Quantcast
Channel: Blog, Poetry and Notion
Viewing all 240 articles
Browse latest View live

Crocs

0
0


Bago pa maitala ang kasaysayan
ng mundo, bago pa matutong
bumasa ng alpabeto ang mga
tao, bago pa natin sakupin
ang buwan, bago pa sumiklab ang
iba't ibang digmaan, bago pa
tayo matutong magsuot ng saplot
upang takpan ang ating kaselanan,
bago pa ang modernong teknolohiya
at imbensiyon ng telebisyon,
ng eroplano, ng telepono,
ng oto, ng computer,
ng Facebook at ng ripleng sa
kanila'y papaslang.


Kasabay na nila noong namuhay ang
nalipol ng mga dinosaur. Noong
mga panahong laksa-laksa pa ang
bilang at uri ng mga nilalang sa
tubig, noong mga panahong 'di
pa naabuso ang bundok at 'di pa
nasalaula ang gubat, noong mga
panahong magsingkulay pa ang
langit at dagat, noong mga panahong
wala pang nakahalong lason at
kemikal ang hanging ating lalanghapin
at tubig na ating iinumin.


Bago pa ang lahat ng mga ito'y
kaharian na nila ang sapa, ilog at
lawa. Ngunit kung papaano sila
namuhay ng may angas sa tubig,
ang siya ring angas na maghahatid
sa kanila sa bingit ng kapahamakan.
Ang kanilang matang makislap at
kumikinang sa pusod ng kadiliman
ay gagapiin ng kislap ng kamerang
sa loob ng kanilang santuwaryo na
tatawaging 'Zoo' nga mga tao.
Samantalang ang luhang papatak
sa kanilang mata ay metaporang
singkahulugan ng pagkaipokrito,
pagpapanggap o panggagago.


Ang tunay na talinghaga ng
mga buwaya sa daigdig ng mga
mortal na taong pinagpala
ng pag-iimbot,
ng pagkukunwari,
ng pagbabalat-kayo
ng pagiging makasarili ay
wala sa kanilang balat na sa
tatag, kunat at kapal ay makalilikha
ng maangas at mamahaling sisidlang
para sa mga taga alta-sosyedad na
nakahilata sa salapi at karangyaan.


Ang dating panginoon at dambuhala
ng tubig ay gagawin na lamang
dekorasyon para sa nangongoleksyon,
magiging adorno para sa lumilikha
ng kalupi at mapormang sapatos
o sinturon, magiging dahilan ng
pagiging palalo na sa kanya'y
makasisilo --- susukatin ang kanyang
haba mula sa nguso hanggang sa
bumahag nilang buntot, walang matatakot.
Sa ngalan ng yabang, sa ngalan ng
pandaigdigang Guiness book of records.


Ituturing na sila'y mabangis at
mapanganib na anumang oras ay
sasagpangin ang sinuman sa oras na
ang 'halimaw' ay makaranas nang
pagkalam. Mula sa liblib, mula sa
karimlan, mula sa pusod ng lawa
--- sila ay lalabas hindi upang maghasik
ng lagim o ng karahasan kundi upang
maghagilap lamang ng mailalaman
sa tiyan. Ano't ginagahasa ang kanilang
kanlungan? Ba't kinukubkob ang kanilang
kaharian? Ang pagkain nila'y sino'ng
kumakamkam?
Papaanong sila'y halimaw kung bansagan?


Dapat ba nilang ikasiya na sa kanilang
uri ipinangalan ang mamahaling tsinelas
at kasuotan gayong ang tahanan nila'y
patuloy na nilalapastangan. Malimit
na hinahambing sa mga mandarambong
na nananahan doon sa Senado, sa Batasan,
sa Munisipyo at sa Kapitolyo na
kumukulimbat ng bilyong piso
mula sa pondo ng kanyang Inang-
bayan. Datapwa't hindi naman sila
traidor sa kanilang lahi lalo't hindi sila
ngangasab ng labis sa kanilang
pangangailangan at nais.


Ngunit,
Sino nga bang higit na gahaman?
Sino nga bang higit na mapanganib?
Sino nga bang higit na nakagigimbal?

Ang crocs sa katihan o ang mga pulitiko sa kapatagan?


Dear Mayor Erap at Vice Isko

0
0



Dear Mayor Erap at Vice Isko,

Totoong naging kahanga-hanga kayo noong matagumpay pa kayong artista, pero ngayon kahit yata kapwa niyo artista ay 'di na humahanga sa inyo dahil sa malaking perwisyo at abala na ginawa ng inyong pamunuan na nakaapekto ng lubos sa marami.
Totoong maganda, makulay at matagumpay ang istorya ng inyong buhay at pelikula pero kung anong kulay, ganda at tagumpay ng inyong buhay ay siya namang saklap ng istorya ng Lungsod ng Maynila simula nang kayo ang nagtandem upang mamuno. 


Halos buong panahon ng aking buhay ay inilagi ko sa Lungsod ng Maynila --- magmula elementarya, sekondarya, kolehiyo hanggang sa ngayon kung saan ako nag-oopisina. Magmula sa sa panahon ni Lopez, Atienza, Lim hanggang sa ngayon na kayong dalawa na ang nakaupo sa trono ng kaharian ng Manila City Hall.
Pero iba ang pamamalakad ninyo sa pamumuno ng mga nauna. Ibang-iba. Dahil ngayon lang namin naranasan ang ganitong masikip na sitwasyon. Minsan kasi masdan, obserbahan at alalahanin niyo naman kalagayan naming motorista, negosyante at estudyante na nagnanais lang magkaroon ng matinong buhay, minsan unawaain niyo naman ang kalagayan ng mga taong naghahanapbuhay lang ng matino at parehas, minsan silipin niyo rin ang mga kalsada sa Maynila na araw-araw na lang ay parang pista ng Quiapo sa dami at nagsisiksikang tao at sasakyan,

Minsan sana maisip niyo na may mali sa inyong ipinapatupad na bagong-lumang sistema.


Natutuwa ba kayo na dumarami ang basura sa kalsada at patuloy na lumalala ang trapiko sa mga kalsada ng R-10, Abad Santos Ave., Recto Ave., Port Area, Bonifacio Ave., Bonifacio Drive, Roxas, Blvd., Rizal Ave., Quezon Blvd., Lawton, Binondo Area at marami pang lugar sa Maynila. Ang sitwasyon ng trapiko dito'y parang pila ng mga langgam na naghahagilap ng maiipon na pagkain bago sumapit ang tag-ulan.
Kung hindi ninyo ito alintana malamang ay pareho kayong sadista o masokista na natutuwa at nalilibang sa tuwing may nahihirapan.


Naiisip ko tuloy na buti pa 'yung saging may puso, 'yung MWSS may ginhawa, 'yung citizen may concerned, 'yung Coke may happiness, 'yung MERALCO may liwanag, 'yung gatas may progress --- e sa inyo kaya?

Siyanga pala, 'yung mga traffic enforcer na itinalaga ninyo sa mga lugar na nabanggit sa itaas ay parang mga tuod na nakatanghod lang na 'di ginagawa ang trabaho --- walang pakialam sa lantarang paglabag sa batas-trapiko ng pedestrian, ng mga jeep, ng mga naghahariang tricycle, pedicab at kuliglig at marami pa. 'Yung mga towtruck ninyong nag-aabang lang mga trak na lalabag sa ipinapatupad ninyong truck expresslane (na hindi naman express) --- hihilahin nila ito ng walang pasintabi para lang kayo/sila kumita at may ilang insidente pang sila'y nagbabanta o nananakot.

Dati, lantaran ang pag-ayaw ninyo sa mga trak na galing at patungong Pier pero hindi pala ganun dahil pumayag rin kayo kalaunan na pumasok ang mga trak sa inyong teritoryo sa kondisyong magbabayad sila ng Php112 kada container sus, gusto niyo lang palang makinabang, teka may legal na basehan ba ang dispatch fee na ito, mga ser? At pagkatapos maplantsa ang bayaran hinayaan na rin ninyo ang trapiko hanggang sa umabot na sa sitwasyong ganito. May patruckban-truckban pa kayong nalalaman. Tapos ayaw niyo pang aminin na may naging kontribusyon din kayong dalawa sa paglala ng port congestion at traffic congestion. Sh*t.


Anak ng huweteng naman kailangan din naming kumita at magtrabaho! At ang bawat minutong late namin sa opisina ay katumbas ng ilang piso na pwede sanang pandagdag namin sa Monggol o Crayola ng mga bata o pang-ipon para makabili ng bagong Bench T-shirt 'pag may sale sa SM Trinoma o pandagdag minuto sa aking pagpipisonet o kaya'y pandagdag pambili sa bagong CD ni Daniel Padilla.


At hindi pa kayo nakuntento ha, dahil hindi pa rin tapos at ayos ang kalsada sa Blumentritt, Hermosa, sa Bonifacio Drive (Pier area), sa kanto ng Abad Santos at Recto, pinasikip ninyo ang Avenida dahil sa naglipanang walang disiplinang mga vendor doon, at ngayon sarado na rin ang kalsada na magdudugtong sa Lawton patungong Intramuros. Kaya hayun nagkandaletse-letse na ang trapiko. Siyempre ang ikakatwiran ninyo para din naman sa ikagiginhawa ng mga motorista ang mga 'yun. Oo naman, naniniwala kami dun --- magagaling nga kayo 'di ba? At para kayo sa mahihirap 'di ba? E, kayo nga itong mahirap kausap e. Pero kailangan ba sabay-sabay? Kailangan ganun katagal?


Oo alam namin, ang dami nang problema ng Maynila pero sa tingin namin dumagdag pa kayo. Pakiusap, tapusin niyo na lang ang ang term ninyo hanggang 2016 dahil 'pag naextend pa 'yun mava-validate na talaga ni Mr. Dan Brown na ang Maynila nga ang 'Gates of Hell'. Okay na kami sa tatlong taon niyong pagmamatigas, okay na kami sa tatlong taon ninyong paghahari, salamat at naranasan ng mamamayan ng Maynila ang inyong mahusay na pamamalakad. Ang tambalang dadaig sa tandem nina Batman & Robin at Lone Ranger & Tonto, ang tambalang dadaig sa anumang disaster movie ng Hollywood ---  'The Erap & Isko Show'.


Nagmamahal (ang)


Taxpayer ng Maynila

Delubyo

0
0




Dumating na nga ang panahon,
Na ang tubig ng dagat, ng ilog, ng lawa at ng sapa na nagbibigay buhay sa lahat ng uri ng nilalang ng Langit ngunit ating binalahura, tinuyo at ginawang singrungis ng burak --- ang siya ring tubig na ating iinumin at lulunod sa marumi at makasariling pag-iisip natin. Aanurin ng tubig na ito ang mga tao, bagay at hayop sa isang lugar na tatawagin nating delubyo.


Dumating na nga ang panahon,
Na ang ang mga punongkahoy sa gubat na ating itinumba upang gawin nating barong-barong, mesa, silya, panggatong, paddle, toothpick o chopstick --- ang siya ring kahoy na hahambalos at hahampas sa ulo o sa katawan ng mga kaawa-awa niyang biktima hanggang sa tuluyan tayong magtanda at maniwala na ang kalikasan ay may kakayahang gumanti sa inosente o sinumang umaabuso at lumalapastangan sa kanya.


Dumating na nga ang panahon,
Na ang mga mababangis na hayop sa gubat na tinanggalan natin ng karapatang mabuhay sa kanyang sariling tahanan ay matutulad sa na-extinct na mga dinosaur at magiging bahagi na lamang sila ng pahina sa mga libro o karakter sa mga pabulang kuwento. Ngunit ituturing pa rin ng tao na mabangis ang mga hayop na ito kahit batid natin na tayo ang kadahilanan kung bakit sila bumabangis at unti-unting naglalaho. Kahit ang katotohana'y, ang mga tao sa sibilisadong lungsod ang nararapat at dapat na ituring na pinakamabangis na hayop na nabuhay sa mundo.


Dumating na nga ang panahon,
Na ang bukiring noo'y liglig sa gulay, prutas at palay na ngayo'y tinamnan na natin ng magagarang bahay o himlayan ng mararangyang bangkay o ng matatayog at dambuhalang mall --- ang siyang bukiring magpapa-alala sa kasaysayan na ang tao'y minsang pinagpala ng malulusog, iba-iba at napakaraming pagkain. Kung kailan huli na'y saka pa lang natin mapagtatanto na mas mahalaga palang mabusog muna ang ating sikmura kaysa mabusog ang mapanlinglang nating mga mata.


Dumating na nga ang panahon,
Na ang malinis at sariwang hangin na ating nilalason sa ngalan ng modernisasyon, pag-usbong umano ng ekonomiya, industriya at transportasyon na tinatawag nating polusyon --- ang siya ring hanging ating lalanghapin at nanasok sa ating mga baga upang unti-unti niyang sakalin at pigilin ang ating kinakapos na hininga. Ipadarama at sasabihin niya sa lahat na kaya niyang ibalik at isumbat sa atin kung anong kababuyan ang ginawa natin sa kanya.


Dumating na nga ang panahon,
Na ang kabundukang ating inabuso at kinalbo upang minahin ang ginto, pilak, bakal, kemikal, mineral at kung ano pang pwedeng pakinabangan ay walang pasintabing guguho patungo sa kapatagan upang maghasik at isambulat niya sa atin at sa iyo ang isang babala na may kapasidad siyang wakasan ang kasaysayan ng tao. Ililibing niya ang mga mahal sa buhay ng mga tao at mamumuhay ito sa ating isip na parang multo, kikitil siya ng napakaraming buhay at katulad nati'y walang irirespeto.


Bubuka ang lupa at para itong hayok na lalamunin ang sinuman. Walang sisinuhin. Walang pipiliin.

Magagalit ang bulkan, lalapnusin at susunugin niya ang tahanan ng mga tao. Inosente man o gahaman.

Ang alon ay hindi na lang mananatili sa dagat kundi hahampasin at tatangayin na rin niya ang mga nandoon sa kapatagan.

At mararamdaman nating lahat na marunong ngang magtanim ng galit ang kalikasan.

Mitolohiya I - Ang Alamat nang Pagkawala ng mga Sirena

0
0


Makapangyarihan ang diyos ng karagatan na si Neptuno. 
Kaya niyang pakalmahin ang alon ng dagat kung kanyang nanaisin at sinusunod din siya ng karamihan sa mga isda at nilalang ng karagatan. Sakop ng kanyang kaharian at kapangyarihan ang sinumang naninirahan dito -- mga isda, balyena, pating, lumba-lumba, alimango, dikya, sireno at sirena at iba pang hindi na mapangalanang lamang-dagat sa dami ng uri.

Kaisa-isang anak ni Neptuno si Ariela -- isa itong sirena.
Payapa, marilag at mayaman pa noon ang karagatan sa pangangalaga ni Neptuno.
Kulay asul ang malinis na tubig, malayang lumalangoy sa ibabaw nito ang laksa-laksang uri ng lamang-dagat, ang mga corals sa ilalim nito na nagsisilbing tahanan ng mga maliliit na isda ay kay gaganda, ang mga halamang dagat na kanilang pagkain ay tila hindi nauubos sa sobrang sagana.
Sa maiksing salita, ang karagatan ay makulay at maganda.

Bagama't limitado lamang ang dami at uri ng mga isda na nahuhuli ng mga mangingisda noon, hindi naman sila umuuwing walang bitbit o huli para sa pamilya, mayroon pa ngang natitira upang may maitinda para sa pamilihang bayan. Ngunit ang tao ay sadyang mapaghangad ng sobra sa kanyang pangangailangan.

Si Greko ang lider ng grupong namamalakaya sa dagat pasipiko ay niyakag ang kanyang mga kasamahang mangingisda sa lugar kung saan mas maraming uri ng isda ang mahuhuli.

"Magtungo tayo sa banda roon, napakakaunti ng isdang ating nahuhuli rito. Masyadong mababa ang presyo ng ating itinintidang isda marahil nagsasawa na ang mga mamimili sa paulit-ulit na isdang ating inaalok sa kanila."pagyakag at mahabang paliwanag ni Greko sa mga kasama. Ang tinutukoy na lugar ni Greko ay ang Isla Orakulo - lugar kung saan hitik sa napakaraming uri at bilang ng isda ang makikita.

"Ngunit hindi ba't ipinagbabawal sa atin ang magtungo roon? Magagalit ang diyos ng karagatan na si Neptuno 'pag ginawa natin yaon..." alinlangang sagot ng kasamang mangingisda ni Greko na si Milan.

"Kung gusto ninyong magkaroon ng karagdagang kita para sa inyong pamilya sasama kayo sa akin! At 'wag kayong maniniwala na mayroong diyos ang dagat, hindi totoo si Neptuno! Hindi totoong may diyos ang dagat!"pagmamatigas ni Greko.

"Sino sa inyo ang nais na sumama sa akin upang mangisda sa Orakulo?"

Agad na nagtaas ng kamay ang walo sa siyam na mangingisda. Samantalang si Milan ay alanganin kung sasang-ayon o hindi, sa bandang huli'y nagpasya na rin siyang hindi sumamang magtungo sa Orakulo.

Gamit ang kani-kanilang mga bangka ay nagtungo ang walong mangingisda sa isla ng Orakulo. Maliban kay Milan na nakuntento na lamang sa kanyang nahuling isda at umuwi na lamang sa Bayan ng Maui.

Dis-oras ng gabi ng makarating ang grupo ni Greko sa Isla Orakulo.

Hindi nga nagkamali si Greko sa kanyang hinala. Napakarami ngang uri ng lamang-dagat at kanilang natagpuan sa Isla Orakulo! Kanya-kanyang hagis ng lambat ang mangingisda -- walang hindi natutuwa sa dami ng isdang kanilang nahuhuli. Walang hindi nasisiyahan sa posibleng napakaraming perang kanilang kikitain.

Halos lumubog na ang mga bangka ng grupo ni Greko sa sobrang dami ng lamang-dagat na kanilang huli. Hindi maipaliwanag ang labis na kasiyahan na nadarama ng mga mangingisda. Hindi pa sila nakararating sa dalampasigan ay alam na nilang pagkakaguluhan sila ng mga negosyanteng namamakyaw ng mga huling isda.

"Sabi sa inyo e! Sa dami at espesyal na isdang nahuli natin sigurado malaki ang kikitain natin ngayong araw na ito!"pagmamalaki ni Greko sa kanyang grupo.

"Oo nga, oo nga! Whoo!" pagsang-ayon ng lahat habang sila'y malakas na pumapalakpak.

Saglit lang ay agad nang naibenta ang mga huling lamang-dagat ng grupo ni Greko. Kumita sila ng higit sa triple kumpara sa dati nilang kinikita. Malaki-laking halagang maiuuwi para sa pamilya. Bagama't si Milan ay nakararamdam ng kaunting inggit dahil sa malaking kinikita ng kanyang mga kasama hindi naman siya nagpatalo sa inggit na ito. Nagpatuloy lang siya sa nakagawiang pangingisda -- sapat na para sa kanya ang may maiuwing pagkain para sa pamilya at sapat na para sa kanya ang perang magtutustos para sa pangangailangan ng pamilya.

Samantala, maraming gabi ring nagpapakasasa ang grupo ni Greko sa pangingisda sa Isla Orakulo. Nangingisda sila ng labis-labis sa kanilang pangangailangan at sa katunayan, gumamit pa sila ng mas malaking bangka upang mas marami silang mahuling mga isda at iba pang lamang-dagat. Kalaunan, hindi na lang grupo nina Greko ang nangingisda sa Isla Orakulo kundi marami na ring ibang grupo pa ng mga mangingisda ang nagtutungo rito na nagresulta sa pagkasaid at pagkaubos ng mga lamang-dagat sa lugar na iyon.

Hindi nagtagal, ang pang-aabuso at kaganapang ito ay nakarating sa kaalaman ni Neptuno -- ang kalabisang ginagawa ng mga mangingisda, ang pagkasaid ng mga isda roon na kahit hindi pa lubos ang laki'y hinuhuli na at ang pagkawasak ng koral sa Isla Orakulo at kalapit na mga isla nito.

Nagalit ang diyos ng karagatan na si Neptuno. 
At dahil sa pagkayamot na ito ay inutusan niyang magbantay ng karagatan ang anak na si Ariela kasama ang ilan pang sirena at mga sireno. Pinakalat ni Neptuno ang mga bantay ng karagatan at pinalakas ang hampas ng alon sa dagat upang mahirapang makapangisda ang lahat ng mangingisda.

"Magsikalat at magbantay kayo!" utos ni Ariela sa kapwa niya sirena at sireno. "Wag niyong hayaan ang mga tao na maubos ang mga kasamahan natin."

Hindi naging madali para sa mangingisda ng Bayan ng Maui ang pangingisda. Malakas at mataas ang alon kahit walang bagyo na kahit sa dati nilang lugar na pinangingisdaan ay wala na ring isdang mahuli. Naging mailap sa tao ang anumang uri ng lamang-dagat. At sa halip na humingi ng kapatawaran sa diyos ng karagatan ay naging marahas pa sila. Gumagamit na sila ng dinamita.

