matulog ng sapat lang (six to eight hours). 
        • Humalakhak at tumawa. 
        • Watch your weight. 
        • Have lots of children. 
        • Mag-aral mag-piano. 
        • Maging optimistic. 
        • Mag-develop ng espesyal na relasyon/closeness sa iyong ina. 
        • Patuloy na mag-aral. 
        • Be health conscious take regular physical check-up. 
        • Enjoy Chocolate. 
        • Mag-tsaa imbes na kape o cola. 
        • Mag-relax. 
        • Huwag dalhin ang trabaho sa bahay (lalo kung embalsmador ka). 
      Walang sinabi kung ilang taon ang maidadgag kung lahat ito ay magagawa mo pero paniguradong makakatulong ito sa pagnanais mong maging "imortal". May dagdag pang kaalaman dito: CLICK.  
      8. Mag-alaga ng hayop; i.e. aso, pusa, isda, etc.- Nakakabawas daw ng depresyon ang pag-aalaga ng hayop; nakakapag-reduce din daw ito  ng blood pressure. (+2 years) may tatlo akong aso sa ngayon ibig sabihin may anim na taong karagdagang buhay. :-)
      9. Alam niyo ba na ang magtrabaho daw sa isang maganda, kontento at komportableng workplace lalo na ang kwartong may magandang tanawin ay nakakapagdadag din ng buhay? Mahirap nga naman magrabaho kung nakakairita sa mata ang iyong palaging nakikita. (+2 years)
      10. Make your marriage work. ‘Pag tunay na pagmamahal ang nananahan sa puso ninyong mag-asawa ma-a-outlive mo daw ang mga taong divorced, widowed o unmarried. Ayon sa pag-aaral, mayroon din daw kapasidad na mag-survive sa cases ang happily married couple. (+7 years)  
      Ang detalye at impormasyon sa 8-10 ay galing dito. CLICK. 
      11. Ito ang pinakapaborito ko: MASAGANANG SEX LIFE. At least 100 good sex encounter per year can increase life expectancy by 3 to 8 years. Akalain mo ‘yun nag-eenjoy ka na sa sex may benepisyo ka pang makukuha! HUWAG mo lang gagawin ito sa asawa ng iba dahil imbes na humaba ang buhay mo tiyak na mapapadali ito. Basahin mo ito. CLICK. 
      12. Ang pinakahuli ngunit PINAKA-importante. Find GOD. Have Faith. Scientist na ang nagsabi na ang mga aktibo sa religious service & activities at least once a week ay 35% na higit ang haba ng buhay sa kulang sa paniniwala at pagmamahal sa Diyos. (+7 years) Maniwala ka dito. CLICK. 

      Kung susumahin at gagawin mo ang lahat ng mga nasa itaas; hindi ka man maging literal na imortal kahit papaano ay madadagan ang haba ng iyong buhay. Ngunit sa dinami-dami ng dapat nating gawin at sundin malamang hindi mo na rin ma-enjoy ang saya at sarap ng buhay at katulad ng ating buhay ang marami sa mga nasa itaas ay hindi simple dahil nangangailangan ito ng matinding disiplina sa utak, emosyon at katawan.

      Hindi naman natin kailangang mabuhay ng pagkatagal-tagal kung nabubuhay ka lang para sa sarili mong kasiyahan. Hindi natin kailangan ng mahabang buhay kung nabubuhay ka na puno  ng galit at paghihimagsik at hinanakit ang puso mo. Ayos na siguro ‘yung nabuhay ka ng hindi gaanong mahaba per ito’y payapa at puno ng pagmamahal sa kapwa. Kung nagawa natin ‘yun higit na kapayapaan at pangarap na imortalidad ang maghihintay sa atin sa kabilang buhay.
       

      Ligaw na Bala

      $
      0
      0


      Gabi ng Disyembre 31. Nabalot ng lungkot ang dapat sana'y masayang pagsalubong at pagdiriwang ng Bagong Taon nang magmula sa kalangitan ay may balang ligaw na sumapul at kumitil sa inosenteng anghel na si Stephanie Nicole Ella. Sa isang isang iglap ay may ninakawan at pinagkaitan ng pag-asa, ng pangarap, ng kinabukasan at ng buhay...ng isang walang puso, hindi kilala at walang mukhang salarin.

      Habang may isang demonyong nakangisi at nagsasaya dulot ng kanyang walang pakundangang pagpapaputok ng baril, may isa namang pamilya na ngayo'y dumaranas ng matinding kadalamhatian. Tumatangis at nagtatanong sa langit.
      Habang may isang tarantadong humihiram ng huwad na kasiyahan sa tunog ng kanyang palalong baril, isang palahaw ng iyak ang umalingawngaw mula sa amang nagugulimihanan sa sinapit ng kanyang anak. Humahagulgol at nagtatanong ng "Bakit?"
      Habang may isang mayabang na nakatindig sa kanyang kagaguhan at kairesponsablehan, may isa namang batang humandusay at kinitilan ng pag-asang mabuhay. Na ngayo'y kumakatok sa pintuan ng Langit.

      Paano natin makuhang magsaya gayong alam nating anumang sandali ay mahahagip tayo at sinuman sa ating mga anak ng ligaw na bala?
      Paano magsasaya at magdiriwang ang pamilya ng biktima na naiwan kung sa umpisa pa lang ng taon ay isang malagim na trahedya ang sa kanila'y sumalubong?
      Paano naatim ng ibang taong magpaputok ng kanilang baril gayong alam nilang maaari itong kumitil ng buhay at pangarap?
      Sa papaanong paraan sila nakakakuha ng kaligayahan kung ang umalagwang mga bala ay tutugis sa mga inosenteng nais lamang ay sumaya at magmasid?

      Taon-taon. Paulit-ulit ang panawagan na huwag magpapaputok ng baril sa selebrasyon at pagsalubong ng bagong taon. Ano ba ang mapapala natin dito? Hindi hamak na mas malakas pa ang putok ng isang 5 star kaysa sa putok ng 9mm o kalibre 45 pero sadyang hindi maawat ang ubod ng yabang na may tangan ng baril. Hindi ko makuha ang lohika at dahilan sa likod ng walang habas na pagpapaputok ng baril sa tuwing bagong taon sa kabila nang pagkakaalam nila na posibleng may madisgrasya sa ganitong kairesponsablehan. Tangina. Kayabangan lang ba ang iyong dahilan para gawin mo ito? Ngayong nagawa mo na ito, nalubos ba ang kasayahan mo? Sagad ba sa tuwa ang naramdaman mo nang sumahimpapawid ang mga punglong iyong inutusang lumipad? Hintayin mo ang ganti at galit ng Langit.

      Sana sa susunod na taon ikaw na mismo ang tamaan ng sarili mong punglo, itutok at iputok mo ito sa iyong sentido, hindi ito maligaw at tumagos sa iyong katawang may sanib ng kahambugan at nang maramdaman mo ang sakit, hapdi at init na unti-unting bumabaon sa iyong walang silbing kalamnan. Walang puwang ang tulad mo sa mundong naghahanap ng katiwasayan at kapayapaan.
      Natupad na ang gusto mong magpaputok ng baril, nabawasan pa ang isang taong tulad mo na halang ang kaluluwa.

      Hindi sapat ang salitang IRESPONSABLE para iuri ang mga ganitong tao. Sila'y mga pusakal na kriminal na walang awa at walang kaluluwa na walang iniisip kundi ang sariling pagkasiya. Alam ba nila na sila'y nagnakaw na ng buhay? Hindi, dahil wala silang pakialam. Hindi ba sila naaawa sa pamilyang iiwanan ng inosenteng kanilang mabibiktima? Hindi, dahil inosente rin ang tingin nila sa kanilang mga sarili.

      Sana habang itinututok at ipinuputok nila ang kanilang baril sa langit, isipin nilang baka matamaan at mahagip ng bala nila ang kanilang mga anak o mahal sa buhay. Sana maisip nila na sa bawat balang kanilang pinakakawalan katumbas din ito ng isang buhay na kanilang uutangin. Kung may natitira ka pang konsensya at bait sa iyong katawan sana ay sumuko ka  na upang mapagsisihan at mabigyang katarungan ang isang imortal na kasalanan.
      Sana hindi lang ito isang sensesyonal at kontrobersyal na balita na pinagpiyestahan at sinakyan ng mga pulitiko at media.
      Sana ito na ang huling balitang may tinamaan ng ligaw na bala na may kaugnayan sa pagdiriwang ng isang masayang bagong taon.

      Hayop at Metapora

      $
      0
      0



      Isa akong ibong tinatangay at inililipad ng pangarap
      Ikakampay ang bagwis kung saan ito magaganap.
      Isa akong isdang 'di kayang lunurin ng suliranin
      Anumang mithiin ay pagsusumikapang languyin at sisirin.

      Isa akong tandang na matapang na haharap sa maangas na kalaban
      Ibabaon at itatarak ang taring matalas sa magtatangkang humarang.
      Isa akong inahing 'di mapapagod na kakahig para sa aking mga alaga
      Maagang pupungas at puputak upang humanap ng makakain at matutuka.

      Isa akong buwayang tahimik ngunit puspos na mapanganib
      May kakayahang mabuhay mapadpad man sa lupa o sa tubig.
      Isa akong hunyango na may huwad na balat at kulay
      Ako'y magbabalat-kayo anumang sandali para lang mabuhay.

      Ako'y isang pagong na mabagal at maingat kung kumilos
      Magalang na iyuyukod ang ulo sa lahat ng karespe-respeto.
      Ako'y isang tarsier na 'di kaibig-ibig sa iyong mata
      Gigisingin ko ang bawat gabi habang pinupuyat ko ang umaga.

      Ako'y isang kabayong paulit-ulit na tatakbo para makamit ang panalo
      Walang sawang lalahok sa kompetisyon hanggang mabaldado.
      Ako'y isang ulupong na gagapangin ang bawat pagkakataon
      Tutuklawin at lilingkisin ang sinumang maghahamon.

      Ako'y asong-gala na lalaboy upang humagilap ng makakain
      Kakaholan at aambahan ng pangil ang aagaw sa'king adhikain.
      Ako'y pusang-kalyeng maliksing gagalaw at kikilos
      Lalamunin at lulununin ang tinik ng aking bawat pagsubok.

      Isa akong daga na may angking talino at bilis
      Iiwasan ang kaguluhan ngunit lumalaban kung tinutugis.
      Isa akong elepante na 'di kayang igupo ng problemang dumarating
      Ipakikita kong ako'y dambuhalang makakamit ang bawat na mithiin.

      Isa akong tigreng taglay ang matalim at matulis na mga pangil
      Ito'y aking babala sa may pagnanais na pumigil at sumikil.
      Isa akong matapang na leon na diyos ng sarili kong kagubatan
      Handang lapain ang magtatangkang sumakop sa aking kaharian.

      Isa akong langgam na magsisikap at mag-iipon sa tuwing may araw
      Upang may maihain at makain kung sasapit ang panahon na maulan.
      Isa akong magandang paruparo na may pakpak na makukulay
      Sisimsim sa mabangong nektar ng bulaklak upang mabuhay.

      Ako'y isang hayop na may makataong pag-aasal
      Marunong mangarap, marunong gumalang, marunong magdasal.
      Isa akong taong taglay ang karakter ng isang hayop
      Marunong magsikap, marunong lumaban, 'wag lang maghirap at magdahop.

      Incest

      $
      0
      0
      Hindi ko naman itinatanggi na naging prosti ako.
      Marami ang nagpakasasa at nagpakasawa sa aking katawan mga iba't ibang lahi pa nga; Kastila, Amerikano, Hapon at iba pa. Hindi ko sila lubos na natanggihan at kung tatanggi man ako'y hindi rin sapat ang aking paghindi. Anong magagawa ko eh mahina lang ako? Isang kayan-kayanan at api-apihan. Hindi naman ako likas na malandi pero sa katagalan nang paggamit nila sa akin nakasanayan ko na rin, kailangan eh. Marami ang umaasa sa akin at dapat lang akong kumayod ng husto. Kaya't kahit hindi na kaya ng katawan ko pinipilit ko pa rin mapunan lang ang pangangailangan ng marami kong anak.
      Mahirap talaga ang maging mahirap mistula kang alipin ng mga may salapi at makapangyarihan. Walang boses ang bawat sasabihin, walang nakikinig sa bawat hinaing, walang lakas ang bawat pagtutol.

      Tanggap ko na ang kapalaran kong ito at kahit na anong gawin ko'y hindi na rin maibabalik pa ang nakalipas at nakaraan. At kung maibabalik man ito may kakayahan ba ako na ito'y baguhin?
      Tanggap ko na, na ganito ang naging kapalaran ng aking buhay.
      Tanggap ko na, na madrama at malungkot ang aking kasaysayan.
      Ngunit ang hindi ko lubusang matanggap ay ang patuloy na pangyuyurak at panghahalay sa akin ng mismong mga anak ko! Hanggang kasalukuyan.

      Batid nilang higit kong kailangan ang pag-aaruga at pagkalinga dahil sa kalunos-lunos kong kalagayan pero mga wala silang pakialam. Medyo may katandaan na ako't gusto ko na ring magpahinga at maranasang may nagmamalasakit at nag-aalaga sa akin. Ngunit sa halip ay hindi pa rin sila tumitigil sa pagluray sa aking kapurian. Parang mga demonyong humahalay sa aking kalamnan. Mga hayok na nilulustay ang natitira ko pang kaunting kayamanan.

      Awang-awa na ko sa aking sarili.
      Tingin ko'y sobra na 'kong namaltrato at naabuso. Nais kong sumigaw at iiyak ang poot na namamahay sa aking puso. Ngunit gusto ko ring kamuhian ang aking sarili dahil sa hindi yatang magandang pagpapalaki ko sa kanila. Ako ba ang dahilan kung bakit naging ganyan sila kasama? Kung ganoon nga isa pala akong walang kwentang Ina!

      Ginawa ko naman ang lahat ng alam ko upang maging mabuting Ina sa kanila at sila nama'y maging mabuting mga anak sa akin, tinuruan sila kung papaano maging responsableng mamamayan at maging mapagkalinga sa kanyang mga kapatid pero ako'y nabigo. Nagpakaputa ako upang matustusan lang ang kanilang pangangailangan halos pati kaluluwa ko'y ibinigay ko na sa mga oportunistang naghahangad sa akin noon, noong ako'y sariwa at higit na maganda kaysa ngayon. Sinikap ko ring makaipon para sa magandang kinabukasan ng aking ibang mga anak pero kahit na hindi ganoon karami ang mga suwail at walanghiya kong mga anak sila pa rin ang nananaig at nangingibabaw parati. Sila kasi ang mas malakas at mas makapangyarihan kumpara sa nakararaming mahihina na mapagkakatiwalaan at responsable pero tahimik lang at tila walang pakialam.

      Pero hindi lahat ng anak ko'y puro sakit ng ulo at kademonyohan ang nasa pag-uutak marami sa kanila ang talagang may pagmamahal at pagmamalasakit sa akin. Handang ibuwis ang kanilang buhay makalaya lang ako sa pagiging alipin at puta. May pagmamahal na kahit dumanak ng dugo ay hindi alintana at nababahala maipagtanggol lang ako sa mga putanginang dayuhang humahalay sa akin. Kahit alam nilang walang panalo ang kanilang mga tabak laban sa malalakas na armas sila'y hindi nagpadaig at natakot. 'Yung isa ngang anak ko bolpen lang ang sandata pero parang kanyon sa lakas ang naging pagsabog. Sa kasamaang palad ang lahat ng mga anak kong ito'y maagang binawian ng buhay. Kung sino pa ang matino 'yun pa ang maagang namatay. Sayang.
      Siguro kung nabuhay sila ng matagal-tagal iba ang naging kapalaran ko ngayon. Hindi sana ako nasadlak sa ganitong kahirapan. Hindi sana ako ikinahihiya ng ibang anak ko. Hindi tulad ng isa kong anak na sa pagnanais na mapanatili ang bansag na bayani kinamatayan na ang pagtatakip sa totoong kasaysayan.

      Kay sarap balikan ang alaala ng aking mga anak na tunay na nagmahal sa akin literal nilang inialay ang kanilang buhay sa pagnanais na maitakas ako sa kamay ng mga dayuhang nanamantala sa akin. Mayroon akong isang anak na namumukod-tangi ang tapang at may ibinulong siya sa akin noon na hanggang ngayon ay tumatak sa puso't isip ko. Wala na raw hihigit pa sa pagkadalisay at pagkadakila ng pag-ibig niya sa akin! Napakaganda ng sinabi niyang iyon masarap sa tainga at lubos talaga itong nagpataba ng aking puso. Kaya ganoon na lang ang lungkot at hinagpis ko nang mabalitaan kong pinaslang siya ng kanya mismong mga kapatid!

      Sa sunod-sunod na pagkasawi ng magigiting kong mga anak akala ko'y lubusan na akong mamahalin ng mga naiwang iba pa dahil sa habiling pangaral at magandang aral sa kanila. At muli akong nagkamali. Nakalulungkot isipin na marami na ang hindi ganap na dumadalisay at dumadakila sa akin mayroon siyempreng mangilan-ngilan na nagmamalasakit pero ang iba'y unti-unti na ring nilalalamon ng bulok na sistema at nagiging gahaman na rin kalaunan hanggang sa mawalan na rin ng pagmamalasakit. Ang iba naman'y nagpasyang mang-ibang bansa hindi lang dahil sa pagnanasang kumita ng mas malaki kundi dahil sa kagustuhang magpakalayo-layo at tuluyan nang ikinahihiya ang pangalan kong nakakabit sa kanila. Nasaan na ang sinasabi nilang pagmamahal? Nasaan na ang dalisay na Pag-ibig?

      'Di ko maintindihan kung bakit sa tuwing nasa ibang bansa ang mga anak kong ito'y napakabubuti, masisipag at walang reklamong sumusunod sa mga batas na doo'y umiiral na halos wala namang ipinagkaiba sa mga batas natin dito. Pero pagdating dito hirap na hirap sumunod sa itinakdang batas na kahit simpleng pagtawid sa tamang tawiran ay hindi ginagawa 'yun na kasi ang nakagisnan at nakasanayan kaya hayun halos lahat na sila pasaway. Mabait kasi akong Ina, kung noon pa man ay pinagsabihan at pinaalalahanan ko na sila sa mga bawal nilang gawain siguro ngayon lahat sila ay matitino at may disiplina. Eh ngayon matitigas na ang mga ulo, maraming tarantado at ayaw nang nasasabihan sa mga pagkakamali nila. Kaunting puna lang sobrang pikon na pero kung sila naman ang mamumuna napakagagaling at hindi lang mga walang pinag-aralan ang may ganitong ugali kahit nga mga edukado pa. Magulo na nga yata talaga ang mundo.

      Tulad ng mga anak kong mga "edukado at mararangal" na may magugulong pag-uutak. Hindi ko alam kung bakit sino pa ang anak kong may magandang edukasyon o may mataas na karangalan sila pa ang halinhinang nagmamaltrato sa akin. At paulit-ulit pa. Mga may dignidad kung ituring pero palihim na ang kanilang Ina'y ginagawan ng kawalanghiyaan. Ang kakapal ng mukha! Silang mga abogado, heneral, ekonomista, elitista, makamasa, militar, artista, propesor at iba pang propesyonal raw pero halos pare-pareho lang ang uri. Kay yayabang at taas-noong sasabihing taos ang pag-ibig para sa akin ngunit hinahalay naman ako sa tuwing nagkakaroon ng pagkakataon.

      Ang ibang mga anak ko naman na hindi nakapagtapos ng pag-aaral na nasa akin pang poder ay 'di nga nakikisawsaw sa panghahalay pero kinukupitan ang kani-kanilang ate at kuya o umaasa sa mga padala ng mga nasa abroad. Sila-sila ang nag-oonsehan. Gusto ko mang ikahiya na sila'y aking mga anak ay 'di ko magawa bagkus umiisip pa rin ako ng paraan upang magkasundo-sundo lahat sila. Oo lahat sila. Pero alam kong imposible itong mangyari ngayon.

      Kung maari lang sigurong pumili ng magiging anak baka magdalawang-isip ako kung sila pa rin ang pipiliin ko. Pasensya na. Ganun na talaga kasama ang loob ko ngayon. Napakaraming pagkakataon ang ibinigay ko sa kanila para magbago pero lahat iyon ay nasayang lang. Habang nakikita nila akong may sugat at gumagapang sa hirap hindi man lang ako alalayan o alagaan mayroon pa ngang kumukulimbat sa kakaunting pera ko na dapat sana'y pambili ko ng aking medisina. Ang iba namang naaawa sa akin ay wala namang aksyong ginagawa. 'Wag na kayong magtaka kung isang araw ay bigla na lang akong mabaliw o atakehin sa puso sa sobrang depresyon at sama ng loob.

      Dumating din naman sa punto na akala ko'y tuluyan nang magkakaisa ang mga anak ko nang minsa'y silang magtipon-tipon at madramang naghawak-kamay at winawagayway ang dilaw na laso na simbolo raw ng pagkakaisa nila pero muli akong nagkamali. Naging daan lang pala ito upang muli akong abusuhin! At hindi lang 'yun dumami pa silang nagpakasasa sa katawan ko. Kaliwa't kanan ang kahalayan at kababuyan. Halos wala ring pinag-iba noong halayin ako ng mga lintek na mga dayuhang humimod sa katawan ko. Simula noon ipinagpasa-Diyos ko na lang ang kapalaran ko sa kamay ng mga anak ko.

      Sa positibong banda marami akong anak na madiskarte at maabilidad na kayang mag-adjust at mamuhay sa kahit saang lupalop ng mundo; sa disyerto, sa malamig na snow, sa bansang komunismo, sa bansang diktaturya, kahit sa bansang may digmaan naroroon sila, nagtatrabaho at nagtitiis. Ang mga dolyares na pinapadala nila ay malaking tulong sa akin dito ko kinukuha ang mga biglaan kong pangangailangan at 'yung iba pambawas sa mga utang siyempre 'yung iba kinukupit (hindi na yata maiiwasan 'yun). Hindi naman kami mayaman pero balita ko ipapautang ng anak ko ang kaunting naipon kong dolyares.

      Siguro kung napangalagaan lang ng husto ang kayamanan ko hindi na kinakailangang mag-abroad ng marami kong anak. Hindi na sila nagpapaalipin sa Hongkong, Saudi, Canada, Amerika, Europa at iba pa. Dito sana sila nagtatrabaho kasama ako at ang kani-kanilang pamilya. Pero wala akong magawa waldas at barubal ang mga anak kong may hawak ng aming budget kaya hayun! Iba ang naapektuhan.

      Ang ikinababahala at ikinakakaba ko ngayon ay ang aksyong gagawin ng isa kong anak sa pambu-bully ng isa kong kapitbahay. Balak kasing kunin ng kapitbahay kong ito ang aking nasasakupan, gagong iyon porke't alam na mahirap at mahina lang kami kinakayan-kayanan ako! Bumabalik tuloy sa aking alaala ang hindi magandang nangyari sa akin dati nang sinalbahe ako ng mga dayuhan. Marami ang nasawi noon at pinapanalangin kong 'wag naman sana 'yung maulit.
      Saka akin naman talaga ang lupang iyon eh! Kahit sino pang itanong na ibang kapitbahay ko lahat sila'y magsasabing akin 'yun. Ninanakaw na nga ng mga anak ko 'yung kaunting kayamanan ko pati ba naman itong letseng kapitbahay ko balak din akong nakawan. Ayoko namang mang-away o awayin sila dahil sigurado wala akong laban du'n lampa kasi ako. Hangga't maari gusto kong matapos at maresolba ito sa isang matino at payapang pag-uusap. Isa pa baka mapahamak lang ang mga anak ko. Ayokong isiping makabubuti na ipamigay ko na lang ang lupaing iyon para sa ikabubuti ng marami kahit na alam kong wala ring mangyayari kung ipapamahala ko 'yun sa anak ko. Sayang na lamang ang ipinaglaban ng mga namatay kong anak kung basta na lang itong ipamigay sa mga naghahari-harian.

      Minsan nagtataka ako kasi matataas naman ang pinag-aralan ng marami kong mga anak na napagtapos ko sa aking pagpuputa pero ewan ko ba kung bakit hindi ginagamit ang pinag-aralan sa tamang paraan. Mabuti pa ang mga anak ko sa labas na may dugong banyaga paminsan-minsan ay nagbibigay sa'kin ng kasiyahan at karangalan pang world class ang ipinapakitang talento; mahuhusay sa kantahan, sa larangan ng sining, sa moda at maraming pang iba. Ang iba namang mga kapatid niya sinasakyan ang bawat karangalan na nakakamit ng mga anak kong ito samantalang ang iba namang mga insecure kong anak pilit na sinisiraan at hinahanapan ng kapintasahan ang kanilang half-brother o half-sister kahit wala naman itong ginagawang masama sa kanila.

      Sadyang noon pa yata ay naghihilahan na ang aking mga anak. Batuhan ng batuhan ng mga putik sa halip na linisin nila ang sarili nila. Hindi pa nakontento at pati ako na sarili nilang ina'y hindi mapakali na gawan ako ng kahalayan! Nakakahiya. Kung sukang-suka ako sa mga dayuhang nagpakasasa sa aking katawan sa tuwing ito'y aking naalala parang higit pa roon ang pagkasuklam na nadarama ko sa kanila dahil dugo sa dugo at laman sa laman ang kanilang nilalapastangan. Pero wala akong magawa.
      Iniluluha ko na lang ang bawat hinanakit ko sa buhay. Ang sama-sama na nga ng nakaraan ko pati ba naman ang buhay ko sa kasalukuyan ay ganoon pa rin?
      Hanggang kailan ba ako magtitiis? Kailan ko ba mararanasan ang kaginhawaan? Kailan ba ako maituturing at maigagalang na ina?

      Kung ang tawag sa panghahalay at pang-aabuso ng mga anak sa isang Inang tulad ko ay Incest isa pala itong karumal-dumal na krimen na araw-araw kong nararanasan. Krimen na dapat sanang mabigyan ng hustisya't katarungan pero kanino ako lalapit at dudulog? Sino ang aking lalapitan?
      'Di bale na. Ayaw ko rin naman silang mapahamak mas gugustuhin kong sila'y magbago at magbalik-loob na lang sila sa'kin kaysa mapiit sila sa bilangguan. Saka hindi pa naman siguro huli ang lahat...may pag-asa pa alam ko. Sabi nga sa isang kasabihan habang may buhay pag-asa pero sana hindi lang laging pag-asa ang tangi kong maging sandigan at sandalan.