"Huwag kayong gumamit niyan! Mas maraming mapapahamak sa gagawin niyong iyan! Mas makabubuti para sa atin na humingi ng kapatawaran sa diyos ng dagat na si Neptuno!" pagpigil ni Milan kina Greko.

Ngunit walang narinig ang grupo ng mangingisda na pinangungunahan ni Greko. Muli silang nakakahuli ng isda bagama't mas lalo lang nitong pinaigting ang galit ni Neptuno!

Sa pagkagalit na ito ni Neptuno'y naging mabangis ang marami sa mga hayop na naninirahan sa katubigan kabilang na rito ang mga piranha, barracuda, igat, buwaya, pating at iba pa. Lumalaban na sila sa mga tao. 
Lalong lumalakas ang hampas ng mga alon na minsa'y nagiging dahilan ng tsunami sa maraming lugar. Namuhay sa pinakamalalim na pusod ng dagat ang maraming uri ng lamang-dagat upang hindi na sila mahuli ng mga mangingisda.

Isang gabing pagbabakasakali na may mahuhuling maraming isda, 'di sinasadyang nasilo ni Greko ang sirenang anak ni Neptuno na si Ariela -- saka pa lamang siya nakumbinsi na totoo ngang may sirena at totoo nga si Neptuno!

Nakarating kay Neptuno ang balitang nabihag ng isang mangingisda ang sirenang anak at dahil dito'y nagpadala siya ng mensahe kay Greko na gagawin niya ang lahat mapakawalan lang ang bihag na si Ariela.

"Sabihin mo kay Neptuno, hayaan kaming makapangisda sa kahit saang lugar namin naisin, kahit anong uri ng lamang-dagat na aming gustuhin at kahit anong dami ng bilang na aming huhulihin! 'Pag pinabayaan niya kaming maghari dito sa dagat pakakawalan ko ang anak niyang si Ariela!" kausap ni Greko ang isang lumba-lumba na magdadala ng mensahe sa diyos ng karagatan.

Labag man sa kalooban ni Neptuno. At kahit batid niyang mapapariwara at masasalaula ang kalikasan at karagatan sa kamay ng mga tao kung sakaling siya'y pumayag sa kagustuhan ni Greko wala siyang magagawa. Mahal niya si Ariela at kailangang makalaya ang kaisa-isa niyang anak.

Ang diyos ay diyos at si Neptuno ay isang diyos na may isang salita na 'di tulad ng tao. Ang kanyang salita ay batas, ang kanyang salita ay katumbas ng kanyang dangal.
Kaakibat ng mabigat na desisyon na gagawin ni Neptuno ay ang pagbitaw sa responsibilidad na mapangalagaan niya ang kayamanan ng karagatan. Mahalaga ang karagatan ngunit mahalaga rin para sa kanya ang anak na si Ariela. Kung susuwayin niya ang kanyang sariling salita at paninidigan ay wala na rin siyang pinagkaiba sa mga tao na hindi tumutupad sa kanyang pangako at gagawin ang lahat para lamang sa makasariling ambisyon.

Sa paglaya ni Ariela sa kamay ni Greko ay nagpasyang manirahan sa pinakamalalim na bahagi ng dagat si Neptuno at ang kanyang anak na si Ariela kasama ng iba pang mga sireno at sirena --- tagong lugar kung saan hindi kayang abutin, marating at sisirin ng mga tao at ng anumang uri ng sasakyang pangdagat.

Ilang panahon pa ang lumipas simula ng hayaan ni Neptuno ang karagatan sa kamay ng mga tao, ang karagatan ay nagsimula nang maging maitim at marumi.
Dahan-dahang kumakaunti ang bilang ng yamang-dagat at mga lamang-dagat.
Nasisira na ang mga koral na tahanan ng napakaraming mga isda.
Naubos at tuluyang nawala ang maraming uri ng isda dahil sa labis-labis na panghuhuli.
Kabilang na rin ang mga tulad ng dolphin, balyena at pating sa hinuhuli at kinakatay ng mga mangingisda.
Naging mailap at lalong bumangis ang maraming hayop sa dagat.  Natuto silang lumaban sa mga tao dahil sa panganib na kanilang kinakaharap.

Dahil sa kalabisan ng tao at kagustuhang magkamal ng maraming pera --- ang nakagisnan nating kariktan ng karagatan ay unti-unti nang nawawala. Hindi na rin natin alintana ang kapabayaang ginagawa ng mga tao sa dagat at tuluyan na ngang hindi ito nabantayan at naalagaan.


At tuluyan na ring naglaho at hindi na nagpakita sa lahi ng mga tao sina Neptuno - ang diyos ng karagatan, si Ariela at iba pang mga sirena at sireno ng karagatan.

 - wakas -

Abangan... Mitolohiya II: Ang Alamat ng Huling Dragon




Ang Sorpesa ni André 1/2

0
0


Kakaiba ang gabing ito. Nararamdaman ko.
Kahit pangkaraniwan na sa amin ang magtungo sa lugar na ito, pakiramdam ko'y may sorpresang mangyayari ngayon. Siguro tutuparin na ni André ang pangako niya sa akin na tuluyan na kaming magsasama. Matagal na niya kasing sinasabi sa akin na darating ang araw na magkakatuluyan kami, magsasama sa isang bubong at hihiwalayan na niya si Stephanie. At alam kong ito ang araw na 'yon. Ngayon na ang katuparan ng kanyang mga ipinangako.


Pangkaraniwang araw sa pangkaraniwang lugar. Biyernes. Temptation Motel.
Nandito kami ni André sa lugar kung saan muli naming pagsasaluhan ang isang masayang sandali at muling lilikha ng isang masarap na alaala.


Masayang sandali.
Dahil sa tuwing magkasama kami sa lugar na ito ay walang puwang ang anumang lungkot sa aming dalawa --- ang pagbulong niya sa akin ng katagang Mahal Kita ay nagpapawi ng lahat ng problema ko sa buhay. Kahit minsan pinapaalalahanan ako ng aking konsiyensiya dahil sa komplikadong relasyon naming ito -- hindi ko na 'yon alintana. Wala na akong pakialam.
Ang mahalaga para sa buhay ko ngayon ay kung ano ang nagpapaligaya sa akin. At si André ang dahilan ng lahat ng ito. Hindi ko nais ang iba. Kahit sino pa sila.


Ewan ko ba kung bakit ang isang gaya kong kahit papaano'y may pinag-aralan naman ay 'di maibukod ang tama sa mali at ang kasalanan sa hindi. Itinuring ko siyang malaking biyaya para sa buhay ko kahit alam kong taliwas ito sa kagustuhan ng Diyos. Kasalanan na kung kasalanan pero wala na akong pakialam. Siguro kahit paulit-ulit akong humingi ng tawad sa Kanya hindi niya pa ako mapapatawad sa ngayon. Hangga't hinahayaan at patuloy kong inilulubog ang aking sarili sa putikan.


Gustuhin ko mang iwaksi ang nararamdaman ko para kay André -- hindi ko magawa.
Gustuhin ko mang itama ang lahat ng mga mali kong ginawa -- hindi pa ako handa. At kung totoong mayroong Langit para sa mga taong matitino at Impiyerno para sa mga gagang tulad ko, sa bigat ng kasalanan kong ito sigurado malalapnos hanggang 4th degree burn ang kaluluwa ko.
Kahit naisin kong magbago at magpakatino pero pa'no nga ba? Wala na. Hindi ko na alam ang kasagutan sa tanong na 'yan. Lubog na ako sa kasalanan, lunod na ako sa labis na pagmamahal ko kay André. Iniisip ko pa lang na mawawala siya sa akin parang nalalagutan na ako ng hininga.


Masarap na alaala.
Dahil ang bawat haplos ni André sa aking katawan ay may dalang kakaibang libog para sa akin. Ang sensasyong aking nararamdaman ay parang rumaragasang tubig sa ilog na hindi kayang pigilan ninuman. Ang kanyang bawat dampi ng halik ay tila hinahatid ako sa isang paraiso kung saan nais ko nang manatili ng habang-buhay. At ang bawat pakikipagniig ko sa kanya ay nagbigay depinisyon sa akin kung ano ang tunay na kahulugan ng langit. Siguro ito na rin ang dahilan kung bakit hindi na ako gaanong natatakot na mapunta sa impiyerno -- dito pa lang kasi sa lupa narating ko na ang langit, at paulit-ulit pa.


Si André ang langit para sa akin, si André ang langit sa buhay ko. Na sa tuwinghinahagod niya ang aking kahubdan nagpapaaala ito sa akin na ganito kasarap ang mabuhay at dapat masulit ito ng bawat segundo. Na sa tuwing hinahalikan niya ang mga labi ko at malasahan ang sakdal sarap na kanyang laway ito ang nagsasabing may mas matamis pa kaysa sa asukal lang. Na sa tuwing nasa loob ko ang kanyang buong kahindigan ito ang kumukumpleto sa aking pagkababae at bumubuo ng mga pangarap kong muntikan nang malimot ng tadhana. Oo, naniniwala akong kami ang nakatadhana at naniniwala akong magiging kaming dalawa.
Hindi 'yung ganito, hindi 'yung patago.
Hindi 'yung kailangang naka-schedule pa kung kailan namin pwedeng ilabas ang libog namin sa isa't isa.
Hindi 'yung kailangang nakadepende sa oras niya kung kailan kami muling magkikita.


Ilang ulit na nga kaming nagtungo rito?
Ilang ulit na nga naming pinagsaluhan ang masasayang alaalang ganito?
Ilang beses na nga naming tinikman ang masasarap na sandaling ito?
Ilang beses na nga naming narating ang motel na ito?
Ewan ko.
Hindi ko na mabilang. Hindi ko na alam.
Ang alam ko lang ay hindi siya pwedeng mawala sa akin. 'Tangina! Si André ang lahat sa akin at hindi ako basta papayag na sa tutungo lang sa kawalan ang tagal ng paghihintay ko. Naging sandigan ko ang kanyang mga pangako at kahit may tsansang maiba ang ending ng aking gustong kwento hindi mapapasubalian na sanay na ako sa kanyang pagmamahal.

Si André na parang ginto sa kumpol ng mga pilak -- namumukod tangi, kumikislap.

Ang Sorpesa ni André 2/2

0
0


"Dingdong!"

Binuksan ni André ang pinto ng kwarto upang magbigay daan sa bellboy na naghatid ng aming kakanin sa gabing ito. Pork chop, chopsuey, kanin at dalawang coke in can.

"Mauna ka nang kumain, 'ney. Shower muna ko." paalam ko kay André habang piniprepare niya ang mga pagkain.

"Okay." maiksi niyang sagot.

Nawiweirdohan talaga ako sa kanya ngayon. Hindi naman siya ganyan dati. 
Madaldal si André. Makwento at malambing. Pero ngayon, kanina ko pa napapansing wala siya halos kibo. Kundi ko pa siya kakausapin hindi pa siya magsasalita. "Siguro pagod lang siya," sabi ko sa aking sarili at nagdiretso na ako sa shower.

Sa banyo pa lang, pagkasabik na ang nararamdaman ko kay André. Ang lagaslas ng tubig na nagmumula sa shower ay iniisip kong kanyang mga kamay na humahaplos sa aking kaselanan. Siguro nagpapadagdag sa pagkasabik ko sa kanya ang katotohanang hindi kami maaring magkita ng araw-araw, na kailangang samantalahin ang pagkakataong kasama ko siya. Ah alam ko, pangsamantala lang ito dahil sinasandigan ko ang kanyang sinabi na hindi na mababalik pa ang pagmamahal niya kay Stephanie at nagsasama na lang sila dahil kay Kyle, ang two year old nilang anak.

Mula dulo ng aking kuko hanggang sa hibla ng aking buhok ay sinigurado kong malinis. Gusto ko kasing wala ni katiting na maipipintas sa akin si André, gusto ko kasing tumatak sa isip niya na malayo ang pagkakaiba ni Stephanie kay Hayley. Gusto kong malanghap niya kung gaano ako kabango mula paa hanggang ulo.

"Wow, may dala ka palang grapes! How sweet of you naman!" nakita ko kasi ang ubas na kasamang nakaprepare ng aming hapunan pagkalabas ko mula CR.

"Yes. Favorite mo 'yan di ba? " tugon ni André. "Banyo lang muna ko ha? 'Pag gutom ka na, mauna ka nang kumain."

"Okay. Sige, shower ka muna."

In-on ko ang radyo habang naghihintay kay André. Kailangan ng swabeng musika na magsiset ng mood sa pinapanabikan kong pakikipagsex sa kanya. Humiga at pumikit panandali sa puting kamang may maayos na pagkakatuping bedsheet habang nananabik sa paglabas ni André mula sa shower room.
- - - - -

Malambot ang kanyang labi halos singlambot ng marshmallow. Habang hinahalikan niya ang labi ko'y gumagapang naman ang kanyang kaliwang kamay patungo sa aking hita na kalaunan ay tumungo sa aking kaselanan. Basang-basa na ako at ramdam 'yon ni André. Nanginginig ang aking buong katawan habang hinahaplos niya ang nasa pagitan ng mga hita ko. 'Tangina! Eto 'yung sinasabi kong langit! Walang kasingsarap na langit!

Tinanggal niya ang towel na nakatapis sa akin. At hinubad na rin niya ang kanyang suot na boxer shorts. Niyakap ko siya palapit sa katawan ko upang mas lalo kong maramdaman ang kanyang kahindigan. Malamig ang simoy ng aircon pero kapwa kami pawisan. Habang naghahalikan kami'y inaabot ng kaliwang kamay ko ang ubas na nakapatong sa mesang maliit na nasa tabi ng kama.

"Wait, sandali..." isinubo ko ang isang piraso ng ubas at itinapat ko ito sa bibig ni André. Automatic na 'yun hindi na kailangang itanong kung anong kanyang gagawin. Kinuha niya ito ng kanyang bibig, sinubo at kinain. Malakas na tawa naming dalawa ang pumuno sa'ming kwarto. Ganun kami magmahalan. Walang arte, walang kiyeme. Para kaming mga bagitong pornstar na gagawin ang lahat basta sumikat lang.

Akmang iibabaw na si Andre sa akin nang marinig ko ang mahinang boses niya.

"Hayley, Hayley, nananaginip ka..."mahinahong tawag niya sa aking pangalan habang tinatapik niya ang aking balikat.

Shit. Nakaidlip ako.

Napabalikwas ako mula sa pagkakahiga. Halos sampung minuto na pala ang lumipas.

"André, bakit nakabihis ka pa? Hindi ka nagshower? May problema ba?"Magkakasunod na tanong ko sa kanya.

"Hayley..." tinawag niya muli ako sa aking pangalan. Hindi ito pangkaraniwan. Lalo akong kinabahan.

"Matagal ko nang gustong sabihin sa'yo 'to, hindi lang ako magkaroon ng tamang pagkakataon. Sa tingin ko ito na 'yung tamang oras para maitama natin ang lahat ng ating mga naging kamalian..."

Nabibingi ako sa aking naririnig. Tila hindi na rerehistro sa aking isip ang kanyang susunod na mga sasabihin. Putangina. Sabi ko na nga ba e. Kaya pala kanina pa ako kinakabahan, kaya pala may nararamdaman akong kakaiba. Heto na ba 'yung inaasahan kong soprpesa? 'Yung inaasahan kong tuluyan na kaming magsasama at iiwan na niya si Stephanie para sa akin ay taliwas sa kanyang mga sinasabi ngayon. Kabaliktaran sa nais kong ending ng aking kwento.

"May mga relasyong walang patutunguhan, walang kinabukasan at walang kahihinatnan. At hindi lingid sa'yo na ganun ang relasyon nating dalawa. Hindi nakakatulong sa atin bilang isang indibidwal kung itutuloy natin ang relasyong ito sa halip, nakakasakit pa tayo ng ibang tao. Si Stephanie, alam na niya ang lahat ng tungkol sa atin pero mas pinili niyang manahamik. Asawa ko siya. May anak kami, si Kyle. Hayley, alam kong masakit man para sa iyo... sige, sa ating dalawa, pero kailangan kong sabihin na dapat na nating tuldukan ang relasyong ito.

Sorry kung nasaktan kita. Sorry kung nagbitaw ako ng pangakong alam kong hindi ko naman kayang panindigan. Ginawa ko lang ang mga 'yon para na rin sa kapakanan mo. Kasi nang mga panahong 'yun ayokong may gawin kang hindi maganda sa sarili mo. Ayokong mapahamak ka. Kung tatanungin mo ako kung minahal kita, siyempre, minahal kita. Alam mo naman 'yun e, naramdaman mo naman 'yun 'di ba?"

"Putangina mo Andre, ginamit mo lang ako. Ginamit mo lang ang pera ko sa lahat ng mga pangangailangan mo. Ang tagal na natin, tatlong taon! Pero ngayon mo lang sinasabi sa akin ang lahat ng 'yan. Gago, sa tingin mo kung mawawala ka sa akin magpapakamatay ako?! Ang totoo, kaya tayo nagtagal kasi kailangan mo ako, kailangan mo ng pera ko! Ngayon porke may matinong trabaho ka na dahil sa akin, saka mo sasabihin sa akin 'yang kaletsehang 'yan? 'Tangina mo, matagal na tayong madumi! Ang pagkakaiba lang natin, ikaw nagkukunwaring malinis, ako, hindi pero pareho lang tayo!"iyan sana ang gusto kong sabihin kay André pero hindi ko kaya, mahal ko pa rin siya sa kabila ng lahat ng aking mga narinig.

Napahagulgol na lang akong napaupo sa kama.

"Wala na ba talagang ibang paraan?" pahikbi kong pagsusumamo sa kanya.

"Makakabuting itigil na natin ito. Pasensiya na pero mahal ko si Stephanie, mahal ko ang aking asawa. Sana mapatawad mo ako, alam ko makakahanap ka ng lalakeng mas higit pa sa akin 'yung magmamahal ng buong-buo hindi 'yung ganito, hindi 'yung patago. Ginawa ko naman ang lahat pero hindi talaga nag-work. Iba pa rin talaga ang pagmamahal ng isang tunay na babae. Sorry talaga, Harry."

"Fuck you ka Andre. Fuck you ka."

Kalsada

0
0
Naisip ko lang na ang kalsada ay may koneksyon pala sa kalagayan ng tao…

May limang uri ng kalsada tayong nilalakaran; matubig, mabato, lupa, aspaltado at sementado. At ang limang uri ng kalsadang ito’y maaaring maihahambing sa tao o sa kanyang kalagayan sa buhay.


1. Matubig – kalsadang hindi pa man umuulan ay baha na at lalo pang tumaas ito kung may ulan, higit pa kung may bagyo. Bahang minsan’y lumalampas pa sa tao. Ang kalsadang ito’y sumisimbolo ng mga mamamayang mahihirap, aba, mga taong kinapos ang kapalaran na umulan o umaraw man ay may kinakaharap na problema (tubig). Ang bahang hindi humuhupa ay ang pagkalugmok ng isang tao sa tubig ng kahirapan, may pagnanais man siyang makaalpas mula dito ay may iilang dahilan kung bakit ‘di niya ito kaagad magawa. Baradong estero na pwedeng sabihing sumisimbolo ng korapsyon, mababang lugar na maaring ihalintulad sa kawalan ng oportunidad at kawalan ng aksyon na maaring sabihing walang pagsisikap mula sa mismong taong lumalakad sa baha.


2. Mabato – kalsadang malubak at ‘di komportable ang paglakad o pagbiyahe. Nasa bracket na ito ang mga taong nagsusumikap na makaalis sa mahirap na sitwasyong kanilang kinalalagyan ngunit ‘di madali ito para sa kanila dahil ang bawat pagkilos nila’y may lubak (problema), bawat pag-apak nila’y kadalasan sila’y nasasaktan na nagiging dahilan ng pagkaantala ng kanilang paglalakad. Depende sa taong lumalakad dito kung hanggang saan at hanggang kailan niya kakayanin ang mabatong kalsada upang makarating sa malupang kalsada.


3. Lupa – kalsadang maalikabok kung tag-init at maputik naman ‘pag umuulan na kung minsan ay nakararanas din ng baha. Ang kalsadang ito’y mga mamamayang masisikap at may matinong trabaho ngunit dahil sa init ng araw (pagkahumaling sa 'di gaanong mahalagang bagay) idagdag pa ang panaka-nakang alikabok ay lumalabo ang daang kanyang tinatahak. Sa pagsapit ng tag-ulan kung ‘di nakapaghanda ay mabagal at mahirap ang paghakbang. Bagama’t mas komportable ang paglalakad dito kumpara sa matubig at mabato hindi naman nangangahulugang madali kang makakarating sa gusto mong destinasyon. Ang init ng araw at ang ulan ay dapat na pinaghahandaan.