      Hanggang dito na lang. Maraming salamat sa pakikinig sa mga litanya ko. Pasensya ka na rin at napahaba itong aking mga sintimyento. Hindi naman ako humihingi ng payo gusto ko lang mapakinggan mo ang mga hinaing ko sa buhay wala naman kasi akong ibang mapagsasabihan. Alam ko masyado na naman akong naging madrama kaya ayan tuloy 'di ko napansin ang oras at nakalimutan ko na marami pa pala akong gagawin.Aalis na muna ko ha? Magpapakain pa kasi ako ng mga alaga kong baboy.

      Hindi ko na siguro kailangang magpakilala pa sa'yo dahil sigurado naman akong kilala mo na ako mula ulo hanggang paa. Minsan mo na ring nabasa ang aking mga drama at daing heto na naman ako muling dumadrama, muling umeeksena. Sana hindi lang pakikinig ang kaya mong gawin sana umaksyon ka rin. Sana hindi ka isa sa mga anak kong ikinahihiya ang pangalan ko pero kung ganoon ka man bukas-palad pa rin kitang tatanggapin. Sana hindi ka isa sa mga anak kong gumagawa ng kahalayan sa akin pero kung ganoon ka man gusto kong sabihin sa'yong mahal ko pa rin kayong lahat at hindi ko pa rin kayo itinatatuwa sa kabila ng lahat ng 'yan.
      Ako pa rin ang inyong Ina.
      Ako pa rin ang Ina ninyong hindi mauubusan ng kuwento. Ina ninyong mareklamo at madaing pero mapagmahal. Ina ninyong martir at mapagbigay. Inang malaya raw pero mistulang inaalila at inaalipin.
      Siguro alam mo na kung sino ako at kung hindi mo pa rin ako kilala siguro mas nakakaawa ang kalagayan mo kaysa sa'kin. Makabubuting tulungan at kilalanin mo munang maigi ang sarili mo bago mo ako tulungan.


      The Eraserheads Chronicle 3/4

      $
      0
      0



      Sa taglay na kasikatan ng banda hindi lang sa bansang Pinas kabilang na rin ang karatig bansa sa Asya naglabas sila ng album target ang kanilang fans sa Asya ang "Aloha Milkyway". 14 Tracks; siyam na remastered tracks at limang orihinal na tracks. Sa limang orihinal na tracks na narito hindi ko pinagsasawaang pakinggan ang "Scorpio Rising" ibang-iba ang kantang ito sa mga naunang komposisyon ng grupo bihira din nila kantahin ito sa kanilang mga gig ewan ko kung bakit. Kahit nga sa kanilang dalawang Reunion Concert ay hindi nila ito isinama. Sa lupit ng guitar at drum solo ng kantang ito mapagkakamalan mong isang foreign band ang tumutugtog nito.

      Sa ilang taon lang na pagtugtog ng grupo hindi na mabilang ang kanilang mga achievements, awards, naitalang record at ang pinakaimportante ang buhay na kanilang pinasaya; oo nga't musika lang ang inihandog nila ngunit higit pa rito ang ibinigay nila sa kanilang tagahanga. Hindi biro ang gumawa ng kanta na magugustuhan at mamahalin ng masa, para sa iba madali ang gumawa ng kanta ngunit ito ba'y tatanggapin ng mapanuri at mapanghusgang lipunan? At lahat ito'y nalagpasan ng grupo dumaan din sila sa hindi magandang simula tulad ko at ng maraming tao; hinusgahan, hinamak at minaliit ang kakayahan ngunit hindi sumuko at lalong nagpursigi na makamit ang pangarap.

      Napatunayan din nila na hindi mo kailangan ng napakaganda at napakataas na boses para maging matagumpay sa industriya ng musika, hindi mo kailangang maging ubod ng gwapo para magustuhan ng masa, hindi mo kailangang magsuot ng magagarang damit para tangkilikin ng tagahanga, ang kailangan mo lang ay talento at pagmamahal sa larangang iyong nagustuhan kung wala ka nito hindi ka pa sumisikat malalaos ka na.

      * * *
      Natin 99 - obviously ay inirelease ng taong 1999. Ipinakita rito na ang ibang miyembro ng Eheads ay mahusay din sa paglikha ng awitin dahil ito ang album na mas kakaunti ang nai-contribute na kanta ni Sir Ely kumpara kina Raimund, Marcus at Buddy.
      Mula sa tunog techno at electronic na album na Sticker Happy, ang Natin 99 naman ay tunog Manila Sounds - tunog 70's. Kakaiba. Tunay ngang hindi tumitigil ang Eheads sa pagpapahusay sa kanilang naibigang craft. Bumalik ang sigla at saya ng kanilang mga kanta sa pamamagitan ng album na ito.

      Wala na silang dapat patunayan pa. Mula sa pagiging bagito nila sa pagtugtog ng instrumento naging isa silang propesyonal na halos lahat ng instrumento'y kanilang sinubukan. Hindi natakot mageksperimento, hindi nagpatali sa panuntunan ng industriyang kanilang ginagalawan. Dahil sa karamihan sa mga kantang narito ay hindi composition ni Sir Ely iba ang naging dating nito sa mga tao. Ibang-iba. Hindi man kumita ng napakalaki ang album na ito hindi rin naman ito lumagapak. Ano kaya ang nasa isip ni Sir Ely ng panahong ginagawa ito? Bakit kakaunti ang contribution niya sa album na ito? Nag-uumpisa na ba siyang tabangan sa paggawa ng malulupit na mga kanta? O saan siya nagsasawa, sa pagku-compose o sa mga kasama niya sa grupo? Ewan ko, hindi ko alam. Pwede bang 'wag na lang nating pag-usapan?
      * * *
      Mayroon akong weird feeling na kapag naglabas na ng Greatest Hits Album ang isang artist malamang papunta na ito sa pagkakawatak-watak o paglamlam ng kanilang kasikatan. Nang mapakinggan at ninamnam ko ang mensahe ng kantang "Para sa Masa" parang pahiwatig na rin ito ng kanilang pamamaalam sa mga fans na karamihan ay Masa. Ang kantang ito'y katumbas ng "Handog" ni Florante na isa ring pasasalamat at farewell song. At nang inilabas ang Eraserheads: The Singles noong year 2000 nakikita ko nang papunta na sa sukdulan ang ang kanilang pagsasamahan bagamat mayroon pa silang isang album na inilabas pagkatapos nito, ang Carbon Stereoxide ng taong 2001. Maaring hindi nila alam na ito na ang kanilang huling studio album as a band pero more or less alam nilang iba ang magiging pagtanggap ng tao sa album na ito.

      Hindi maiko-compare ang Carbon Stereoxide sa kanilang mga previous album dahil malayong-malayo ito sa mga ito. Ipinakita rito ng Eheads na may iba pa silang kayang gawin bukod sa pop-rock music kung saan sila nakilala. Kung hindi ka die hard fans ng Eheads malamang hindi mo magustuhan ang ilan sa mga kantang nakapaloob dito bagamat okay naman ang Maskara at Pula parang hindi ka naman makakarelate sa ibang mga songs dito. Personally, gusto ko ito dahil sa medyo malalim at mabigat ang compositions dito pero hindi iyon ang gusto ng maraming fans kaya hindi ito gaanong nag-hit sa music charts at di rin gaanong nagclick sa masa.

      Kung tutuusin wala naman nang dapat pang patunayan pa ang grupo dahil lahat na ng gustong makamit ng sinumang artist ay nakuha na nila; awards, fame, fortune, hits, popularity, respect at sandaling panahon ng kanilang pagtugtog itinuring na silang Icon at alamat. Kung magdisband man sila wala na rin silang dapat pagsisihan pa; ang kontribusyon nila sa daigidig ng musika ay mahirap nang pantayan ninuman sa maraming kadahilanan.

      At nang magising ako ng isang umaga ng taong 2002 nakarating sa kaalaman ko na tuluyan na ngang nagdisband ang bandang Eraserheads nalungkot ako pero hindi na rin ako nagulat. Papunta naman ang lahat sa ganoon. Kung hindi ka na komportable, kung hindi ka na masaya mas mabuti ngang siguro humiwalay ka na; pero alam ko may malalim na kadahilanan kung bakit nagdesisyon si Sir Ely na iwan ang kanyang bandang naghatid sa kanya sa pagyaman at sa kasikatan. Sa katunayan sa pagkawala ng Eraserheads mas lalo kong na-appreciate ang mga kanta nila. Na hindi lilipas ang buong linggo na hindi ako makikinig ng isa sa mga album nila. Tunay ngang kahit anong gawin lahat ng bagay ay mayroong hangganan. Kaya lang alam kong may malalim na kadahilanan pa kung bakit humiwalay sa grupo si Sir Ely kung hindi ba naman bakit sa isang text message lang tatapusin ang higit sa isang dekadang kanilang pagsasamahan? At hindi lang unprofessional-ism ang dahilan nito.



      The day the music died - isa itong linya sa malupit na kantang American Pie ni Don Mclean sinulat niya ito bilang tribute sa mga namatay na miyembro ng Buddy and The Hollies sanhi ng isang plane crash. Sa ganito ko rin nais ipahayag ang aking naramdaman nang magdisband ang grupo - The day the music died. Bagamat may mangilan-ngilan pa ring gumagawa ng matitinong kanta hindi naman maitatanggi na mas malakas ang karisma ng Eraserheads kumpara sa iba. Mabuti na lang at hindi pa nadidisband ang Parokya Ni Edgar (minus Vinci) mayroon pang isang dahilan para makinig ng OPM.
       

      Ang Tunay na Pag-ibig

      $
      0
      0
      Ang Tunay na Pag-ibig.
      Marami na ang nagtangka, nagpaliwanag at nagbahagi ng kani-kanilang istorya tungkol sa tunay na pag-ibig. Marami ang nag-akala, naghanap, naghahanap at nakahanap ng tunay nilang pag-ibig ngunit paano ba natin malalaman ang tunay na pag-ibig? Paano natin malalaman kung ang iyong nararamdaman ay tunay ngang pag-ibig at hindi paghanga, pagnanasa o bugso lang ng isang kagandahan/kagwapuhan o pisikal na atraksyon lang?

      Lahat tayo ay nagmamahal at nais na mahalin, lahat tayo ay nasasaktan at may kakayahang manakit, minsan sa ating buhay lahat tayo ay nabigo ngunit minsan naman'y tayo ang dahilan ng isang pagkabigo. Bakit kahit gaano mo kamahal ang isang tao darating ang isang panahon na kayo'y hindi magkakasundo? Bakit kahit gaano mo kamahal ang isang tao ay mapahanga at mabibighani ka sa iba? Bakit minsan ay hindi sumasapat ang pag-ibig para mapanatiling walang alitan ang isang samahan? Bakit minsan kahit alam mong may pagmamahal ka may pagkakataong PARANG nabo-bored ka o nananawa ka? Hindi man mismo sa kanya o kanyang presensiya kundi sa sitwasyong parang paulit-ulit.

      Walang pagsidlan ang kasiyahan ng taong nagmamahal at minamahal; wala kang pakialam sa oras at sa mga taong nasa paligid mo dahil ang importante para sa iyo ay ang samantalahin ang pagkakataon na kayo'y magkasama. Lahat ay kaya mong suwayin, lahat ay kaya mong tiisin dahil lahat ng para sa iyo ay kaligayahan sa tuwing siya'y iyong kasama. Ang pakiramdam na parang gusto mong pigilan ang pagtakbo ng oras, parang hindi ka dalawin ng antok sa tuwing siya'y iyong kausap, parang mabubusog ka sa kahit na anong ihain sa iyong harapan at ang pananabik na siya'y muling makita kahit na ilang oras pa lang kayong nagkakawalay at kaya mong baguhin ang buo mong pagkatao para sa kanya. Ang lahat ng bagay ay puno ng pangarap, kasiyahan at kaliwanagan. Ngunit sa sandaling kayo ay subukin ng tadhana at may ulap na nang pag-aalanlingan ang iyong kaisipan dito natin malalaman, masusubukan at masusukat ang tunay na pag-ibig.
      * * *

      Sabi, kung ikaw ay nagmahal at minamahal binigyan mo raw ng karapatan ang taong ito na ikaw ay saktan. Isang kakatwa na kung sino ang labis mong mahal siya rin ay may kakayahan na labis kang saktan, kung sino ang iyong pinagkukunan ng lakas siya rin ang magiging dahilan ng iyong kahinaan, kung sino ang kasama mo sa pagbuo ng pangarap siya rin ang may kakayahang paguhuin ito anumang oras.
      Hindi ba talaga natin ito maiiwasan?
      Hindi ba sasapat ang inyong pagmamahalan para mapigilan ito?

      Madalas tayong dayain ng ating mga mata, takaw-tingin ika nga; sinasabi nating "mahal kita" pero sa tuwing may nakikita tayong mas maganda/gwapo nabibighani naman tayo dito. Ipinapangako natin ang samahang walang iwanan sa hirap o ginhawa ngunit paano kung magkasakit at mawalan ng trabaho ang iyong asawa hindi ka ba tatabangan sa inyong pagsasama? Sinasabi nating "mahal kita" pero kung matuklasan mong hindi siya pwedeng magkaanak hindi ba papasok sa isip mo ang magkaanak sa iba? Handa kang talikdan ang iyong pamilya para sa kanya pero paano kung wala na kayong makain hindi ka ba manunumbat o makakaramdam ng labis-labis na pagsisisi?
      Hanggang saan natin kayang ipaglaban ang ating pag-ibig?
      Kailangan ba nating tikman ang pagkakamali para malaman natin kung sino ang tunay nating mahal?
      * * *

      MAHAL KITA. Isang maiksing pangungusap na maaring makapagpabago nang matagal o habangbuhay sa iyong buhay. Napakadaling sabihin nito lalo't sa mga taong may kaaya-ayang atraksyong pisikal ngunit paano kung dumating ang panahong hindi na siya maganda/gwapo? O natuklasan mong marami sa ugali niya ang hindi mo gusto? O mayroon siyang madilim at nakakahiyang nakaraan? O ang mga kaanak/pamilya niya ay hindi mo makasundo ang pag-uugali? O nawalan siya ng trabaho at mistula na siyang inutil sa paningin mo at ng maraming tao? O siya'y mangalunya sa higit na mas kaakit-akit kaysa sa iyo? O magkasakit siya ng malala at isa na siyang alagain at pabigat sa iyo at sa iyong pamilya? Kaya mo pa rin bang banggitin ang salitang Mahal Kita? O magdadalawang-isip ka na dahil marami nang negatibong dahilang sagabal upang ito'y sambitin?