4. Aspaltado - kalsadang komportable at mabilis kung lakaran pero vulnerable naman sa baha dahil madaling mabutas. Kung susuriin okay naman ang aspaltadong kalsada almost perfect na ito ‘wag lamang palaging maulan dahil katagalan ay magkakabutas at madidelay ang paglalakad. Mahahalintulad sa mga taong medyo nakakaangat na sa buhay. Hindi na matubig, hindi na mabato at hindi na malupa ang kanilang paglalakbay – may mga bahaging malubak na ‘di naman kayang iwasan dahil darating talaga ang ulan kahit anong gawin. Sa kalsadang ito hinuhulma ang isang tao kung paano niya i-handle nang matagal ang paglalakad sa komportable na kung kanyang mapapabayaan at tuluyang mabubutas maaring bumalik siya sa kung saan siya nagmula.


5. Sementado – kalsadang matibay at matatag. Mabilis ang paghagabis kung saang lugar mo man nais magpunta. Kabilang na rito ang mga taong maalwan (mayaman) na ang pamumuhay. Bagama’t may katigasan ang kalsadang ito, ito naman ang sumisimbolo ng tikas ng mga taong nasa ganitong estado. Samantala ang pagtakbo ng sobrang bilis ay minsang nagreresulta sa kapahamakan. Ang paglalakad sa sementadong kalsada ay ‘di assurance na habangbuhay ito maari kasing may bahagi ng kalsada na hindi matibay ang pundasyon na magreresulta sa pagguho kung ‘di maagapan.


Saan ka mang kalsada naglalakad, saan ka mang bracket nabibilang – lahat naman ito ay may dulo o hangganan. Hindi (gaanong) mahalaga kung matubig, mabato, malupa, aspaltado o sementado ang iyong ginamit na kalsada dahil higit na mahalaga ay nakarating ka sa iyong pupuntahan ng ‘di ka nandaya o nang-agrabyado ng tao.


Ikaw, saang kalsada ka naglalakad?

Relationship: Under Repair

0
0


Biyernes. 7:44 PM.
Late na naman ako sa usapan namin ng girlfriend kong si Dianne na 7 o'clock.
Siguro mag-iisang oras na siyang naghihintay sa aming paboritong fastfood rendezvous na may islogang: ‘Love Ko 'To’ pero sa nararanasang pagkainip ni Dianne sa sandaling ito tiyak na mapapapalitan ng 'hate' ang 'love' niya para sa akin.



Kung bakit kasi sa dinadami ng araw, ngayon pa biglang nagloko ang cellphone ko. Badtrip. Hindi ko tuloy na-advise sa kanya na loaded ang paperworks sa office at ako’y mali-late. Sa Binondo siya nag-oopisina, Parañaque ako. Isang oras na biyahe para sa 14.41 kilometers na distansiya pero sa siyudad kung saan parang Facebook na mahirap iwasan ang ‘traffic’ – madalas itong nado-doble.
Ngunit hindi hadlang ang tagal ng biyaheng 'yon para sa akin at ang 14.41 kilometers na layo namin sa isa’t isa ay magsisilbing numero lang para sa tulad kong umiibig.

'Yung iba nga’y LDR ang sitwasyon pero napapanatili ang relasyon, kami pa kaya na hindi naman tawid-dagat ang distansiya.


Kakatila lang ng ulan. Automatic na ang ‘traffic’ dahil – may baha, may mga stranded, may magkakasagiang sasakyan, pundidong traffic lights at idagdag mo pa ang sirang kalsadang ginagawa o gawang kalsadang sinisira.


Habang papalapit ang minamaneho kong sasakyan patungo sa tagpuan namin ni Dianne, patuloy namang nadadagdagan ang aking inis at kaba. Inis, dahil magkakadugtong na halos ang mga kapalpakan ko sa kanya. Kailan lang kami nagkabati pero heto gumawa na naman si Destiny ng paraan upang mayroon kaming bagong pagtatalunan. Kaba, dahil si Dianne kasi ang babaeng kung magalit ay may pagka-sarcastic. Hindi siya nananakit pero 'yung mga banat niya ay kayang daigin ang mga banat nina Papa Jack at Ramon Bautista.


8:25 PM. After the classic tale of the series of unfortunate events, narating ko ang Sta. Cruz. Naghanap ng parking at agad na naglakad. Tanaw ko mula sa aking nilalakaran ang Sta. Cruz Church. Nag-sign of the cross. Pumikit sandali. Humiling sa Kanya na wala sanang maganap na digmaan sa pagitan namin ni Dianne. Pagod ako, ayokong makipagtalo.


Sa entrada ng pintong salamin ng McDo ay kita ko agad si Dianne. Nakaupo. Walang kibo. Maganda siya sa suot niyang kulay beige na uniform. Nakatitig sa kulay beige ring dingding. Kung mayroon siyang optic blast tulad ng kay Cyclops sigurado kanina pa nag-aapoy ang buong establisimyentong kinatitirikan ng fastfood na ito.


Huminga muna ako nang malalim. Binuksan ang pinto.
Hinanda ang sarili sa posibleng labanan ng Brgy. Ginebra at Rain or Shine. Ako 'yung Ginebra, 'yung laging talunan at siya naman 'yung Rain or Shine 'yung laging palaban.


Tsugtsugtsugtsug. Parang tunog ng lumang tren ng PNR ang lakas ng kaba ng dibdib ko. Tiyak kong isa itong fear: Diannaphobia.


"Hi." maiksing bati ko. Pambasag ng tensyong kanina pa marahil naghahari at gustong kumawala sa lugar na ito.


Ayokong tingnan ang mukha ni Dianne. Ayokong makita ang mga mata niyang tila kayang sumugat ng balat dahil sa sobrang talas makatingin at ang dalawang kilay niyang humugis boomerang at 'di na makita ang patlang sa pagitan. Ang maamong si Dianne ay alter ego ng mabangis na dragong si Smaug sa tuwing nagagalit.


Wala akong maisip na sasabihing magpapakalma sa nararamdaman niyang pagka-inis. "Kanina ka pa?!"


Shet. Mali ang approach ni Justin.


"Tinatanong mo kung kanina pa ako?!"at lumabas na nga ang nagngangalit na apoy mula sa bunganga ni Smaug.


"Usapan natin alas-siyete 'di ba? Anong oras na? Taga-Bangkok  ka ba at ‘di mo nalalamang late ka na ng mahigit isang oras? Nabilaukan na ko sa kakakain ng mga nasa menu dito pero ni isang text man lang hindi ka nagparamdam? Kanina pa ako mukhang tanga dito na nakaupo at naghihintay sa ireponsable kong boyfriend na hindi ko alam kung nabunggo ng pedicab ang minamaneho niyang bulok na kotse tapos itatanong mo kung kanina pa ako?!"


Walang patid na rapido ni Dianne.

Pakiramdam ko'y binigwasan ako ng kung ilang ulit ng mga kamao ni Da King at hindi ko man lang makuhang depensahan ang sarili ko. Oo, sira ang cellphone ko pero pwede naman akong maki-text sa ka-officemate ko 'di ba?


"Bakit hindi ka nagti-text! Bakit hindi ka tumatawag? Wala ka bang pang-load? Bakit 'di mo na lang ibenta 'yang kotse mong kakarag-karag para may pangload ka? Nananadya ka bang talaga?! Sobra ka na ah, lagi ka na lang ganyan!"


Gusto kong sumagot. Gusto kong mangatwiran.
Kawawa naman ako at ang 1995 Toyota Corolla ko na lagi na lang pinagdidiskitahan sa tuwing nagkakaroon kami ng diskusyon.

Minsan na rin kasing naghintay ng mahigit dalawang oras sa akin si Dianne at ang dahilan: namamatayan ng makina ang aking ‘vintage’ na kotse. Second anniversary namin nun at may dinner date kami sa isang restoran sa SM North. Mabuti at sa bahay nila sa Malabon ko siya susunduin, hindi gaanong nakakainip, dahil kung nagkataon baka magpantay na ang kulay ng kanyang iris, pupil at cornea sa kahihintay.


"Pasensiya na. Nasira kasi 'yung kotse e, namamatayan ng makina." my valid explanation.



"O, di ba sira ka rin? Bakit 'di ka pa namamatay?" bungad siya sa akin na nakangiti. Siguro'y alam niyang lampas ang kanyang biro, kaya 'yung ngiti niyang iyon ang magsisilbing peacemaker sa kapilyahang kanyang nasabi. Nasiraan ka na, ang dungis mo na, ganun pa ang maririnig mo. At sa awa ng bathala ng mga kotseng palaging sira ay natuloy naman ang dinner date naming ‘yon.




Center of attraction na kaming dalawa ni Dianne.

Nakapako na ang tingin sa amin ng papaunting customer ng fastfood at lahat ng crew ng McDo. Tumigil muna sila panandali sa kanilang ginagawa upang panoorin ang isang championship game sa pagitan ng dalawang magkaribal na team: Brgy. Ginebra at Rain or Shine. Tambak ang Ginebra, 96-69. Mismatch ang laban.


Inis na tumayo si Dianne. Kinuha ang bag. At akmang aalis na nang hawakan ko siya sa braso. "Magpapaliwanag ako!" gusto kong ipaglaban ang aking karapatan bilang isang inaaping mamamayan. "Wala akong kasalanan!" ito ang mga gusto kong ikatwiran sa kanya pero alam kong walang saysay ang anumang aking eksplanasyon, gaya ng pangangatwiran ng isang suspek sa krimen na hindi pinakikinggan ng mga otoridad kahit bago pa nila arestuhin ang mga ito'y sasabihin na nilang: "Sa presinto ka na magpaliwanag!"


"Honey naman, 'wag ka namang umalis, please. Matrapik lang talaga kaya ako late. Hindi kita na-text o natawagan kasi nagloloko 'yung cellphone ko, namamatay."walang joke, 'yun talaga ang rason.


"O di ba nagloloko ka rin? Bakit 'di ka pa namamatay?!" mataas ang kanyang boses.

Pumalo na yata sa 160kph ang gauge ng kanyang Toyometer. Ang sinumang humarang ay tiyak na masasaktan at masasagasaan. Mapapaslang.


Hindi ko siya masisi. Higit limang buwan pa lang ang nakararaan nang mahuli niyang nagloloko ako. Erratum: magloloko. Hindi ko naman kasi alam na naka-saved pala sa conversation history ang lahat ng palitan ng message namin ni Jill, 'yung liberated na dating OJT nila Dianne. Bunga ng katangahan at hindi eksperto sa pagloloko, 'di ko nalogged-out sa laptop 'yung YM ko.
Ang malas ko lang dahil laptop ni Dianne ang gamit ko nun.


Hi. Thanks sa pag-accept, ha?

Welcome. Nauna ka lang na mag-add e, ako sana ang mag-aadd sa'yo. Kumusta?
Okay lang. GF mo si Ma'm Dianne 'di ba?


Yep. Why? Problem?


Wala naman. Just asking. Baka kasi magalit siya, alam mo na...


Ba't naman siya magagalit? May ikakagalit ba siya?


Hmmm. Wala pa naman. Hihihi…


Haha. I like you. You're frank.


Likewise. GTG muna. I have something to do. We'll talk about it sometime.


Okay. Take Care. Next time na lang.


Pero pasalamat na rin akong naagapan ni Dianne ang first and last attempt kong lumandi kundi ay baka may mas malalang nangyari. Baka hindi ako mabigyan ng second chance at tuluyang mawala si Dianne. Hindi worth na mawala sa akin ang Dianne ng buhay ko para lang sa isang estrangherong si Jill.


Ang problema, sa tuwing mayroon kaming pagtatalo – ang isang pagkakamali kong 'yon ang lagi niyang bukambibig, ang lagi niyang sinusumbat. Parang 'yon na ang naging sukatan ng aking pagkalalake.


Kinabukasan, kinompronta ako ni Dianne. Sa Skype.

Pilit ko mang pangatwiranan ang nagawa kong pagkakasala pero tila wala akong lusot para akong miyembro ng Akyat-Bahay gang na huling-huli sa CCTV in HD.

Galit na galit siya. Bagama't hindi ko nakikita ng sandaling 'yon si Dianne ramdam kong nag-transform na naman siya sa pagiging mabangis na dragon.

Pero nang time na 'yun under repair ang laptop ko. Nagka-crash ang internet.

Kaya't ako nang tumawag sa kanya. Kahit alam kong makakatikim ako ng mga 'sweet nothings' mula sa kanya, hindi ko na 'yun inalintana – ang mahalaga ay maplantsa agad ang nagugusot na relasyon namin ni Dianne.


"Honey sorry! Wala naman akong ibig sabihin dun sa chat!"


"Ako pa talagang lolokohin mo?! Na-jireh Lin ka na, ayaw mo pang umamin? Anong palagay mo sa akin, fan ng teleserye na makukuha ng drama at sorry mo? Bakit ayaw mong magreply sa chat? May kachat ka namang iba siguro no?!"


"Hindi, wala akong kachat. Nagloloko kasi 'yung computer ko e, nagka-crash..."


"O, 'di ba nagloloko ka rin? Bakit 'di ka pa magcrash?!"


Parati akong barado sa tuwing mayroon kaming pagtatalo.

Kung pareho kaming abogado at siya ang katunggali ko sa korte malamang lagi akong talo sa kaso dahil sa bilis niyang mag-isip.  


Hinabol ko si Dianne.

Hindi niya kailangang tumakbo dahil 'yung mga hakbang niya’y singbilis ng mga pasaherong humahangos sa jeep tuwing rush hour. Para kaming mga pusang naghahabulan sa ibabaw ng yerong bubungan, siya 'yung pusang tumatakbong palayo at ako 'yung pusang gustong makaiskor.


"Dianne, ano ba? Please naman mag-usap naman tayo!"


Huminto siya sandali.
Binuksan ang bag, tila may hinahanap.
Akala ko'y pagbibigyan ang pakiusap ko ngunit may kinuha lang pala sa bag at tumuloy ulit sa mabilis na paglakad.


Sa LRT ang kanyang destinasyon. Carriedo Station.
LRT card pala ang kanyang kinuha sa bag na agad niyang in-insert sa slot ng barrier. Wala akong card at kung pipila naman ako para bumili nito'y siguradong hindi ko na siya aabutan sa haba nang nakapilang commuter. At isa pa'y baka ma-carnap ang prize possession kong sasakyan. Wala akong magawa kundi tanawin papalayo si Dianne na hindi man lang nakuhang ako'y lingunin.
Wala siyang awa sa isang taong gutom, pagod at alipin ng pagmamahal.


At tuluyan na ngang naglaho si Smaug. Sumuot at nagkubli sa malawak na kabundukan ng Erebor.


Sabado. Pasado alas-diyes ng umaga.
Pagka-almusal ay diretso ako sa internet shop. Hindi upang i-chat si Dianne. Hindi muna ngayon.
Nag-browse sa Facebook. Sinilip ang account ni Dianne na 3 days ng walang update. Nagbasa ng dati naming conversation. Naglogged-out.


"Anak, may problema ba kayo ni Dianne? Nag-aaway ba kayo?" magkakasunod na tanong ni Mama na may naka-implant yatang radar sa katawan.


"Wala po."ewan ko kung makukumbinsi siya sa sa sagot kong 'yon. Ayokong mag-open up. May plano ako at alam kong ito’y epektibo.


Linggo. Pasado alas-diyes ng umaga.
Pagka-almusal ay diretso ako sa internet shop. Hindi upang i-chat si Dianne. Hindi muna ngayon.
Nag-browse sa Facebook. Sinilip ang account ni Dianne na 4 days ng walang update.
Nagbasa ng dati naming conversation. Naglogged-out.


"Anak, may prob..."


"Wala nga po." putol ko sa itatanong ni Mama. Napailing siya. Alam kong hindi siya naniniwala pero 'di na siya nag-usisa.


Isang weekend ang lumipas na nakatiis akong hindi kausapin si Dianne. Sa three years naming relationship, first time nangyari 'yon. Ni tawag o kahit isang text message mula sa kanya ay wala akong na-receive. Paano nga pala mangyayari 'yun e sira nga ang cellphone ko.


Ang totoo, sinadya kong hindi makipagkita o makipag-communicate sa kanya. Paraan ko ito ng protesta para sa napapadalas na inconsiderate and childish behavior niyang parang riding-in-tandem na bigla-bigla na lang sumusulpot.


Lunes. Holiday. Pasado alas-diyes ng umaga.
Pagka-almusal ay diretso ako sa internet shop. Upang i-chat si Dianne. Ngayon na ang tamang oras. Dahil hindi na lang cellphone, laptop o ang kotse ko ang dapat na ma-repair kundi ang relationship namin ni Dianne.
Nag-browse ako sa Facebook. Sinilip ang account ni Dianne na 5 days ng walang update.
Naka-online siya.


Hi.

Hi.

Kumusta?

I'm fine. Ikaw, kumusta?

Heto okay na. Nakausap na kita e. Galit ka pa?

Hindi na. Daya mo.

Bakit?

Two days kang hindi tumawag o nagtext. Do you still care?

Of course, I care. Sorry for being unfair pero gusto ko lang kasi magkaroon ka ng realization.

I’m sorry for being childish and inconsiderate.

Nag-sosorry ka ngayon pero 'pag nagkaroon ako ng kahit kaunting atraso sa'yo isinusumbat mo naman ang dating pagkakamali ko. I love you Dianne. Sana pagkatiwalaan mo ako. Past is past at pinagsisihan ko na kung anuman ang naging kasalanan ko sa'yo. I missed you Dianne. I really missed you.

Sa sobrang pagka-miss ko sa'yo 2 days kong binabalik-balikan 'yung mga conversation natin dati.

O, anong nangyari?

Ayun, imbes na mabawasan'yung pagka-miss ko sa'yo lalo lang kitang na-missed.

Wow. I missed you too, Justin. Sorry talaga.

Wait for me. I'll go there.

Okay, I will wait. I love you.

I love you too.



-End of conversation.




"O humahangos ka, sa’n ang punta mo?" usisa ni Mama.


"Ligo lang ako 'Ma. Punta ko kina Dianne. Iri-repair ko lang ang relationship namin!"


Muling umiling si Mama at napangiti. Siguro nasa isip niya: "sabi ko na eh".


Malayo ang Imus sa Malabon pero walang halaga sa 'kin 'yon dahil mas mahalagang makarating ako kina Dianne. May magandang plano akong matagal-tagal ko nang gustong gawin.


Tumungo muna ako sa mall. Naglunch. Bumili ng favorite ni Dianne na JCO doughnut, dozen of roses, CD, picture frame, cellphone (kapalit ng pahamak kong cellphone) at isang statuette ni Mama Mary. Sumaglit din ako sa Jewerly Shop saka nagdiretso sa giftwrapping counter.


Walang awkward moment sa pagitan namin ni Dianne kahit galing kami sa isang pagtatalo at dalawang araw na 'di nagkita dahil mas nanaig ang pagkasabik namin sa isa't isa. Isang mahigpit na yakap at mainit na halik ang isinalubong ni Dianne sa akin kapalit ng pasalubong kong roses at box of doughnut.


Bumalik na ang maamong Dianne na kilala ko. 


"And here's another box for you..." isang may kalakihang box ang inabot ko sa kanya habang umuupo kami sa sofa.


"At ano naman ito? Nagawa mo na ang gimik na ito dati 'di ba?"nakangiti si Dianne na tinanggap ang kahon. Nakakunot ang noong nag-iisip.


"Hindi. Bago 'yan. Open it." ang tinutukoy niyang nagawa ko na ay ang niregalo kong isang malaking box noong aming first anniversary. Naglalaman ito ng pitong maliliit ding box na may kanya-kanyang label at iba't ibang item sa loob.



For your eyes: contact lens cleaner
For your arms: Guess wristwatch
For your head: isang dosenang Dolfenal
For your ears: a pair of earrings
For your nose: Watson’s nose pack
For your finger: a gold ring
At ang pinakaespesyal kunwari ay ang may label na 'For your heart'na ang laman ay picture kong naka-frame.


Ang araw na 'yon ang isa sa pinakamemorable at pinakamasayang araw namin ni Dianne. 


Isa-isang nilalabas ni Dianne mula sa box ang statuette ni Mama Mary, kahon ng O+ cellphone, flashcard na letter 'U', CD ni Willy Revillame at isang picture kong naka-frame.


Lalong kumunot ang noo ni Dianne, parang papel na nilamukos ng isang writer na na-mental block ang mukha. Hindi niya makonek ang mga bagay na 'yon sa kanya.

Unang-una, hindi siya fan ni Willy Revillame at wala ni isang kanta nito ang kanyang nagustuhan.
Hindi siya Marian Devotee at ‘di rin siya naniniwala sa santo.
Aanhin niya nga naman ang isang empty box ng cellphone at flashcard na letter 'U'.
Ang tanging may koneksyon lang sa kanya sa mga 'yon ay ang nakakaumay na picture kong naka-frame.


"Habang iniisip mo kung ano ang kahulugan ng mga 'yan, mag-CR muna ako,’ ney."


Tila hindi ako narinig ni Dianne. Sa itsura niyang 'yon para siyang chess grandmaster na nasa kalagitnaan ng isang tournament. Nakatungo. Malalim ang iniisip.


Kung paano ko siya iniwan bago ako mag-CR ay ganun pa rin ang posisyon niya ng aking balikan. Nakatungo at nakatuon sa center table habang sinasalansan ang limang mga bagay na nasa ibabaw nito.



Mahabang limang minuto ang lumipas.

At na-arrange din niya sa wakas ang limang bagay na tila jigsaw puzzle na matagal niyang binuo -iisipan. Naunawaan na niya ang mensaheng nais kong sabihin.



>Willy Revillame CD

>O+ cellphone box

>‘U’ Flashcard

>Mama Mary statuette

>Framed picture of myself


Limang bagay na ayon sa pagkasunod-sunod ay mangangahulugang:

WillyOUMaryMe?      


Tila parang batang nasurpresa si Dianne na napatingin sa aking kinauupuan.

Umiiyak sa kaligayahan.


"I love you, Justin. I love you. And yes, I will marry you..."lumuluhang sabi sa akin ni Dianne habang mahigpit niya akong yakap-yakap.


Sa nararamdaman kong 'yon tila gustong kumawala ng puso ko mula sa aking dibdib dahil sa labis-labis na pagkabog nito. Ginantihan ko siya ng mahigpit na yakap at halik. Habang nag-uumpisa na ring tumulo ang aking luha.


Kapwa na kami humihikbi.


"I love you Dianne. I love you so much. Three years ago nang maging boyfriend mo ako, despite the ups and downs, inspite of my shortcomings, tayo pa rin. You may be childish and I have failed you once, pero hindi naman 'yun ang importante dahil ang higit na mahalaga ay natuto tayo sa mga naging mali natin. You are still here with me and I am still here, loving you. I may not promise you forever but I will love you as long as my heart keeps on breathing. I may not be perfect but we can do many things perfectly. Ikaw ang aking gasolina at pamasahe naman ako – ikaw ang dahilan kung bakit patuloy akong nagmamahal..."


"Honey, ang corny mo ha...but I love you. I love you so much.·" humihikbi pa rin siyang nakayakap sa'kin.


Pakiramdam ko'y parang eksena sa Hollywood movie na love story ang tema ang eksena naming ‘yun ni Dianne. Kahit 'di na halos tumitigil sa pagtulo ang magkahalong sipon at luha namin, masasabi kong kaming dalawa ang pinakamasayang tao sa mga sandaling ito.


Kinuha ko mula sa aking bulsa ang isang maliit na box na naglalaman ng engagement ring na aking pinag-ipunan – ang maliit na bahagi ng aking dahilan kung bakit laging under repair ang aking kotse, cellphone at laptop. At ang kabuuan ng pag-iipong ito’y aking ilalaan para sa kasal namin ni Dianne sa lalong madaling panahon.


"Ms. Dianna Torres of Malabon…Will you marry me?" nakaluhod akong hawak ang singsing sa isang maamong anghel na nasa aking harapan ngayon.


"Yes. Mr.  Justin Gatchalian of Imus. I will marry you!"at muli na namang bumaha ng luha sa Malabon na naging dahilan nang pagkaantala ng mga sasakyang patungo rito.



-wakas 
---------------
Ang akdang ito ay ang aking opisyal na lahok at pakikiisa sa 2014 Saranggola Blog Awards:




Sa pakikipagtulungan ng mga sumusunod na sponsor:



"Ang Bansang Nagpapanggap Na Mahirap"

0
0
Ang image ay galing sa: tbhsbca.net
Taon-taon may trilyong pisong nakalaang budget ang ating pamahalaan na ina-allocate sa iba't ibang programa ng bawat kagawaran, bukod pa rito ay mayroon din tayong 8 billion dollar reserves mula sa naipong remittances ng ating mga OFW, gold holdings, revaluation adjustment at iba't ibang investments at sa export industry. Kada taon ay pinagsamang daan-daang bilyong piso ang nakokolektang buwis ng Bureau of Customs at Bureau of Internal Revenue, ang bawat mambabatas at opisyal na nanunungkulan sa gobyerno ay may milyon-milyong pisong pondong kanilang pinangangalagaan at pinangangasiwaan.


Sa laki at nakalululang mga halagang nabanggit nais ko tuloy paniwalaan na ang bansang Pilipinas ay isang mayamang bansa na nagpapanggap lang na mahirap -- na tayo'y hindi kapos sa pera kundi sa katapatan at disiplina.

-----



Ilang dekada na ring kabilang ang bansang Pilipinas sa listahan ng mga developing countries, sa listahan ng walang pagpapahalaga sa kalikasan at sa listahan ng mga bansang may malalang katiwalian. Ito ay sa kabila ng pagsisikap at sandamakmak na mga pangako at programa ng mga nanunungkulan na pauunlarin at didisiplinahin nila ang bansang ito, lokal man o nasyonal. At sa paglipas pa ng panahon ay tila lumulubha pa ang ating sitwasyon; ilang mga beteranong pulitiko ang nasangkot sa iba't ibang kontrobersiyang may kinalaman sa paglustay sa kaban ng bayan, ilang mga anomalya at katiwalian ang nabunyag at kabi-kabilang opisyales ang naakusahan ng pamahalaan at pati nga ang kalikasan at agrikultura ay napabayaan ng husto.



Tila ba hindi natatapos ang mga ganitong suliranin at kontrobersiya na nagiging dahilan ng pagkaantala ng progreso ng ating bansa. At sa ganitong kalagayan kung kulang sa oportunidad ang mamamayan nagreresulta ito sa 'dog-eat-dog' situation na ang malalakas ang siyang nagpupunyagi na minsa'y nababalewala at nawawalang bahala ang mga nakahaing batas. Kung kalam ang sikmura ng mga tao madalas nawawala ang kanilang disiplina ngunit kahit kailan hindi naman talaga dapat gawin itong katwiran at dahilan para lumabag sa polisiya at batas.



Sa patuloy na paglayo ng agwat ng mga mayayaman sa mahihirap hindi rin naman nagpapabaya ang ating pamahalaan at katulad ng marami sa ating mga kababayan hindi kailanman nawawala ang pag-asa at kaisipang ang Pilipinas ay aasenso at uunlad. Minsan na tayong tinaguriang 'Tiger Economy of Asia' at 'di malayong makakamit natin ito sa pagbalangkas ng mga posibleng solusyon para tuluyan na tayong makaaahon sa pagkakalubog na ito. At kung hindi ito agad na maagapan ng mga nanunungkulan maaaring tuluyan na tayong mapag-iwanan. Hindi tayo dapat makontento na hanggang pangarap na lang ang kaunlaran at hanggang inggit na lang ang mararamdaman natin sa paglago ng ekonomiya ng mga kapitbahay nating South Korea, Japan, Singapore, Hong Kong, China at ang papausbong na ekonomiya ng Vietnam, Malaysia, Indonesia, Thailand at iba pa.



Bukod sa intensibong pagpapatupad ng batas dapat din natin isaalang-alang ang ibang bagay na makatutulong para makahulagpos tayo sa tanikala ng kahirapan. Ang mga sumusunod na suhestiyon kung mabibigyan pansin ng husto ay makatutulong sa unti-unting kaginhawaan kung hindi man lubos na kaunlaran ng bansa:


l  epektibong edukasyon para sa lahat

l  karagdagang ayuda sa sektor ng pangingisda at agrikultura

l  pagpapakalat ng ekonomiya at industriya sa buong kapuluan

l  karagdagang sahod sa kawani ng gobyerno

l  mabilis na transportasyon at komunikasyon

l  makataong paglilikas sa mga iskwater

l  oportunidad na mapagkakakitaan sa mga ni-relocate na mahihirap

l  mababa at maaasahang source ng kuryente

l  permanenteng solusyon sa lumalalang port congestion



Ayon sa pag-aaral, tinatayang 1 sa bawat 5 limang pilipino ay mahirap (conservative pa ang bilang na ito) ibig sabihin mahigit sa 12.1 milyong pilipino ang pinagkakasya ang maliit na kinikita para lamang maka-survive sa bawat araw. Sa dami ng bilang na ito, ito rin ang naging dahilang kung bakit lumobo sa mahigit 11 milyong pilipino ngayon ang naghahanapbuhay sa iba't ibang panig ng mundo. Sila 'yung binansagan nating 'Bagong Bayani' pero hindi naman bayani kung ating ituring. Sa ngayon, napakalaki ng kanilang naiaambag sa ekonomiya pero hindi dapat 'yon lang ang solusyon at dapat nating asahan dahil marami pang paraan kung ito'y matutukan lang ng pamahalaan.



Dahil sa sunod-sunod na kalamidad na nagreresulta sa pagkalugi at tila hindi seryosong pagtulong sa sektor ng agrikultura napipilitan ang ating mga magsasaka na ibenta ang kanilang ekta-ektaryang lupain at bukirin sa mga higanteng kapitalista at ilang taon lang ang bibilangin ang mga bukiring ito'y magiging dambuhalang mall o 'di kaya'y magiging malawak at magarang subdivision. Sa dami ng ating populasyon na umaabot sa mahigit isandaang milyon nakakatakot isipin ang posibilidad na kakapusin tayo ng pagkaing mula sa dagat/tubig, ito ay sa kabila ng pagiging arkipelago ng ating bansa. Kapansin-pansin na unti-unting nababawasan na ang bilang ng nahuhuling mga isda sa dagat na nagiging pangunahing dahilan kung bakit mas mahal pa ang halaga ng mga ito kaysa karne ng manok at baboy. Kung maagapan, naniniwala ako na maisasalba pa ang umaandap na sektor na ito kung mabibigyan lang ng pansin at tutok ang mga batas na nagawa para dito.



Samantala, katulad ng mga magsasaka at ating mangingisda, ang mga maliliit na entrepreneur kung mapagkakalooban lang ng oportunidad at kahit maliit na kapital ay posibleng makapag-ambag ng kahit na kaunti sa ekonomiya ng bansa. Subalit hindi pa naman ganap na huli ang lahat, dahil may ilang panukalang batas na may layong tulungan ang mangingisda, magsasaka at maliliit na negosyante na kalauna'y magbibigay ng karagdagang produksiyon ng pagkain at karagdagang trabaho sa mga hikahos na mga pilipino subalit mga masisipag at masisikap. Hangarin ito ng mga sumusunod na mga (panukalang) batas:


l  The Go Negosyo Bill

l  The Microenterprise Development Bill

l  National Land Use Act

l  Comprehensive Agrarian Report Law

l  Agriculture and Fisheries Modernization Act

l  The Philippine Fisheries Code

l  Corporate Farming Act

l  Tulong Kabataan Sa Agrikultura at Kabuhayan Act



Pansamantala, nakatutulong ang programa ng pamahalaan na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Pagkaing Pinoy Para Sa Batang Pinoy Program sa pamilya ng kabataang pinoy na mahihirap. Ang mga programang ito'y nasa ilalim ng pamamahala at pangangasiwa ng Department of Social Welfare and Development. Layunin nitong maibsan ang gutom ng mahihirap nating mga kababayan sa pamamagitan ng pagbigay pagkain/pera sa kanila. Ang ganitong programa ay naka-pattern sa ibang bansang may ganito ring sistema gaya ng Brazil at Mexico. Sa programang ito higit sa tatlong milyong bilang ng mga pilipinong mahihirap mula sa 79 probinsiya ng Luzon hanggang Mindanao ang nakikinabang sa programa ngunit kung ang malaking bilang na ito ay naiko-convert into manpower higit sanang kapaki-pakinabang sila sa halip na patuloy na umaasa.



Marami ang nag-aakala na maliit na bagay lamang ang kalikasan sa pag-unlad ng bansa. Sa ganitong konsepto tila ba nahuhuli sa prayoridad ang programa para sa pangangalaga ng kalikasan. Ngunit napatunayan ding nararapat na ngang aksyonan at ipatupad ng husto ang batas na magpoprotekta sa kalikasan at natural resources; mga batas na nakatengga lang at dapat ng full implementation dahil kung hindi baka maulit pa ang trahedyang idinulot ng habagat at ng malalakas na bagyong gaya nina Ondoy, Sendong, Yolanda at iba pa. At sa pagwawalang bahala sa kalikasan, walang humpay at walang pakundangan ang marami sa atin sa pagbuga ng maruming usok (pabrika o sasakyan), sa pag-abuso sa kabundukan at kagubatan, sa pagtapon ng kani-kanilang kalat at basura sa kung saan-saan. Resulta nito'y: baha, kalamidad, polusyon at trapik. Sa tulong ng mga sumusunod na batas/programa nakatulong na rin tayo sa pag-recover ng papanipis na ozone layer at muling pagbabalik ng ganda ng kalikasan at posibleng kabawasan ng biktima ng natural disaster na hindi naiiwasan.



l  Total Plastic Bag Ban Act

l  Climate Change Act

l  Illegal Logging Prohibition Act

l  Philippine Mining Act

l  Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act

l  Renewable Energy Act

l  Solid Waste Management Act

l  Environmental Awareness Education Act

l  National CFC Phase-out Plan



Ang kaunlaran ay hindi lang nasusukat sa dami ng pera ng isang bansa -- dahil ang bansang may kaunlaran ay may kaakibat na disiplina sa mamamayan at tagapagpatupad nito, may pagmamahal at pagpapahalaga sa kanyang bayan, may magandang programa para sa edukasyon, agrikutura, industriya at kalikasan.

Hindi madaling gawin ang mga ito ngunit hindi rin naman ito imposible. Magandang maging inspirasyon sa atin ang mga bansang Japan at South Korea dahil sa kabila ng pinagdaanan at naranasan nilang destruction at pagbagsak ng kanilang ekonomiya noong panahon ng digmaan sila ngayon ang isa sa mga hinahangaan, tinitingala at magandang ehemplo ng pag-unlad at disiplina ng maraming nasyon.



Marami na tayong mga batas na may kinalaman at kaugnayan sa pagsulong at pag-unlad ng ating bansa. Batas para sa pagdidisiplina ng mga tao, para sa ekonomiya, sektor ng agrikultura, mangingisda at manggagawa, pagproteksyon sa likas-yaman at kalikasan, para sa maliliit na negosyante, industriya, transportasyon, komunikasyon at elektrisidad. At ang mga batas na ito kung susuriing mabuti ay kapaki-pakinabang para sa lahat maging sa pinakamaliliit na tao ng lipunan.


Eksakto labinglimang taon mula ngayon o sa taong 2030 kung maipatutupad lang ang lahat ng programa at mga batas na ito at maibalik lang ang disiplinang tila naglalaho sa mga pilipino, hindi malayong maging ganap na tigre ng ekonomiya na tayo sa kontinente ng Asya. At ang kaisipan ng lahat na maganda at mabuting Pilipinas ay hindi hanggang pangarap na lang at para matamasa ang tagumpay na ito kailangan ng sakripisyo hindi lang ng gobyerno kundi ng bawat pilipino.




Sakaling makamit natin ang tunay na kaunlaran at kaayusan, ang katagang 'Proud to be Filipino' na madalas ipangalandakan ng marami nating kababayan ay hindi na occasional at magiging huwad lang kundi bukal at taas noo mong sasambitin ito hindi dahil sa talento, talino at galing ng iilang pilipino kundi dahil sa pag-asenso at disiplina ng Pilipinas na hindi matatawaran at matutumbasan.




------
Ang akdang ito ay aking pakikiisa at opisyal na lahok sa 2014 Saranggola Blog Awards sa kategoryang Sanaysay:
Sa pakikipagtulungan ng mga sumusunod na sponsor:

Panatiko

0
0

Hindi ka na ba nagigimbal sa kariktan ng iyong sariling wika?
Bakit nalilibugan ka sa wikang hiniram mo lang sa banyaga?
Hindi ka na ba nasasarapan sa hagod ng matalinghagang dila?
Bakit mo niluluran ang wikang pinamana ng mga dakila?


Hindi mo ba alam na ang wikang Filipinong hinandog sa atin
Ay higit pa sa anumang wikang dayuhang kaya mong bigkasin?
Higit pa sa alinmang wikang dayuhang kaya mong aralin
Ang dangal at kayamanan ng bansang 'di ninuman maaangkin.


Hindi ka ba nagagayuma sa "Mahal kita" na sinambit ng kapwa mo pilipino?
Bakit "I Love You" na lamang ang nagpapakislot ng iyong libido?
Ikaw ay naniniphayo sa tuwing nakaririnig ka ng "Putang ina mo!"
Ngunit nalilibang ka naman sa "Fuck You!" na binigkas ng amerikano.


Hindi mo ba batid na ang wikang Filipinong ipinamana sa atin
Ay may angas at tapang na magpapaalab ng damdamin?
May talas na masahol pa sa punyal at patalim
At may kaluluwang dadaigin ang anumang sining.


Hindi ka ba nabighani sa melodiya ng kundimang Filipino?
Bakit sinasamba mo ang awiting 'di nauunawaan ang liriko?
Hindi ba't ginto ang alaala ng unang pagbigkas ng alpabeto?
Bakit ikaw ay nagpantanso sa dayalektong 'di naman iyo?


Hindi mo ba alam na ang wikang Filipinong kinagisnan natin
Ay may tamis at kilig na magpapangiti sa bawat labi?
May puso't lambing na makalulusaw ng poot at galit
May bangis na anumang sandali'y sasambulat at pupulandit.


Hindi na ba maibabalik ang pag-ibig mo sa wika ng iyong bayan?
Mas madali ba ang mag-'twang' kaysa isapuso ang Panatang Makabayan?
Hindi ba't saulado mo ang mga kanta nina Beyoncé, 1D, EXO at 2NE1?
Bakit madalas kang magkamali sa tuwing aawitin ang 'Lupang Hinirang'?


'Di mo ba alam na ang wikang Filipino ay ilaw ng Pilipinas?
Na tatanglaw sa korapsyon ng kadiliman na tila 'di nagwawakas
Liwanag na magmumulat sa diwang nilalango ng alak ng kabalastugan
Gagabay sa landas na binaliko ng utak ng kalokohan at katarantaduhan.


Ano ba ang dapat maituwid ang 'yong malabnaw na utak o dilang nakalihis?
Bakit mas matatas pa ang 'Harry Potta' mo kaysa totoong mga Inggles?
Hindi mo ba kayang hangaan ang ating wika, kultura at kutis kayumanggi?
Ba't Ikaw'y may pagnanais na lampasan pati ang kulay ni Britney Spears?


'Di mo ba batid na ang wikang Filipino ay tulay patungong tagumpay?
Estruktura ng komunikasyong magdudugtong at mag-uugnay
Sa bayang inuhaw, ginutom at tinimawa ng pagsulong at kaunlaran
Na matagal nang pangarap ng mga 'indiong' dito'y nananahan.


Hindi ba't ang mga dakila't makata'y nakapukaw gamit ang wikang Filipino?
Bakit pinili mong iwaglit ang kasaysayan ng bansa at siya'y pinagkanulo?
Hindi ka ba namangha sa mga bayaning nanindigan para sa mga pilipino?
Bakit ibang lipi at lahi lamang ang siya mo ngayong dinidiyos at iniidolo?


'Di mo ba batid na ang wikang Filipino ay pundasyon ng tapang?
Balangkas ng monumentong susuhay sa tatag ng isang bayang
Pilit na binubuwag ng unos ng pagmamalabis at pagkaganid
Ang tutuos sa tahilang hinahagupit ng delubyong mga balakid.


Hindi pa ba sapat ang aral at leksyong dinulot ng kasaysayan?
Ano ang dahilan sa pagtanggal ng Filipino sa kurikulum ng paaralan?
Hindi ba nila alam na ang pagpapahalaga ng pilipinong kabataan
Sa wika, bayan at kasaysayan ay magsisimula 'di lamang sa tahanan?


'Di mo ba alam na ang wikang Filipino ay bagwis ng karunungan?
Pakpak na magdadala ng runong at impormasyon sa buong kapuluan
Ang maglilipad at maghahatid ng kaalaman sa nagmamaang-mangan
Patungo sa himpapawid ng kalayaang may tinig at tunay na kasarinlan.


Si Dr. Jose Rizal na ating pambansang dakila noo'y nagbilin at nagwika:
"Ang 'di magmahal sa sariling wika ay higit pa ang amoy sa malansang isda."
Ano pa nga bang mas sasahol sa pagkakaila sa sarili mong wika?
Ano pa nga bang mas uulol sa pagtatraidor sa sarili mong bansa?


Walang nagturan na kasalanan ang matutunan ang ibang mga wika
Walang nagbansag na masamang maging eksperto at dalubhasa
Gamit ang lenggwahe at wika ng mga banyaga sa pakikisalamuha
Ang kasalanan ay ipagkanulo mo ang bansa maging ang sarili mong wika.