      Ang katagang "Mahal Kita" ay hindi parang isang gift certificate na transferable, kung magsasabi ka ng Mahal Kita siguraduhin mong pag-ibig ang iyong nadarama. Ito ay sagrado na hindi dapat basta-basta binibigkas sa kung kanino lang kung ang layunin mo lang ay paglaruan ang damdamin ng iba at masatisfy ang iyong pagnanasa. Nakakalungkot lang na patuloy itong inaabuso ng lahat ng uri ng tao; kabataan o may edad, mayaman o dukha, may pina-aralan o mangmang. 'Pag sinabing mong Mahal Kita siguraduhin mong may pagmamahal ka talagang nararamdaman dahil ang pag-ibig ay hindi natatapos sa dalawang salita na ito, habangbuhay itong commitment na iyong pangangatawanan sa kanya at sa mabubuo mong pamilya (kung kayo'y magkakatuluyan).
      * * *
      MAHAL KITA walang pero, walang subalit, walang pangako.

      Walang pero. Dahil ang pag-ibig ay hindi lumilingon sa nakaraan. Kung mahal mo ang isang tao hindi ka nanghuhusga base sa kanyang kahapon, kaya mo siyang tanggapin kung ano siya at ang kanyang pagkatao, kasama ng kanyang nakaraan at lahat ng kanyang kamalian. Kaya mo siyang ipaglaban sa kahit kaninong kaharap mo at ikaw ang unang-unang magtatanggol sa kanya sa oras na may mangyurak sa kanyang kapurian. Lahat ay may karapatang magbago ‘wag tayong maging mapanghusga dahil lang sa isang madilim na kahapon at maling desisyon dahil ang tunay na pag-ibig ay hindi mapanghusga at malawak ang pang-unawa.

      Walang subalit. Dahil ang pag-ibig ay hindi humahanap ng alibi. Kung mahal mo ang isang tao hindi ka dapat nagdadahilan kung nais mong sabihin ang nararamdaman mong ito kahit na ang posibleng katumbas nito'y pagkabigo o kasawian, kahit alangan ang sitwasyon mo o hindi pantay ang inyong estado at kalagayan sa buhay, kahit na tutol sa iyo ang kanyang pamilya. Sa aking pananaw, ang pagsasabi ng “Mahal Kita” ay hindi kahulugan na dapat ay gantihan ka rin ng pagmamahal sa taong sinabihan mo nito dahil ang tunay na pag-ibig ay marunong magparaya at magpakumbaba.

      Walang pangako. Dahil lahat tayo ay may kakayahan at kapasidad na basagin ang isang pangako anumang oras, anumang pagkakataon. Huwag mong ipangako ang bituin kung hindi mo kayang abutin, gawin mo lang ang obligasyon mo at mahalin siya ng taos sa puso mo tiyak maiintindihan ka ng mahal mo. Huwag mong ipangako ang kayamanan dahil baka mabigo kang ibigay ito, sapat nang magsikap ka at gawing inspirasyon ang kanyang pag-ibig sa'yo, mabigo ka man naipakita mong nagsikap ka at naging karapat-dapat ka sa kanyang pagmamahal. Hindi natin kailangang makarinig ng pangako o magbitaw ng isang pangako dahil kung tunay ang pag-ibig na inyong nararamdaman, ang inyong pagmamahalan ang inyong magiging matibay na sandigan at tiyak na kayo’y magsasama nang higit pa sa inyong inaasahan.
      * * *
      Ang pag-ibig ay, hindi usapin kung gaano kayo katagal magkakilala, o gaano kayo kalayo sa isa't isa, hindi ito ito usapin kung gaano kayo katagal muling magkikita dahil ang tunay na pag-ibig ay marunong maghintay, may pagtitiwala at marunong magtiis para sa isang magandang bukas.
      Ang pag-ibig ay hindi paghahanap ng perpektong tao para sa iyo kundi ang pagtanggap niyo sa isa’t isa ng inyong kapintasan.
      Kung ang pag-ibig mo ay magreresulta sa isang magulo at komplikadong sitwasyon na maaring makasira ng isang napakagandang samahan o pagwasak ng isang relasyon o pamilya mas makabubuting hindi na ito isiwalat dahil ang tunay na pag-ibig ay nakakaunawa at hindi makasarili. Ang kanyang kasiyahan ay kasiyahan mo na rin.

      Maaring malupit ang mundo, ang taong mahal mo ay may mahal na iba habang ikaw ay nangangarap lang na balang araw na siya ay mapasaiyo, maaring ang taong mahal mo ay basura para sa iba ngunit kayamanan kung ito'y iyong ituring na higit pa sa luha ang gusto mong i-offer sa tuwing nakikita mo siyang nasasaktan at umiiyak. Ngunit hindi lahat ng gusto natin ay mangyayari, hindi sa lahat ng panahon ay sasang-ayon sa atin ang pagkakataon na kahit anong pagpupursigi mo ay hindi pa rin papabor sa iyo ang resulta. Ngunit kailangan mong gawin ito dahil ang tunay na pag-ibig ay hindi sisira ng buhay at pamilya at ang tunay na pag-ibig ay matapang na hinaharap ang kanyang kapalaran.
      * * *

      Hanggang saan ang kaya mong ibigay para sa pag-ibig?
      Hanggang saan ang kaya mong tiisin para sa pag-ibig?
      Hanggang saan ang iyong pagpapakumbaba para sa pag-ibig?
      Ilang pagsubok ang kaya mong lampasan para sa pag-ibig?
      Ilang tukso ang kaya mong talikuran para sa pag-ibig?
      Ilang pagpapatawad ang kaya mong ipataw para sa pag-ibig?

      Ang pag-ibig ay pagtitiis ngunit hindi katumbas nito na ikaw ay magpakabayani at patuloy na mahalin ang taong iresponsable, walang pagpupursigi at walang pagsisikap upang mapaunlad ang inyong samahan at pamilya.

      Ang pag-ibig ay pagpapakumbaba ngunit hindi ibig ipakahulugan nito na ikaw ay habangbuhay na magpapa-alila at magbibigay sa lahat ng kanyang kagustuhan dahil kung tunay ang kanyang pag-ibig sa iyo dapat marunong din siyang magpakumbaba at umunawa dahil dapat ang pagmamahalan ay para sa DALAWA hindi sa isa lang.

      Ang tunay na pag-ibig ay nagpapatawad ngunit hindi ibig sabihin nito na patuloy kang magpatawad para sa paulit-ulit na kasalanan. Ang paghingi ng tawad ay may kaakibat na pagsisisi at pagtanggap sa kamaliang nagawa at pangakong hindi na ulit ito mangyayari ngunit kung ilang beses nang inulit ang parehong pagkakasala parang kalokohan na lang ang pagpapatawad. 'Wag matakot at mabahala dahil may ibang taong mas karapat-dapat sa iyong pagmamahal.

      Ang tunay na pag-ibig ay hindi sinusukat sa panahong kayo ay bata pa at maganda, hindi sa panahong kayo ay labis na masaya at masagana, hindi sa panahong pareho pang makinis ang inyong balat, hindi sa panahong masasarap pa ang inyong pagniniig sa gabi, hindi sa panahong wala ang mapanghalinang tukso at lalong hindi sa panahong wala kayong karamdaman at problema.
      Dahil ang tunay na pag-ibig hindi lang puro sarap at kasiyahan kundi kasama rito ang hirap at kalungkutan.
      Ang tunay na pag-ibig hindi nagugupo ng pagsubok, hindi pinagbabago ng panahon.

      Maaring kulang at hindi pa sapat ang pagpapaliwanag at pagkakaunawa ko sa tunay na pag-ibig ngunit katulad nang sa Karagatan, ang pag-ibig ay malawak at walang eksaktong sukat, tulad nang sa karagatan minsan ito'y maalon kung minsan naman ay kalmado, minsan kasiyahan ang dulot minsan naman ay makadarama ka ng labis na lungkot.

      Walang Nagbago

      $
      0
      0



      Uy, lumalakas na raw ang ating piso at ekonomiya at magpapautang din pala tayo ng tumataginting na isang bilyong dolyar sa IMF!
      Ayuda daw ito natin sa mga taga-Europa na ngayon ay bagsak ang ekonomiya, ano ba ang ibig sabihin nun? Mayaman na ba ang bansang Pilipinas? Nagbago na ba ang estado at kalagayan natin? Tumaas na ba ang tingin sa atin ng mga kapitbahay natin sa Asya?
      * * *
      Ang pagbabago ay nangyayari...Hindi ito maiiwasan.
      Ang mundo ay nagbabago gayundin ang ating bansa, ang bayan nating Pilipinas.
      Ayon sa kasaysayan tayo ay nakaranas ng digmaan laban sa iba't ibang mga bansa upang makamit ang inaasam na kalayaan, kasarinlan, demokrasya.

      Ngunit ang digmaan ay hindi pa natatapos.
      Ang digmaan laban sa kahirapan ay hindi pa rin nawawakasan.
      * * *

      Dagsa ang pinuno at pulitiko na magsisilbi at mamahalin ang kanyang bayan, pagbabago at reporma ang bukambibig sa oras na manungkulan.
      Subalit may pinagbago na ba? Nagbago na ba ang ekonomiya? Nagbago na ba ang buhay ng maraming Pilipino?

      Dumarami ang kotse at iba't ibang sasakyan ang nagkalat sa lansangan.
      Ang ibig bang sabihin nun na ang ekonomiya nati'y umuusbong?

      Dagsa ang traffic enforcer ng iba't ibang ahensiya at munisipalidad.
      Nawawala na ba ang tuwirang lumalabag sa batas ng trapiko?

      Lumulobo ang ating utang panloob at panlabas.
      Marapat bang sabihin na ang lahat ng perang hiniram ay napunta at napakinabangan ng masa at ng bayan?

      May mga donasyon at ipinamamahaging relief goods sa tuwing may kalamidad.
      Naipamamahagi ba ito sa tunay na biktima ng kalamidad at delubyo?

      Bilyon-bilyong piso ang nakokolekta ng BIR taon-taon.
      May kakayahan na ba tayong bayaran ang ating mga pagkakautang?

      Ang pamahalaan ay palagiang ibinibida ang paglakas ng ekonomiya.
      Nasaan na nga ba ang mga hanap-buhay para sa maraming Pilipino?

      Marami tayong OFW na kung ating bansagan ay Bagong Bayani.
      Nasaan ang respeto at proteksyon para sa mga bayaning ito?

      Umaabot sa US$15 bilyon ang remittances taon-taon ng ating bagong bayani.
      Dapat bang sabihing gumiginhawa na ang kani-kanilang buhay?

      Patuloy na dumadami ang bilang ng ating mga pulis at kawal.
      Ligtas na bang matuturing ang mga Pilipino sa kriminal na elemento ng lipunan?

      Naibalitang nadaragdagan ang bilang ng eskwelan at classroom.
      Ang mga estudyanteng pilipino ba'y maginhawa nang nakakapag-aral?

      Labis-labis na ang bilang ng ating mga nurse at nursing student.
      May sapat na bang bilang para may mag-alaga at mag-aruga ng lahat ng pasyente?

      Kahit noon pa, ang Pilipinas ay isa nang agrikultural na bansa.
      Wala bang pilipinong nakararanas ng gutom?

      Maraming proyekto ng farm to market road ang ating gobyerno.
      Ang mga magsasaka ba natin ay maginhawang naibibyahe ang kani-kanilang produkto?

      Napakarami nating edukado at matatalinong mga pinuno.
      Nasaan ang komprehensibong plano nila para sa pag-unlad ng kanilang nasasakupan?

      Hindi mabilang ang mga bus sa Kalakhang Maynila, idagdag pa natin ang pangmasang LRT at MRT.
      Makararating na ba tayo ng mabilis at maayos sa ating patutunguhan?

      Patuloy na nadagdagan ang bilang ng Flyover, tulay at footbridges.
      Hindi ba dapat nababawasan kahit papaano ang problema sa mabagal na trapiko?

      Ang edukasyon hanggang sekondarya ay libre.
      Ngunit bakit marami pa ring Pilipino ang ngayo'y mangmang?

      Daang bilyong piso ang nakokolektang buwis ng Adwana taon-taon.
      Hindi niyo ba napapansin kung sino lang ang yumayaman?

      Tayo'y malaya sa pagpapahayag ng ating saloobin at hinaing.
      Ngunit bakit maraming taga-media at aktibista ang pinapaslang o nawawala na lang?

      Ang kampanya laban sa ilegal na droga ay maigting na pinatutupad.
      Hindi ba dapat ay unti-unti na natin itong napagwawagian?

      Ang eleksyon natin ay computerized at automated.
      Ibig bang sabihin nito'y wala nang kakayahang mandaya ang bawat kandidato?