Hindi ka na ba nagigimbal sa kariktan ng iyong sariling wika?
Bakit nalilibugan ka sa wikang hiram mo lang sa banyaga?
Hindi ka na ba nasasarapan sa hagod ng matalinghagang dila?
Bakit mo kinukupal ang wikang pinamana ng mga dakila?

- - - - - - - -
Ang akdang ito ay ang aking lahok sa 2014 Saranggola Blog Awards 6 sa kategoryang Tula

Sa pakikipagtulungan ng mga sumusunod na sponsor:

Bukas Na Liham Para Kay Supremo

0
0
Gugunitain na naman ng bansa ang iyong kaarawan. Ipagdiriwang na muli namin ang iyong kabayanihan. Nakapagtataka dahil (halos) lahat ng pambansang bayani (maliban sa'yo) ay araw ng kanilang kamatayan ang minamarkahan upang ihandog at gawing espesyal na araw nila na dapat ipagdiwang. Mas mahalaga raw kasing dakilain ang makabuluhang araw ng kamatayan ng isang bayani kaysa sa mismong araw ng kanyang kapanganakan, ngunit sa'yo ay iba yata.

Hindi ko alam kung sino ang nagtakda na dapat ang araw ng iyong kapanganakan ang siyang dapat na maging araw ng iyong kadakilaan. Kabaliktaran sa kinagisnan ng lahat, kabaliktaran sa nararapat. Hindi tuloy maalis sa isip ng marami na maaring may pinagtatakpang bahagi ng kasaysayan na hindi dapat mailantad at mailahad. At kung ano man ang tunay na dahilan sa likod nito ay iilan lang ang nakakaalam. Datapwa't hindi naman lingid sa kaalaman ng marami na ikaw ay pinaslang sa kamay mismo ng iyong kababayan.



Sa araw na Nobyembre 30 na ituturing naming espesyal, aalalahanin na naman ng bansa at ng pamahalaan ang iyong kadakilaan. Matutuwa ang lahat dahil holiday at walang pasok sa mga paaralan at sa halos lahat ng mga opisina, pribado man o gobyerno at sa iba pang mga istablisimiyento, para sa mga may pasok naman'y katumbas ito ng dobleng sweldo. Hindi nakapagtatakang mas marami sa mga kababayan nating pilipino na gusto ang araw na ito -- hindi dahil sa iyong kaarawan kundi dahil mas nananaig ang araw ng kanilang pahinga kaysa araw ng paggunita sa iyong kabayanihan. Idagdag pang nakalulungkot na malamang napakaraming mga pilipino na hindi na kilala kung sino ka at kung ano ang kahalagahan ng iyong ipinaglaban.



Sa loob ng mahigit isandaang taong paggunita ng bansa sa espesyal na araw na ito, sa kabila ng kung ano-anong seremonya, re-enactment at aktibidades na may kaugnayan sa iyong pakikidigma laban sa mga manunupil ng bansa at ang lahat ng ito'y may dedikasyon (umano) para sa iyong kabayanihan, kumusta na kaya ang iyong adhikain para sa bansang lubos mong minahal? Sa bansang inalayan mo ng iyong dugo at buhay?

Saan na kaya napunta ang lahat ng iyong ipinaglaban? Alam pa kaya ng lahat kung anong naging sanhi at dahilan ng iyong pagpaslang? At kung sakaling alam man nila ito, may pagpapahalaga pa kaya sila rito?



Marahil kung ikaw ay nabubuhay sa panahong ito muli mong kukunin ang iyong tabak upang ito'y iwasiwas at i-amba sa mga pilipinong dinadaig pa ang mga dayuhan sa pagsasalaula at pagtataksil sa bayan.

Marahil hindi ka manghihinayang na ibuwis muli ang iyong dugo kapalit ng kanilang dugo at buhay na walang pinahahalagahan kundi ang pansarili nilang interes at kapakanan at 'di iniisip ang kapakanan ng nakararaming mas higit na nangangailangan ng kalinga.

Marahil muli mong ikakasa ang iyong rebolber upang muli itong iputok sa mga pilipinong makabayan umano ngunit nagkukubli naman sa hiram na kapangyarihan at salapi, silang mga walang pakundangan sa paglustay sa yaman ng bayan at walang paggalang sa hustisya at katarungan.

Marahil hindi ka magdadalawang-isip na isugal muli ang iyong buhay para sa kapakanan ng mga aba at api upang ipamulat sa mga nanunungkulan na ang tunay na pagmamahal sa bayan ay may kaakibat na sakripisyo, na ang lahat ay kaya mong isantabi para sa magandang kinabukasan ng iyong bayan at kababayan.



Lumilipas ang maraming taon, pang-ilang henerasyon na rin ang nagdaan, ilang libro at sulatin na rin ang naisulat tungkol sa iyo, sa mga katipunero at sa Katipunan -- mga artikulong nakasaad at nakalahad doon ang aral ng iyong buhay at ang pagpupunyagi mong iahon ang bayan sampu ng iyong mga kasamahang bayani na 'di napangalanan mula sa kamay ng mga manunupil. Marahil ang tanong ko'y tanong din ng maraming pilipino:

Ano nang nangyari sa iyong ipinaglaban?

Ano nang nangyari sa mga pilipinong nagtatamasa ng kalayaan?

Ano nang nangyari sa Pilipinas mula noong ito'y sapilitan mong maiwan?

Ang pangarap mong magkaroon ng ganap na kasarinlan ang Pilipinas sa kamay ng mga Kastila ay matagal nang naganap ngunit nakalulungkot na hindi pala ito sapat, sapagkat ang kasarinlang ito ay naabuso ng husto at siya ring naging dahilan upang malugmok ang bansang lubos mong inibig. Hindi pala sasapat ang kalayaang tinatamasa kung walang pag-ibig na namamayani sa mga puso ng bawat tao para sa kanyang bansa. At anumang uri ng kalayaan kung walang tunay na pagmamahal sa bayan ay magreresulta sa paghihirap ng mamamayang sinasamantala ng mga ganid sa kapangyarihan.



Bagama't nakamit umano ng bansa ang kalayaan mula sa Espanya, tulad mo tila ang Pilipinas ay isa pa ring bigo.


Bagama't ang adhikain mo sa bansa ay 'di naging ganap, gaya mo tila lahat ng iyong pangarap ay naglaho.


At katulad mo tila hanggang pag-alala at pangarap na lamang ang kaya naming gawin.



Ayon sa kasaysayan, libo-libo ang nagbuwis ng buhay. Kabilang ka na. Para sa bansa. Para sa lahat. Umaasang tatamasahin ang pag-unlad makalipas ang kasarinlan. Higit sa tatlong daang taong pananakop ng mga Kanluranin. Higit isang daang taon makalipas na ikaw ay paslangin. Saan na napunta ang bansa natin? Masdan ang mga naghahari-harian sa panunungkulan sila'y gaya na ng mga kastilang walang respeto sa karapatan ng bawat mamamayan. Mabuti pa noon na ang mga manunupil ay mga dayuhan 'di tulad ngayon na ang mismong nasa kapangyarihan ang umaabuso at pumapaslang sa pangarap ng bawat pilipino.



Matagal nang tumatangis ang bansa.

Panahon pa ng Kastila.

Panahon pa ng Katipunan.

Panahon pa ng Amerikano.

Panahon pa ng mga Hapon. At hanggang ngayon sa kamay ng huwad na Kasarinlan. Hindi na matapos, hindi matigil sa pagkubkob ng mga tarantado hanggang sa siguro'y masaid na ang lahat, hanggang maubos na ang kayamanan. Marahil kung ikaw ay buhay sa panahong ito mananawa ka sa katatanong ng: Hanggang kailan ang ganitong kalagayan ng aking Inang-Bayan?



Sa modernong panahong ito na ang lahat ng bansa'y patungo na sa kaunlaran maliban sa ating bansa, tila bumabalik kami sa 'di magandang pahina ng ating kasaysayan.

Hindi ba't sa iyong panahon ay may mga pilipino ring nagtaksil?

Hindi ba't ang pumaslang sa'yo ay iyong kapanalig umano?

Hindi ba't wala silang awa nang ikaw ay kanilang kitilin?

Hindi ba't ikaw at sampu ng marami pang mga dakila ay inagawan ng karapatang mabuhay ng iyo mismong kadugo at kalahi?



Tila bumalik nga ang nakaraaan. 
Tila naulit nga ang kasaysayan. 
Ang mga pilipinong sakim at taksil na ito'y nabuhay na muli sa kasalakuyang panahon -- sila ang naghuhudas sa bansa na nagkukunwang tutulungang makaaahon ang bansa mula sa pagkakadapa. Gaya mo marami pa rin namang mga pilipino ang nakikipaglaban sa karapatan ng mamamayan; nakikipaglaban para sa magandang kinabukasan. Hindi ko nga lang batid kung may magandang kahihinatnan ba ang pakikidigma ng mga pilipinong nasa kabundukan na niyayakap ang rebolusyon at himagsikan. Bagama't inaalipusta ang mga pilipinong nakikibaka sa lansangan na may kahalitulad na prinsipyong iyong ipinaglaban hindi pa rin sila nagsasawa magsagawa ng demonstrasyon laban sa pamahalaan.



Naitala sa kasaysayan ng bansa ang isinagawa ninyo noong 'Unang Sigaw' sa Balintawak. Naging popular at naging inspirasyon ito ng mga pilipinong may paninindigan para sa bayan. Ang masaklap lang, ang 'sigaw' na ito higit isang siglo na ang nakalipas ay sigaw pa rin ng milyon-milyong pilipinong sadlak at sabik sa kaunlaran. Sila'y 'di tumitigil sa pagsigaw hanggang sa ang sigaw nila ay naging pagtangis, naging palahaw at ngayo'y pagmamakaawa.



Siguro kahit ilang Andres Bonifacio pang tulad mo ang makipaglaban para sa kanyang kababayan ay walang magaganap na pagbabago hangga't walang lubos na pagmamahal sa bayan ang bawat pilipino. Ganunpaman, kaming mula sa bagong henerasyon ng pilipino ay nagpapasalamat sa iniwan mong legasiya ng katapangan at tunay na pag-ibig para sa bayan. Ang iyong alaala at lahat ng nagawa ninyo sa bayan sampu ng iba pang mga bayaning literal na nagbuwis ng dugo at buhay ay magiging inspirasyon ng kabataang pilipinong may pagpapahalaga sa bansa at kasaysayan. Patuloy naming aalalahanin at isasapuso ang iyong tinuran na: "Wala nang pag-ibig ang hihigit pa sa pag-ibig sa tinubuang lupa. Wala na nga, wala."



Mitolohiya II - Ang Alamat ng Huling Dragon

0
0

Sa malawak na kabundukan ng Astera ay naninirahan ang mga dragon.

'Di tulad ng ibang uri ng hayop, kung ikukumpara ang mga dragon ay kakaunti lamang ang kanilang populasyon.

Kasamang naninirahan ng kanilang napakalimitadong bilang sa kagubatan ng Astera, ay ang maraming klase ng hayop, kabilang na ang iilang uri ng dinosaur na herbivores tulad nila.



Malaki ang dinosaur kaya't hindi kataka-takang sila'y kinatatakutan ng mga maliit na hayop kahit ang katotohanan ay hindi naman sila basta-basta pumapaslang, maliban na lamang kung sila'y nasa bingit ng panganib. Ngunit maliban sa kanila, ang higit na totoong nakakatakot ay ang mga dragon. Dahil sila'y higit na malaki, higit na matapang, higit na mabangis at higit na mas mapanganib.



Mapupula at nakalisik ang mga mata ng dragon na kumikislap sa dilim.

May mahaba at matulis silang buntot na halos singhaba na ng kanilang katawan.

Singtalim ng espada ang matitigas nilang mga kuko.

Matatalas ang tila sibat nilang mga ngipin at pangil.

Makakapal na animo'y yerong bakal ang kanilang kaliskis na tila hindi nasusugatan.

At malalapad ang kanilang mga pakpak na nagpapahilakbot sa mga hayop ng Astera sa tuwing ito'y pumapagaspas.


Iniiwasan at kinatatakutan sila ng lahat ng uri ng hayop sa gubat, kahit na ang kapwa nila dambuhalang mga dinosaur. Bukod sa pambihirang tapang at lakas nila na hindi kayang tumbasan ng kahit anong hayop --- sila nga'y may kakayahan ring lumipad nang mataas, nang malayo at nang mabilis.



Itinuring na panginoon ng mga hayop ang mga dragon.



Bagama't ang mga dragon ng Astera ay kinatatakutan dahil sa likas nilang kabangisan, hindi naman nila ito inaabuso upang makapambiktima ng ibang mga hayop at ginagawa lamang nila ito upang maipagtanggol ang kani-kanilang sarili. Maliban kay Smaug.


Si Smaug ay kaiba sa kanyang mga kalahing dragon -- kilala siya sa Astera bilang pinakamasama at pinakamalupit sa kanilang uri.



Mayaman sa puno at mga halaman ang kagubatan ng Astera. Sagana rin ito sa malinis at malinaw na tubig kaya't maraming iba pang uri ng mga hayop ang dito'y naninirahan. At sa lawak ng Gubat Astera sapat na sapat na ito upang matustusan ang pangangailangan ng lahat ng mga hayop dito kahit pa sa kalahi ni Smaug.



Subalit si Smaug ay sakim at makasarili.

Itinuring niyang kanyang kaharian ang Astera -- ang kabundukan, ang kagubatan at lahat ng mga halaman at punong nakatirik dito. Ang sinumang pumapasok sa kanyang teritoryo ay kanyang binibiktima at pinapaslang. Datapwa't hindi sang-ayon ang mga kauri niyang dragon sa kanyang ginagawang kalupitan hindi naman nila ito mapigilan. Si Smaug ang pinakamarahas, pinakamalakas at pinakamabangis na dragon ng Astera.



"Groooowl!" nakakahilakbot na boses ni Smaug ang naghahari sa tuwing walang awa at walang pagkasawa niyang pinapaslang ang sinumang hayop na kanyang makikitang mapasuong sa gubat na kanya umanong teritoryo -- 'wag lamang makabahagi sa yaman ng Astera. Sa angking kasamaan, bangis at lupit niya'y unti-unting nababawasan ang bilang ng mga dinosaur na herbivores at iba pang kaawa-awang mga hayop na kanyang biktima. Minsan na ngang nagkaroon nang malawakang paglikas ng mga hayop dito; mula sa Astera patungo sa ibang kagubatang ligtas sa kapahamakan dahil sa kanya.



Ngunit hindi sa lahat ng oras ay kayang bantayan at tanuran ni Smaug ang gubat na kanya umanong kaharian. May pagkakataong napapagod at nahahapo rin siya dahil sa dami ng mga hayop na kanyang nais paslangin o palayasin at dahil na rin sa lawak ng sukat ng Astera.

Sadyang maramot si Smaug. Hindi niya hihintaying siya'y mapagkaisahan ng mga dinosaur at ibang mga hayop na matapang. Bagama't hindi nagkukulang ang kapwa niya dragon sa pagpapaalalang hayaan na ang ibang hayop na makibahagi sa mga pagkain ng gubat tutal naman ay masagana ang Astera sa mga puno, halaman at prutas. Ngunit patuloy lang si Smaug sa pagmamalupit.



Isang marahas na hakbang ang gagawin ni Smaug na ikagagalit at ikamumuhi ng lahat sa kanya.



"Awoooh! Awooooh!" Maiingay na alulong ng iba't ibang uri ng hayop ang gumising sa dapat na tahimik na umaga ng Astera.

Nagulantang ang lahat, na sira na ang malagong kagubatan ng Astera!

Nakatumba ang maraming mga puno.

Nabunot mula sa pagkakatanim ang karamihan sa mga halaman at kahit ang mga prutas nito'y halos hindi na mapapakinabangan.

Sa isang magdamag lang ay nawala ang kayamanan ng gubat. At si Smaug ang may kasalanan at kagagawan ng lahat ng ito.


At hindi na lang mga dinosaur o maliliit na mga hayop ng gubat sa Astera ang nadismaya at nagalit ng husto kay Smaug kundi pati ang kapwa niya dinosaur ay namuhi na rin sa karahasang kanyang ginawa.



"Ngunit ang nais ko lang ay maprotektahan ang ating gubat." Pangangatwiran ni Smaug  nang siya'y inuusig at sinusumbatan ng kapwa niya dragon. "Ilang panahon lang ang kakailanganin upang ang mga halaman at puno sa gubat ng Astera ay muling tumubo at lumago. Pinalilikas ko lamang ang mga hayop na hindi natin kauri, wala silang lugar at puwang sa ating tahanan!"

Ngunit hindi pinalampas ng ibang mga dragon ang ginawang ito ni Smaug. Siya'y pinalayas sa kuwebang kanilang tinitirhan.

Balak ni Smaug na pansamantalang mamuhay mag-isa sa gubat na 'di kalayuan sa Astera.



Si Mielikki ay diyosa ng kagubatan. Ito'y nalungkot, nagitla at nasagad sa galit sa kasamaan at kasakimang ginawa ni Smaug sa kagubatan ng Astera. Ang kariktan ng gubat na kanyang pinangalagaan sa mahabang panahon ng kanyang pagiging diyosa ay biglang naglaho sa kamay ng palalong dragon.



"Walang kapatawaran ang ginawang ito ni Smaug! Kailangan niyang maparusahan dahil sa kanyang labis na kasamaan!" galit na sambit ni Mielikki.



"Smaug!" pasigaw na tawag ng diyosa ng kagubatan kay Smaug na sumulpot at nagpakita sa kanyang harapan. "Dahil sa iyong labis na kapalaluan at kasakiman ay dapat kang maparusahan. Hindi mo pag-aari ang Gubat Astera at kahit na anong gubat sa kalupaan! Katulad ka rin ng ibang mga hayop na nakikihati at nakikibahagi lang sa yaman ng gubat. Wala kang pag-aari sa lugar na ito kaya't wala kang karapatang lapastanganin ang anumang kagubatan lalo na ang Astera!"

"Bilang kaparusahan sa iyong lahat ng kasamaan --- tatanggalan kita ng boses at mawawalan ka ng kakayanang magsalita. Sa halip na boses ay apoy ang lalabas sa iyong bibig sa tuwing tatangkain mong magsalita! Dahil ang mga kasama mong dragon ay hindi ka nagawang pigilan sa iyong kalabisan, idadamay ko na rin sila sa iyong parusa! Lahat ng uri ng dragon ay apoy ang lalabas sa bibig sa halip na tinig!"nagngangalit ang tono ng boses ni Mielikki.



"Sandali...!" hindi na nasundan pa ang sasabihin ni Smaug ay naglaho na ang diyosa ng kagubatan. Ipagtatanggol niya sana ang mga kasamahang dragon, sasabihin niya sanang siya na lang ang patawan ng kaparusahan at 'wag na silang idawit pa.



Lumipad patungo sa kuwebang kinalalagyan ng kasama niyang dragon si Smaug. Sasabihin niya sana ang babalang mula sa diyosa ng kagubatan. Hihingi siya ng tawad sa kanyang mga nagawa, kukumbinsihin niya ang ibang dragon na muli siyang tanggapin at mangangakong hindi na muling mauulit pa ang kanyang kapangahasan.

Ngunit huli na ang lahat.



Sa pagbuka ng bibig ni Smaug ay apoy nga ang lumabas dito! Agad na nag-apoy at nasunog ang mga dragong kanyang kasama. Sa kalituhan ni Smaug ay ni hindi niya man lang naitikom ang kanyang bibig. Lumayo ang mga kapwa dragon sa kanya. Ngunit sa halos sabay-sabay na pagbuka ng bibig ng mga dragon at dahil sa pagkabigla, apoy ang lumabas sa kani-kanilang bibig! Nataranta ang mga dragon at sila-sila'y nagpalitan ng apoy.

Nasunog ang lahat ng dragon ng Astera. Maliban kay Smaug.

Naubos ang lahat ng kanyang kalahi at tanging siya na lamang ang natira.



Sa labis na galit sa kanyang sarili -- lumipad nang pagkataas-taas si Smaug.

Nagpakalayo-layo.

Malayong malayo sa Gubat Astera na kanyang inangkin. Gubat na kanyang sinira dahil sa pagiging makasarili.


Ilang panahon pa ang binilang saka tumigil sa paglipad at paglayo si Smaug.

Napadpad siya sa lugar kung saan nais niyang matulog nang napakatagal.

Napadpad siya sa kuweba kung saan walang nakakakilala sa kanya at sa kanyang uri.

Napadpad siya kung saan itinuturing na isa lamang alamat at karakter sa mitolohiya ang mga dragon.



Napunta siya sa kabundukan na kung tawagin ng mga tao ay Bundok Erebor.



At doon na siya nagpasyang manatiling manirahan nang palihim.



- wakas -

Simoy ng Pasko, Simoy ng Komersiyalismo (Isang Wasak na Obserbasyon sa Paskong Pilipino)

0
0
www.philstar.com
Kabi-kabila na ang mga awiting pamasko.

Kabi-kabila na rin ang mga christmas lights sa mga kabahayan.

May iba't ibang ads sa print, radyo at TV tungkol sa pasko pero ang mensahe ay hindi naman sa selebrasyon ng kaarawan ni Jesus.

Bakit ba naman hindi, dahil ilang araw na lang ay muling sasapit ang Pasko.

Sa ganitong panahon dumudoble o tumitriple ang mga namamalimos sa kalsada ng Kamaynilaan na hindi ko alam kung saan-saang lugar nagmula.



Noong isang linggo lang ay binagtas ko ang kalsada patungong Quiapo. Sumikip pang lalo ang dati nang masikip na kalsada -- hindi dahil sa dagsa ng mga taong nagtutungo sa simbahan kundi dahil sa inokupang bahagi ng kalye ng mga vendor ng iba't ibang mga produkto; ukay-ukay, prutas, CD, gadget/cellphone accessories, RTW, hanger, tinapa, gulay, herbal, bulaklak, tools, fabrics, halaman, wrapper, pillow case, table mat, doormat, streetfoods, diaper, school supplies, timba, shades, at marami pang iba na magbibigay kahulugan sa salitang Quiapo. Ang lugar na ito ay tila cheaper version ng mall na SM dahil "they got it all for you." Sa sobrang sikip ng lugar na ito literal na maglalakad ka nang patagilid sa ilang bahagi ng kalsada kung nais mong makarating sa iyong pupuntahan.


Kung gaano kasikip ang Quiapo kaparehong sikip din ang mararanasan mo kung magtutungo ka sa Avenida, Greenhills, Baclaran lalo na kung sa Divisoria.



Sa mga consumer na may sapat na budget o sa mga gusto lang makisabay sa komersiyalismo ng Pasko -- Supermall ang kanilang destinasyon. Sino ba naman ang maniniwala na nagkataon lang na maraming sale, discounted prices, deferred payment scheme at mas maraming bagong designs ang mga damit sa tuwing araw ng kapaskuhan? Sinadya ang mga ito upang hikayatin tayong ubusin at lustayin nating mga empleyado ang lahat ng ating mga bonus at 13th month pay na dapat sana'y ating ginagasta o iniipon sa MAS importanteng mga bagay.



Hindi naman talaga mahaba ang selebrasyon ng Pasko, media lang ang nag-iinsist na matagal ang pagdiriwang natin nito. Sa pagsapit pa lang ng 'ber' months nagkakandarapang ipinapasok na nila sa mga kukote nating malapit na ang christmas season. May mga media at news anchor/personality pa nga na may countdown pa kung ilang araw na lang ang nalalabi bago magpasko. Halata namang sila ang mas excited at agresibo at hindi ang mga tao -- masabi lang na mahaba ang selebrasyon natin nito.



Ang konseptong "pagbibigayan ang tunay na diwa ng pasko" ay tila nag-iiba ang kahulugan sa paglaon ng panahon. Ang dapat sanang bukas sa loob na pagbibigay ay tila nagiging sapilitan at kompulsaryo, na halos ang sarili mong pamilya at mismong iyong pangangailangan ay kailangan mong isakripisyo para lang mapunan ang kaisipang dapat na ikaw ay mabigay sa (halos) lahat nang sa iyo'y umaaasa.

Mabuti sana kung labis-labis ang iyong benepisyo at natatanggap sa panahong ito. Paano kung sakto lang?

Paano kung kulang?

Paano kung wala?

Paano kung walang pagkukunan?

Malamang na aasa ka na lang (ulit) sa zero interest na ino-offer ng iyong credit card na iyong pagtitiyagaang bayaran sa loob ng anim hanggang labingdalawang buwan - Pasko nang muli ay hindi ka pa nakakatapos maghulog. At kung wala talaga, tatanggapin mo na lang ang pintas at sasabihin sa'yo ng mga tao (pamangkin, inaanak, pinsan, etc.) na ikaw ay kuripot at ang malala: madamot.



Hindi nga sapilitan ang pagbibigay pero sa panahong ito na tila nilalason ang ating isip ng konsumerismo at komersiyalismo mapipilitan kang gawin ang mga bagay na hindi mo gusto at labag sa iyong kalooban. Hindi ba't sa panahong ito rin dumadami ang mga krimen sa lansangan? Noong isang araw lang Disyembre 10, malapit sa aming opisina, may hinoldap at binaril na isang empleyado, nakuha sa kanya ang mahigit php900,000 na kanyang winithdraw sa bangko -- ikalawang insidente na ito sa loob lang ng isang buwan bago ang pasko. Nakakalungkot na ang dapat sanang sagradong selebrasyon ng birthday ng Panginoong Hesus ay nagiging dahilan pa para lumala ang petty crimes sa Kamaynilaan at sa iba pang lugar.


Ang simoy ng pasko para sa mga pilipino ay hindi lang simoy ng malamig na hanging amihan kundi may kasama rin itong simoy ng komersiyalismo.



Ang bawat kantang pamaskong umaalingawngaw sa bawat kanto o sa mga paulit-ulit na karoling ng mga batang umaamot ng kaunting barya o sa mga christmas songs na pinatutugtog ng mga mall at supermarket -- katumbas nito'y pagkasabik sa aginaldo o kaya nama'y pagsidhi ng lungkot o inggit ng mga kapuspalad.



Kahit anong pagpipigil o pagtitipid nating mga pilipino na gumastos ng sobra sa panahong ito parang napakahirap gawin dahil tila ba gayumang malakas ang hatak ang mga mall o mga tiangge na mahirap hindian at tanggihan. Naging tradisyon na rin kasi sa atin na mamili ng bagong damit, laruan, gamit o anumang pangregalo.

Kung positibo o negatibo man ang ganitong kaisipan ay nakadepende ito sa kung sino ang magbibigay ng pahayag at paliwanag: oo, positibo ito sa ating ekonomiya pero problema ang kalaunang hatid nito sa mga taong limited lang ang panggastos.



Ang pasko ay dapat na para sa mga bata. Ang espesyal na okasyong ito'y nilikha para sa kanila. Magmula sa konseptong ito ay nalikha ang half-truth, half-lies na si Sta. Claus. Dahil may utak kolonyalismo tayo in-adapt natin si Sta. Claus, nangarap tayo ng white christmas at snowman, hinahangaan natin ang christmas songs ng kanluranin na kalaunan ay gumawa rin tayo ng atin, ginaya natin ang christmas carolling, nakisabay tayo sa noche buena, misa de gallo at medya noche ng mga kastila, mayroon tayong kris kringle, nagpapaligsahan tayo sa pagandahan ng parol, ginusto nating may christmas tree sa ating tahanan, kabi-kabila ang christmas party na may paligsahan at temang lasingan, ipinangalandakan natin sa kapwa natin pilipino na espesyal ang keso de bola at ham ng mga amerikano sa tuwing araw na ito.

At noong panahon ng ating kabataan, kabilang tayo sa mga naniwala at nakisakay kasama ang maraming mga magulang sa isang kalokohan na mayroong isang Sta. Claus na namimigay ng regalo sa mga batang mababait sa tuwing araw ng pasko. At ang mga regalong ito ay nakalagay sa isang karwaheng hila-hila ng mga reindeer na pinangungunahan umano ni Rudolph The Red Nosed Reindeer.



Ang pwede sanang simple lang na selebrasyon ng pasko ay tila ginawa nating komplikado. Ngayon, lahat na lang (halos) ay naghahangad na sana'y mayroon silang panggastos sa araw na ito. Nakakalungkot, na ang pumipigil sa mga tao para sumaya sa araw ng pasko ay ang kawalan niya ng pera na pambili ng aginaldo sa mga taong malapit man o hindi sa kanyang puso. Dahil mas marami na ang materyoso kumpara sa mga taong may malawak na pang-unawa kahit mga bata, kahit na sino'y naghahangad ng mamahaling regalo o di kaya'y pera mula sa kung kanino. Siguro dahil sa mga dahilang ito kaya maraming suplado ang nagiging palabati, 'yung mga tatamad-tamad biglang nagiging masipag, 'yung iba nagiging palangiti -- marami ang biglang nag-iba ang mga ugali.



Paano mo nga ba sasabihin ng may sigla ang katagang 'Maligayang Pasko!' kung marami sa ating kababayan ay humahalukay nang makakain sa basura ng mga fastfood chain mairaos lang ang kanilang noche buena?

Paano mo nga bibigkasin ng malakas ang 'Merry Christmas!' kung ang sasabihan mo nito'y walang pakialam at winawalang halaga ang araw na ito? Baka magbukas lang ito ng pintuan para sa lalo pang pagkainggit.



Sa araw na ito siguradong marami ang magbibigay ng limos, regalo, pagkain at damit (luma man o bago) sa mga bata, sa mga pulubi, sa mga inaanak at sa mga kapuspalad dahil ito nga naman ang diwa ng kapaskuhan. Mainam kung ganon. Napakainam. Ito na nga ang pinakamabuting nangyayari kung sumasapit ang kapaskuhan. Kaya lang ang lahat ng ito'y pawang mga panandalian lang, na sa paglipas ng panahon ng Pasko ay balik na ang lahat sa normal at dati nilang buhay.

'Yung mararamot babalik sa pagiging maramot, 'yung mga salbahe babalik sa pagiging salbahe, 'yung mga suplado babalik sa pagiging suplado, 'yung mga tamad muling magiging tamad at 'yung masusungit babalik sa pagiging masungit.

Matatapos ang pasko, matatapos ang pagpapanggap.

Tatlong Iglap (mga kwentong iglap) III

0
0
www.philstar.com
Unang Iglap: Bisikleta


Wala pa sa itinakdang minimum wage ang sweldo ni Irma.

Tagalinis at tagawalis siya sa mga kalsada ng Delpan, Zaragosa, Pritil at kalapit na lugar sa Tondo. Ang kanya namang asawa si Gibo ay umeekstra-ekstra lang bilang mason sa tuwing isinasama ng kapitbahay nilang foreman.


Hindi pa sumisikat ang araw ay nasa lansangan na siya upang gampanan ang kanyang trabaho. Dahil sa kakapusan ng pera madalas hindi na siya nanananghalian upang makatipid, sayang din kasi ang humigit-kumulang na treinta pesos na kanyang gagastusin niya sa pananghalian.


Maaga si Irma sa City Hall nang araw na iyon ng Disyembre 15. May ipapamahagi raw na bonus si Meyor sa mga katulad niyang streetcleaner - bahagi ito ng 'Masayang Pasko Program' ng nakaupong alkalde.


Eksakto tatlong libong piso lang ang sweldo ni Irma kada buwan kaya bawat pisong pumapasok at lumalabas sa kanyang bulsa ay mahalaga.

Hindi alintana ni Irma ang napakahabang pila -- naisip niyang malaking tulong ang anumang halagang ibibigay ni Meyor sa kanya.


Matagal nang hiling sa kanya ng bunsong anak na si Gerald ang bagong bisikleta. Kung ilang pangako na ang kanyang binitiwan para bilhin ito, 'yon din ang bilang ng pagkabigo ng kanyang anak.


Matapos ang higit dalawang oras na pagpila ni Irma nakuha rin niya ang aginaldo ni Meyor. Isang libo dalawandaang piso. Kung bakit hindi pa hinustong isang libo limandaang piso ay hindi niya rin alam.


Isandaang piso na lang ang sukli sa binili ni Irmang bisikleta. Ito na ang pinakamura sa hilera ng mga bisikletang kanyang pinagpilian. Bitbit ang bagong-bagong bisikleta ng anak sa kanang kamay habang isang supot ng loaf bread at peanut butter ang nasa kanya namang kaliwa -- may pagkasabik niyang tinatahak ang masikip na eskinita ng dating Smokey Mountain.


"Bakit ka umiiyak?" tanong ni Irma sa binatilyong anak na si Gerald. "Heto na ang pangako ko sa'yong bisikleta!" iniabot ni Irma ang regalo sa anak.


"Si papa po kasi..." humihikbing tinanggap ni Gerald ang bike.


"Napaano si papa mo?!"


"Nakakulong daw po siya ngayon sa Presinto Uno kasi po nagnakaw daw ng bisikleta sa tindahan ni Mang Felix."


Bagsak ang balikat ni Irma. Humahagulhol.


* * * * *


Ikalawang Iglap: Bisperas


Sa MCU Hospital na inabutan ng balikbayang si Bino ang pitong gulang na anak na si Zaldy. Tatlong araw na ang bata sa ICU. Biktima ito ng hit-and-run sa kahabaan ng Mac Arthur Hi-way, nahagip nang rumaragasang sasakyan habang nangangaroling kasama ang ibang mga bata sa mga humihintong jeep at kotse, at mga commercial establishments doon.


Pangalawang araw pa lang ni Bino sa Pilipinas. Disyembre 23 siya nang dumating mula sa Qatar. Limang taon ang kanyang kontrata bilang karpintero sa isang maliit na construction firm dito. Sa kagustuhang sorpresahin ang pamilya tila siya ang sinorpresa ng mapaglarong tadhana.


Bisperas ng Pasko.

Sa halip na masayang noche buena ang kanilang pagsasaluhan, tulala ang buong pamilya sa malungkot na bahagi ng ospital. Si Bino, ang asawang si Gerna na hindi makausap ng matino at ang isa pang anak nilang si Gina.

Habang maraming pamilya ang nagkakasayahan at nagkakatuwaan ng sandaling iyon, kalungkutan at trahedya naman ang hatid sa kanila ng okasyong pinakahihintay ng lahat.


Kritikal ang lagay ng inyong anak, hindi pa namin alam kung kailan siya muling magkakamalay -- paulit-ulit na umaalingawngaw sa pandinig ni Bino ang sinabing iyon ng Doktor. Ito ba ang pasalubong sa akin ng tadhana para sa pagtiis at pagsasakripisyo ko ng limang taon sa ibang bansa?! Kanyang tanong sa kung kanino na walang kasagutan.


Makalipas magdasal sa prayer room ng ospital ay nagdiretso sa presinto ng pulis na humahawak ng kaso ng anak.


"Boss may lead na ba?" matipid niyang tanong sa officer-in-charge ng gabing iyon.


"Tamang-tama ang dating mo kararating lang ng witness na nakakita ng sasakyang nakadisgrasya sa anak mo. Nakita niya raw ang sasakyan at ang mismong plate number."


Hindi mawari ni Bino kung good news o bad news 'yon para sa kanya.


"Espinas! Dalhin mo nga rito 'yung witness sa kaso ng batang si Zaldy!"utos ng pulis sa isa pang pulis.


Hawak ng pulis ang ballpen at record book, inutusan nito ang witness na ikuwento ang nasaksihan.


"Sir, nagtitinda po ako ng yosi sa kantong iyon. Nakita ko pong nahagip ng itim na sasakyan 'yung bata, kung hindi po iyon Montero malamang po Fortuner -- hindi ko po gaanong nabasa e, pero malinaw po 'yung plate number sir, nabasa ko po!" pagmamalaking kwento ng witness.


"Ano? Anong plate number?!" halos sabay na tanong  ni Bino at ng pulis.


"No. 8 po! No 8 po ang plate number na nakita ko sa harap at likod ng sasakyang nakabangga sa bata!"


Napangiwi ang mukha ni Bino sa narinig na salaysay ng witness.


* * * * *


Ikatlong Iglap: Grand Prize


"Siguraduhin mong pangalan ko ang mabubunot mo ha? Siguraduhin mo ring hindi tayo sasabit, mahirap na..." si Froilan ang kausap ni Jake.


Si Froilan kasi ang naatasang bumunot ng pangalan sa grand prize ng raffle ng christmas party ng kanilang kompanya ngayong gabi. Tatlumpung libong piso ang premyo -- napagkasunduan nilang tig-fifteen thousand sila sa makukuhang pera. Kaunting diskarte, easy money, ika nila.


"Oo. Wala itong sabit! Mamayang lunch time habang kumakain ang lahat hahanapin ko na ang pangalan mo sa box na pinaglalagyan ng mga pangalan ng lahat at mamayang gabi naman sa raffle, nakaipit na 'yun sa mga daliri ko kaya siguradong pangalan mo ang isisigaw ko!"buong kumpiyansa si Froilan sa gagawing kalokohan.


Tumanggi at akmang nagtulug-tulugan si Froilan nang ayain ng mga kasama sa opisina na mag-lunch. Ginawa niya ito hindi dahil busog siya o inaantok siya, ginawa niya ito upang maisakatuparan ang maitim na balak nila ni Jake.

Limang minuto pagkatapos na masiguro ni Froilan na wala nang tao sa opisina --tinuloy niya ang plano. At wala pang tatlong minuto ay nakita na niya ang pangalang 'Jake Gonzaga' sa maliit na box na nakatago sa isang drawer ng HR Department.


"The name appearing in this paper will receive a grand prize of thirty thousand pesos cash!"hawak na ni Froilan ang pangalan ng maswerteng mananalo ng malaking pera.


Napuno ng sigawan at palakpakan ng mga empleyado ang kapaligiran. Sabik nilang inaabangan ang pangalang mababanggit. Lahat sila'y umaaasang pangalan nila ang matatawag.


"And our grand prize winner is.... JAKE GONZAGA!!!"


Kunwang nasurpresa si Jake. Nagtatalon-talon. Nagsisigaw-sigaw.


Kahit di nila pangalan ang nabanggit, nagsigawan at nagpalakpakan na rin ang iba pang mga ka-officemate nina Jake at Froilan. Masaya sila para kay Jake.


Wala pang alas-nuwebe ng umaga kinabukasan ay nasa office na ng HR Department ang magkasapakat na sina Froilan at Jake. Kasalukuyang ipinapanood sa kanila ng head ng HR ang kopya ng CCTV nang ginawang pagdukot ni Froilan ng pangalan ni Jake sa isang kahon.


Hiyang-hiya ang dalawa sa napanood na footage.

Nakatungo. Hindi makatingin ng diretso.



Dalawang linggo na lang sana'y regular na sila sa kani-kanilang trabaho, sa kani-kanilang posisyon. 

Bukas Na Liham Para Kay Gat Jose Rizal

0
0
Mahal kong Dr. Jose Rizal,


Disyembre 30 na naman. Holiday dahil araw ng iyong kadakilaan. Nagpapasalamat ang mga Pilipino sa’yo kasi dahil sa pagkamatay mo mahaba ang kanilang bakasyon, sumabay kasi ito sa selebrasyon ng Bagong Taon. Nakakatawa dahil tila limot na ng karamihan ang mga dahilan kung ano ang iyong ipinaglaban. Mas nae-excite sila sa pagpapaputok ng fireworks sa gabi ng Disyembre 31 kaysa pag-aralan, ipagdiwang o isapuso ang kasarinlang aming nakamtan dahil sa iyo at iba pang mga bayani ng bayan.



Kung nabubuhay ka kaya sa panahong kasalukuyan, ano kaya ang masasabi mo sa kalagayan ng ating lipunan?
Matuwa ka kaya dahil nagtatamasa ang lahat ng “Kalayaan”?
Hindi ka kaya nagsisisi dahil naging mapagmalabis ang maraming pilipinong dapat sana’y nag-aaruga sa ating Inang Bayan?
Masasabi mo kayang sulit ang pagbuwis ng iyong buhay para sa kapakanan ng mga Pilipino ng sumunod na henerasyon?



Marami pa rin naman ang nakakakilala sa’yo bilang aming pambansang bayani, marapat lang. Ngunit marami rin kaya ang nakakaalam sa mga sakripisyo at ginawa mo sa bayan sa panahong kasalukuyan? Ewan. Dahil sa dami ng mga nagsasamantala sa bayang iyong ipinaglaban sa kalayaan higit sa isandaang taon na ang nakararaan, hindi ko na mawari kung tuluyan na nga nilang kinalimutan ang pagmamahal at pagmamalasakit mo sa bayan, naibaon na rin marahil ang istorya sa likod ng katapangang ipinakita mo laban sa mapanupil at mananakop na mga kastila.



Halaw sa isang sinulat mo dati; “Aanhin mo ang kalayaan ng mga tinapakan kung bukas sila naman ang maghahari-harian.” pagkalipas ng mahigit isang siglong kasarinlan tila ganoon na nga rin ang nangyayari, ang salinglahi ng mga tinapakan, niyurakan at ipinaglaban mo noon ay sila ngayon ang hari at naghaharian sa ating bansa. Sila mismo ang dumudungis at hindi nagmamahal sa bayang iyong sinilangan.  Nawala na nga ang monarykiya ng Bansang Espanya ngunit nanatili naman ang mga hari sa iba’t ibang anyo at iba’t ibang kapuluan. Nakakalungkot. Sa halip na magtulungan ang lahat upang magpaunlad ang bansa, sa halip na maglingkod para sa bayan – ang mga makapangyarihan ay  kadalasang mas masahol pa sa hari, mas sakim pa sa ganid, mas malupit pa sa berdugo.