      Palagi tayong may plano sa flood control at drainage projects.
      Ngunit bakit patuloy lang na tumataas ang tubig ng baha sa tuwing tag-ulan?

      Ang magturo ng animnapung estudyante sa isang silid-aralan ay hindi madaling gawain.
      Hindi ba dapat ang ating mga guro ay may sapat na sweldo at benepisyo?

      Mayroon din tayong maigting na kampanya laban sa kidnapping.
      Nanahimik at lumambot na ba ang sindikatong nasa likod nito?

      Maraming dayuhang negosyante ang nais na mamuhunan at magnegosyo sa atin.
      Marami bang bilang ng mga pilipino ang nakikinabang at nagbebenepisyo dito?

      Ang malalaking negosyante ay patuloy na lumalago ang yaman.
      Ibig bang sabihin nito na ang buhay ng kani-kanilang empleyado ay umuunlad din?

      Napagsilbihan na tayo ng presidenteng napakahusay daw sa pagpapaunlad ng ekonomiya.
      Hindi ba dapat na umangat din ang estado at kalagayan ng tunay na mahirap na Pilipino?

      Napagsilbihan na tayo ng iba't ibang pangulong may pagmamahal sa bayan.
      Ang kanila bang pagmamahal na ito ay sumapat upang makaahon tayong lahat sa kahirapan?

      Ang bawat Kongresista ay may budget na umaabot sa pitumput-pitong milyong piso taon-taon.
      Ang kahulugan ba nito'y naibibigay ang bawat pangangailangan ng kanyang kababayan?

      Ang budget ng bawat senador ay aabot sa dalawandaang milyong piso taon-taon.
      Ibig bang sabihin nito'y napakaraming proyektong kapaki-pakinabang ang natatapos?

      Ang ating mga pinuno at pulitiko ay palaging may pangako ng mabuting pamamahala.
      Hindi ka ba naiinis at nayayamot sa paulit-ulit nilang kasinungalingan?

      Mayroon tayong bilyon-bilyong dolyares na reserba.
      Ibig bang ipakahulugan nito na yumayaman ang Pilipinas at mga Pilipino?
      * * *
      Ang lahat ay nagbago na pero tila hindi naman nagbabago ang buhay at pamumuhay ng mga Pilipino.
      Habang tayo'y nakamasid at nakatanaw sa ibang bansa sa Asya tulad ng Japan, Singapore, South Korea at iba pa.
      Habang patuloy nating hinahangaan ang pagkamasikap ng mga Hapon, ang disiplina ng Singaporean at tunay na pagmamahal ng mga Koreano sa sariling bansa, sila na umunlad at yumaman sa loob lang ng ilang dekada...heto tayo mga Pilipino, bulag na naghahagilap ng karayom sa napakalawak na dayamihan. Naghahanap ng ganap na pagbabago.

      Eleksyon na naman, ang pagbabago bang hinahanap natin ay nakasalalay sa ating mga lider? Ewan ko, hindi ko alam, pwede bang 'wag muna nating pag-usapan? Pero ang alam ko ang mabuting pagbabago na ating hinahangad ay nasa atin mismong mga Pilipino.

      Hindi ko pinangarap na ang Pilipinas ay umunlad sa isang kisapmata lang pero hindi ko winawawaglit ang aking pangarap; pangarap na pagbabago, mabuti at matino. Matinong Pilipino para sa isang mabuting Pilipinas.

      Ngunit, ilang dekada pa ba ang kailangan natin upang maganap ang mabuting pagbabago? Isa? Dalawa? Isang daan? O 'wag na natin asahan?

      Pluma at Kwaderno

      $
      0
      0
      Ang akdang ito ay ang aking lahok at pakikiisa sa pakontes ni Sir Bino ng Damuhan. 
       ***
      Ang susunod na inyong mababasa ay isang kathang-isip lang ano mang pagkakahawig sa pangalan, karakter, istorya, lugar at pangyayari sa maikling kwentong ito ay nagkataon lamang at hindi talaga sinadya.



      Hawak ni Inay ang aking report card.
      Tahimik na sinisipat ang mga grado ko sa school na namumutiktik sa pula. Pulos palakol. Paano ba naman eh, pulang pluma ang ginamit ng aking guro sa pagsusulat ng aking grado sa halos lahat ng subject. Pasalamat na lang ako sa subject na P.E. dahil kung wala ito diresto sitenta ang makikita mo sa aking Report Card.
      Taong 1985. Tanda ko pa Grade 4 ako nito, sa edad kong dose dapat ay nasa First Year High School na ako. Pero dahil mas hilig ko ang maglakwatsa at magbulakbol kaysa mag-aral hindi ko matapos-tapos ang Elementarya.

      Mabait si Nanay, sa kabila ng mga bagsak ko at dalawang beses na pag-ulit sa Grade 3 at 4 hindi ko siya nakitaan ng sobrang galit, hindi ko minsan narinig na minura niya ako o sinaktan. Sa halip nagbibigay lang siya sa akin ng pangaral.

      "Alponso, mag-aral ka nang mabuti dahil wala kaming maipapamana sa'yo ng Tatay mo kundi edukasyon lang", iyan ang madalas kong marinig na linya galing sa kanya.
      * * *
      Ako si Alponso. Solong anak nina Aling Jenny at Mang Harry. Taga Sawata Maypajo, Kalookan. Batang Kankaloo, ika nga. Astig. BARAKO.
      Ang aking ina ay simpleng maybahay lang. Palakaibigan, simple, tahimik. Hindi katulad ng ibang mga nanay na binibisyo ang tsimis sa tuwing magkukumpulan sa kanto.
      At ang aking Ama ay isang potograper. Masipag, masikap. Hindi pa uso noon ang mga digital na KAMERA at bilang lang sa mga daliri sa kamay ang mga bahay ang mayroon nito. Kaya't hindi nawawalan ng trabaho ang aking ama. Apat o limang beses isang linggo ay lagi siyang pinatatawag ng mga kapitbahay, kakilala, kaibigan o kaya naman ay referral ng dati niyang sinerbisyuhan. Madalas siyang wala sa bahay sa panahon ng graduation, pasko, lalo't kung naiimbitahan sa kasalan o binyagan sa mga kalapit probinsya.

      Manhid lang ako sa lahat ng mga pangaral ni Nanay. Lakwatsa at laro ang prayoridad ko sa halip na mag-aral. Tinapos ko ang elementarya ng labing-isang taon! Kung hindi pa sa pakiusap ng aking ina sa prinsipal ng Maypajo Elementary School na kababata pala niya, na pagradweytin ako sa Elementarya ay hindi pa ko makakatanggap ng diploma. Parang nanalo sa sweepstakes si Nanay sa pagkakagradweyt ko ng elementarya. Maraming pagkain. Parang isang malaking selebrasyon ng buhay ay naganap. Ngunit tulad nang inaasahan, wala si Tatay dahil may tanggap siyang trabaho na eksakto sa araw na iyon, graduation din.
      * * *
      Ayaw ko nang mag-aral. Wala akong interes na pag-aralan ang kung ano-anong aralin na sa tingin ko'y wala namang kinalaman sa aking kinabukasan. Wala akong pakialam sa kasaysayan ng Pilipinas, lalo ang kasaysayan ng ibang bansa. Ayokong magbasa ng libro na hindi ko naman naiintindihan. Ayokong sumagot ng mga katanungang hindi ko alam kung ano ang importansya nito sa akin. Ayokong magbasa, ayaw kong sumulat. Ayokong humawak ng pluma at mga kwaderno.

      Ganunpaman, napilit pa rin ako ni Inay na makapag-aral ng High School. Mula sa Maypajo Elementary School ay napadpad ako sa mas astig na eskwelahan, Tondo High School. Wala pa man sa kalagitnaan ng school year ay ilang beses na akong napatawag sa Principal's office; ang pagiging bulakbol ko ng elementarya ay hindi nawala bagkus ay nadagdagan pa ang aking mga kalokohan, naging palaaway ako, napabarkada, natutong mag-yosi, sa murang edad ay marunong na rin akong uminom ng alak.

      Ngunit sa kabila ng lahat ng ito ay hindi sinusukuan ang aking Ina; umaasa pa rin siya na isang umaga ay magbabago ako, na biglang magkakaroon ako ng interes sa pag-aaral, na ititigil ko ang barkada at bisyo, na maipagmamalaki niya ang tulad ko pagdating ng araw.
      * * *
      Sanay na kami na wala si Tatay sa bahay. Ngunit kakaiba ang gabing ito tila hindi dalawin ng antok si Nanay; paroo't parito ang kanyang paglakad na animo'y isang pusang aligaga. Malakas ang buhos ng ulan noon na sumasabay sa pag-aalala ng aking Nanay, hindi mawari kung iiyak, hindi dalawin ng antok.
      Inabutan ko siya sa ganoong kalagayan, kahit lasing ako at galing sa inuman ay alam kong sobra ang pag-aalala ni Nanay.
      Nakatulugan niya ang pagkabalisa at pag-aalala, nakayukod ang ulo sa mesa habang ako'y komportableng humihilik sa aking kama na ang amoy ay hindi nalalayo sa amoy ng kinulob na adobong baboy na maasim.

      "Mareng Jenny! Mareng Jenny!" Hangos na sigaw ng aming kapitbahay na si Aling Lucy hawak ang isang PERYODIKO. Sa lakas ng sigaw nito ang mga nagtutulog-tulogan lang ang hindi magigising.
      Halos sabay kaming lumabas ng bahay ni Nanay. Pumupungas.

      "Mare! Hindi ba ang tunay na pangalan ni Pareng Harry ay Harold Rodigas?" nagmamadaling tanong ni Aling Lucy.

      "Oo. Bakit?!?" Sagot ni Nanay.

      "Basahin mo ito." Sabay abot sa peryodiko na may headline na: Aksidente sa South Superhighway - Dalawa katao patay.

      Parang sinakluban ng langit at lupa si Nanay matapos niyang mabasa ang balita. Tumigil ngang umiyak ang langit ngunit ang aking ina naman ang siya ngayong tumatangis. Walang sinuman ang makakapagpakalma sa nararamdaman niya sa sandaling iyon, walang salita ang makakapagpatahan sa kanyang nangungulilang damdamin.

      Awang-awa ako kay Nanay. Damang-dama kong parang unti-unting pinipilas ang kanyang puso. Napayakap siya sa akin. Humagulgol.
      "Wala na ang tatay mo! Wala na!" Kasunod noon ang walang humpay niyang pagluha. Hindi ko na rin napigil ang aking sarili, hindi ko na napansin ang pagtulo ng luha sa aking mga pisngi. Simula ng magkamalay ako, sa pagkakatanda ko ngayon lang ako umiyak. Ngayon lang naantig ang aking damdamin. Ngayon lang nagpakita ng emosyon.

      Unti-unti nang kumapal ang tao. Mga kapit-bahay, tsismoso, tsismosa, mga kumpare, kumpare, mga kaibigan. Nagbubulungan. Naaawa. Nakikiramay. Nakikidalamhati.

      Sariwa pa ito sa aking isipan. Abril 12, 1990. Disi-siyete anyos ako nito nang pumanaw si Tatay. Galing siya noon sa isang kasalan sa Los Baños at siya ang kinuhang potograper ng isang dating kakilala. Dahil sa dilim at dulas ng kalsada ng gabing iyon ay bumaligtad ang kanilang sinasakyang owner-type jeep sa South Superhighway. Kasama niya sa sasakyan ang aking Ninong, si Mang Robert. Self-accident. Kaya lahat ng gastos sa pag-aasikaso sa bangkay ng aking ama ay mula sa kanilang inipon.

      Mas nag-alala ako sa gastusin sa bahay kaysa sa kalagayan ng aking Ina. Mas inisip ko ang kakainin namin sa araw-araw kaysa sa kanyang kalusugan.

      Halos naubos ang perang naipon nila ni Nanay para lang mairaos ang burol at libing ni Tatay. Kung bakit ba naman kasi, namatayan ka na nga eh ang mahal-mahal pa ng halaga ng putanginang kabaong na iyan! Mga puneraryang oportunista na pwedeng ihambing sa bwitreng nag-aabang ng kanilang bibiktimahin, daig pa ang AHAS at ulupong na handang tumuklaw kung mayroong pagkakataon.
      * * *
      Tuluyan ng nawala ang interes ko sa pag-aaral nang mailibing si Tatay. Hindi ko na tinapos ang second year at mas minabuti kong sumama sa barkada. Nairaraos ko ang buong maghapong kasama ang aking mga tropa; sina Milo (na medyo hawig ko raw ang hilatsa), Arnold, Walter at Paul kasama ang isa pa naming kaibigan kung tawagin ay Edong (pinaikling Red Horse). Parang walang katapusan ang aming kabataan. Ang bawat lagok ng serbesa sa aking lalamunan ay katumbas ng walang pagsidlang kasiyahan. Araw-araw. Paulit-paulit. Asahan mo na ang eksenang halos gumapang kami pauwi sa kalagitnaan ng gabi. Pasuray-suray. Walang pakundangan. Walang pakialam.

      Walang pakialam sa mga taong nakakasalubong, walang pakialam sa sasabihin ng mga tao, walang pakialam kung saan man sumuka, walang pakialam kahit mahubaran na halos lumabas na pati ang kadiring dugyot na KUYUKOT; nawawalan ng modo sa labis na kalasingan, nawawala sa katinuan dulot ng sobrang pagkalango.
      * * *
      Ano pa ang aasahan ni Nanay sa tulad kong batugan?
      Ano ang mapapala niya sa katulad kong walang inatupag kundi ang barkada?