Nasaan na kaya ang iyong tinuran at nagmarka sa isip ng karamihan na: “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” Tunay ngang kabataan sana ang pag-asa at mag-aahon sa nakasadlak na inang-bayan, ngunit taliwas at tila iba ang nangyayari sa kasalukuyan. Marami sa kabataan ang napapariwara at nalululong sa iba’tibang bisyo, marami ang bukas ang pag-iisip sa usaping seksuwal na nagreresulta sa maagang pag-aasawa, maraming palaboy at kapos sa edukasyon, marami ang katulad ng iba pang desperado at patungo sa kawalan ng pag-asa.

Ngunit batid kong mayroon pa ring kabataan ang mabubuti at matitino, sila na huhubog at papanday para sa magandang kinabukasan ng bansang Pilipinas.




Kahit kapiraso na lang, gusto ko pa ring mangarap na hindi pa lubusang huli ang lahat para magbago, may  pag-asa pang sisilay sa bansa mo katulad ng pag-asang iyong tangan-tangan noong ikaw ay nabubuhay pa at nangangarap na makaalpas sa mapaniil na kamay ng mga Kastila. Sana gaya mo, ang buhay namin ay magkaroon ng saysay at maging makahulugan.
Sana matularan namin ang kahit ilan lamang sa iyong kabayanihan.


Sana’y mabuhay ang kabayanihan sa aming mga puso at isip; ang adhikain at adbokasiya na iyong tinaglay noong ikaw’y nabubuhay ay hindi sana humilay; ang pagiging makabayan, matapang, dakila at handang magbuwis ng buhay para sa kapakanan ng bayan ay ‘di sana tumigil sa iyong panahon.


Park You!

0
0
Hindi lang natin gaanong pansin pero malaking suliranin na ng bansa partikular na sa Kalakhang Maynila ang espasyo ng parking. Kadalasan, nagiging sanhi ng kaguluhan at awayan ang agawan sa parking. Meron ngang isang insidenteng ganito sa Marikina na nagresulta sa pagkamatay ng isang ginang dahil hindi nagbigayan sa parada.



Sa Kamaynilaan, may malaking bahagi at kontribusyon sa pagsikip ng daloy ng trapiko ang mga nakahambalang at nakabalagbag na iba't ibang uri ng sasakyan. Sa maraming car/vehicle owner dito sa atin ipinagpapalagay nila na ang tapat ng bahay nila ay extension ng kanilang pag-aari at may karapatan silang iparada ang kanilang sasakyan (jeep, tricycle, pedicab, AUV, SUV, sedan, trak, etc.) kesehodang nasa masikip na eskinita lang sila o nasa main road na daanan sana ng mabibilis na sasakyan.



Dahil sa kaisipang ganito, may mga insidenteng binabasag ang windshield, pina-flat ang gulong o ginagasgasan ang isang sasakyang 'di sinasadyang makapag-park sa parking space umano nila. At ang kaawa-awang biktima ay clueless sa kung sino ang maysala sa kagaguhang ginawa sa kanyang sasakyan.



Napakalabong maisulong ang batas na magbabawal sa mga sasakyang (pribado man o pampubliko) magparada sa kalsada. Napakalabo dahil malaking porsiyento ng mga car/vehicle owner dito sa atin ay wala namang paradahan. At kung mayroon mang 'available parking space with pay' malabo pa sa tubig-kanal na may pumatos dito dahil bakit ka nga naman gagastos ka ng isang libong piso o mahigit pa para sa maliit na espasyo ng parada kung libre lang naman sa kalsada at wala pang sumisita.



Halos hindi nababawasan ang sasakyan sa Kamaynilaan bagkus lalo pa itong dumarami, at sa pagtantiya ng LTO ay libo rin ang dinadagdag sa kalsada ng Kamaynilaan kada taon kabilang na ang mga dambuhalang trak at bus. At sa pagdagsa ng maraming bilang na ito, asahan mo na rin ang pagsikip ng kalye hindi lang dahil sa mabagal na daloy ng trapiko kundi dahil ang mga kalyeng dapat sana'y maluwag na ating dinaraanan ay pinasikip at sinakop ng mga sasakyang ipinarada ng mga iresponsable at walang pakialam sa ibang motorista na mga car/vehicle owners.



Ang iligal na pagparada sa kalsada ay hindi lang sektor ng ekonomiya o negosyo ang apektado, sa maraming pagkakataon nagiging sanhi rin ito ng pagkaantala ng mga bumbero sa tuwing sila'y rumiresponde sa isang sunog saanmang lugar sa Kamaynilaan. Ang dati nang masikip na kalsada'y lalong sumisikip dahil sa kabi-kabilang nakabalagbag na sasakyan. At sa oras ng isang emergency hindi kaagad makakapasok ang mga otoridad na sasawata o may kapasidad na pumigil sa 'di inaasahang sakuna o aksidente.



May kaukulang multa para sa mga motoristang iligal na nagpaparada ng kanilang sasakyan sa Kamaynilaan pero tila walang silbi ito para sa kanila. Hindi nila iniinda o ‘di sila nababahala kung sakaling may mag-tow ng kanilang sasakyan dahil ang lahat ng kampanya para mabawasan (kundi man mawala) ang illegal parking ay pawang mga ningas-cogon lang – muli nating napatunayan na walang ngipin ang batas dito sa atin. May pagkakataon namang ang may-ari ng sasakyan kung sisitahin ay kakasa at magbabanta sa pobreng magpapatupad ng batas.


May mga kalsadang medyo maluwag naman kung susuriin gaya ng R-10, Abad Santos Ave., Rizal Ave., maraming kalye sa Maynila, Quezon City, Parañaque, Caloocan at iba pa, pero dahil nga open space for parking ang LAHAT ng kalsada sa atin at dahil din walang kakayanan ang mga tagapagpatupad ng batas na sitahin ang mga iligal na naka-park -- nagmimistula itong masikip na nagreresulta sa "traffic". Isipin mo na lang kung maaalis LAHAT ng mga sasakyang nakaharang sa kalsada, hindi ba't may mas mailuluwag pa ang daloy ng trapiko?



Hindi nagkakaroon ng widening project ang DPWH o MMDA para sa convenience ng pribadong mamamayan, ginagawa ang mga ganitong proyekto dahil nais ng pamahalaan na mas maluwag, mas swabe at maibsan kahit papaano ang problemang trapiko. Ngunit marami ang nag-a-assume na ang pinalawak at sinimento o inaspaltong kalsada sa tapat ng bahay nila ay pag-aari rin nila kaya't asahan mo na ang komportableng pagpa-park ng kani-kanilang sasakyan, na 'yung iba sa sobrang pagiging komportable ay naglalagay pa ng tent sa kotse nila na proteksyon sa mainit na araw at hamog ng ulan.



Mahirap masanay sa mali pero 'yun ang pinapamulat sa atin ng karamihan at kahit ang mga otoridad. Ang pangatwiranan ang isang mali ay pagpapakita ng kamangmangan at kaarogantehan at mahirap kalabanin ang mga taong may ganitong pangangatwiran dahil siguradong mawawalang saysay ang lahat ng iyong ipinaglalaban. Ang akala nating maliit na bagay lang ay lumalago kalaunan at dahil sa pagkunsinti ng mga dapat sana'y may kakayahang supilin ang isang mali magiging parang anay ito na bubuwag at guguho sa matibay na pundasyon ng isang lipunan.



Kahit saan man tingnan o suriin, ang mali ay mali -- maliit man ito o malaki.

Ngunit ang nakalulungkot walang ginagawang inisyatibo ang sinuman para ito'y umayos at itama. Madalas pa nga, hinayaan na lang nila ang ganito dahil ito na ang nakasanayan. At kung mayroon mang maglalakas loob na sumita dalawang bagay lang: una, makukuha lang ito sa lagay at areglo, ikalawa, may padrino o may katungkulan ang sinisita.


At hindi lang sa Illegal Parking ito applicable kundi sa halos lahat ng ilegal na aktibidades sa ating bansa.

Umiiyak Din Si Superman

0
0

'Pag ang mga tao nasanay na sa pagiging strong person mo, aakalain nila strong person ka all your life. Hindi nila maiisip na may mga pagkakataong gusto mong sumuko at umiyak pero 'di mo magawa dahil 'yung pagiging matatag mo ang sandigan ng mga taong binibigyan mo ng pag-asa at ng mga umaasa.

------


Hindi madali ang maging breadwinner o ang magtaguyod ng pamilya lalo't kung mula sa iyong mga magulang hanggang sa mga pinsan, pamangkin, anak ng iyong kapatid ay iyong sinusuportahan. Kadalasan pati ang sarili mong pangarap, ambisyon at kagustuhan ay napipilitan kang isantabi para lang mapunan at maibigay ang HALOS lahat ng pangangailangan ng iyong pamilya.



Ang bawat kilos nila tila katumbas ay dagdag na pagkayod para sa'yo.

Ang bawat hiling nila ay tila kailangan mong pagbigyan.

Ang bawat kasiyahan nila ay kasiyahan mo rin ngunit hindi tila hindi nila nararamdaman ang iyo namang mga kalungkutan.



Paano mo ba sasabihin sa kanila na dapat na silang magsumikap at tumayo sa sariling paa?

Paano mo ba itatanong sa kanila na "Hanggang kailan ko kayo itataguyod?"

Mauunawaan kaya nila na ikaw rin ang may sarili ring ambisyon at pangarap?



Hindi masama ang tumulong lalo't sa pamilya at kaanak, sa katunayan ay nakakataba ito ng puso (lalo sa magulang) at ang katotohanang naipo-provide mo ang basic needs nila kabilang na ang pagkain, bahay, tirahan, damit, load, gamot, gadgets, at edukasyon ng kapatid o pamangkin ay isang malaking achievement para sa'yo. Ang nakalulungkot na bahagi nito ay ang pagkawaglit ng iyong tinutulungan na ikaw ay may sarili ring buhay na dapat ayusin at may sariling pangarap na kailangang abutin. Sa kabila ng mahabang panahon na pagtulong at pagkalinga sa kanila at kung sakaling gusto mo ng iparating na dapat ay mabuhay na sila sa sarili nilang kayod -- asahan mo ng pulos negatibo ang maririnig mo mula sa mga taong iyong itinaguyod.



Nakakalungkot na tila sa kanilang pagkasanay na nakasandig sa'yo, nalimot na nila na dapat din nilang tulungan ang kanilang sarili upang kung dumating na ang oras na kailangan mo nang ayusin ang iyong buhay at magtayo ng sariling pamilya, hindi ka na mag-aalala sa kanila. May hangganan ang lahat pero hindi yata pumapasok ang konseptong ito sa mga taong patuloy na umaasa lang. At ang masakit sa kalooban ay ang makarinig ka ng hindi maganda mula sa kanila sa kabila ng iyong paglingap at pagkalinga.



Nakakadismaya na PAGSUMBAT ang pagkakaintindi nila sa iyong paliwanag. Kung bakit at kung gaaono kahirap ang pagsasakripisyo para sa kanila ay hindi nila maunawaan. Ang mga gabing oras sana ng pahinga ay araw para sa'yo at ang araw ay oras pa rin ng trabaho. Ang sandaling kailangan mo ng taong may magtatanong sa'yo kung "okay ka lang?", "pagod ka na ba?", "nakakain ka na ba?" o "nakainom ka na ba ng gamot mo?" ay bihira mong marinig mula sa kanila dahil buong akala nila ikaw ay isang superhero -- si Superman na 'di nasasaktan at 'di napapagod. Hindi nila kailanman mararamdaman ang pagnanais mong umiyak at isigaw ang lahat ng iyong pagod at kalungkutan.



Kung dumating na ang panahong matanda na sila, ang pagtulong sa magulang ay obligasyon ng MGA anak. MGA ANAK. Ngunit kadalasan marami sa mga anak na ito ang tila naging manhid at tuod, na hindi na nga nakakatulong ay nagiging pasaway pa at sila pa ang nagiging dahilan ng problema ng pamilya. Buong-buong iniaasa sa iisa o dalawang anak ang lahat ng pangangailangan ng magulang -- gamot, hosptal bills, pagkain at iba pa. Bilang nakakaunawa, ikaw na ang bahalang umintindi sa sitwasyon at kanilang kalagayan pero ito'y hanggang kailan?



Okay naman sana at madali mong maunawaan kung ang mga taong umaasa sa'yo ay may kapansanan, paralisado o may kapansanan pero iba sa kanila ay likas lang ang katamaran sa sistema na tila dinadaig ang totoong may karamdaman, paralisado at may kapansanan. Paano mo nga naman kukumbinsihin na magsikap ang isang taong walang pagpupursigi at pangarap sa buhay?



Totoong hindi madali ang buhay pero lalo itong hindi madali kung hindi ka gagawa ng paraan upang ito'y mapagaan. Mahirap sagutin kung ang obligasyon at pagtulong ay may hangganan pero kung may magagawa ka naman para mapaunlad ang sarili sana hangga't may oras ay magawa ito. Hindi sa lahat ng oras ay malakas, bata at malusog ang mga taong may matatag na pang-unawa at personalidad -- napapagod din sila, emotionally and physically.



'Yung mga taong may matatag na personalidad hindi sa lahat ng oras nananatiling matatag, minsan kailangan nilang magkunwaring matatag hindi dahil mapagkunwari sila kundi dahil 'yon ang hinihingi ng pagkakataon at 'yon ang obligasyon nila sa buhay. Pero hindi ibig sabihin nun na sila ay invincible at hindi marunong masaktan at umiyak dahil kahit anong tatag pa ng isang tao may pagkakataong hindi niya mamamalayan siya'y umiiyak na pala.

At 'wag nating akalain na ang pag-iyak na ito ay nakikita lang sa pamamagitan ng pagpatak ng luha.



Kung ang mga superhero nga ay may kahinaan, kung si Superman nga ay umiiyak, tao pa kaya na limitado lang ang buhay at kalakasan?



Speech Like PNoy's Spirit

0
0



Sa aking mga kababayan, sa aking mga bosssing at sa lahat ng patutuloy na naniniwala sa administrasyong ito.
Para sa kasama naming naglalakbay sa tuwid na daan.

Ginawa ko ang talumpating ito upang magbigay pugay at mag-alay ng huling respeto sa mga bayaning nagbuwis ng buhay upang mas maging payapa at mahimbing ang pagtulog ng marami sa tuwing gabi. Ang kabayanihan nila ay nakaukit hindi lang sa kasaysayan kundi pati sa ating isip na patuloy na nagtatanong kung bakit kinakailangang may karahasan bago makamit ang kapayapaan, kung bakit mga sagradong buhay ang kapalit bago ang katiwasayan, kung bakit may kaguluhan bago ang katahimikan.

Ang tinutukoy ko po ay ang apatnapu't apat na pulis na miyembro ng SAF. Sila na sumabak, nakipagsapalaran, nakidigma at lumaban hanggang sa kahuli-hulihang patak ng kanilang dugo upang masakote ang teroristang si Marwan at mapigilan ang kanyang nakakakilabot na karahasang kanyang ihahasik.
Bagama't sila'y pawang nagbuwis ng buhay masasabi pa rin ng pamahalaang ito na naging matagumpay ang kanilang operasyon. Bagama't nabawasan ng magigiting na kawal sa hanay ng ang ating sandatahang lakas mas nararapat sigurong sabihing nadagdagan tayo ng magigiting na bayani sa hanay ng napakaraming dakilang lubos na nagmamahal sa ating bayan.

Apatnapu't apat na magigiting nating kawal ang nasawi sa labanan sa Mamasapano, Maguindanao ibig sabihin po nito'y apatnapu't apat na pamilya ngayon ang dumaranas ng labis na kalungkutan at nagluluksa. Ngunit hindi lang ang kani-kanilang pamilya ang dumaranas ngayon ng pighati at dalamhati kundi kasama ng mga pamilyang ito ang buong sambayanan na tumatangis at naghihinagpis.
Naaalala ko po noong binaril at napaslang ang aking tatay sa Tarmac. Ang pakikiramay po ng buong sambayanang pilipino sa aking pamilya ay tila bumabalik ngayon sa pagkasawi ng mga magigiting nating tapagpatupad ng batas at tagapagtaguyod ng kalayaan. Ang tatay ko po ay inialay ang buhay para sa bansa ganoon din po ang apatnapu't apat na miyembro ng SAF na hindi nagdalawang-isip na magbuwis ng buhay para sa kapakanan ng bayan at ng bawat pilipino. Ang kabayanihan nila ay mananatili sa ating puso at kamalayan sa habang panahon. At ang kabayanihang ito ay magsisilbing inspirasyon ng lahat para sa tunay na kahulugan ng pagmamahal sa bayan.

Nang namatay naman po ang aking nanay, nagluksa rin po ang buong sambayanan gaya rin po ng pagluluksa ng buong Pilipinas sa pagkasawi ng apatnapu't apat na kapulisan sa engkwentro sa Maguindanao. Hindi ko po malilimot ang araw na iyon dahil ang pagluluksang iyon ay ang naghatid sa akin para tayo'y sama-samang maglakbay sa daang aking tinatahak. Ang tuwid na daan. At sa pagkawala ng aking nanay ay ang pagkabuhay naman ng pag-asa sa mga pilipino na ang bayang ito ay may igaganda pa, may ititino pa at may ihuhusay pa. Asahin niyo po na hanggang sa huling araw ng aking panunungkulan ay hindi ko po tutularan ang kamalian, katiwalian at kalokohan ng nakaraang adminstrasyon. Ang iiwan ko pong legasiya ay gaya ng legasiyang iniwan ng aking nanay sa sambayang pilipino.

Sadyang masalimuot ang daan patungo sa tuwid na daan at sadyang hindi madali makamit ang tunay na kapayapaan. Patunay nito ay ang intensibong kampanya ng administrasyong ito sa pagtugis sa mga lumalaban sa kapayaan at sa mga kapanalig ng terorismo. Bagama't hindi umaatras o bahag ang buntot ng ating sandatahang lakas, bukas naman po tayo sa usaping pangkapayapaan at tigil putukan. Inaabot namin ang aming mga kamay para sa mga kamay na kumikilala at yumayakap sa tahimik at progresibong bansa. Ibinababa namin ang aming mga armas at hindi na mga punglo at bala ang mag-uusap at magsasagutan sa pagitan ng dalawang panig, kundi ang aming mga ideya at suhestiyon para sa kanilang ideolohiya at ipinaglalaban. Upang makamit ang napakatagal na nating inaasam na katahimikan, kaunlaran at kapayapaan.

Ilang dekada at maraming taon na po ang lumipas.
Ilang pangulo at maraming ceasefire at peace talks na rin po ang naganap kabilang na po rito ang dating Pangulong Gloria na nagpakasarap at nagpakasasa lang sa posisyon habang marami ang naghihirap na mamamayan kasama na po ang mga kapatid nating naninirahan sa Mindanao. Ang dating administrasyon na hindi kailanman naging ehemplo ng kabutihan at mahusay na pamumuno ay winalang bahala at hindi inalintana ang kapakanan ng nakararaming mahihirap na mamamayan. Ang tangi lang niyang ginawa ay kamkamin ang pondo ng bayan at manipulahin ang resulta ng eleksyon upang pumabor sa kanya at sa kanyang mga kasabwat.

Sa kabila po ng maraming pagtatangka ng peace talks at ceasefire, hanggang ngayon po ay wala pa ring magsasabi na may ganap na kapayapaan sa ilang bahagi ng Mindanao kung saan may kaguluhan at hindi pagkakaunawaan.

Sino po ba ang ayaw ng kapayapaan?
Sino po ba ang ayaw ng tigil-putukan?
Sino po ba ang may gustong nahihirapan ang marami nating kababayang walang kinalaman sa patuloy na iringan ng magkabilang panig?
Kami po, sampu ng buong Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay nakikiisa sa kapayapaan at kung maaari lang po, ito sana ay maging pangmatagalan, permanente at panghabang-buhay.

Hindi na po lingid sa inyo na sa patuloy na iringan ng pamahalaan at ng mga rebelde, ang higit na naapektuhan at nadadamay ay ang mga inosenteng residente, mga taong walang kalaban-laban at walang kinalaman sa kaguluhan at bangayan. At kung maari lang sanang hindi na ito mangyari pa. Dahil sa bawat buhay na malalagas sa mga inosenteng mamamayang nadadamay sa gulo ay magsisilbing binhi na uusbong at tutubo sa bawat pamilya. Binhing maaaring magiging sanhi ng kanilang pagkagalit sa pamahalaan o sa kabilang panig, anu't anuman siguradong ang bunga nito'y bagong suliranin. Bagong suliranin na kung minsan ay naghahatid sa desperasyon at kawalan ng pag-asa ng mga naiwang miyembro ng pamilya.