      Ang inaakala niyang aking pagbabago makalipas ang pagkalibing ni Tatay ay tila hindi na mangyayari bagkus lalo akong naging sugapa sa alak. Sa halip na muling mag-aral o maghanap ng mapapasukan lalo pang lumala ang bisyo ko. Hindi nga ako nagdodroga pero nakakadalawang kaha naman ako ng yosi sa bawat araw.

      Apat na buwan lang makalipas ang pagkamatay ni Tatay, si Nanay naman ang malubhang nagkasakit. Unti-unting nanghihina ang kanyang katawan at ang sabi ng doktor, dahil daw ito sa labis na depresyon.

      PUTA talaga! Imbes na ako dapat ang magkasakit dahil sa pang-aabuso ko sa aking katawan si Nanay ngayon ang nasa banig ng karamdaman. Imbes na ako dapat ang pinahihirapan ng langit si Nanay ngayon ang pinahihirapan ng sakit.

      Iba't ibang MEDISINA ang nireseta ng doktor kay Nanay para daw sa mabilis niyang paggaling. Medyo malakas naman daw ang kanyang katawan kaya ang hinuha ng doktor ay sikolohikal lang ang sakit ni Nanay.

      Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa pagkakasakit ni Nanay, parang bigla akong nagising sa matagal na pagkakahimbing. Kakamatay lang ni Tatay ngunit heto ngayon si Nanay may pagnanais na sumunod kaagad.
      Ayokong mawala si Nanay. Kahit na alam kong pasaway ako at sakit ng ulo niya hindi ko pa nais na mawala siya,  hindi ngayon, hindi bukas.

      "Magbabago na ko." 
      Iyan ang mga salitang nasambit ko sa harapan ni Nanay na nakatingin sa kawalan. Tulala. Balisa. Parang walang interes sa aking sinabi, parang walang narinig. Siguro'y hindi naniniwala. Siguro'y nagsawa na sa akin. Nagsawa na sa mga kabalastugan at kalokohan ko sa buhay. Ilang pagkakataon na nga ba ang sinayang ko lang? Ilang ulit ko na ba siyang binigo?

      Ngunit paano ko uumpisahan ang pagbabago? Ano ang alam ko sa pagbabago? May pag-asa bang magbago ang isang tulad kong walang pinag-aralan, walang modo, basagulero, tomador, lasenggo at salot?

      "Basta." Aniko. 
      Gagawin ko ang lahat para tumino ang aking buhay, gagawin ko ang lahat para humaba pa ang buhay ni Nanay, gagawin ko ang lahat para magkasama pa kami ng matagal. Kung kinakailangang pumadyak ako ng pedicab, magtinda ng taho sa umaga, SORBETES sa hapon at balut sa gabi ay gagawin ko para lamang may ipangtustos ako sa pagpapagamot ni Nanay, para tuluyan na siyang bumuti, para lumawig pa ang aming pagsasama. Gagawin kong araw ang gabi, gagawin kong gabi ang araw. 
      Gagawin ko ang lahat para lang sa kanya.
      * * *
      "Siya ho! Siya ho! Siya ho talaga!" sabay turo sa akin ng isang mama na may pagkamakutim ang balat. May kasama siyang dalawang pulis. Sa hindi ko alam na dahilan ay agad akong pinosasan at inaresto.
      "Sa presinto ka na magpaliwanag, bata!" sabi ng isang matabang pulis habang bitbit ako sa tagiliran.

      Sa presinto, napag-alaman kong naakusahan ako ng pagholdap at pagpatay sa isang estudyante. Kahit anong pagpapaliwanag at pangangatwiran ko'y tila walang bisa at 'di naririnig. Mas pinaniwalaan ang salaysay ng isa raw saksi sa krimen kaysa sa salaysay ko. Kunsabagay, sino ba naman ako para paniwalaan? Isang salot at sagabal ng lipunan.

      Tadhana nga naman. Kung kailan mo gustong magbago at magpakatino doon pa darating ang isang biro na hindi nakakatuwa. Wala akong magawa. Taingang-kawali sila sa lahat ng pagtanggi ko sa krimen. Sa isang iglap, pakiramdam ko'y guguho ng lahat ang pangarap kong magbago, nang tuluyan na akong ipinasok sa seldang amoy ihi, kasama ang mga taong parang komiks sa dami ng drowing sa katawan, kasama ang mga taong katulad kong pwede ng ituring na kriminal.

      Magulo ang aking buhay at alam kong lalo itong gugulo sa pagkakapasok ko dito.
      Bakit nangyayari ito? Paano na si Nanay? Paano na ako? Bakit ako nakakulong sa letseng kulungan na 'to?!?
      Pero wala na akong magagawa. Kahit gahibla na lang ang nalalabing pag-asa sa akin ay kailangan kong lumaban. Sayang na lang ang aking pagiging BARAKO kung agad akong susuko. Sayang na lang ang pagiging astig ko sa lugar namin kung magmumukmok at iiyak ako sa kulungang ito. Ang pag-aalala ko kay Nanay ang siyang bumubuhay sa aking pag-asang magbago.

      Isa ako sa pinakabata sa mga preso. Mabilis kong nakapalagayang loob ang iba pang kasama kong preso. Naging utusan nila ako. Maraming medyo mabait pero mas marami ang tarantado. Sa loob ng dalawang araw lang lahat ng pagpupursigi kong magbago ay unti-unting naglalaho para akong isang kuting na inilagay sa kulungan ng matatapang na mga tigre, tulad nila bumangis na rin ako; para akong ALUPIHAN na nilalaro ng mga batang hamog sa lansangan at ako naman'y pinaglalaruan ng malupit na tadhanang naghahamon.

      "Patay na ang Nanay mo!" 
      Bungad na balita ng aking dalaw na si Walter.
      Sa balitang iyon tuluyan na ring namatay ang lahat ng natitira kong pag-asang magbago at magpakatino, para itong buhawi na winawasiwas at tumatangay ng buhay. Kay Walter ko rin nalaman na si Milo ang sumaksak sa estudyanteng napatay; dahil sa malaking pagkakahawig namin at dalas na kami'y magkasama napagkamalan ng isang saksi na ako ang nakasaksak sa estudyante. Sa muling pagkakataon, muli akong lumuha, muli kong naramdaman ang pakiramdam na nawalan ng isang magulang at sa pagkakataong ito'y mas masakit, mas malupit ang hinatid nito sa akin. Pakiwari ko'y isang humahangos na delubyo ang may pagnanais na guhuin ang aking pagkatao; sa loob ng isang taon lang ay parehong namatay ang magulang ko. 

      Sinong matapang ang hindi dudupok sa mabangis na unos na ito ng buhay? Sinong manhid ang hindi masusugatan sa malakas na bigwas ng patalim na ito ng pagsubok?

      Wala na ring saysay para sa akin ang lahat ng sinabi sa akin ni Walter. Nakakulong na ako. Nais kong dalawin si Nanay kahit man lang sa huling pagkakataon pero mukhang malabo ito; pakwenselo na lang sa akin na naging mabuting kapitbahay si Nanay at alam kong maisasaayos ang kanyang libing sa tulong ng ilang kaibigan. Gustuhin ko man ng pansamantalang kalayaan ay wala akong kakayahang magpiyansa. Gustuhin ko mang kumuha ng matinong abogado ay wala akong pambayad para dito. Itinuring ko na ring kaibigan ang lahat ng aking kakosa sa likod ng bakal na rehas. Handa na akong harapin kung anuman ang kahihinatnan ng kasong ito. Pangangatawanan ko na kung ano ang bansag sa akin ng mga tao.
      * * *
      2013.
      Halos dalawampu't tatlong taon ang lumipas. Sa tagal kong nakapiit hindi ko na kilala ang tunay na mundo, hindi ko na kilala ang tunay kong sarili. Pinatapang ako ng bilangguan ngunit dinuduwag naman ng hamon ng buhay, pinatapang ng panahon ngunit takot sa multo ng madilim na kahapon, pinatapang ng karanasan ngunit iniiyakan ang malungkot na nakaraan.

      Barong-barong ang akin ngayong kanlungan at kulungan.
      Barong-barong na mas malaki pang di-hamak ang bahay ng mabangis at matakaw na aso.
      Kanlungang sa tuwing bumubuhos ang ulan ay sumasabay ding pumatak ang luha na katulad ko rin ay nangungulila; nilulunod ang aking tuyot na isip at kamalayan.
      Kulungang sa tuwing may araw ay tumatagos ang init sa loob ng barong; sinusunog at nilalapnos ang aking luoy na balat at pagkatao.

      Gamit ang isang gaserang mas malamlam pa ang liwanag sa lumang LAMPARA;  hinahanap ko ang aking nalalabing pag-asa, hinahapuhap ang nawawalang pangarap. Wala akong kakayahan na bumalik sa nakaraan pero kung mabibigyan ng pagkakataon; iiwasan ko ang bisyo at labis na barkada, pag-aaralan ko ang iba't ibang aralin sa eskwelahan, magbabasa ako ng iba't ibang libro at pilit ko itong uunawain, pagyayamanin ang kaisipan, magsisikap at bubuo ng pangarap, magsusulat at aalamin ang sagot sa bawat katanungan, pag-aaralan ang kasaysayan ng Pilipinas at ng mundo. Muli kong dadamputin ang pluma at mga kwaderno at gagawing maganda ang kasaysayan ng buhay ko.

      Laya na ako ngunit pakiramdam ko'y nakakulong ako sa nakalipas, nakapiit sa bilangguang walang rehas, nakagapos kahit walang posas.

      Liham kay D

      $
      0
      0
      (Magandang basahin sa saliw ng musikang “Baby, now that I’ve found you” ni Allison Kraus…kung wala naman, kahit anong love ballads ‘wag lang ang “Pusong Bato”.)


      I love you. (kailangan naka-highlight ito ng RED)
      Kahit daang-libong beses mo nang narinig ito mula sa akin, so far hindi pa rin ako magsasawa na ito'y aking ulit-ulitin. Ayokong mangakong mamahalin kita ng magpakailanman dahil alam naman natin na kathang-isip lang ang salitang FOREVER sabi nga ni Sir Ely: "Kahit na anong gawin, lahat ng bagay ay mayroong hangganan" (except of course ang Shake, Rattle and Roll). Kidding aside, gusto kong makasama ka hanggang sa magtransform ang buhok ko from K-Pop into Sixto Brillantes, hanggang sa maging si Ely Soriano na ang look-alike ko at hindi na si Ely Buendia, hangga't mahal mo ako sa pagiging ako, hanggang sa maging girlfriend ni Bossing si Ryzza Mae, hanggang sa magka-apo tayo ng higit sa bente, hangga't ikaw ang babaeng katabi ko sa driver's seat, hanggang magkatotoo ang prediksyon sa paggunaw ng mundo.
      Wala akong planong pumaslang para sa pag-ibig pero may plano akong tumanda at mamatay, na kasama ka at ang iyong pag-ibig (naks, lalim!).

      Oo, hanggang ngayon natatakot pa rin akong tumanda pero higit na nakakatakot ang pangitaing wala ka sa piling ko habang ako'y unti-unting tumatanda (iniisip ko pa lang napapraning na ako). Siguro'y Dahil wala nang ibang taong pwedeng makaunawa at makaintindi sa lahat ng moods ko kundi ikaw at ikaw lang; ikaw ang kumakalma at tumitimpla sa tuwing sinusumpong ako ng pagkatoyo, ikaw ang nagpapalamig ng sitwasyon at temperatura sa tuwing umiinit ang ulo ko, ikaw ang nagpapababa sa aking ego sa tuwing ito'y tumataas, ikaw ang nagpapalayas sa masasamang ispiritu sa tuwing ito'y sumasanib at ikaw ang yumayakap sa lahat ng mga kamalian ko sa buhay. At iyon ang dahilan kung bakit unti-unti ring nababawasan ang aking Gerontophobia ngunit napapalitan naman ito ng mas nakakapangambang "Arlenenophobia" (fear of losing you!). Sana lang hindi ka matulad sa karakter ni Angelika Panganiban na si Jacq sa pelikulang One More Try na kaunting-kaunti na lang ang nalalabing pasensiya.

      Valentine’s Day.
      Actually, maliban sa birthday ko ito hindi naman ganoon kaespesyal ang araw na ito para sa akin, hindi ko man masabi sa'yo ang katagang "I Love You" araw-araw I will do things to show that I am really caring for you (insert your smile here). Sabi mo nga kung ang bawat kiss ko sa'yo ay may halagang limang piso, hindi mo na kailangang magtrabaho dahil baka umabot sa minimum wage ang magiging bayad ko sa iyo sa bawat araw. Pero dahil tayo'y in love pa with each other samantalahin natin ang pagkakataon na ma-icelebrate natin ito dahil marami ang hindi makuhang ito'y i-celebrate (no offense meant) for some unreasonable reasons. Hangga’t kaya natin, we'll make an effort to celebrate this Special Day ('di nga?!) kahit papaano, kahit Lucky Me Pancit Canton chilimansi flavor lang ang ating pagsasaluhan basta’t magkasama tayo the best na ‘yun!; hanggang sa wala na akong maisip na idea kung ano ang worth na iregalo sa'yo, hanggang sa mga flowers na lang sa ating ubod nang lawak na garden ang kaya kong pitasin para sa’yo, hanggang sa wala na akong maibigay kundi ang tanging wagas na pagmamahal ko na lang (at biglang mag-aawitan ang mga anghel sa langit ♪♫♪♫♫♪).

      And speaking of gift, sana nagustuhan mo ang surprisang regalo(s) ko sa'yo. (Special mention at maraming salamat sa mga tumulong, bumili, nagbalot ng regalo at nakipag-cooperate to make this meaningful, momentous event happen.)☺

      My love for you seems like water in the river, it may be going to some streams or lakes but somehow it will find a way to reach the surface of the sea. My thoughts may be going elsewhere, go gaga over something, writing things beyond things, seeing things differently, experiencing paranoia, setting moods without warning but at the end of the day my heart still longing for you...your laughs, your teasing smile, your lovely face and your loving eyes. Again, I Love you and Happy Hearts' Day!

      P.S.  (Warning: This is the corniest part and may be dangerous to your health.)

      Gusto kong malaman mo na hindi kamay ang ipinangsulat ko para mabuo ang love letter na ito kundi ang PUSO ko.

      At ang libog ay matatalo ng antok (re-post)

      $
      0
      0



      At may namatay na isang mayamang pulitiko.
      'Di nakapagpigil ang mga malisyoso at ang mga halang ang pag-iisip. Wala raw nabitbit kahit 'sang pirasong mulay sa kanyang pagpanaw; hindi raw nailigtas ng yamang umaapaw na daig pa ang buhos ng malakas na agos ng mabalasik na si Sendong, yamang higit pa ang bilang sa dami ng lahat ng Pilipinong nagtakwil man o hindi sa kanyang lahi, yamang kasalukuyang pinag-aagawan ng kanyang naiwang legal at ilegal na pamilya.
      Hindi sila masisisi, kahit anong pagtanggi ay maalala ang bakas ng nakaraan at lumipas; nang akma ng huhulihin ang isdang lumalapa ng kapwa isda'y lumabas ang isang nagngangalit na pating at ang lahat ng nagtangka ay dinunggol at inihain ang pangil na higit pa sa tulis ng isang palaso. Ang tsubibong lumilipad na libangan ng kawal ng lipunan na inakala nang nagtatanga-tangahang pinuno nito na bago ay isinalya sa halagang birhen; sino ang may sala? Batid na ng lahat pero walang makapagsabi gayon pa man sa bandang huli wala namang may kasalanan; walang umaamin walang mapaparusahan kahit itanong mo pa sa mga naiwan nang nagpatupad ng batas-militar.

      Kapwa hungkag ang nagtanungan, isa ka rin bang tanga? Nagmayabang na nangatwiran. Kung tanga ang turing sa paghagilap sa matinong pinuno, kung tanga ang tawag sa patuloy na paghahalal sa lider na ang panata’y mag-aahon sa mga nalulunod sa kahirapan, kung tanga ang taguri sa mga taong madaling magpatawad at makalimot...Tama nga sila, tanga nga sila. Tangang walang kadala-dala. Tanga pero hindi gago. Ngunit kasalanan pa rin ba natin kung patuloy tayong ninanakawan ng garapalan ng mga gunggong na nasa trono? Ikaw, ako, tayo ano ba ang kaya nating gawin para sila'y maigupo? Kaya mo bang tibagin ang pader na singtibay ng bundok na pinatatag ng kasaysayan? Kaya mo bang kitilin ang pagiging ganid ng marami sa kanila na ang nanalaytay sa kanilang ugat ay dugo ng kasakiman? Paano ka magwawagi kung ang iyong sandata'y patpat at ang kanila'y matalas na kris at may kapanalig na metal na kalasag?
      Pero teka, nakikita ko sila sa pahayagang nagtatanong minsa'y nakapikit ang matang dumadalangin, minsa'y tumatanggap ng ostiyang komunyon, minsa'y nagkakawang-gawa sa mga dukha, mga nabiktima at nasalanta. Mabubuti rin pala sila. Ilang Ama Namin ba ang kanilang inuusal sa bawat araw tatlo, sampu, dalawampu? Ilang rosaryo ba ang kanilang napigtas sa tagal ng lumipas? Ang kanila bang pangmumog sa umaga at sa tuwing bumabaho ang hininga'y agua bendita? At kasabay kong ngumisi ang idolo ng mga aktibista na si Dong Abay.

      Ano daw ang nasa dako paroon na bunga nang malikot na pag-iisip?
      May natatanaw ka bang pagbabago o tagumpay? May pag-unlad bang sasalubong sa aandap-andap na pag-asa ng mga nagdarahop? May liwanag na bang sisilay at sisilip sa matagal ng karimlan? Saglit mong ipikit ang iyong mga mata…ano ba ang ‘yong nakikita? Madilim. Napakadilim. Gaya ng ating kinabukasan, madilim. At ikaw ay susuntok sa buwan, maghahagilap ng karayom sa dayami o makikipagdigma tangan ang isang balaraw laban sa dambuhalang armas ng mandirigma. Malabo ang tagumpay ‘wag mo nang isipin. Iba ang reyalidad sa pagiging optimistiko. Hindi ka uunlad sa pag-asa sa kanila baka tuluyan kang lumubog sa sinasakyan mong bangkang puno ng butas, nag-aagawan sa sagwan at naghihintay ng isdang hinuli gamit ang dinamita. Lumangoy ka muna hanggang makahanap at makahagilap ng panibagong bangka, makiangkas sa gusto ring magsikap, matutong mangisda. Walang puwang ang tamad sa nagmamadaling pag-ikot ng mundo. Ilibing mo na lang ang iyong sarili kung patuloy mong yayakapin ang katamaran, mga katawang malusog pero umaasa sa nagbabanat ng butong nasa lugar ng dayuhan, mga tiyan na busog pero ang nagpapalamon ay hinahabol ng gutom, mga ngiti nila’y matamis pero ang nagpapadala ng kuwarta’y pinagsimangotan ng among malupit, mga damit ay moderno’t mabango pero tila gulanit ang suot at pati pagkatao nang nagpapaalipin sa ibang nasyon. Muli mong idilat ang ‘yong mata. Ano ngayon ang iyong nakita? Pareho lang, kung isa ka sa nagpapaalipin sa kagaguhang hatid ng pulitiko, ng pulitika, ng komersiyalismo.

      Marami ang humahanga’t nagayuma sa komersiyalismong hinatid ng mansanas na may kagat; may nagbenta ng laman, literal. Inoperahan kapalit ng ilang pirasong modernong pilak. May nag-iipon para makasunod sa uso, nais na may nakasukbit na mansanas sa sinturong mumurahin na alanganing plastik, alanganing balat. Walang medisina sa nilalasong sentido. Mga taong winaldas ang kinabukasan para sa kasalukuyang kaluhuan. Bukas uuwing luhaan, duguan pinitik ng mandurugas ang piraso ng mansanas at mangangarap ng bago ang walang kadala-dalang gago. Subukin mong tanungin kung may naisalba para sa anak na nagkukumahog sa pag-aaral o sa inang humahalinghing dahil sa karamdaman, ‘di makaimik. Katumbas ng katahimikan ay pagsang-ayon. Mga nasa tahanan ay nahuhumaling sa kinomersyal na sabon, umuubos ng higit sa anim na oras kada araw o katumbas ng higit sa siyamnapung araw sa isang taon. Umiiyak, tumatawa, nauulol sa karakter na umaastang sinto-sinto. Paulit-ulit. Parang hibang. May kandili, may pangangalunya…na naman. Umpisa pa lang alam na ang katapusan. Habang ang anak sa murang mga edad ay nasa datkom na mahalay at isa naman ay sumisigaw ng tagay. Detalyado at bente-bente ang kwento ng nasa sabon pero banlag sa istorya ng kanyang mga may balahibong-pusang inakay.

      May mga bubot na magpapadala sa tawag ng kalamnan. Walang pakundangan, walang pakialam. Maghaharutan. Maglalandian. Magkakantahan. Bubuhatin ang pusong kiri. Titirik ang mata, kikislot ang laman. Butil-butil ang pawis sa silid na malamig. Sisimsim sa nektar; hihimurin ang hinaharap. Babanggitin ang mahal kita sa kanyang maharlika. Gagayahin ang eksena gabi-gabi sa obra-maestrang teleserye. Titikim, lalasap, madadarang. Naglalaro ng apoy ‘di mapapaso; nagtatampisaw sa ulan ‘di mababasa; humihigop ‘di mabubusog; kumakatas ‘di matigib ang uhaw. Hindi tumitigil, uulit. Bagito pero isa nang eksperto; isang mag-aaral pero daig ang kanyang guro. Nalimot ang alpabeto panay patinig ang bukambibig, a, e, i, o, u! Buhol-buhol na pangarap ay tuluyang mapuputol nang limang-minutong paulilt-ulit na sarap. Sandaling kaligayahan pangmatagalang sisihan. Matapos ang siyam na buwan palaboy ay nadagdagan.
      May magsusunog ng oras sa halip na magsunog ng kilay; magpapaskil sa librong walang pahina, magyayabang sa huni ng ibon, maghahanap ng katatawanan at kalaswaan sa modernong tubo at dedepensa laban sa lumang tao. Kawawang haligi hilahod sa trabaho.

      May nagpapataasan ng mapanghing ihi. Ayaw magpagapi kahit yabang na lang ang natitirang kayamanan. Nanaising tuntungan at apakan ang likuran ng iba upang mamintini ang kapalaluan. May mandurugas na aangat at makararating sa taluktok. Ibubuka ang bagwis at papaimbulog. Dahan-dahan sa paglipad at pagpagaspas ng pakpak mas malakas ang lagapak ’pag bumagsak sa lupa. Nakakalula sa itaas. Baka walang makasabay sa’yo at matuklasan mong ikaw na lang pala ang humihimpapawid; sa sandaling mapilay ang bagwis dahil sa iyong bilis unti-unti kang babagsak tulad ng pagkawala ng bagsik at pagtamlay ng lason ng mga mapanganib na pinuno ng iba’t ibang lugar at panahon; si Adolpo ng Alemanya na natagpuang may bala sa sentido inutas ang sarili ng tangan niyang armas na loyalista, ang dating hari na namuno ng halos tatlong dekada ng dating Mesopotamia ay kinitil sa pamamagitan ng pagbigti, ang makapangyarihang diktador na hanggang ngayon ay wala pa sa huling hantungan, pinagkaitan. Walang permanente. Walang pangmatagalan. Permanenteng interes at pangmatagalang pagka-inip lang. Sa pananatili sa tugatog lalago ang kaibigan ngunit sa pagdausdos at pagsadsad sa lupa unti-unting malalagas ang umano'y matatalik. At hangal lang ang magigimbal.

      Ang kasinungalingan ay nakatakdang paniwalaan sa katagalan ‘pag patuloy na inuulit-ulit, ulit, ulit. Kaya ba ang lahat ay nagpapakakadalubhasa sa paglulubid ng buhangin? At ang pagsisinungaling ay kapatid ng pagnanakaw. Kaya ba marami ang mga ito’y pinagsasabay? Kaya mo bang basagin ang mundo ng kasinungalingan sa pamamagitan ng pagsiwalat ng katotohanan? Tutulad ka ba sa mga taong bumubulong ng sipol? Pinaniwalaan ba sila? Kung oo, ano na ang kinahinatnan nito? Saan ito tumungo? Nagmistula lang itong utot na nagyabang at umalingasaw sandali subalit naglaho rin ang aroma nang ganoon din kaliksi. May ilang mahusay sa pagsisinungaling na kahit ang sarili niya’y kanyang kinukumbinsi na katotohanan ang kanyang pinagsasabi. May mga ibang ginawa na itong hanap-buhay; propesiya ‘di umano pero panlilinlang ang adhikain. Mamalasin ka dahil walang trabaho. Katapusan ay malapit na maghanda ka lang. Bulaan. Isinasantabi na lang ang ika-siyam na utos. Lahat na ay bihasang magsinungaling, ako na lang ang hindi. At biglang humaba ang aking ilong.


      Paano mo gustong maalala? Ano ba ang higit na mahalaga, ang makabuluhang kamatayan o ang makabuluhang pamumuhay? Paano kung hindi ka nagtaglay nito? Ano ang maalala sa’yo? Magtatanong ka pa, pare-pareho lang tayo. Gusto mo bang maalala ng lahat na ikaw ay bantog sa pagtatakip ng bumabahong katiwalian? O sa pagiging pusakal na pasimuno sa pagkawala ng nag-aaklas sa pamahalaan? O sa pagiging dalubhasa sa pagkamal ng yamang kinukupit sa mga pulubi? Hayaang magbunyi ang iba sa kamatayan ng isang pusakal, hindi mo sila mapipigil kasiyahan nila ito. Humanap ka na lang ng sarili mong kasiyahan. Subukan mong tumipa ng masasayang alaala kaysa maging palalo sa suot mong magara, subukan mong mag-abot sa mga nasalanta kaysa ibalandra ang nagmamayabang mong tableta; Subok lang, kung hindi ka sumaya sabayan mong tumawa ang mga mahuhusay mang-alipustang nasa ikatlong lahi; nasa Silid-Aklatan, Payaso o ang sikat na tatlumpu't-siyam na pulgada. Ako? Nais kong maalala ng mga tao ng walang pag-aalala parang alikabok na pupuwing sa taong may demonyong pag-iisip saglit na ikukusot ang mata pero muling papaslang.

      Nagkubli ang gabi. Walang nangyari. Sumakay sa pulang kabayo o tatawag sa santong may dalang sulo, hihiram ng tapang sa katas ng ispiritu ng sebada. Lilimutin ang problema, panandalian. Hahamunin nito maging si Kamatayan. Isisisi ang malas sa lahat; sa gobyerno, sa magulang, sa orasan, sa balita, sa droga, sa gasolina, sa alak, sa punong tumawid sa kalsada. Baluktot na isipan ng buhay ng wagas na palaboy. Bukas, bubuka ang liwayway ang suliranin ay muling sisilay at may dagdag na liyo.