Sabi po ni Pres. John F. Kennedy: "Mankind must put an end to war before war puts an end to mankind.", akmang-akma po ito sa sitwasyon ng ating usaping pangkapayapaan sa kasalukuyan. Alam ko po na kayo bilang aking mga bossing ay may masidhing pagnanais sa kapayapaan.
At bago pa maubos ang lahat ng resources ng pamahalaan.
Bago pa bumuhos ang maraming dugo at luha na hindi naman kailangan.
Bago pa maubos ang pasensya, takot at tapang ng ating mga kawal at kapulisan.
Bago pa mamayani at maghari ang galit at poot ng sambayanan.
Panahon na po para tuldukan ang deka-dekadang digmaan ng pilipino laban sa kapwa pilipino at panahon na para magbigay daan para sa tunay na kapayapaan at ang kapayapaang ito ay ang ating magiging pintuan para sa progresibo at maunlad na Mindanao.

Samahan niyo po kami sa pagkamit at pagtugis sa mailap na kapayapaan.
Samahan niyo po kami sa pagtahak ng Tuwid na Daan.
Hanggang dito na lamang po at maraming salamat sa patuloy na pagtitiwala.

All About Pag-ibig

0
0
Kaya tayo nagmamahal kasi gusto nating sumaya at maranasan ang tunay at walang katumbas na kaligayahan, makahanap ng isang nilalang na kayang punan ang blangkong espasyo sa ating pusong madalas nag-aalinlangan, at matuklasan ang posibleng maging sagot sa iyong mga tanong na tila walang katapusan. 


Subalit walang halaga ang pagmamahal kung ikaw lang ang palaging nagbibigay at madalas na pina-aasa ka lang na maambunan ng kanyang pagmamahal na walang kasiguruhan. ‘Pag mahal ka ng isang tao dapat aalagaan at poprotektahan ka nito sa (halos) lahat ng bagay huwag ka lang masaktan at hindi siya pa ang nagiging dahilan para ikaw ay paulit-ulit na umiyak at magdamdam. 


Ang pag-ibig ay hindi nilikha para ito’y abusuhin kundi para ito ay pagyabungin, magpundar ng masasayang alaala – hindi ng masamang bangungot, makita ang mga bagay na higit pa sa natatanaw ng mata, at matanggap ang lahat ng kapintasan ng mas malalim pa sa pagiging perpekto. 


Marami na ang nagsabi na ang pag-ibig ay bulag pero para sa akin mas angkop na sabihing “ang pag-ibig ay hindi bulag, nakikita niya ang lahat pero wala siyang pakialam kung anuman ang anyo o itsura nito dahil ‘pag ikaw ay nagmamahal lahat ng natatanaw mo mas madalas ay pawang mga kagandahan lang". 


‘Pag nasa impluwensiya ka ng pag-ibig, kadalasan ay wala kang pakialam sa kapintasan ng mahal mo, sa kanyang mga bad habits, sa kanyang mga bisyo, sa kanyang karakas, sa kurba ng katawan, sa tuwing wasted siya pagkatapos ng mahaba-habang inuman o sa itsura at amoy niya ‘pag bagong gising. Niyayakap mo ang isang kakulangan at ugaling madalas ay ikaw lang ang nakakaunawa. At ang pag-ibig mo para sa kanya ang nagbibigay ng perspektibong: siya at siya lang ang pinakanararapat sa mundo mo at ang cliché na, hindi ka mabubuhay kung sakaling siya’y mawawala. 


Sa kabila ng mga negatibong katangian, positibo ang iyong nakikita. Kaya mong lampasan ang anumang mga nakaharang at kaya mong tiisin at ipaglaban ang bawat pagsubok na sa inyo’y dadaan. 
Bakit? Siguro’y dahil ang hindi nakikita ng ating mga mata, puso natin ang nakakakita. 


Ngunit, mahirap pa ring ipaliwanag na kahit wagas ang inyong pagmamahalan, kahit may pangako kayo ng magpakailanman, kahit ilang libong beses kayong nagsabihan ng “I love you” at “"pramis, hindi kita iiwan…” may pagkakataong nauuwi lang sa hiwalayan ang lahat! 


At dito magsisimulang gumuho ang mundo mo. 
Mararamdaman mong tila kinakausap ka ng mga kanta sa radyo. 
Maraming mga bagay sa paligid mo ang magpapaalala sa kanya. 
Magiging tulala ka na parang nahipnotismo. 
Mawawala ang mga interes mo sa maraming bagay. 
Hindi ka makararamdam ng gutom kahit wala namang laman ang iyong tiyan. 
Tila may sariling buhay ang luha mo na kusa na lang bumabagsak. 
Kung ibabalik ang nakaraan, hindi mo sigurado kung pagsisisihan o babalikan mo ang araw na nakilala siya. 
At gusto mong alamin ang sagot sa likod ng iyong mga tanong na: 
Ano ba ang naging kulang? Saan ka nagkulang? 
Sino ba talaga ang nagkulang? Kailan ka makakamove-on? 
Paano ka na ngayon? At bakit humantong ang inyong relasyon sa hiwalayan ? 

Welcome to the club. The Broken Hearted Club. 


May tanong sa teaser ng movie na “That Thing Called Tadhana”: "Where do broken hearts go?" 
Teka, saan nga ba nagtutungo ang mga pusong bigo at sawi? 
Mayroon ba silang regular corporate meeting every month tulad ng mga sa dambuhalang negosyo o korporasyon? 
Mayroon ba silang kinikilalang lider na magpapatupad ng policy, rules and regulations para sa mga sinawimpalad sa pagmamahal? Kung sakaling kakandidato silang party-list representative na nire-represent ang mga marginalized sector ng mga bigo sa pag-ibig, mananalo kaya sila? 
Sa dami ng mga bigo at sawi sa pag-ibig, maaari siguro. Pero malamang hindi nila kayang gampanan ang kanilang obligasyon at tungkulin dahil ang mga brokenhearted ay: 

• mas gustong ina-isolate ang sarili sa karamihan 

• mas gusto nilang magmukmok sa isang madilim na kwarto kaysa i-open up ang kanilang saloobin(suicidal ang mga ganito) 

• mayroon namang nilulunod ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pag-inom ng Red Horse o Empi Lights habang idinidetalye sa BFF ang matamis, masaklap at masalimuot na kanyang love story with a tragic ending 

• mayroong mas ginugustong mapag-isa habang nakikinig sa mga malulungkot na immortal love songs & ballads habang sinasariwa ang kanilang mga pangako ng forever at ng mga alaala nila together 

• ang iba naman ay nakatutok tuwing gabi sa Love Radio at pilit na inire-relate ang kanyang kalagayan sa mga listener ni Papa Jack na humihingi ng mga love advise na ewan kung sinusunod ng kanyang caller 


Sa totoo, hindi madali ang malagay sa ganun kahirap na sitwasyon. At kung hindi mo pa naranasan ang mabigo at masaktan – wala kang karapatang sila’y husgahan. Madaling sabihin at magpayo ng “move on na!” pero maniwala ka, hindi ‘yung ganun kasimple – baka nga mas komplikado pa ito sa pag-iisip ng idea para sa bagong apps and features sa susunod na modelo ng iPhone o mas mahirap pa ito sa pagre-review ng napakahirap at maligalig na Bar Examination. Hindi ba’t may mga recorded cases na nabaliw, nagpatiwakal at pumatay dahil nabigo sa pag-ibig? 


Kahit ilang libong words of encouragement pa ang maibigay sa’yo, kahit ilang pares pa ng kamay ang mag-offer na mag-aahon sa kinalubugan mo, kahit ilang kaibigan pa ang gusto kang damayan, kahit anong ganda pa ng positive thoughts ang isaksak sa kukote mo – kung hindi ka pa handa pa para bumitiw sa inyong nakaraan, hindi mo magagawang siya ay kalimutan. 
Dahil ikaw at ikaw lang ang makakatulong sa sarili mo para muling makatayo mula sa pagkakadapa sa lansangan ng pag-ibig (pahiram Sir Eros). 
Sarili mo mismo ang maghahanap at magdadala sa iyo sa liwanag mula sa kinasadlakan mong pag-ibig ng karimlan. 
Pagtanggap ang iyong kailangan at ilagay sa iyong isip na kung nabuhay at nag-exist ka dati noong wala siya sa sistema mo, mabubuhay at magsu-survive ka pa rin ngayong wala na siya sa iyong mundo. 

Kung hindi mo matanggap ang dahilan kung bakit nauwi kayo sa hiwalayan, makabubuting tanggapin mo na lang na lahat ng bagay ay may hangganan. 



Asahan mo, pagkatapos ng mahabang diskusyon at balitaktakan sa pagitan ng iyong puso at utak, at ng mga letseng kadramahan at ka-emohang ito, at totally healed na ang broken heart mong tila tumigil sa pagtibok , ‘yung mga bagay na nagpaiyak sa’yo – tiyak na ngingitian mo lang. 
Tapos, hahanap ka ulit ng bagong pag-ibig at bagong magmamahal sa’yo dahil sabi nga, ang gamot sa pusong sugatan ay puso rin. Kahit alam mong baka masaktan ka na naman, hindi ka pa rin madadala. 


Higit na mas masarap at mas okay pa rin kasi ang magmahal, mabigo at masaktan kaysa mabigo at masaktan ng walang nagmamahal.

Ganun siguro talaga ‘pag umiibig, mas madalas kang nagiging tanga. Pero kahit ganun, pipiliin at uulitin mo ang maging tanga kaysa maging gago na wala namang pag-ibig sa puso. Naniniwala kasi ako sa sinabi ni Norman Wilwayco na: "Tanga lang ang umiibig at Gago lang ang hindi".

-----
Ito ay ang aking lahok sa Ispesyal na Patimpalak ng Saranggola Blog Awards: Pagbibigay Payo sa Pag-ibig.

Clinic III: Si Jericho

0
0
Sundan ang istorya dito:



- - - - - - -
Kung basta na lang natin kalilimutan ang isang pangyayari sa ating buhay ang isang tila masamang bangungot na naging bahagi ng ating kahapon hindi raw malayong maulit ang kahalintulad na karanasang ito sa darating na panahon.


Tama nga na hindi tayo dapat nakapiit sa alaala ng nakaraan pero hindi ibig sabihin nun na dapat na nating iwaglit ang lahat ng mga leksyong ibinigay nito sa atin. Para sa iba madali lang ang magpatawad pero hindi kahulugan nun na ganoon din kadali ang makalimot. Lalo na kung ang nakagawa sa'yo ng pagkakasala ay naging malaking bahagi ng buhay mo. Lalo na kung ang nakasakit sa'yo ay taong minahal mo ng higit pa sa buhay mo. Lalo na kung ang taong 'yun ay inakala mong kasama mong hahabi ng iyong mga pangarap sa buhay sa darating na mga bukas.


Maaari kang magpatawad sa taong nagkasala sa'yo pero 'tangina hindi simpleng maiwaglit ang lahat ng kanyang naging pagkakasala kasama nang lahat ng kanyang naging pagkakamali.

Kailanman, hindi package deal ang pagpapatawad at paglimot.

Maari kong sabihing napatawad ko na si Jericho pero kailanman tila hindi ko malilimutan ang mga lahat ng mga kababuyan, kahayupan at panggagago niya sa akin. Magsisilbing leksyon ang mga 'yon para ako'y maging matalino sa buhay at pipilitin kong hindi na muling maloko ng kung sino mang nag-aalok ng isang huwad na pagmamahal.


Sa mga bagay na nangyayari sa akin ngayon gusto kong paniwalaan na may dahilan nga ang lahat nang nangyayari sa ating buhay at nasa atin na lang kung papaano natin ito lubos na tatanggapin at uunawain.


Hindi na natin maibabalik ang nakaraan at ang lahat ng mga nagawa nating pagkakamali ay hindi na natin maitatama pa -- kahit ano pang ating gawin.

Ang tangi na lang nating magagawa ay ihinto ang mga kamalian at kahibangang ito bago pa mahuli ang lahat. Hangga't may nalalabi pang oras, hangga't kaya pa nating ituwid ang ating darating na bukas.

- - - - -


Hindi ko na maalala ang eksaktong araw at oras kung kailan ko huling nakita at nakausap si Jericho. Ang gagong si Jericho na minsang naging bahagi ng buhay ko, minsang naging pagkakamali ng nakaraan ko. Ang totoo, wala na akong pakialam sa buhay niya, wala na akong interes na alamin kung anong nangyari sa kanya at kung saang impiyerno man siya napadpad ngayon.


Magmula nang ako'y abandunahin ng walang bayag na si Jericho unti-unti na ring nagbago at naglaho ang lahat ng pagmamahal at pagtingin ko sa kanya. Nawala na ang pakialam ko sa gagong Jerichong 'yon. Ang tanging alam ko lang -- ay mag-iisang taon na sa susunod na buwan ang anak kong si Jeric.

Kung may isang dahilan para ako magpursigi at magsumikap sa buhay -- si Jeric 'yon.

Si Jeric na naging bunga ng aking kapusukan at ng maling pagmamahal.

Si Jeric na magandang bunga ng isang pangit na alaala.



Hindi sa aking pinangangatwiranan o binibigyan ng dahilan pero minsan pala ang isang pagkakamali ay nagdudulot ng magandang resulta -- ng kabutihan. Blessing ng langit ang anghel na si Jeric para sa akin at palalakihin ko siyang may takot sa Diyos at may respeto sa kapwa 'di tulad ng kanyang amang si Jericho na kampon yata ng kadiliman sa kawalanghiyaan. Gagawin ko ang lahat upang magkaroon siya ng magandang kinabukasan sa kabila ng aking masamang nakaraan.


Hindi ko nais na makitang may sakit si Jeric -- kahit bahagyang lagnat lang. Dahil sa tuwing siya'y may karamdaman tila doble ang sakit na aking nararanasan. Kaya't hindi ako pumapalya na dalhin si baby sa Clinic at sa awa ng Diyos ay lumalaking malusog na bata si Jeric. Ang kanyang bawat ngiti ay ang aking pag-asa para sa bawat pahina ng buhay ko. At ang kanyang mga halakhak ang ginagawa kong inspirasyon upang ako'y magpatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo.

- - - - - -


Lunes ng umaga.

Nakabihis na ako patungong eskwela. Hindi ko inaasahan ang isang bisita.


Nasa aking harapan si Jericho. Nagsusumamo.


Hindi pa man niya binubuka ang kanyang bibig alam ko na ang kanyang nais ipahiwatig, alam ko na ang lahat ng gusto niyang sabihin. Malamlam at malalim ang kanyang dating mapupungay na mga mata.

Pispis na ang ang noo'y matikas na kanyang katawan. Magulo at marumi ang mahaba niyang buhok. Ang kanyang balbas at bigote'y nagpapadagdag sa pagiging mukha niyang marungis. At kung pagmamasdang maigi, halos wala siyang pinag-iba sa taong-grasang pakalat-kalat sa Maynila.


Ibang-iba na ang kanyang itsura, hindi na siya kaibig-ibig -- 'di tulad ng dati.

Nakakaawa na siya. Malayong-malayo sa Jerichong aking nakilala noon na matikas, matipuno, mabango at maangas.


Hindi ko alam ang dahilan pero hindi ko magawang saktan si Jericho.  Sa isip ko'y gusto ko siyang sampalin, suntukin, tadyakan, sikmuraan ngunit nagapi ako ng magkakahalong awa at galit, habag at pagkamuhi, simpatiya at pandidiri -- para sa kanya.

Nag-uumapaw na ang aking sama ng loob  at nanginginig na ng aking kalamnan ngunit hindi ko makuhang pagbuhatan ng kamay si Jericho.


Ah Jericho. Oo maganda ang kanyang pangalan ngunit hindi bagay sa kanyang ugali at sa kanyang mga kawalanghiyaan. Pero sa katulad kong binulag ng maling pagmamahal at ng panglabas ng kaanyuan mistula akong naging kanyang alipin sa mahaba-habang panahon. Hindi lang pala ganda ng pangalan o kisig ng itsura o tikas ng katawan -- ang makasasapat at makapagpupuno sa isang pagmamahal.


At sa isang iglap bumabalik sa aking alaala ang lahat ng kababuyang pinaggagawa niya sa akin!


"Putang ina mo! Buhay ka pala?!" sa dami ng gusto kong isumbat kay Jericho 'yun lang ang nasabi ko sa kanya.

Nangingilid ang luha ko at nakakuyom ang aking palad -- handang ilapat kanyang pisnging humpak at singnipis na ng papel sa labis na kapayatan.


Kahit ano pang kanyang ikatwiran hindi na ako mahuhulog sa bitag niya. Hindi ko na tatangkaing tikman at lasapin pa ang tamis ng kanyang pananalita dahil hindi na ako ang dating si Cathy na madaling mabola at madaling mauto. Hindi na ako ang dating Cathy na makati at malibog.


Kung hindi pa sapat ang matinding kalbaryong aking naranasan nang mga panahong muntik ng kumawala ang katinuan sa aking kamalayan, kung hindi pa ako natuto sa aking naging karanasang muntik ko nang ikasawi ng aking buhay -- gago na lang talaga ako.


"Patawarin mo ako Cathy, patawarin mo sana ako!" nakaluhod si Jericho. Sa itsura naming dalawa mistula akong santo na kanyang dinadasalan at siya nama’y isang mortal na puspos ng kasalanan. 


Hindi ako makapaniwala sa aking nakikita.

Parang isang panaginip ang aking nasasaksihan. Ang matikas at maangas na si Jericho ay nakikiusap at nagsusumamo sa isang tulad ko. Pero hindi ako dapat magpada sa kanyang script na pangteleserye dahil 'pag naging tagahanga ako ng kanyang kadramahan parang hinayaan ko na rin ang sarili kong mahulog sa isang bitag na kasama pa akong naghukay at magiging biktima ako sa isang krimen na ako mismo ang isa sa mga salarin.


Maraming kuwento si Jericho. Marami siyang paliwanag. Na hindi ko alam kung totoo o kathang-isip niya lang.

Matagal daw siyang nawala dahil nakulong siya sa isang bintang na pagtutulak ng bato. Naframe-up lang daw siya at kailanman daw ay hindi niya magagawa ang magtulak. Sa isip ko; May malaki bang pagkakaiba ang tumutulak sa bumabatak? Ang mga bumabatak ‘pag kailangang bumatak ay magtutulak at ang nagtutulak ay babatak upang malaman ang kalidad ng kanyang itutulak. Ewan ko pero sa pagkakaalam ko pareho lang silang talamak at salot ng lipunan.


"Magbabago na ako, pangako. Bibigyan ko kayo ng magandang kinabukasan ng ating anak... Anong pangalan niya?" patungkol sa sanggol na nakahiga sa crib. Nakatingin sa mahimbing na natutulog na si Jeric.


Gusto kong paniwalaan ang sinasabi ni Jericho. Nagtatalo ang aking isip at puso, tinitimbang ang bigat ng kanyang mga salita at pangako.


"Jeric." matipid kong sagot.


Hindi siya umimik.

Napaluha lang siya nang marinig ang pangalan ng aming supling. Tila napalitan ng habag ang pagkamuhi ko sa kanya. Ngunit kailangan kong magising mula sa kahibangan, kailangan kong matauhan mula sa panandaliang panaginip.

Ano bang kasiguruhan kong siya'y magbabago?

Ano bang magandang kinabukasan ang naghihintay sa kanyang piling?


Tinitigan ko si Jericho, tiningnan ko ang kaluluwa ng kanyang mata. Ramdam kong nais na nga niyang magbago at ang sinseridad ng kanyang bawat sinasabi ay tila alingawngaw na bumubulong sa aking puso. Ngunit sasapat ba ang lahat ng mga ito upang muli ko siyang papasukin sa aking buhay?

Maari siguro. Pero hindi ngayon.


"Umalis ka na. Hindi na kita kailangan sa buhay ko, hindi ka namin kailangan ni Jeric. Kung nabuhay ako noong wala ka, mabubuhay pa rin ako na hindi kakailanganin ang isang tulad mo."habang sinasabi ko 'yon kay Jericho ay para ko na ring sinusugatan ang aking sarili. Parang hinihiwa ko na rin ang magkabila kong pulso.


Sapat na ang mga salitang 'yon upang umalis si Jericho.

Alam ko mahal niya pa rin ako at nararamdaman kong may pagmamahal pa rin ako sa kanya ngunit hindi sasapat ang pagmamahal lang para magkaroon ng maligaya at magandang buhay. Nagsisimula sa pag-amin ng lahat ng kasalanan ang totoong pagbabago ngunit kaakibat nito ang pagsusumikap na talikuran ang mga kasalanang ito -- at hindi ito nangyayari sa isang iglap lang.



Oo, mami-miss ko si Jericho at ang kanyang pagmamahal pero may mga bagay na mas mahalaga at mas higit pa sa letseng pagmamahal.

Viewing all 240 articles
Browse latest View live