      Kamay ng oras ay ‘di na kayang ibalik. Sayang na panahon. Malulugas ang dahon, hahalik sa lupa; matigas na bakal, kakalawangin; masel sa kalamnan, lalaylay. Ang malalabi sa libog ay hambog at ang landi ay magiging kadiri-kadiri. Gisingin ang nagtutulog-tulogang diwa. Hindi araw-araw pasko, hindi maaaring maghapon ay may araw, hindi habang panahon ay may lakas ang naghuhumindig mong kalalakihan. Subukan mo mang umulos ay ‘di naman tumitigas ang iyong mga litid at ugat. Lilipas ang panahong matikas.

      Ang anumang bagay na hinandog mo sa ‘yong sarili ay kasabay mong papanaw at lilisan. Ngunit ang mga bagay na inalay sa kapwa mabuti o masama ay mananatili kailanman; huhusgahan ka sa iyong ginawa, hindi sa buwaya mong ‘di nangangagat o sa pamagat ng mga ari-arian o sa may lasong mansanas na may kagat. Habang may panahon pulutin ang mga nabasag na piraso ng iyong pagkatao sa sahig, ang tropeyo ay dekorasyon lang na inalay at dinesisyunan ng binayarang inampalan. Dahil bukas maaaring ang libog ay matatalo ng antok.

      Sining at Legasiya

      $
      0
      0


      Gusto kong gumawa ng isang obra na makapagbabago nang pananaw ng pangkaraniwang pinoy sa tunay na kahulugan ng sining.

      Gusto kong gumawa ng awit na may nakabibighaning melodiya at matinong mensahe na gigising sa kamalayan ng mga Pilipinong nahaharuyo sa banyagang awitin.

      Gusto kong gumawa ng librong may mensaheng matalinghaga na naglalarawan sa pagmamahal ng ating bansa na pupukaw sa makikitid na pananaw ng ordinaryong Pilipino.

      Gusto kong gumawa ng telenobelang hindi inuulit ang tema at hindi tungkol sa istorya ng bastardo, pangangalunya, paghihiganti at kalandian ngunit yayakapin at mamahalin ang ganda ng kanyang kwento.

      Gusto kong gumawa ng komedyang katulad ng komedya noong panahon ng isang Rodolfo Quizon, komedyang hindi namimikon, nanglalait at hindi nagpipilit ngunit ang iyong luha'y 'di namalayang papatak dahil sa labis na tuwa, tawa at halakhak.

      Gusto kong gumawa ng drama na katulad ng mga likha ng mga pumanaw na naunang pambansang alagad ng sining na mas prayoridad ang kalidad ng istorya at hindi lang tungkol sa perang kikitain.

      Gusto kong gumawa ng maaksyong pelikulang may leksyon at hindi tungkol sa vendetta o paghihiganti ng bida sa kontrabida dahil pinatay at nilapastangan ang kanyang buong pamilya.

      Gusto kong gumawa ng isang pelikulang ang layunin ay makapaghatid ng mensaheng may pagmamahal sa kapwa pilipino na tatagos at titimo sa isip ng bawat mamamayan at isasabuhay ito ng bawat sinumang makakapanood nito.

      Gusto kong mangarap ng isang legasiya na maaalala ang aking pagkadakila dahil sa pagmamahal, pag-angat at pagbuhay ko ng kalidad ng ating literatura, telebisyon, musika, sining at pelikula.

      Gusto kong makilala ang aking bansa hindi lang sa larangan ng palakasan o ganda ng likas ng yaman, lalong hindi sa pagiging alila o sa pagiging puta kundi dahil sa primera klaseng hinahandog natin sa daigdig ng musika, literatura, arte at sining.

      Gusto ko itong mangyari, ngayon na.
      Hangga't may pag-asa pang sagipin ang nalulunod at habol-hiningang ating sining.

      Maulib

      $
      0
      0
      Napapaso.
      Sa tuwing ang iyong labi'y dumadampi sa aking mga labi.
      Laway.
      Na parang lasong inuutusan ang aking pusong tumigil na sa pagpintig.

      Pait ang nalasap sa halik mo na dati'y sakdalan ang tamis.
      Ako'y hari at itinubog sa ipot ang koronang ipinutong nila sa akin.
      Ang iyong mga haluyhoy ay kasabay ng alikabok na inililipad ng hangin.
      'Di na din masimsim ang halimuyak na noo'y nanunuot hanggang doon sa panaginip.

      Yapos at yakap kahit na magyakag mistulang siniil.
      Masasayang salamisim humahangos, kumukubli doon sa madilim.

      Nandidiri.
      Habang sumasagi sa isip ang paru-parong humimod sa iyong kariktan.
      Nektar.
      Na wari'y asidong nilulusaw ang nag-aalab kong pagmamahal.

      Halas ang sinukli't ginanti sa pagliyag kong singbusilak sana ng bulak.
      Higit ngang kirot at hapdi ang dulot ng sugat na 'di aninag sa balat.
      Ang matimyas mong tinig kasama ng tiwala at pangarap ay dinagit ng lawin.
      'Di na din masilip ang kislap ng bitwin sa mga matang kahapon ay maningning.

      Libog at pag-ibig kahit magsanib 'di na magwawagi.
      Poot at galit ang humalili sa iyong pagiging suwail at maluib.

      * * *

      Maluib - ma-lu-ib; png [Hil]: taksil o pagtataksil.

      (Hindi) Lahat ng bagay may dahilan

      $
      0
      0



      Ang akdang ito ay ginawa hindi upang pasinungalingan ang isang verse sa bible na may kinalaman at kaugnayan sa katagang: Ang Lahat ng Bagay ay may Dahilan.

      ROMANS 8:28 
      Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa kanya, Alam nating ang lahat ng bagay ay nagkakaisang gumagawa para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa Diyos silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin
      * * *
      Lahat ng bagay ay may dahilan - ito ang palagiang eksplanasyon at paliwanag na ibinibigay sa atin sa kahit na anong bagay na nangyayari sa ating buhay at kapaligiran.

      Minsan kahit walang dahilan hinahanapan pa rin natin ito ng kadahilanan para lang mapunan ang maliit na espasyo sa ating isipan na ang lahat nga ay may dahilan.
      Ngunit minsan din hindi naman natin talaga kailangan ng kongkretong dahilan para gawin ang ibang mga bagay o ang mga bagay na ginawa ng ibang tao sa atin o 'yung mga bagay na nangyayari sa paligid natin. Halimbawa ng pag-ibig, dahil ang puso'y hindi tumatanggap ng katwiran at hindi kailangan ng anumang dahilan, magmamahal at magmamahal ka mayroon o wala ka mang dahilan. 'Pag tapat ang pag-ibig na nararamdaman hindi natin hahanapin kung ano ang taglay ng taong ating iniibig, hindi mahalaga sa kung anong meron siya o hindi sa kung anong dahilan na maiisip mo dahil mas nangingibabaw ang pagmamahal sa kahit na anong dahilang pwede mong maimbento. 'Di ba 'pag masaya ka sa kahit anong ginagawa mo hindi mo kailangan ng ano pang dahilan?

      Mahirap matali sa isang konseptong kailangan mong kumilos para sa isang layunin na kapag ikaw ay nabigo ay bibigyan mo ito ng dahilan o katwiran, kahit baluktot na katwiran. Hindi porke hindi tayo nagtagumpay sa isang bagay ay maari ng pangatwiranan ito ng "may dahilan kaya hindi ito nangyari" ngunit ang totoo madalas hindi lang natin ginawa o nagawa ang lahat ng paraan para tayo magtagumpay, sinadya man o hindi maraming mga bagay ang negatibo ang naging kinalabasan/resulta dahil hindi tayo nag-ingat, nagprepara o naghanda. Life is what you make it, ika nga.

      Halimbawa...
      Babagsak ka sa isang pagsusulit kung hindi ka nagreview o tinamad ka mag-aral.
      Mali-late ka sa appointment kung hindi ka aalis ng mas maaga.
      Magiging malala ang sakit mo kung hindi ka magpapadoktor o iinom ng medisina.
      Kung hindi mo prinovoke hindi ka mapapaaway.
      Wala kang matinong trabaho kung hindi ka nakapagtapos ng pag-aaral.
      Kung hindi ka nag-counterflow hindi ka makaka-aksidente.
      Hindi ka mabubuntis kung hindi ka nagpatira.
      Hindi ka mananalo sa isang kompetisyon kung hindi ka sasali.
      Palagi kang mapapahamak kung hindi ka nag-iingat.
      Kung wala kang kalaguyo hindi sana magulo ang buhay mo.
      At marami pang ibang senaryo.

      Bagamat may mga pangyayari na hindi umayon sa dapat na nangyari o sa inaasahan mong mangyari, mayroon ding nagtagumpay o napaiba ang kinalabasan kahit naging pabaya o naging kaunti lang ang pagsisikap datapwat hindi natin dapat ito pakaasahan dahil ang nangyari sa iba ay maaring hindi mangyari sa iyo. Simple lang, ang tsamba nila ay maaring hindi mo maging tsamba. At dapat lang na huwag tayong umasa sa tsamba at swerte.

      Naniniwala ako na lahat tayo ay nabuhay para sa isang makabuluhang misyon at para sa malalim at mabuting dahilan. HINDI ko ito inaalis sa isipan ninuman pero naniniwala ako na malaking porsyento nang pangyayari sa ating buhay ay random; na lahat ng desisyon mo ngayon ay makakaapekto sa iyong buhay bukas, na kung ano ka ngayon dahil sa ginawa mo kahapon, na kung saan ka napunta ngayon dahil 'yun ang napili mong landasin at tahakin, na kung anumang malubhang sakit (na pwede sanang napigilan) ang tinaglay mo ay dahil sa pagwawalang-bahala, kapabayaan o pag-abuso sa iyong sarili.

      Hindi eepekto ang dasal kung hindi mo sasamahan ng tiyaga, pagsisikap at pagpupursigi. Ang lahat ng kabutihan at pagsisikap mo sa buhay ay susuklian ng kabutihan at kasaganahan. Bakit ka ba naman bibiyayaan kung tatamad ka? Bakit ka naman pagpapalain kung walanghiya ka? Hindi mo man maintindihan kung ano ang nangyayari sa buhay mo ngayon pagdating ng araw mauunawaan mo ito, hindi man natin masaksihan ang karma ng mga kriminal tiyak sa kabilang buhay ay mararanasan nila ito. Kung ano ang itinanim ito rin ang aanihin - Universal Law ito na dapat tandaan. Bad deeds resulting to bad karma, good deeds resulting to good karma.

      Ang kapabayaan ng tao sa sarili at sa kapwa ay madalas na nagreresulta sa kapahamakan, walang sinuman ang may karapatan na pangatwiranan ang nagawang kapabayaan. Minsan kaya may karamdaman o abnormalidad ang isang sanggol dahil sa naging kapabayaan ng isang ina nang ipinagbubuntis niya pa lamang ito hindi dahil sa "may dahilan". Ano bang dahilan o katwiran sa pagkakaroon ng ama ng tahanan na iresponsable at hindi man lang magsikap na maghanap ng trabaho?

      Lahat ng tao ay may malayang mag-isip at isagawa kung ano ang nasa isip. Freewill. Sayang ang freewill nating ito kung iaasa mo lang sa tadhana ang mangyayari sa iyong buhay, sayang ang laya nating mag-isip kung lahat ng bagay ay hahanapan mo ng kadahilanan, sayang ang talento kung hindi pakikinabangan dahil natatakot sa kung anong dahilan.
      Kung may masamang nangyari sa ating kaanak o sinalbahe ng mga walang kaluluwang mga nilalang; HINDI natin ito kagustuhan at lalong HINDI ito kagustuhan ng Diyos...ano ang dahilan para dito? Makokontento ka ba kung sabihin ng kriminal na "nangyari ang bagay na 'yun dahil sa isang malalim na dahilan"? Tangina. Palayain na lang natin lahat ng kriminal kung tatanggapin natin ang ganyang pangangatwiran.

      HINDI LAHAT nang nangyayari sa ating buhay at kapaligiran ay KAGUSTUHAN ng DIYOS kaya nga lahat tayo ay huhusgahan pagdating ng Araw ng Paghuhukom, hahatulan ayon sa dami at bigat ng nagawang kasalanan at sa ating mga nagawang kamalian. Maaring may leksyon at aral sa ating mga nakaraan pero hindi dahilan ito para hindi magbayad ng kasalanan ang sinumang lumapastangan sa ating kinabukasan. Hindi katanggap-tanggap na isipin na maraming tao ang nagpapakulong sa konseptong 'Lahat ng bagay ay may dahilan' kahit alam natin na kasalanan, kagaguhan, kapabayaan at kamalian na ng ibang tao ang naging sanhi ng isang trahedya o sakuna.

      Maliban na lang sa DIVINE PROVIDENCE na tinatawag. Kahit kagustuhan na ng Diyos madalas sinusuway pa natin, madalas kahit may mga babala na 'wag nating gawin ang isang bagay ginagawa pa rin natin, minsan kahit alam nating mali at kasalanan wala pa rin tayong pakialam. Dahil ang tao ay tao; nagkakamali at makasalanan. Pero 'wag nating abusuhin ang katwiran at gawing dahilan ang pagiging TAO natin para sa hindi matapos-tapos na kasalanan.
      Muli, nasaan ang DAHILAN nito?
      Viewing all 240 articles
      Browse latest View live


      <script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>